Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 SULYAP SA NAKARAAN

Zheng He

Zheng He

“Natawid namin ang mahigit sandaang libong li * ng napakalawak na katubigan at nakita namin sa karagatan ang gabundok na mga alon na halos humalik sa langit, at natanaw namin ang mga banyagang rehiyon sa malayo . . . habang ang aming mga layag, na nakaladlad na parang mga ulap araw at gabi, ay patuloy na naglalakbay sa landas (na kasimbilis) ng bituin, anupat tinatawid ang malalakas na along iyon na para kaming naglalakad sa pampublikong lansangan.”—Inskripsiyon noong ikalimang siglo sa Changle, Fujian, Tsina, ng sinabi ni Zheng He.

ANG Tsina ay isang lupain ng malalaking bagay. Ito ang may pinakamalaking populasyon at isa sa pinakamalalaking bansa sa daigdig. Ang mga mamamayan nito ang nagtayo ng Great Wall, isa sa pinakamalalaking konstruksiyon sa kasaysayan. Ang plota ng malalaking barkong ginawa nina Yongle at Xuande, mga emperador ng dinastiyang Ming sa Tsina, ay mas malaki kaysa sa mga plotang nabuo noong sumunod na limang siglo. Ang admiral ng plotang iyon ay isang Muslim mula sa timog-kanlurang Tsina na nagngangalang Zheng He.

KAPANGYARIHAN, KALAKALAN, AT BUWIS

Ayon sa ibang bahagi ng inskripsiyong sinipi sa simula ng artikulong ito, ang misyon ni Zheng He ay “para ipakita ang kapangyarihan . . . (ng imperyo) na gumawa ng mga pagbabago at makitungo nang may kabaitan sa mga tao sa malalayong lugar.” Dahil sa mga paglalayag na iyon, sinabi ng inskripsiyon: “Ang mga bansa na halos di-matanaw at nasa dulo ng daigdig ay naging mga sakop [ng Tsina] . . . Ang mga dayuhan mula sa ibayong dagat . . . ay dumating para humarap [sa korte ng emperador] na may dalang mga mamahaling bagay at regalo.”

Ilang daungang narating ng plota ni Zheng He

Pinagdedebatehan noon ang pakay ng mga emperador ng dinastiyang Ming sa mga paglalayag na iyon. Para sa ilan,  si Zheng He ay isang embahador na nagtataguyod ng kultura at pakikipagkaibigan para sa isang makapangyarihan pero mapayapang bansa. Para naman sa iba, ang misyon niya ay may bahid ng pulitika at isang agresibong pananakop sa mga bansa. Oo, si Zheng He ay nagbigay ng napakagagandang regalo at pulitikal na suporta sa mga pinunong tumatanggap sa kaniya, pero nilupig niya at ibinilanggo ang mga ayaw magpasakop at magbigay ng buwis sa emperador ng dinastiyang Ming. Dahil sa mga kahanga-hangang paglalayag ni Zheng He, maraming pinuno mula sa palibot ng Karagatang Indian ang nagpadala ng mga embahador sa Tsina para magbigay-galang sa emperador.

Ang plota ni Zheng He ay may dala ring walang-katulad na mga barnisadong pandekorasyon, porselana, at mga sedang hinabi ng mga manggagawang Ming para ikalakal sa malalayong daungan. Pagbalik ng plota, may dala naman itong mahahalagang bato, ivory, spices, kahoy mula sa tropiko, at iba pang mamahaling bagay na gustung-gusto ng mga Tsino. Nagdala pa nga ito ng giraffe sa Tsina na diumano’y naging usap-usapan doon. Dahil sa pagpapalitang iyon ng mga paninda at mga ideya, nasulyapan ng ibang mga bansa ang kahanga-hangang sibilisasyon ng Tsina noong ika-15 siglo.

Nahinto ang mga kahanga-hangang paglalayag na iyon. Mga ilang dekada lang pagkatapos ng mga paglalayag ni Zheng He, itinigil ng Tsina ang pakikipagkalakalan at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Iniisip ng bagong emperador at ng kaniyang mga tagapayong Confucianista na hindi nila kailangan ang ibang bansa, kaya naman sinikap nilang ibukod ang Tsina para hindi ito maimpluwensiyahan. Ibinaon nila sa limot ang plotang iyon. Lumilitaw na sinira nila ang mga rekord ng mga paglalakbay nito at maging ang mismong mga barko. Nito lang nalaman ng mga tao, sa loob at labas ng Tsina, ang tungkol sa makasaysayang paglalayag ng napakalaking plota ni Zheng He.

^ par. 3 Ang li ay panukat ng mga Tsino, na ang haba ay nagpabagu-bago sa paglipas ng mga siglo. Sinasabi na noong panahon ni Zheng He, ang isang li ay mga sangkatlo ng isang milya, o kalahati ng isang kilometro.