Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dating Opisyal ng SS, Ngayo’y Lingkod ng Tunay na Diyos

Dating Opisyal ng SS, Ngayo’y Lingkod ng Tunay na Diyos

Dating Opisyal ng SS, Ngayo’y Lingkod ng Tunay na Diyos

Ayon sa salaysay ni Gottlieb Bernhardt

Isa akong opisyal noon ng SS ng Alemanya, ang piling mga sundalo ni Hitler, na nakaistasyon sa Wewelsburg Castle. Noong Abril 1945, tumanggap ako ng utos na patayin ang mga bilanggo sa kalapit na kampong piitan. Mga Saksi ni Jehova sila. Bilang SS, kailangan kong sumunod nang walang pasubali. Dahil dito, nalagay ako sa alanganing sitwasyon. Bakit? Narito ang kuwento ko.

ISINILANG ako noong 1922 sa isang nayon malapit sa Ilog Rhine sa Alemanya. Bagaman Romano Katoliko ang karamihan ng tao roon, ang pamilya namin ay kabilang sa grupong Pietist, isang sekta ng Protestante na itinatag noong ika-17 siglo. Noong 1933, nang ako’y 11 anyos, umupo sa kapangyarihan si Hitler. Pagkalipas ng ilang taon, palibhasa’y matataas ang grado ko sa eskuwela at mahusay ako sa isports, ipinasok ako sa isang akademya malapit sa Marienburg, ngayo’y Malbork, sa Poland, mga daan-daang kilometro ang layo sa amin. Doon, nahubog ako sa ideolohiya ng National Socialist, o Nazi. Itinuro sa amin ang kahalagahan ng karangalan, kasipagan, katapatan, pagsunod, pagtupad sa tungkulin, at masidhing paggalang sa aming dugong Aleman.

Digmaang Pandaigdig II at ang SS

Nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1939, sumali ako sa Leibstandarte SS Adolf Hitler, isang piling yunit ng militar na nasa ilalim mismo ng pangunguna ni Hitler. Kami ang naging bodyguard ng mga opisyal ng gobyerno, at sumabak sa pantanging mga operasyon ng militar. Nasaksihan ko ang labanan sa Belgium, Pransiya, Netherlands, Romania, Bulgaria, at Gresya. Habang nasa Bulgaria, dumalo ako sa misa ng isang pari ng militar. ‘Ginagawa rin kaya ito ng mga kaaway namin?’ ang naisip ko. Tinanong ko rin ang sarili ko: ‘May basbas ba ng Diyos ang digmaan? May pinapanigan kaya siya?’

Nang maglaon, ipinasok ako sa Junkerschule, isang akademya na nagsasanay sa mga kabataang lalaki para sa matataas na posisyon sa militar. Pagkatapos, itinalaga ako sa yunit na nagbabantay sa punong-himpilan ng Reich sa Berlin. Doon, nakita kong sinigawan ni Hitler ang isang mataas na opisyal sa harap ng maraming tao. ‘Kahiya-hiya ang ginawa niya,’ sa loob-loob ko. Pero sa takot, sinarili ko na lang iyon!

Sa Berlin, nakilala ko si Inge, na nagtatrabaho rin sa punong-himpilan. Nang malapit na kaming ikasal, ang yunit ko ay biglang ipinadala para makipaglaban sa mga Ruso​—nang walang sapat na damit para sa taglamig! Gulát na gulát kaming lahat, yamang noong 1941/1942, ang temperatura ay mas malamig pa sa -30 digri Celsius. Doon, ginawaran ako ng ikalawa kong Iron Cross. Nang maglaon, nasugatan ako nang malubha kaya iniuwi ako sa Alemanya. Ikinasal kami ni Inge noong 1943.

Ang sumunod na atas ko ay sa punong-himpilan ni Hitler sa Obersalzberg sa kabundukan ng Bavaria. Naroon si Heinrich Himmler, ang puno ng SS. Ipinagamot niya ako sa kaniyang masahista at doktor, si Felix Kersten. Nang maglaon, napag-alaman kong may lupain pala si Kersten malapit sa Berlin. Tinatawag itong Hartzwalde. Nang papatapos na ang digmaan, hiniling niya kay Himmler na payagan ang mga Saksi ni Jehova sa kalapit na kampong piitan na magtrabaho sa kaniyang lupain. Pumayag naman si Himmler. Mabait si Kersten sa mga Saksi. Isang Saksi na nagtatrabaho kay Kersten sa Sweden ang laging nagsisingit ng kopya ng Ang Bantayan sa maleta ni Kersten para maipadala sa mga Saksi sa Alemanya. *

Pumasok sa Buhay Ko ang mga Saksi ni Jehova

Nang patapos na ang 1944, inatasan ako ni Himmler na maging assistant ng isang heneral ng SS na siyang kumandante ng Wewelsburg Castle, isang kastilyong 400 taon nang nakatayo, malapit sa lunsod ng Paderborn. Plano ni Himmler na gawing sentro ng ideolohiyang SS ang Wewelsburg. Kalapit ng kastilyo ang maliit na kampong piitan ng Niederhagen. Naroroon ang isang pantanging grupo ng mga bilanggo​—ang mga Saksi ni Jehova, na tinatawag noon na mga Estudyante ng Bibliya.

Isang bilanggong nagngangalang Ernst Specht, ang ilang beses na pumunta sa akin para gamutin ang mga sugat ko. “Magandang umaga po, Sir,” ang lagi niyang bati.

“Bakit hindi ka magsabi ng ‘Heil Hitler!’?” ang sabi ko.

Mataktika siyang sumagot, “Pinalaki po ba kayong Kristiyano?”

“Oo,” ang sabi ko. “Pietist ang pamilya ko.”

“Kung gayon po,” ang patuloy niya, “alam ninyong nangangako ang Bibliya na ang kaligtasan (heil) ay magmumula lang kay Jesu-Kristo. Kaya hindi ko po masabing ‘Heil Hitler!’”

Nagulat ako at humanga sa sagot niya, kaya nagtanong ako, “Bakit ka narito?”

“Isa po akong Estudyante ng Bibliya,” ang sabi niya.

Naantig ako sa pakikipag-usap kay Ernst at sa isa pang Saksi, si Erich Nikolaizig, isang tagaayos ng buhok. Pero bawal ang gayong mga pag-uusap, kaya inutusan ako ng aking superyor na huminto. Gayunpaman, alam ko na kung ang lahat ng mamamayan ng Alemanya​—naturingang Kristiyanong lupain na may milyun-milyong miyembro ng simbahan​—ay gagawi na gaya ng mga Saksi, wala nang digmaan. ‘Dapat silang purihin, hindi dustain,’ ang naisip ko.

Noong panahong iyon, isang balisang biyuda ang tumawag sa akin para humiling ng sasakyan, dahil kailangan nang tanggalin ang apendiks ng kaniyang anak na lalaki. Ipinag-utos ko agad na bigyan sila ng masasakyan, pero hinarang ito ng superyor ko. Ang asawa kasi ng biyuda ay pinatay dahil miyembro ito ng grupong nagtangkang pumatay kay Hitler noong Hulyo 1944. Namatay ang bata, at wala akong nagawa. Hanggang ngayo’y dala-dala ko sa aking konsiyensiya ang pangyayaring iyon.

Kahit wala pa akong 25 anyos noon, nakita ko ang realidad ng buhay​—hindi ayon sa propaganda ng Nazi. Nang panahon ding iyon, lalo akong humanga sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga turo. Dahil dito, napaharap ako sa pinakamabigat na desisyon sa aking buhay.

Pagsapit ng Abril 1945, papalapit na ang mga puwersa ng Alyado, at tumakas na ang superyor ko. Dumating ang isang yunit dala ang utos ni Himmler na wasakin ang kastilyo at patayin ang lahat ng bilanggo. Ibinigay sa akin ng kumandante ng kalapit na kampong piitan ang listahan ng mga bilanggong papatayin​—lahat ay Saksi. Bakit? Alam nila di-umano kung saan sa gusali nakatago ang mga likhang-sining na dinambong ng Third Reich. Hindi ito puwedeng matuklasan! Ano ang dapat kong gawin?

Nilapitan ko ang kumandante ng kampo at sinabi sa kaniya: “Parating na ang mga Amerikano. Hindi ba’t dapat na kayong tumakas?” Hindi na siya nagdalawang-isip​—agad siyang tumakas. Pagkatapos, ginawa ko ang hindi magagawa ng isang opisyal ng SS​—ang sumuway sa utos. Kaya nakaligtas ang mga Saksi.

Karangalan Kong Maging Kapatid Nila

Pagkatapos ng digmaan, nakipag-ugnayan kami ni Inge sa mga Saksi ni Jehova at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Tinulungan kami ni Auguste at ng iba pang Saksi. Hiráp na hiráp ako sa mga natamo kong pinsala at trauma dahil sa digmaan. Sa kabila nito, inialay naming mag-asawa ang aming buhay kay Jehova at nagpabautismo​—ako noong 1948, at si Inge naman noong 1949.

Noong dekada ng 1950, ilang Saksi na nabilanggo sa Wewelsburg ang bumalik doon para magkita-kitang muli. Kasama sa kanila sina Ernst Specht, Erich Nikolaizig, at isa pang tapat na bilanggo, si Max Hollweg. Karangalan kong tawaging kapatid nila. Isinapanganib ng matatapang na lingkod na ito ng Diyos ang kanilang buhay para makapagpatotoo sa akin. Naroon din si Martha Niemann, na naging kalihim sa Wewelsburg. Hangang-hanga rin siya sa paggawi ng mga Saksi, kaya naging lingkod din siya ni Jehova.

Habang binabalik-balikan ko ang nakaraan, marami akong nakikitang katibayan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan [ni Satanas na Diyablo]”​—isang bagay na hindi ko napag-unawa noong ako’y isang panatikong kabataan pa lang na walang karanasan. (1 Juan 5:19) Malinaw ko ring nakikita ang malaking pagkakaiba ng paglilingkod sa mapaniil na mga rehimeng gaya ng kay Hitler at ng paglilingkod kay Jehova. Sa ilalim ni Hitler, hinilingan kaming maging sunud-sunuran na lang, samantalang gusto ni Jehova na maglingkod tayo sa Kaniya udyok ng pag-ibig at ayon sa tumpak na kaalaman tungkol sa Kaniyang personalidad at mga layunin, gaya ng ipinapakita ng Bibliya. (Lucas 10:27; Juan 17:3) Oo, si Jehova lang ang paglilingkuran ko habambuhay.

[Talababa]

^ par. 9 Tingnan ang The Watchtower, isyu ng Hulyo 1, 1972, pahina 399.

[Larawan sa pahina 19]

Litrato ng aming kasal, Pebrero 1943

[Larawan sa pahina 19]

Ang Wewelsburg Castle na binalak gawing sentro ng ideolohiyang SS

[Larawan sa pahina 20]

Kasama ang asawa kong si Inge ngayon