Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Noong 2007, ang dagat ng yelo sa Artiko ay lumiit sa “pinakamababang antas nito mula nang magsimula ang pagsukat dito sa pamamagitan ng satelayt.” Ang yelo ay may sukat na 4,280,000 kilometro kuwadrado, mas mababa nang 23 porsiyento kaysa sa dating sukat nito na naitala noong 2005.—NATIONAL SNOW AND ICE DATA CENTER, E.U.A.
◼ Sa 90 baril sa bawat 100 mamamayan, ang Estados Unidos ang masasabing pinakaarmadong bansa sa buong daigdig. Ang bansang “pumapangalawa sa may pinakamalaking bilang ng sibilyang may baril” ay ang India, bagaman “4 lamang ang may baril sa bawat 100 sibilyan.”—TIME, E.U.A.
◼ Sa gulang na 21 linggo at 6 na araw, ang sanggol na tumitimbang lamang nang halos 283.5 gramo nang isilang sa Miami, Florida, E.U.A., ang “posibleng pinakakulang-sa-buwang sanggol na napaulat na nabuhay.” “Ang mga sanggol na isinisilang nang wala pang 23 linggo at tumitimbang lamang nang 14.11 onsa (400 gramo) ay sinasabing hindi mabubuhay.”—REUTERS NEWS SERVICE, E.U.A.
Maiinom na Tubig Mula sa Dagat
Sa pagsisikap na malutas ang kakulangan ng tubig sa mga isla sa Dagat Aegean, itinayo ng mga siyentipikong Griego ang “kauna-unahang sariling-sikap at nakalutang na makinaryang nag-aalis ng asin sa tubig-alat nang hindi nagdudulot ng masamang epekto sa kapaligiran,” ang pag-uulat ng Athens News Agency. Sa tulong ng mga turbinang pinaaandar ng hangin at ng mga panel na nag-iipon ng enerhiya mula sa araw, ang makinaryang ito ay nakagagawa ng sapat na tubig na puwedeng inumin ng mga 300 katao sa araw-araw. Ang makinaryang ito ay umaandar kahit masama ang panahon, puwedeng gamitan ng remote control, at naililipat kahit saan.
Lumitaw ang mga Sinaunang Buto
“Sa pinakadulong hilagang bahagi ng Siberia . . . , tinutunaw ng pabagu-bagong temperatura ang mga yelo kung kaya lumitaw ang mga buto ng mga sinaunang hayop gaya ng mga mammoth, mabalahibong mga rhino at leon,” ang sabi ng isang ulat ng Reuters mula sa Cherskiy, Sakha, sa Russia. Dahil handang magbayad ng malaking halaga ang mga kolektor at mga institusyon ng siyensiya kapalit ng magagandang ispesimen, patuloy sa matiyagang paghahanap ang mga nakikipagsapalarang makakita ng mga ito sa tulong ng mga katutubong tagaroon. Ang sabi ng ulat: “Napakabilis matunaw at magkabitak-bitak ng yelo anupat may mga lugar . . . na sa bawat ilang metro lamang ay makakakita na ng nakalitaw na mga buto.”
Kontrabandong Alak, Napakinabangan
Nitong nakalipas na ilang taon, itinatapon lamang ng mga Swekong opisyal ng adwana ang mga nakumpiska nilang alak mula sa mga ismagler. Sa ngayon, ang mga kontrabandong ito ay “nagagamit sa pampublikong transportasyon,” ang sabi ng isang ulat ng Associated Press mula sa Stockholm. Ang halos 700,000 litrong alak na nakumpiska noong 2006 ay ginawang biogas, isang alternatibong gasolina, at “ginamit na panggasolina sa mga bus, trak at tren.” Ang biogas na ito ay “magandang pagkakitaan,” ang paliwanag ng ulat, “dahil ang materyales na ginagamit dito ay libre.” Nakabubuti rin ito dahil tumutulong ito na mabawasan ang pagbubuga ng gas sa Sweden na maaaring makadagdag sa pag-init ng globo.
“Epidemya ng Pagkamahiyain”
“Dahil sa e-mail, pagtetext, at mga iPod, nagiging problema tuloy sa buong daigdig ang pagiging mahiyain ng mga tao,” ang ulat ng Sunday Telegraph sa Australia. Ayon sa sikologo at mananaliksik na si Robin Abrahams, napakalaki ng itinaas ng bilang ng mga taong mahiyain, anupat halos kalahati na ng populasyon ang apektado nito. “Dahil sa teknolohiya, nakaiiwas tayo sa mga alanganing situwasyon at nagkakaroon tayo ng pagkakataong makaiwas sa mga tao,” ang sabi ni Abrahams. “Ang mga tao . . . ay nag-e-e-mail o nagtetext sa isa’t isa sa halip na mag-usap.”