Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tip #1—Kumain Nang Tama

Tip #1—Kumain Nang Tama

“Kumain. Huwag masyadong marami. Karamihan ay halaman.” Sa mga salitang iyan, binuod ng awtor na si Michael Pollan ang simple at subók na payo tungkol sa tamang pagkain. Ano ang ibig niyang sabihin?

Kumain ng sariwang pagkain. Kumain ng “totoong” pagkain​—sariwang pagkain na kinakain ng mga tao noon pa man​—sa halip na processed food. Karaniwan na, ang mga pagkaing instant at mula sa mga fast food ay maraming asukal, asin, at taba, na maaaring maging sanhi ng sakit sa puso, istrok, kanser, at iba pang sakit. Kapag nagluluto, subukang mag-steam, mag-bake, at mag-ihaw, sa halip na magprito. Gumamit ng herbs at spices para mabawasan ang konsumo ng asin. Tiyaking tama ang pagkakaluto ng mga karne, at huwag na huwag kakain ng sirang pagkain.

Huwag kumain nang masyadong marami. Iniulat ng World Health Organization ang nakatatakot na pagdami sa buong daigdig ng mga taong sobra sa timbang at napakataba, na kadalasa’y resulta ng pagkain nang labis. Ayon sa isang pag-aaral, sa ilang lugar sa Aprika, “mas maraming bata ang sobra sa timbang kaysa sa kulang sa nutrisyon.” Ang mga batang sobrang taba ay posibleng magkaroon ng mga problema sa kalusugan, kasama na ang diyabetis. Mga magulang, maging mabuting halimbawa sa inyong mga anak sa pagkontrol sa dami ng inyong kinakain.

Kumain ng maraming halaman. Kumain ng sari-saring prutas, gulay, at mga whole grain sa halip na karne at mga produktong gawa sa starch. Makabubuti ring kumain ng mas maraming isda kaysa sa karne. Bawasan ang konsumo ng mga refined food gaya ng pasta, puting tinapay, at puting kanin, na wala nang gaanong sustansiya. Iwasan ang mga usong diyeta na maaaring makasamâ sa kalusugan. Mga magulang, ingatan ang kalusugan ng inyong mga anak​—sanayin silang kumain ng masusustansiyang pagkain. Halimbawa, sa halip na chips o kendi, bigyan sila ng nuts at sariwang prutas at gulay na nahugasang mabuti.

Uminom ng maraming likido. Araw-araw, ang mga adulto at bata ay kailangang uminom ng maraming tubig at iba pang likido na walang halong asukal. Damihan ang pag-inom ng mga ito kapag mainit ang panahon at kapag nagtatrabaho nang mabigat o nag-eehersisyo. Nakatutulong ito sa panunaw, nag-aalis ng mga lason sa katawan, nagpapaganda ng kutis, at nakababawas sa timbang. Gaganda rin ang iyong hitsura at pakiramdam. Umiwas sa labis na pag-inom ng alak at matatamis na inumin. Ang isang soft drink bawat araw ay makadaragdag ng 6.8 kilo sa iyong timbang sa isang taon.

Sa ilang bansa, ang malinis na tubig ay mahal at mahirap makuha. Pero napakahalaga ng pag-inom nito. Ang maruming tubig ay dapat pakuluan o gamitan ng kemikal. Sinasabing mas marami ang namamatay sa maruming tubig kaysa sa mga digmaan o lindol. Iniulat na 4,000 bata ang namamatay dahil dito araw-araw. Iminumungkahi ng World Health Organization na pasusuhin ng mga ina ang kanilang sanggol sa unang anim na buwan. Pagkatapos, maaari na nila itong samahan ng iba pang pagkain hanggang sa maging dalawang taon ang kanilang anak.