Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ano ang Mangyayari sa Kristiyanismo? (Pebrero 2007) Kasuwato naman ng Salita ng Diyos ang karamihan sa inyong sinasabi at sang-ayon ako sa inyo. Pero may dalawang bagay sa inyong magasin na hindi ko nagustuhan. Una, ibinababa ninyo ang ibang relihiyon, at ikalawa, parang iniaangat ninyo ang inyong sarili. Mas maganda nga sana kung tayong lahat ay magkakasundo at may iisang relihiyon lamang, pero hindi ganiyan ang kalagayan. Para sa akin, pare-pareho lang ang relihiyon.
S. S., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi laban sa mga taong may ibang relihiyon bilang mga indibiduwal, at ni hindi rin namin itinuturing ang aming sarili na mas magaling kaysa sa iba. Kinikilala namin na “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Dahil diyan, ginagamit namin ang aming lakas at mga tinatangkilik sa pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao para ibahagi ang mga katotohanan mula sa Bibliya, pati na ang napakagandang pag-asang mababasa sa Bibliya. Gayunman, kung paanong buong-tapang na inilantad ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang pagpapaimbabaw at pagkakamali ng relihiyon, gayundin kaming mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin? Bihira kong gamitin noon ang seksiyong ito sa aking dalawang anak. Pero ngayon, nakikita kong napakalaking tulong pala nito sa pagkikintal ng katotohanan sa puso ng aking mga anak. Bukod diyan, gustung-gusto ko itong gamitin bilang pampalakas ng aking pananampalataya.
I. H., Czech Republic
Tuwang-tuwa ako sa napakagandang seksiyong ito, na nagbibigay sa akin ng mga paksa para sa personal na pag-aaral. Ang lahat ng bagay ay pinag-isipang mabuti, kahit ang pinakamaliit na detalye! Nakatulong ito sa akin para maging mas malapít sa aking marunong na Ama, si Jehova.
A. S., Russia
“Diyos na Jehova, Sana Po, Makapaglingkod Ako sa Inyo” (Hulyo 2007) Tumibay po ang aking pananampalataya kay Jehova nang mabasa ko ang talambuhay ni Danielle Hall. Kahit bata pa siya, hindi po siya natakot na sabihin sa lahat ng kaniyang kaeskuwela na isa siyang Saksi ni Jehova. Sigurado po akong gagawin din ito ng maraming estudyanteng Saksi.
A. R., Madagascar
Ako po ay siyam na taóng gulang. Kababasa lang po namin ni Inay ng karanasan ni Danielle. Napag-isip-isip ko po na mabuti na lamang at mga Saksi ang aking mga magulang kaya hindi po mahirap sa akin na maglingkod kay Jehova. Gustung-gusto ko po ang punto na “saanman tayo nakatira, laging malapit sa atin si Jehova.” Nagustuhan ko rin po ang ginagawa ni Danielle na tuwing uuwi siya mula sa paaralan, nauupo siya sa kaniyang kama at nakikipag-usap kay Jehova tungkol sa mga nangyari sa kaniya sa maghapon, na para bang siya ang tatay niya. Gusto ko po siyang gayahin!
A. D., Italya
“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Lagi Akong Napag-iiwanan? (Hulyo 2007) Gustung-gusto ko po ang artikulong ito dahil parang talagang isinulat ito para sa akin. Nagustuhan ko rin po ang mga tanong at ang mga patlang na inilaan para pagsulatan ng sagot. Salamat po. Napakalaking tulong po nito sa akin.
C. A., Canada