Puwede Kang Maging Mas Malusog
Si Rustam
ABALANG tao si Rustam na taga-Russia. Dati, mayroon siyang mga bisyo pero naramdaman niyang sinisingil na siya ng mga ito. Kaya inihinto niya ang paninigarilyo at labis na pag-inom. Pero dahil buong-araw siyang nasa harap ng computer, wala siyang sigla.
Bagaman alas otso ng umaga nagtatrabaho si Rustam, mga alas diyes pa siya nabubuhayan ng dugo. Lagi rin siyang may sakit. Kaya binago niya ang kaniyang rutin. Ang resulta? “Sa nakalipas na pitong taon, hindi pa ako nagkasakit nang mahigit sa dalawang araw bawat taon,” ang sabi niya. “Ang ganda ng pakiramdam ko—gisíng at alerto—at masaya ako!”
Nakatira naman sa Nepal si Ram, ang kaniyang asawa, at ang dalawa nilang dalagita. Walang sanitasyon sa kanilang lugar, at naglipana roon ang mga lamok at langaw. Dati, madalas silang magkaroon ng impeksiyon sa mata at sakit sa palahingahan. Kaya gumawa rin sila ng mga pagbabago at naging mas malusog sila.
Pangalagaan ang Iyong Kalusugan!
Mayaman man o mahirap, hindi nakikita ng maraming tao ang kaugnayan ng kanilang mga ginagawa at ng kanilang kalusugan. Baka iniisip nila na ang pagiging malusog ay isang bagay na hindi nila kontrolado. Dahil dito, hindi na sila nagsisikap na maging mas malusog at produktibo.
Pero ang totoo, mayaman ka man o mahirap, mayroon kang magagawa para maging mas malusog ka at ang iyong pamilya. Sulit ba ito? Oo! Mapagaganda mo ang kalidad ng iyong buhay at mapahahaba ito.
Si Ram at ang kaniyang pamilya ay kumukuha ng malinis na tubig na maiinom
Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng kapaki-pakinabang na mga kaugalian. Bilang resulta, magiging mas malusog sila. Sulit din ang panahon at pagsisikap dahil mababawasan ang hirap na dulot ng pagkakasakit at mas kaunti ang panahon at salaping mauubos sa pagpapagamot. Ayon nga sa isang kasabihan, “Prevention is better than cure.”
Sa sumusunod na mga artikulo, tatalakayin natin ang limang tip na nakatulong kina Rustam, Ram, at sa maraming iba pa. Makatutulong din sa iyo ang mga ito!