Natagpuan Ko ang Solusyon sa Kawalang-Katarungan
Natagpuan Ko ang Solusyon sa Kawalang-Katarungan
Ayon sa salaysay ni Ursula Menne
Bata pa lang ako, gustung-gusto ko nang makitang tinatrato nang makatuwiran at makatarungan ang lahat ng tao. Nabilanggo pa nga ako sa Komunistang East Germany dahil diyan. At hindi ko sukat-akalain na doon ko pa matatagpuan ang solusyon sa kawalang-katarungan. Ikukuwento ko sa inyo ang nangyari.
ISINILANG ako noong 1922 sa Halle, isang bayan sa Germany na mahigit 1,200 taon nang umiiral. Ito’y mga 200 kilometro sa timog-kanluran ng Berlin at isa sa mga unang balwarte ng Protestantismo. Isinilang ang kapatid kong si Käthe noong 1923. Sundalo si Itay. Mang-aawit naman sa teatro si Inay.
Namana ko kay Itay ang masidhing pagnanais na ituwid ang kawalang-katarungan. Nang tumigil siya sa pagsusundalo, bumili siya ng isang tindahan. Palibhasa’y mahihirap ang karamihan sa mga kostumer, naaawa si Itay kaya pinauutang niya sila. Pero nabangkarote siya dahil dito. Dapat sana’y natutuhan ko sa karanasang ito ni Itay na hindi ganoon kadaling lunasan ang kawalang-katarungan. Pero mahirap alisin ang pagiging idealistiko ng isang kabataan.
Namana ko naman kay Inay ang talento sa sining, at tinuruan niya kami ni Käthe ng musika, pag-awit, at pagsasayaw. Masiglang bata ako, at napakasaya ng buhay namin ni Käthe—hanggang sa dumating ang taóng 1939.
Nagsimula Na ang Bangungot
Nang matapos ako ng haiskul, pumasok ako sa ballet school, kung saan natuto rin ako ng Ausdruckstanz (expressive dance), na itinuturo ni Mary Wigman. Isa siya sa nagpasimula ng istilong ito, kung saan ipinakikita ng mananayaw ang kaniyang damdamin sa pamamagitan ng sayaw. Nag-aral din ako ng painting. Kaya masaya at makulay ang buhay ko noong tin-edyer ako at marami akong natututuhan. Pero noong 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Isa pang dagok ang dumating noong 1941 nang mamatay si Itay dahil sa tuberkulosis.
Isang bangungot ang digmaan. Bagaman 17 anyos pa lang ako nang magsimula ito, sa tingin ko’y nabaliw noon ang mundo. Libu-libong dating normal na mamamayan ang nadala ng Nazismo. Pagkatapos, naging mahirap ang buhay, marami ang namatay, at nawasak ang paligid. Tinamaan ng bomba ang bahay namin at nasira, at ang ilan sa mga kamag-anak namin ay napatay sa digmaan.
Nang matapos ang labanan noong 1945, nasa Halle pa rin kami nina Inay at Käthe. Noong panahong iyon, may asawa na ako at isang sanggol na babae. Pero hindi masaya ang pagsasama naming mag-asawa kaya naghiwalay kami. Dahil kailangan kong suportahan ang sarili ko at ang aking anak, nagtrabaho ako bilang mananayaw at pintor.
Ang Germany noon ay hinati sa apat na bahagi, at ang bayan namin ay nasa bahaging
sakop ng Unyong Sobyet. Kaya kailangan naming masanay sa pamamalakad ng rehimeng Komunista. Noong 1949, ang bahagi ng Germany kung saan kami nakatira, na karaniwang tinatawag na East Germany, ay naging German Democratic Republic (GDR).Buhay sa Ilalim ng Komunismo
Noong mga taóng iyon, nagkasakit si Inay, at kailangan ko siyang alagaan. Nagtrabaho ako sa isang opisina ng lokal na gobyerno. Samantala, nakilala ko ang ilang aktibistang estudyante na nagsisikap itawag-pansin ang ilan sa kawalang-katarungan noon. Halimbawa, isang kabataan ang hindi pinayagang makapag-aral sa unibersidad dahil ang tatay niya ay dating miyembro ng partidong Nazi. Kilalang-kilala ko ang estudyanteng iyon dahil dati kaming nagkakasama sa paglilibang. Naisip ko, ‘Bakit kailangang siya ang magdusa dahil sa ginawa ng tatay niya?’ Napadalas ang pagsama ko sa mga aktibista, at sumali ako sa mga kilos-protesta. Minsan pa nga, nagkabit ako ng mga leaflet sa hagdanan sa labas ng lokal na korte.
Hindi ko rin nagustuhan ang ilang liham na ipinagawa sa akin bilang isang sekretarya sa Regional Peace Committee. Sa isa pang pagkakataon, sa pulitikal na kadahilanan, binalak ng komite na padalhan ng mga babasahing may propaganda ng Komunismo ang isang matandang lalaking taga-West Germany para mapagsuspetsahan ito. Inis na inis ako sa pandarayang iyon kaya itinago ko sa opisina ang mga babasahin at hindi iyon naipadala.
Nagkaroon ng Pag-asa Dahil sa “Pinakamasamang Tao sa Kuwartong Ito”
Noong Hunyo 1951, dalawang lalaki ang pumunta sa opisina at nagsabi: “Arestado ka.” Ibinilanggo nila ako sa Roter Ochse, o Red Ox. Pagkalipas ng isang taon, kinasuhan ako ng paghihimagsik sa Estado. Isinumbong kasi ako ng isang estudyante sa secret police, o Stasi, sa ginawa kong pagkakabit ng mga leaflet bilang protesta. Madaya ang naging paglilitis dahil hindi man lang isinaalang-alang ang sinabi ko bilang depensa. Sinentensiyahan ako ng anim-na-taóng pagkabilanggo. Nang panahong iyon, nagkasakit ako at dinala sa dormitoryo ng ospital sa bilangguan kung saan may mga 40 pasyenteng babae. Nang makita ko kung gaano sila kamiserable, nag-panic ako. Napatakbo ako sa pinto at kinalabog ko iyon.
“Ano’ng gusto mo?” ang tanong ng guwardiya.
“Alisin n’yo ako rito,” ang sigaw ko. “Kahit ibartolina n’yo ’ko, basta alisin n’yo lang ako rito!” Siyempre pa, hindi nila ako pinagbigyan. Mayamaya, may napansin akong isang babae na ibang-iba sa lahat. Makikita sa mga mata niya na siya’y kalmado. Kaya umupo ako sa tabi niya.
“Kung tatabi ka sa ’kin, dapat mag-ingat ka,” ang sabi niya, na ikinagulat ko. Sinabi pa niya, “Ako raw ang pinakamasamang tao sa kuwartong ito dahil isa akong Saksi ni Jehova.”
Hindi ko pa alam noon na ang mga Saksi ni Jehova ay itinuturing na kaaway ng Komunistang Estado. Pero alam ko na dalawang Estudyante ng Bibliya (dating tawag sa mga Saksi ni Jehova) ang palaging bumibisita kay Itay noong bata pa ako. Sa katunayan, naalaala kong sinabi ni Itay, “Tama ang mga Estudyante ng Bibliya!”
Napaluha ako nang makilala ko ang mabait na babaing ito, si Berta Brüggemeier. “Pakisuyo, turuan mo ako tungkol kay Jehova,” ang sabi ko. Mula noon, madalas na kaming magkasama at nag-uusap tungkol sa Bibliya. Marami akong natutuhan sa kaniya. Nalaman ko na ang tunay na Diyos, si Jehova, ay isang Diyos ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan. Natutuhan ko rin na aalisin niya ang lahat ng pinsalang idinulot ng masama at mapaniil na mga tao. “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan,” ang sabi sa Awit 37:10, 11.
Nakalaya at Tumakas Patungo sa Kanluran
Pinalaya ako noong 1956, pagkatapos ng mahigit limang-taóng pagkabilanggo. Limang araw pagkaraang makalaya, tumakas ako mula sa GDR at nanirahan sa West Germany. Dalawa
na ang anak ko noon, sina Hannelore at Sabine, at isinama ko sila. Doon, nagdiborsiyo kami ng asawa ko at muli akong nakipag-ugnayan sa mga Saksi. Sa pag-aaral ko ng Bibliya, nakita ko na kailangan kong gumawa ng mga pagbabago para maiayon ko ang aking buhay sa mga pamantayan ni Jehova. Ginawa ko ang mga ito at nabautismuhan ako noong 1958.Nang maglaon muli akong nag-asawa, at sa pagkakataong ito, sa isang Saksi ni Jehova—si Klaus Menne. Masaya ang pagsasama namin ni Klaus at nagkaroon kami ng dalawang anak, sina Benjamin at Tabia. Nakalulungkot, namatay si Klaus sa isang aksidente mga 20 taon na ang nakalilipas, at hindi na ako nag-asawa. Pero malaking kaaliwan para sa akin ang pag-asa na bubuhaying muli ang mga patay sa Paraisong lupa. (Lucas 23:43; Gawa 24:15) Malaking kaaliwan din sa akin na naglilingkod kay Jehova ang apat kong anak.
Dahil sa pag-aaral ko ng Bibliya, nalaman kong si Jehova lang ang makapagbibigay ng tunay na katarungan. Di-tulad ng mga tao, isinasaalang-alang niya ang buong sitwasyon natin, pati na ang ating nakaraan—mga detalye na kadalasa’y hindi nakikita ng iba. Dahil sa napakahalagang kaalamang ito, ngayon pa lang ay nakadarama na ako ng kapayapaan kahit nakakakita ako o nakararanas ng kawalang-katarungan. Sinasabi sa Eclesiastes 5:8: “Kung makakita ka ng anumang paniniil sa dukha at ng marahas na pag-aalis ng kahatulan at ng katuwiran sa isang nasasakupang distrito, huwag mong ikamangha ang pangyayari, sapagkat ang isa na nakatataas kaysa sa mataas ay nagmamasid.” Siyempre pa, ang “isa na nakatataas” ay ang ating Maylalang. “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin,” ang sabi sa Hebreo 4:13.
Pagbabalik-Tanaw sa Halos 90 Taon na Nakalipas
May mga nagtatanong sa akin kung ano ang buhay sa ilalim ng pamamahala ng mga Nazi at ng mga Komunista. Parehong mahirap. At gaya ng iba pang uri ng pamamahala ng tao, ang dalawang ito ay nagpapatunay na hindi kayang pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili. Prangka at makatotohanan ang Bibliya sa pagsasabi: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
Noong bata pa ako at walang karanasan, umaasa ako na mailalaan ng tao ang makatarungang pamamahala. Pero nauunawaan ko na ngayon na tanging ang ating Maylalang ang makapagpapangyari ng isang tunay na makatarungang daigdig. Lilipulin niya ang masasama at ibibigay ang pamamahala sa lupa sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na ang laging inuuna ay ang kapakanan ng iba. May kinalaman kay Jesus, sinasabi ng Bibliya: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan.” (Hebreo 1:9) Laking pasasalamat ko na inilapit ako ng Diyos sa kamangha-mangha at makatarungang Haring ito, na sa ilalim ng pamamahala niya ay umaasa akong mabuhay magpakailanman!
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ang mga anak kong sina Hannelore at Sabine pagdating namin sa West Germany
[Larawan sa pahina 23]
Ngayon, kasama ang anak kong si Benjamin at ang asawa niyang si Sandra