Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagdisenyo ba Nito?

Ang Mata ng Gamu-gamo

Ang Mata ng Gamu-gamo

● Karamihan sa mga gamu-gamo ay kadalasan nang lumilipad kung gabi. Ang ilang nilalang na aktibo sa gabi ay agad nakikita dahil kumikislap ang mata nila kapag tinamaan ng liwanag. Hindi ganiyan ang gamu-gamo dahil kakaiba ang kornea ng mata nito.

Pag-isipan ito: Ang kornea ng mata ng gamu-gamo ay walang gaanong repleksiyon. Mayroon itong mga grupo ng pagkaliliit na umbok na ang pagkakaayos ay hexagonal. Ang mga umbok na ito ay “mas maliit sa wavelength ng nakikitang liwanag,” ang sabi ni Peng Jiang, assistant professor ng chemical engineering sa University of Florida, E.U.A. Dahil sa ayos at laki ng mga umbok, nata-trap ng mata ng gamu-gamo ang liwanag mula sa ilang anggulo at wavelength. Ang pagkaliliit na mga umbok na ito ay 200 hanggang 300 nanometer lang. Bilang paghahambing, ang katamtamang laki ng isang hibla ng buhok ng tao ay mga 80,000 nanometer!

Umaasa ang mga inhinyero na kung maiintindihan pa nilang mabuti ang disenyo ng kornea ng gamu-gamo, mapahuhusay pa nila ang disenyo ng mga light-emitting diode (LED) at liquid crystal display (LCD) na karaniwan nang ginagamit sa mga elektronikong kasangkapan. Maaari din itong gayahin sa sistema ng pagkuha ng enerhiya sa araw. Ang mga silicon solar panel ay maaaring magkalat ng liwanag nang hanggang 35 porsiyento​—malaking pag-aaksaya ng potensiyal na enerhiya. Pero sa pagkopya sa disenyo ng mga umbok sa mata ng gamu-gamo, si Jiang at ang mga kasamahan niya ay nakagawa ng isang silicon panel na nakapagkakalat ng 3 porsiyento lamang ng liwanag. “Marami tayong matututuhan mula sa mga likas na disenyong ito,” ang konklusyon ni Jiang.

Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang pagkakaayos ng mata ng gamu-gamo na walang gaanong repleksiyon kapag tinamaan ng liwanag? O may nagdisenyo nito?

[Larawan sa pahina 30]

Ang kornea ng mata ng gamu-gamo ay mayroong mga grupo ng pagkaliliit na umbok na ang pagkakaayos ay hexagonal

[Mga larawan sa pahina 30]

Ginagamit sa mga solar panel ang silicon wafer na hindi gaanong nagkakalat ng liwanag

[Picture Credit Lines sa pahina 30]

Moth eye close-up: Courtesy of Dartmouth Electron Microscope Facility; silicon close-up: Courtesy Peng Jiang