Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INTERBYU | MASSIMO TISTARELLI

Ang Paniniwala ng Isang Disenyador ng Robot

Ang Paniniwala ng Isang Disenyador ng Robot

Si Propesor Massimo Tistarelli ay isang siyentipiko sa University of Sassari sa Italy. Siya ay isang associate editor ng tatlong internasyonal na magasin sa siyensiya at kasamang awtor ng mahigit isang daang inilathalang artikulo tungkol sa resulta ng kanilang pagsasaliksik. Pinag-aaralan niya ang kakayahan ng tao na makakilala ng mga mukha at makagawa ng mga simpleng bagay gaya ng pagsalo ng bola. Pagkatapos, nagdidisenyo siya ng mga robot na may visual system na gaya ng sa tao. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala at sa kaniyang pagsasaliksik bilang siyentipiko.

Ano ang kinalakhan mong relihiyon?

Katoliko ang mga magulang ko, pero hindi sila nagsisimba. Noong tin-edyer ako, naniwala ako na walang Diyos. Naituro sa akin na ang buhay ay resulta ng ebolusyon at naniwala akong totoo iyon. Pero kahit hindi ako naniniwala na may isang Maylalang, alam kong mayroong nakahihigit sa atin. Para malaman ko iyon, pinag-aralan ko ang Budismo, Hinduismo, at Taoismo, pero hindi pa rin nito nasagot ang mga tanong ko.

Bakit ka naging interesado sa siyensiya?

Bata pa lang ako, mahilig na ako sa mga makina. Binabaklas ko pa nga ang mga laruan ko na de-makina at binubuo uli. Panay rin ang tanong ko sa tatay ko, na isang telecommunications engineer, kung paano gumagana ang mga radyo at telepono.

Bilang isang siyentipiko, anong larangan sa siyensiya ang pinag-aaralan mo?

Nag-aral ako ng electronic engineering sa University of Genoa, at kumuha ako ng doctoral research tungkol sa pagdidisenyo ng robot. Ang espesyalisasyon ko ay ang pag-aralan ang visual system ng tao at alamin kung paano magagaya iyon sa pagdidisenyo ng robot.

Bakit nagkainteres kang pag-aralan ang tungkol sa visual system ng tao?

Napakasalimuot ng visual system ng tao. Hindi lang mata ang sangkot dito kundi pati ang pag-iinterpret sa mga nakikita natin. Halimbawa, pansinin ang nangyayari kapag sumasalo ka ng bola. Habang tumatakbo ka para saluhin ito, nakapokus ang lente ng iyong mata sa hitsura ng bola at itinatawid ito sa iyong retina. Depende sa galaw ng bola at ng iyong mata ang magiging galaw ng imahe ng bola sa iyong retina. Karaniwan na, nakatutok ang mata mo sa bola. Kaya naiiwan sa retina ang imaheng ito habang “gumagalaw” ang paligid.

Kasabay nito, kinakalkula ng iyong visual system ang bilis ng galaw ng bola at ang direksiyon nito. Sa retina mismo nagsisimula ang kalkulasyon habang tinatantiya ng mata mo ang paggalaw ng bola mula sa paligid. Ang mga signal mula sa retina ay ihahatid ng optic nerve sa iyong utak para iproseso pa ang impormasyon at iyon ang mag-uutos sa iyo na saluhin ang bola. Talagang kamangha-mangha ang masalimuot na prosesong ito.

Ano ang nakakumbinsi sa iyo na maniwala sa isang Maylalang?

Noong 1990, ilang buwan ako sa Dublin, Ireland, para magsaliksik sa Trinity College. Sa biyahe pauwi, napag-usapan namin ng asawa kong si Barbara ang kinabukasan ng aming mga anak. Ipinasiya rin naming dalawin ang ate ko na isang Saksi ni Jehova. Binigyan niya ako ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng mga Saksi. Humanga ako sa mahusay na pagkakasaliksik sa aklat na ito. Bigla kong naisip na basta ko na lang pala tinanggap ang turo ng ebolusyon nang hindi man lang ito sinusuri. Akala ko, pinatutunayan ng rekord ng mga fosil ang ebolusyon. Hindi pala. Sa katunayan, miyentras sinusuri ko ang ebolusyon, lalo lang akong nakukumbinsi na maganda lang pala ang paliwanag nito pero hindi naman totoo.

Naisip ko ang pagdidisenyo ko ng mga robot. Kanino bang disenyo ang ginagaya ko?

Pagkatapos, naisip ko ang pagdidisenyo ko ng mga robot. Kanino bang disenyo ang ginagaya ko? Hindi ako kailanman makapagdidisenyo ng robot na makasasalo ng bola na gaya ng nagagawa natin. Puwedeng iprograma ang robot para makasalo ito ng bola, pero ang magagawa lang nito ay kung ano ang eksaktong nakaprograma sa kaniya. Ang kakayahan nating matuto ay di-hamak na nakahihigit sa nagagawa ng isang robot​—pero kahit ang mga robot ay may disenyador! Isa lang ito sa maraming dahilan kung bakit ako nakumbinsi na mayroon ngang Disenyador ang tao.

Bakit ka naging isang Saksi ni Jehova?

Ang isang dahilan ay nagustuhan namin ni Barbara ang kanilang masusing paraan ng pag-aaral. Hangang-hanga ako sa pagsasaliksik nila para sa kanilang mga publikasyon. Madaling magkainteres sa detalyadong pagsasaliksik ang mga taong gaya ko na gustung-gustong inaalam ang detalye ng mga bagay-bagay. Halimbawa, gayon na lang ang interes ko sa maraming hula, o prediksiyon, ng Bibliya. Sa pag-aaral ko sa mga iyon, nakumbinsi akong ang Bibliya ay talagang mula sa Diyos. Noong 1992, kami ni Barbara ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova.

Humina ba ang paniniwala mo sa Diyos dahil sa pag-aaral mo ng siyensiya?

Hindi. Lalo pa nga nitong pinatibay ang paniniwala ko sa Diyos. Halimbawa, pansinin kung paano tayo nakakakilala ng mukha. Kahit ilang oras pa lang naisisilang ang isang sanggol, magagawa na niya ito. Madali nating mamukhaan ang isang kakilala kahit nasa gitna siya ng maraming tao. Puwede mo pa ngang masabi kung masaya o malungkot siya. Pero wala tayong kamalay-malay na ang kakayahang ito ay nagsasangkot ng napakabilis na pagpoproseso ng napakaraming impormasyon.

Talagang kumbinsido ako na ang visual system ng tao ay isang mahalagang kaloob mula sa Diyos na Jehova. Dahil sa mga kaloob niya, gaya ng Bibliya, gusto kong pasalamatan siya at sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya. Lubos akong naniniwala na dapat siyang papurihan dahil sa kaniyang mga gawa.