Pagpapalaki sa mga Anak na Tin-edyer—Ang Papel ng Pagkaunawa
Pagpapalaki sa mga Anak na Tin-edyer—Ang Papel ng Pagkaunawa
Halimbawang pumunta ka sa ibang lupain at hindi mo alam ang wika nila. Tiyak na ang pakikipag-usap ay magiging mahirap—pero hindi naman imposible. Halimbawa, makatutulong ang isang diksyunaryo para matutuhan mo ang mga karaniwang ekspresyon ng wika. O puwede rin namang may magsalin para maintindihan mo ang iba—at maintindihan ka rin nila.
KUNG minsan, maaaring masabi ng mga magulang na may mga anak na tin-edyer na parang ganito rin ang kanilang kalagayan. Gaya ng isang wikang hindi mo maintindihan, ang paggawi ng mga tin-edyer ay maaaring mahirap maintindihan—pero hindi naman ito imposible. Bilang solusyon, pagsikapang unawain ng mga magulang ang nangyayari sa yugtong ito ng paglaki na kung minsan ay kapana-panabik, pero madalas na nakalilito.
Mga Dahilan ng Paggawi
Gustuhin man ng isang kabataan na mabigyan siya ng kalayaan, hindi ibig sabihin nito na rebelyoso na siya. Tandaan, mababasa sa Bibliya na darating ang panahon, “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis ) Para maihanda sa mas mabibigat na responsibilidad, kailangan ng mga kabataan, sa paanuman, na makaranas gumawa ng sarili nilang desisyon. 2:24
Tingnan natin kung bakit ganito ang paggawing naobserbahan ng mga magulang na binanggit sa naunang artikulo.
Malungkot na sinabi ni Lia, na taga-Britanya: ‘Bigla na lamang sumobra ang kumpiyansa ng aming anak sa kaniyang sarili at madalas niyang kuwestiyunin ang aming awtoridad.’
Gaya ng maliliit na bata, ang mga tin-edyer ay paulit-ulit na nagtatanong ng “Bakit?” Pero ngayon, maaaring hindi basta natatapos ang usapan sa isang maikli at simpleng sagot. Bakit kaya? Sumulat si apostol Pablo: ‘Noong ako ay sanggol pa, nangangatuwiran akong gaya ng sanggol.’ (1 Corinto 13:11) Habang sumusulong ang mga kabataan sa kanilang kakayahang mangatuwiran, kailangan nila ng higit pang paliwanag para masanay ang kanilang “mga kakayahan sa pang-unawa.”—Hebreo 5:14.
Ganito naman ang sabi ni John na taga-Ghana: “Masyadong nababahala ang aming mga anak na babae sa kanilang sarili, lalo na sa kanilang hitsura.”
Ito man ay dumating nang maaga, huli, o sa tamang panahon, ang mabilis na pagdadalaga’t pagbibinata ang dahilan kung bakit masyadong nababahala ang maraming kabataan sa kanilang hitsura. Kapag nakikita ng mga batang babae na nagkakahubog na ang kanilang katawan, baka makadama sila ng pananabik o takot—o pareho nila itong maramdaman. Kung idaragdag pa ang tungkol sa tagihawat—at makeup—mas madaling unawain kung bakit parang mas nagtatagal sila sa harap ng salamin kaysa sa harap ng kanilang aklat-aralin.
Ganito naman ang paliwanag ni Daniel na taga-Pilipinas: “Nagiging malihim ang aming mga anak at ayaw nilang palagi silang pinakikialaman. Madalas na mas gusto pa nilang kasama ang kanilang mga kaibigan kaysa sa amin.”
Mapanganib ang paglilihim. (Efeso 5:12) Pero iba naman kung gusto lamang ng isang tin-edyer na mapag-isa. Si Jesus man ay nakadama na gusto niyang pumunta sa “isang liblib na dako upang mapabukod.” (Mateo 14:13) Habang lumalaki ang mga kabataan, kailangan din nilang mapag-isa—at dapat naman itong igalang ng mga adulto. Ang pagbibigay sa mga kabataan ng pagkakataong mapag-isa ay tutulong sa kanila na makapag-isip-isip—isang mahalagang kakayahan na mapapakinabangan nila kapag adulto na sila.
Sa katulad na paraan, bahagi na ng paglaki ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Oo nga’t “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Pero sinasabi rin naman ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Kung matututuhan nila ang tamang pakikipagkaibigan, mapapakinabangan nila ang mahalagang kakayahang ito hanggang sa pagiging adulto.
Kapag napaharap sa alinman sa situwasyong nabanggit, ang mga magulang ay dapat magkaroon ng pagkaunawa upang hindi nila mabigyan ng maling kahulugan ang paggawi ng kanilang mga anak na tin-edyer. Mangyari pa, ang pagkaunawa ay dapat samahan ng karunungan, ang kakayahang humarap sa isang situwasyon sa paraang magdudulot ng pinakamabuting resulta. Paano ito magagawa ng mga magulang na may mga anak na tin-edyer?
[Blurb sa pahina 5]
Habang sumusulong ang mga kabataan sa kanilang kakayahang mangatuwiran, kailangan nila ng higit pang paliwanag hinggil sa mga tuntuning ipinatutupad sa loob ng tahanan