Pinagaling ng “Isang Lumang-lumang Aklat”
Pinagaling ng “Isang Lumang-lumang Aklat”
◼ Sa kaniyang pagbabahay-bahay, isang Saksi ni Jehova sa Brazil, Timog Amerika, ang may nakausap na isang babae na nagsabing ang biyenan niya ay pinagaling ng isang aklat. Itinanong ng Saksi kung anong aklat iyon. “Isang lumang-lumang aklat,” ang sagot ng babae, saka inilabas ang gula-gulanit na libro ng kaniyang anak na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.
Ipinaliwanag ng babae na ang kaniyang biyenan ay dumaranas ng depresyon, takot na takot mamatay, at ninenerbiyos sa madidilim na lugar kaya hindi na ito umaalis sa higaan. Ang anak ng babae ay nakakuha ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya at binabasa niya ito sa kaniyang lola. Lumakas ang loob ng lola dahil sa binabasa sa kaniya ng kaniyang apo at nawala ang kaniyang pag-aalala.
Ikinuwento ng Saksi: “Nang sabihin ko sa babae na ang aklat ay inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at puwede akong kumuha ng bagong kopya para sa kaniya, hiniling nito na magdala ako ng dalawa para sa kanilang magbiyenan. Nang dalhin ko ang mga aklat, humiling pa ang babae ng karagdagang mga kopya. Sa kalaunan, 16 na kopya ang nakuha niya para sa kaniyang mga kaibigan!”
Maaari kang humiling ng isang kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na may 116 na kuwento tungkol sa mga tauhan at pangyayari sa Bibliya. Sa nakalipas na 30 taon mula nang ilathala ang aklat na ito, mahigit nang 72 milyong kopya ang naimprenta. Para makakuha ng isang kopya, punan lamang ang kalakip na kupon at ihulog ito sa koreo sa adres na nasa kupon o sa isang angkop na adres na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na ipinakikita rito.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.