INTERBYU | STEPHEN TAYLOR
Ang Paniniwala ng Isang Propesor ng Financial Accounting
Si Stephen Taylor ay isang propesor at nangangasiwa sa mga research sa University of Technology sa Sydney, Australia. Pinag-aralan niya ang financial market at kung paano ito epektibong makokontrol. Tinanong siya ng Gumising! kung paano nakaapekto ang kaniyang mga research sa relihiyosong paniniwala niya.
Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.
Ang mga magulang ko ay palasimba, tapat, at masikap. Hinimok nila akong kumuha ng mataas na edukasyon, kaya nag-aral ako ng commerce sa University of New South Wales. Nagustuhan ko ang pagre-research at nagpasiyang maging isang propesor.
Anong research ang ginawa mo?
Gusto kong matutuhan ang tungkol sa stock market, * kung saan ang mga tao ay bumibili at nagbebenta ng mga share sa mga kompanya para gamitin nito sa pagpapatakbo ng mga negosyo. Nire-research ko rin ang mga bagay na nakaaapekto sa halaga ng mga share ng kompanya.
Puwede ka bang magbigay ng halimbawa?
Inaasahang regular na irereport ng mga kompanya ang kanilang kinikita. Pinag-aaralan ng mga investor ang mga report na ito kapag gusto nilang malaman ang pinansiyal na kalagayan ng isang kompanya. Pero may ilang paraan ng pagrereport na wala pang sinusunod na standard. Baka para sa mga kritiko, isang pagkakataon ito para maitago ng mga kompanya ang talagang kalagayan nila. Paano makakakuha ng tama at kumpletong impormasyon ang mga investor? Anong impormasyon ang kailangan ng mga regulator para makatiyak sila na patas ang operasyon ng financial market? Inaalam pa rin namin ang sagot sa mga tanong na iyan.
Ano ang kinalakhan mong relihiyon?
Lagi akong sumasama sa mga magulang ko sa Presbyterian Church, pero tumigil na ako noong tin-edyer ako. Naniniwala ako sa Maylalang at iginagalang ko ang Bibliya pero parang wala namang naitutulong ang relihiyon pagdating sa mga problema sa buhay. Para sa ’kin, parang mga social club lang ang mga relihiyon. Sa Europe, pinuntahan ko ang ilang malalaking simbahan at nagtaka ako kung bakit napakarangya ng mga ito samantalang naghihirap ang mga tao. Napakalaki ng pagkakaibang ito, kaya talagang nagduda ako sa relihiyon.
Ano’ng nagpabago sa pananaw mo?
Nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang asawa kong si Jennifer at pumupunta siya sa kanilang mga pagtitipon, kaya naisip kong sumama sa kaniya. Natuklasan kong wala pala akong kaalam-alam tungkol sa Bibliya. Hindi ako makapaniwala! Kaya nakipag-aral na rin ako sa mga Saksi.
Hangang-hanga ako sa paraan ng pag-aaral ng mga Saksi. Nagbabangon sila ng tanong, naghahanap ng ebidensiya at sinusuri ito, at saka bumubuo ng lohikal na konklusyon—mga paraang ginamit ko sa pagre-research! Noong 1999, ilang taon pagkatapos mabautismuhan si Jennifer, nagpabautismo rin ako bilang Saksi ni Jehova.
Napatibay ba ng kaalaman mo sa ekonomiya ang iyong pagtitiwala sa Bibliya?
Oo. Halimbawa, ang kodigo ng Kautusan na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel ay nakalutas sa mga problema sa ekonomiya na pinoproblema pa rin ng mga ekonomista sa ngayon. Ayon sa Kautusan, ang mga Israelita ay dapat magbukod ng ani para sa mahihirap (isang anyo ng pagbubuwis at insurance), magpautang nang walang tubo sa nangangailangan (pagpapautang), at pagsasauli ng minanang lupa sa orihinal na may-ari nito tuwing ika-50 taon (proteksiyon sa karapatang magmay-ari). (Levitico 19:9, 10; 25:10, 35-37; Deuteronomio 24:19-21) Ang mga ito at ang iba pang probisyon sa kabuhayan ay nakatulong sa mga tao sa tatlong mahahalagang paraan: (1) Nakaahon sila sa pinansiyal na problema, (2) nakabangon sila sa kahirapan, at (3) nalunasan ang di-pagkakapantay-pantay sa ekonomiya. Umiral ang lahat ng iyan mahigit 3,000 taon bago pa lumitaw ang ekonomiya bilang isang siyensiya!
Idiniriin din ng Bibliya ang saloobin at katangiang nagtataguyod ng seguridad sa kabuhayan. Halimbawa, tinuturuan nito ang mga tao na maging tapat, mahabagin, mapagbigay, at mapagkakatiwalaan. (Deuteronomio 15:7-11; 25:15; Awit 15) Kapansin-pansin, nang magkaroon ng krisis sa pinansiyal kamakailan, hinimok ng ilang organisasyon at mga business school ang mga propesyonal sa larangan ng komersiyo at pananalapi na manumpang susundin nila ang mga pamantayan sa etika. Para sa ’kin, nakahihigit ang mga pamantayang moral ng Bibliya kaysa sa mga pamantayang iyan sa negosyo.
Paano nakaapekto sa iyo ang paniniwala mo?
Ang pag-aaral ng Bibliya ang pinakamagandang “investment” ko
Sabi ni Jennifer, naging mas makatuwiran daw ako ngayon. Noon kasi, may tendensiya akong maging perpeksiyonista at para sa ’kin, ang tama ay tama, ang mali ay mali. Kaya siguro naging mahusay ako sa accounting! Talagang nakatulong sa akin ang mga simulain sa Bibliya na maging balanse. Mas masaya kami ngayon ng pamilya ko. Masaya rin naming ibinabahagi sa iba ang praktikal na karunungan ng Bibliya. Ang pag-aaral ng Bibliya ang pinakamagandang “investment” ko.
^ par. 7 Tinatawag ding share o equity market.