Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Langit

Langit

Ang langit ay isang paksang punô ng espekulasyon at laging pinagtatalunan. Pero ibang-iba ang itinuturo ng Bibliya sa sinasabi ng marami tungkol dito.

Ano ang langit?

ANG SINASABI NG ILAN

Iba-iba ang paniniwala tungkol sa langit at sa layunin nito. Halimbawa:

  • Maraming nag-aangking Kristiyano ang sang-ayon sa New Catholic Encyclopedia, na nagsasabing ang langit “ang pangwakas na tahanan ng mga pinagpala na namatay sa panig ng Panginoon.”

  • Sa Judaismo, mas mahalaga ang kasalukuyang buhay kaysa sa kabilang-buhay, ang sabi ni Rabbi Bentzion Kravitz. Pero ipinahihiwatig niya na “sa langit, ang kaluluwa ay nagtatamasa ng sukdulang kaluguran—isang mas malalim na pagkaunawa at pagkadama ng pagiging malapít sa Diyos.” Gayunman, inamin ni Kravitz na “kahit naniniwala sa langit ang Judaismo, ang Torah ay walang gaanong sinasabi tungkol dito.”

  • Ang mga Hindu at Budista ay naniniwalang maraming espirituwal na langit. Dito pansamantalang napupunta ang isang tao. Pagkatapos, malalaman kung siya ay ipanganganak muli sa lupa o mapupunta sa Nirvana o Buddhahood—isang kalagayan na mas mataas kaysa sa langit.

  • Ang ilan ay hindi naniniwala sa anumang relihiyosong ideya tungkol sa langit at nagsasabing wala itong katuturan.

Ang langit ay isang paksang punô ng espekulasyon

ANG ITINUTURO NG BIBLIYA

Sa Bibliya, ang salitang “langit” ay may iba’t ibang kahulugan. Halimbawa:

  • Sa Genesis 1:20, inilalarawan ang paglalang sa mga ibon na “lumilipad . . . sa itaas ng lupa sa ibabaw ng kalawakan ng langit.” Dito, ang salitang “langit” ay tumutukoy sa ating atmospera—ang nakikitang kalangitan.

  • Sa Isaias 13:10, may binabanggit na “mga bituin sa langit at ang kanilang mga konstelasyon”—na tinatawag nating kalawakan.

  • May sinasabi ang Bibliya tungkol sa “dakong tinatahanan [ng Diyos] sa langit” at binabanggit din nito na may mga “anghel sa langit.” (1 Hari 8:30; Mateo 18:10) Pansinin na ang salitang “langit” ay hindi makasagisag, kundi paglalarawan sa isang literal na tahanan. *

“Tumanaw ka mula sa langit at tumingin ka mula sa iyong marangal na tahanan ng kabanalan at kagandahan.”Isaias 63:15.

Lahat ba ng mabuting tao ay pupunta sa langit pagkamatay nila?

Hindi itinuturo ng Bibliya na ang lupa ay isang pansamantalang tahanan lang kung saan naghihintay tayo ng kamatayan tungo sa kabilang-buhay sa langit. Ipinaliliwanag sa Bibliya na hindi kailanman naging bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos ang kamatayan. Pag-isipan:

  • Sinabi ng Diyos sa unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 1:28) Kaya ang lupa ang permanenteng tahanan ng tao, kung saan maaari siyang mabuhay magpakailanman. Kung susuway ang unang mag-asawa sa Diyos, mamamatay sila. Nakalulungkot, pinili nilang sumuway.—Genesis 2:17; 3:6.

  • Ang pagsuway ng unang tao ay nagbunga ng kamatayan, hindi lang sa kaniyang sarili at sa asawa niya kundi pati na rin sa kanilang mga supling. (Roma 5:12) Pero wala na bang pag-asa ang mga tao?

  • Sinasabi ng Bibliya na “may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako.” * (2 Pedro 3:13) Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, ibabalik ng Diyos ang kalagayan ng ating lupa ayon sa orihinal na layunin niya para dito, “at hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:3, 4) Ang tinutukoy ba nito ay buhay sa langit o sa lupa? Para masabing “hindi na magkakaroon,” dapat ay nagkaroon na nito dati. Pero hindi kailanman nagkaroon ng kamatayan sa langit. Kaya maliwanag, ang tinutukoy ng tekstong iyan ay ang mangyayari sa lupa, kung saan dito tayo nilayong mabuhay at kung saan gusto nating makasama ang mga mahal natin sa buhay. Sinasabi rin sa Bibliya na ang mga patay ay bubuhaying muli at makakasama nila ang kanilang mga mahal sa buhay.—Juan 5:28, 29.

Marami ang natuwa nang malaman nila kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa langit. Halimbawa, sinabi ng isang dating Katoliko na si George: “Natuwa ako nang malaman ko ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa buhay na walang hanggan sa lupa. Mas makatuwiran ito kaysa sa pag-akyat sa langit.” *

“Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”Awit 115:16.

^ par. 13 Siyempre pa, ang Diyos ay espiritu, hindi pisikal. (Juan 4:24) Kaya naman, ang kaniyang tahanan ay dapat na isang espirituwal na dako at hindi pisikal.

^ par. 19 Ang terminong “bagong lupa” ay hindi isang literal na bagong planeta; sa halip, ito ay tumutukoy sa isang lipunan ng mga taong sinasang-ayunan ng Diyos na mabubuhay sa lupa.—Awit 66:4.

^ par. 20 Itinuturo ng Bibliya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, isang limitadong bilang lamang na 144,000 ang pinili para mamahalang kasama ni Jesus sa langit.—1 Pedro 1:3, 4; Apocalipsis 14:1.