Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tip #5—Pasiglahin ang Iyong Sarili at ang Iyong Pamilya

Tip #5—Pasiglahin ang Iyong Sarili at ang Iyong Pamilya

“Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman.” (Kawikaan 13:16) Ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa kalusugan ay magpapasigla sa iyo na gawin ang kailangang mga pagbabago para maging mas malusog ka at ang iyong pamilya.

Patuloy na mag-aral. Sa maraming bansa, may mga pribado at pampublikong institusyon na nagbibigay ng mga babasahin at nagtuturo tungkol sa iba’t ibang paksa sa kalusugan. Samantalahin ang mga ito at pag-aralan kung paano mo mapabubuti ang iyong kalusugan at maiiwasan ang pagkakasakit. Panatilihing bukás ang iyong isip at maging handa na gumawa ng simpleng mga pagbabago.

Ang mabubuting kaugalian na natutuhan at sinusunod mo ay pakikinabangan ng iyong mga anak at ng magiging mga anak nila. Kapag ang mga magulang ay nagpapakita ng magandang halimbawa sa pagkain, kalinisan, pagtulog, pag-eehersisyo, at pag-iwas sa sakit, malamang na gayahin ito ng kanilang mga anak.​—Kawikaan 22:6.

Magkaroon ng mas matinding dahilan para mabuhay. Hindi sapat ang pagpapahalaga sa sarili para maingatan ang kalusugan. Mahirap alisin ang di-magagandang nakagawian, at kailangan ng matinding determinasyon para makagawa ng kahit simpleng mga pagbabago. Nariyan man ang panganib na magkasakit nang malubha o mamatay, baka hindi pa rin gawin ng ilan ang alam nilang makabubuti sa kanila. Kung gayon, ano ang kailangan? Kailangan nating magkaroon ng mas matinding dahilan para mabuhay.

Kailangang manatiling malusog at malakas ang mga mag-asawa para patuloy na matulungan ang isa’t isa. Nais ng mga magulang na patuloy na maalalayan at masanay ang kanilang mga anak. Kailangang alagaan ng malalaki nang mga anak ang may-edad na mga kamag-anak. Nariyan din ang pagnanais na makatulong at huwag maging pabigat sa komunidad. Ang lahat ng ito’y udyok ng pag-ibig at pagmamalasakit sa iba.

Ang mas matindi pang dahilan ay ang pasasalamat at debosyon sa ating Maylikha. Pinahahalagahan ng mga naniniwala sa Diyos ang kaniyang kaloob na buhay. (Awit 36:9) Kung malusog tayo, mas makapaglilingkod tayo sa Diyos. Ito na nga ang pinakamatinding dahilan para ingatan ang ating kalusugan.

Makinabang sa malusog na paraan ng pamumuhay