Pagpapalaki sa mga Anak na Tin-edyer—Ang Papel ng Karunungan
Pagpapalaki sa mga Anak na Tin-edyer—Ang Papel ng Karunungan
“Sinisikap naming patnubayan ang aming mga anak, pero parang palagi na lamang namin silang napapagalitan. Kung minsan tuloy, hindi na namin alam kung binubuo nga ba namin ang pagtitiwala nila sa kanilang sarili o sinisira ito. Napakahirap malaman kung sumosobra na ba kami o nagkukulang pa.”—George at Lauren, Australia.
HINDI madaling magpalaki ng anak na tin-edyer. Bukod sa mga bagong hamon mula sa kanilang anak, baka ikinababahala rin ng mga magulang ang katotohanang lumalaki na ang mga ito. “Isipin ko lamang na darating ang araw at hihiwalay na sa amin ang aming mga anak, nalulungkot na ako,” inamin ni Frank, isang amang taga-Australia. “Mahirap tanggaping hindi mo na kontrolado ang buhay nila.”
Sang-ayon dito si Lia, nabanggit kanina sa seryeng ito. “Nahihirapan akong tratuhin ang aking anak bilang isang binatilyo, dahil baby pa rin ang tingin ko sa kaniya,” ang sabi niya. “Parang kahapon lamang nang una siyang pumasok sa paaralan!”
Mahirap mang tanggapin, hindi na bata ang mga anak na tin-edyer. Sila’y ‘sinasanay na maging mga adulto,’ at ang mga magulang ang kanilang guro at tagasuporta. Pero gaya ng sinabi nina George at Lauren na binanggit sa itaas, puwedeng buuin o sirain ng mga magulang ang pagtitiwala ng isang bata sa kaniyang sarili. Paano magiging timbang ang mga magulang sa bagay na ito? May payo ang Bibliya na makatutulong. (Isaias 48:17, 18) Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Mahalaga ang Mabuting Pag-uusap
Ang mga Kristiyano ay pinapayuhan ng Bibliya na maging “matulin sa pakikinig” at “mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Bagaman magandang payo ito kapag ang isa ay nakikitungo sa mga bata anuman ang edad, ang pakikinig ay lalo nang mahalaga sa mga tin-edyer. At maaaring mangailangan ito ng malaking pagsisikap.
“Nang maging binatilyo na ang aking mga anak, kinailangan kong pasulungin ang aking kakayahang makipag-usap,” ang sabi ni Peter, isang amang taga-Britanya. “Noong maliliit pa ang aming mga anak, idinidikta namin sa kanila ang dapat nilang gawin, at nakikinig naman sila. Pero ngayong malalaki na sila, kailangan na naming makipagkatuwiranan sa kanila, pinag-uusapan namin ang mga detalye, at hinahayaan namin silang mag-isip para lutasin ang mga bagay-bagay. Sa madaling salita, dapat naming abutin ang kanilang puso.”—2 Timoteo 3:14.
Lalo nang nagiging mahalaga ang pakikinig kapag hindi nagkakasundo. (Kawikaan 17:27) Napatunayan ni Danielle, taga-Britanya, na totoo nga ito. Ikinuwento niya: “Nagkaroon kami ng di-pagkakaunawaan ng isa sa aking mga anak na babae dahil sa kaniyang pagsagut-sagot sa akin kapag may iniuutos ako sa kaniya. Pero lagi raw kasi akong nakasigaw at puro ako utos. Pinag-usapan naming mabuti ang problemang ito at pinakinggan namin ang isa’t isa. Ipinaliwanag niya sa akin kung paano ako makipag-usap sa kaniya at kung ano ang nararamdaman niya dahil dito, at ipinaliwanag ko rin naman ang aking nararamdaman.”
Napag-isip-isip ni Danielle na ang pagiging “matulin sa pakikinig” ay nakatulong sa kaniya na maunawaan ang mas malalim na dahilan ng problema. “Sinisikap ko na ngayong maging mapagpasensiya sa aking anak,” ang sabi niya, “at sinisikap kong mag-usap kami kapag hindi ako galit.” Dagdag pa niya, “Gumanda ang relasyon naming mag-ina.”
Ganito ang sabi ng Kawikaan 18:13: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.” Napatunayan ni Greg, isang amang taga-Australia, na totoo ito. “Kung minsan, nagkakaroon kami ng problema sa aming mga anak dahil nagsesermon agad kaming mag-asawa sa halip na pakinggan muna at unawain ang damdamin nila,” ang sabi niya. “Kahit talagang hindi namin nagugustuhan ang kanilang mga iginagawi, nakita naming napakahalagang hayaan muna naming masabi nila ang kanilang damdamin bago namin sila ituwid o payuhan kung kailangan.”
Gaano Dapat Kaluwag ang mga Magulang?
Marahil ang pinakamadalas pagmulan ng tensiyon sa pagitan ng mga magulang at ng mga tin-edyer ay may kinalaman sa pagbibigay ng kalayaan. Gaano ba dapat kaluwag ang mga magulang sa kanilang mga anak na tin-edyer? “Kung minsan, kapag pinagbibigyan ko ang aking dalagita, umaabuso naman ito,” ang sabi ng isang ama.
Mangyari pa, kapag walang limitasyon ang pagbibigay ng kalayaan sa mga kabataan, hindi maganda ang nagiging resulta. Oo, nagbabala ang Bibliya na “ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Ang mga kabataan, anuman ang edad, ay nangangailangan ng malilinaw na tagubilin, at dapat na maging maibigin at hindi pabagu-bago ang mga magulang sa pagpapatupad ng mga tuntunin sa loob ng tahanan. (Efeso 6:4) Kasabay nito, dapat bigyan ang mga kabataan ng bahagyang kalayaan bilang paghahanda sa paggawa ng mga tamang desisyon paglaki nila.
Halimbawa, pag-isipan mo kung paano ka natutong lumakad. Noong sanggol ka pa, kinakalong ka muna. Pagkalipas ng ilang panahon, nagsisimula ka nang gumapang at pagkatapos ay lumalakad ka na. Mangyari pa, mapanganib para sa isang maliit na bata na pabayaan siyang kumilos mag-isa. Kaya naman tutok na tutok sa iyo ang mga magulang mo at naglalagay pa nga sila ng mga halang para hindi ka makapunta sa mga delikadong lugar, gaya ng hagdanan. Pero hinahayaan ka pa rin nilang kumilos mag-isa para pagdating ng panahon—pagkatapos ng ilang di-maiiwasang pagkadapa—matututo ka na ring lumakad.
Ganito rin sa pagkakaroon ng kalayaan. Sa umpisa, parang kinakalong muna ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak. Ito ay sa paraang sila muna ang nagdedesisyon para sa kanila. Pagkalipas ng ilang panahon, kapag nakikita nilang kaya na ng kanilang mga anak, hinahayaan na sila ng kanilang mga magulang na gumapang, wika nga. Pinapayagan na silang gumawa ng ilang desisyon para sa kanilang sarili. Sa panahong ito, hindi nila inaalis ang mga harang na nagsisilbing proteksiyon ng mga kabataan. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, hinahayaan na ng mga magulang na “lumakad” sila nang walang umaakay. Kaya kapag adulto na sila, kayang-kaya na nilang ‘magdala ng kanilang sariling pasan.’—Matuto Mula sa Isang Halimbawa sa Bibliya
Bago pa man maging tin-edyer, binigyan na si Jesus ng kaniyang mga magulang ng bahagyang kalayaan, pero hindi niya inabuso ang pagtitiwalang ito. Sa halip, “patuloy siyang nagpasakop” sa kaniyang mga magulang habang siya’y ‘patuloy na sumusulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa lingap ng Diyos at ng mga tao.’—Lucas 2:51, 52.
Bilang magulang, matututo ka sa halimbawang ito na bigyan din ang iyong mga anak na tin-edyer ng higit na kalayaan kapag nakita mong kaya naman nila. Pansinin ang mga komento ng ilang magulang hinggil sa kanilang naging mga karanasan sa bagay na ito.
“Palagi kong pinakikialaman noon ang lahat ng ginagawa ng aking mga anak. Nang maglaon, tinuruan ko sila ng mga prinsipyo at hinayaan silang magdesisyon ayon sa mga natututuhan nila. Pagkaraan, napansin kong nagiging mas maingat na sila sa kanilang pagdedesisyon.”—Soo Hyun, Korea.
“Kaming mag-asawa ay palaging nag-aalala, pero hindi namin hinayaang maging dahilan ito para pigilan ang aming mga anak na gamitin sa responsableng paraan ang kalayaang ipinagkatiwala namin sa kanila.”—Daria, Brazil.
“Nakita kong mahalagang purihin ang aking binatilyo sa magandang paggamit niya ng kalayaang ipinagkatiwala ko sa kaniya. Ginagawa ko rin ang mga bagay na ipinagagawa ko sa kaniya. Halimbawa, sinasabi ko sa kaniya kung saan ako pupunta at kung ano ang gagawin ko. Kung hindi ako makararating sa tamang oras, ipinaaalam ko sa kaniya.”—Anna, Italya.
“Sa loob ng aming tahanan, nililiwanag namin sa aming mga binatilyo na ang kalayaan ay hindi isang bagay na karapatan nila kundi isang bagay na dapat nilang patunayan na puwede nang ipagkatiwala sa kanila.”—Peter, Britanya.
Pagdusahan ang Masasamang Resulta
Sinasabi ng Bibliya: “Mabuti sa isang matipunong lalaki ang magpasan ng pamatok sa panahon ng kaniyang kabataan.” (Panaghoy 3:27) Ang isa sa pinakamagagandang paraan para mapasan ng isang kabataan ang pamatok ng pananagutan ay ang maranasan niya mismo ang katotohanan ng pangungusap na ito: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
Malamang na may magandang dahilan naman ang ilang magulang kung bakit pinoprotektahan nila ang kanilang mga anak na tin-edyer mula sa masasamang ibubunga ng di-matalinong mga
paggawi. Halimbawa, ipagpalagay nang dahil sa pagiging gastador, nabaon tuloy sa utang ang isang anak. Anong aral ang maituturo ng kaniyang mga magulang kung basta na lamang nila babayaran ang kaniyang utang? Sa kabilang dako naman, anong aral ang matututuhan ng bata kung tutulungan siya ng kaniyang mga magulang na gumawa ng paraan para mabayaran niya mismo ang kaniyang utang?Hindi natutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak kung hindi nila hahayaang pagdusahan ng mga ito ang iresponsableng paggawi. Sa halip na ihanda sila sa pagiging adulto, itinuturo lamang nito na palaging may mag-aayos ng kanilang ginawang gusot, maglilinis ng kanilang kalat, at magtatakip sa kanilang mga pagkakamali. Mas makabubuti kung bibigyan mo ng pagkakataong anihin ng mga tin-edyer ang kanilang inihasik at matuto silang lutasin ang kanilang mga problema. Isang mahalagang paraan ito para ‘masanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’—Hebreo 5:14.
“Nagbabago at Sumusulong na Indibiduwal”
Talagang napakahirap ng kalagayan ng mga magulang na may mga anak na tin-edyer. Kung minsan, malamang na mapaluha ang mga magulang habang sinisikap nilang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Sa dakong huli, ang mahusay na pagpapalaki sa mga anak ay hindi nasusukat sa paraan ng pagkontrol, kundi sa paraan ng pagtuturo at pagkikintal ng mga tamang pamantayang moral. (Deuteronomio 6:6-9) Madali itong sabihin pero mahirap gawin. Ganito ang sinabi ni Greg na binanggit kanina: “Nakikitungo kami sa nagbabago at sumusulong na indibiduwal. Nangangahulugan ito na dapat naming patuloy na kilalanin at pakibagayan ang bagong indibiduwal na ito.”
Pagsikapang ikapit ang mga simulain ng Bibliya na tinalakay sa artikulong ito. Maging makatuwiran sa inaasahan mo sa iyong mga anak. Pero huwag na huwag mong isusuko ang iyong papel bilang pangunahing modelo sa kanilang buhay. Sinasabi ng Bibliya: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”—Kawikaan 22:6.
[Blurb sa pahina 7]
Ang pagkakaroon ng kalayaan ay gaya ng pag-aaral lumakad—paunti-unti lamang
[Blurb sa pahina 8]
Bago pa man maging tin-edyer, binigyan na si Jesus ng bahagyang kalayaan
[Kahon sa pahina 7]
“Manindigan sa Inyong Awtoridad”
Maaaring mainis ang iyong anak na tin-edyer sa iyong mga pagbabawal pero hindi ibig sabihin nito na hindi mo na siya pagbabawalan. Tandaan, ang mga kabataan ay walang karanasan sa buhay at kailangan pa nila ng patnubay.—Kawikaan 22:15.
Sa kaniyang aklat na New Parent Power!, sumulat si John Rosemond: “Madaling sumuko ang mga magulang sa pagrereklamo o pagmamaktol ng kanilang mga anak at binibigyan nila ng mga responsibilidad ang kanilang mga anak nang higit sa makakaya ng mga ito para lamang maiwasan ang mga komprontasyon. Pero kabaligtaran ang dapat gawin ng mga magulang. Ito ang panahon para manindigan sa inyong awtoridad sa halip na hayaan ang inyong mga anak na ipagwalang-bahala ito. Bagaman tiyak na hindi nila ito magugustuhan, dapat malaman ng mga anak na hindi sila ang dapat masunod kundi ang mga magulang.”
[Kahon sa pahina 9]
Pagbibigay ng Higit na Kalayaan
Karaniwan nang gusto ng mga tin-edyer ng higit na kalayaan kaysa sa nararapat sa kanila. Samantalang ang mga magulang naman ay may tendensiyang pagkaitan sila ng kalayaang nararapat sa kanila. Sa paanuman, may paraan para mabalanse ang problemang ito. Paano? Bilang pasimula, baka gusto mong pag-isipan ang mga nakatala sa ibaba. Saan sa mga ito nagpapakita ng pagiging responsable ang iyong anak?
□ Pagpili ng mga kaibigan
□ Pagpili ng damit
□ Pagbabadyet ng pera
□ Pagsunod sa itinakdang oras ng pag-uwi
□ Pagtapos sa mga gawaing-bahay
□ Pagtapos sa mga takdang-aralin
□ Paghingi ng paumanhin
□ Iba pa ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․
Kung ipinakikita na ng iyong anak na tin-edyer na maaasahan siya sa ilang nabanggit sa itaas, hindi kaya panahon na para bigyan mo siya ng higit pang pagtitiwala?
[Larawan sa pahina 7]
Hayaan mo munang masabi nila ang kanilang damdamin bago mo sila ituwid o payuhan kung kailangan
[Larawan sa pahina 8, 9]
Kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging responsable