Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Punong Nabubuhay sa Tubig

Mga Punong Nabubuhay sa Tubig

Mga Punong Nabubuhay sa Tubig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

Nagiging tirahan ang mga ito para sa maraming papaubos na uri ng mga mamalya, ibon, at reptilya. Naiingatan din nito ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagsalà ng mga dumi sa tubig. Sa timog ng Florida, E.U.A., nagmumula sa mga ito ang mga 75 porsiyento ng mga isdang nahuhuli para sa isport at 90 porsiyento ng mga isdang nahuhuli para ibenta. At nagiging proteksiyon ito ng mga baybayin mula sa mga bagyo at pagtaas at pagkati ng tubig. Ano ito? Mga bakawan!

ANG mga bakawan, na makikita sa mga gilid ng mahigit sa kalahati ng tropikal na mga baybayin sa mundo, ay isang klase ng puno, o palumpong, na may iba’t ibang uri. Kadalasan nang tumutubo ang mga ito malapit sa baybayin kung saan ang tubig ay magkahalong alat at tabang. Kahit na mas maalat ang tubig doon kaysa sa makakayanan ng karamihan sa mga halaman, madali pa ring tumubo roon ang mga punong bakawan. Paano? Gumagamit ang mga ito ng ilang kahanga-hangang pamamaraan​—kung minsan ay mga kombinasyon nito.

Napaliligiran ng Asin

Ang ilang punong bakawan ay may pansala na pumipigil sa pagpasok ng asin sa ugat. Napakahusay nito anupat makakakuha ang isang uháw na manlalakbay ng maiinom na tubig sa pamamagitan ng pagbiyak ng ugat ng gayong uri ng punong bakawan. Sa ibang uri, hinahayaan ng punong ito na pumasok ang asin sa sistema nito at iniipon ito, na pumupunta naman sa magugulang na dahon o iba pang bahagi ng halaman na malalaglag sa kalaunan.

Hinahayaan naman ng ibang uri ng punong bakawan na pumasok ang asin sa halaman pero mabilis din itong inilalabas, karaniwan nang sa pamamagitan ng pantanging glandula ng asin na nasa mga dahon nito. Kung didilaan mo ang dahon ng gayong puno, napakaalat nito. Pero mag-ingat sa pagpili ng punong bakawan! Ang dagta mula sa mga dahon ng nakabubulag-na-punong bakawan ay maaaring pansamantalang makabulag kapag napunta sa iyong mga mata. Gayunman, nakagagamot ang dagta nito at ginagamit para sa mga sugat at tibò.

Kung Paano Nabubuhay ang mga Ito

Para mabuhay at lumago, kailangan ng halos lahat ng halaman ng buhaghag na lupa. Gayunman, karaniwan nang babad sa tubig ang lupa kung saan nakatanim ang mga punong bakawan. Ang paraan ng pagtubo ng mga ugat nito, na tumutubo sa ibabaw ng lupa, ang tumutulong sa mga ito na mabuhay dahil tuwiran itong nakakakuha ng hangin. Iba-iba rin ang hugis ng mga ugat nito. Ang ilan ay tinatawag na hugis-tuhod, na tumutubo palabas sa lupa at pabalik din sa lupa, na nakabubuo ng mga umbok na parang nakabaluktot na tuhod.

Ang mga hugis-lapis na ugat naman ay lumalabas nang patayo mula sa lupa. May mga ugat na parang tukod na umuusli sa gawing ibaba ng puno, at nagsisilbing mga suporta sa kalaunan. May mga ugat din na tumutubo sa ibaba ng puno, na parang nakakurbang mga laso, at nakausli sa lupa ang itaas na bahagi nito. Dahil sa iba’t ibang pagtubong ito ng mga ugat, hindi lamang nakahihinga ang mga halaman kundi nagiging matibay rin ang mga ito kahit nasa malambot na lupa.

Kung Paano Dumarami ang mga Ito

Ang cannonball mangrove ay may malaking bilóg na bunga na punô ng mga butong kakaiba ang hugis. Pumuputok ang bungang ito kapag hinog na anupat naglalaglagan ang mga buto nito sa tubig. Ang ilan ay inaanod hanggang makarating sa isang lugar kung saan ito tutubo.

Ang mga buto ng ibang mga punong bakawan ay tumutubo na habang nasa puno pa. Ibang-iba ito sa lahat ng halaman. Nalalaglag mula sa puno ang mga punla at maaaring magpaanud-anod nang ilang buwan o hanggang isang taon pa nga sa paghahanap ng matitirhan.

Dahil sa paraan ng paglutang nito, mas nagiging madali para sa punla na mapadpad sa magkahalong tubig-alat at tubig-tabang na siya namang gustung-gusto nito. Lumulutang ito nang pahiga sa maalat na tubig pero kapag nasa magkahalong tubig-alat at tubig-tabang na, ito ay lumulutang nang patayo kaya mas madali na itong mapatusok sa putik.

Isang Kumpletong Tirahan

Ang mga bakawan ay may masalimuot na kawing ng pagkain. Ang mga tuyong dahon at nabubulok na mga halaman mula sa mga bakawan ay kinakain ng mga mikroorganismo, na siya namang kinakain ng iba pang mga hayop sa kawing ng pagkain. Maraming bagay na may buhay ang tumitira, kumakain, at nagpaparami sa mga bakawan.

Halimbawa, daan-daang uri ng mga ibon ang namumugad o kumakain sa mga bakawan, at ginagawa rin nila itong pahingahan sa kanilang pandarayuhan. Sa bansang Belize lamang, mahigit nang 500 iba’t ibang uri ng ibon ang namumugad sa mga bakawan. Maraming isda ang nagsisimulang mabuhay sa mga bakawan o kaya’y umaasa sa ekosistema ng mga bakawan para sa pagkain. Mahigit sa 120 uri ng isda ang nahuhuli sa mga bakawan sa Sundarbans, sa pagitan ng India at Bangladesh.

Napakarami ring halamang tumutubo sa mga bakawan. Sa silangang baybayin ng Australia, 105 uri ng iba’t ibang tulad-lumot na halaman ang natagpuang tumutubo sa mga punong bakawan. Marami ring pakô, orkidya, mistletoe, at iba pang mga halaman ang tumutubo rito. Kaya talagang napakaimportante ng mga bakawan sa napakaraming uri ng mga halaman at hayop​—at maging sa mga tao.

Napakaraming Pakinabang Para sa Tao

Bukod sa tumutulong na maingatan ang kapaligiran, ang mga bakawan ay pinagmumulan din ng maraming produkto tuwiran man o di-tuwiran, gaya ng panggatong, uling, tanin, pakain sa mga hayop, at gamot. Pinagmumulan din ito ng masasarap na pagkaing tulad ng isda, mga krustasyo, mulusko, at pulot-pukyutan. Sa katunayan, inakala noon ng mga magdaragat na sa mga puno tumutubo ang mga talaba dahil nakakakuha sila rito kapag nakalabas ang mga ugat nito kung mababa ang tubig.

Naglalaan din ang mga bakawan ng mga produkto para sa mga industriya ng papel, tela, balat, at konstruksiyon. Ang iba pang mga industriya na nakikinabang sa mga ito ay ang pangingisda at turismo.

Bagaman lumalaki ang pagpapahalaga sa kanila, lumiliit naman ang mga bakawan sa bilis na 100,000 ektarya sa isang taon. Kadalasan nang sinisira ang mga ito para sa iniisip nilang mas mapagkakakitaang mga proyekto, tulad ng pabahay at agrikultura. Itinuturing ng maraming tao na ang bakawan ay isa lamang maputik, mabaho, at malamok na lugar na dapat iwasan.

Pero ang totoo, napakahalaga ng mga bakawan at nakapagliligtas-buhay pa nga ang mga ito. Nakagagawa ng sagana at masalimuot na ekosistema ang mga kakaibang ugat nito. Napakahalaga ng mga ito sa pangingisda, industriya ng mga produktong-kahoy, at mga hayop. At pinoprotektahan nito ang mga lugar ng baybayin mula sa erosyon sa pamamagitan ng pagbasag sa alon na dulot ng malalakas na bagyo na maaaring pumatay ng libu-libong tao. Talagang dapat tayong magpasalamat sa mga bakawan!

[Kahon/​Larawan sa pahina 24]

Paghahanap ng Pulot-Pukyutang Ligáw sa mga Bakawan

Ang pinakamalaking bakawan sa buong daigdig ay nasa Sundarbans, bahagi ng malawak na Delta ng Ganges, na bumabagtas sa India at Bangladesh. Kabilang sa mga taong naninirahan doon ay ang mga Mowali, na umaasa sa mga bakawan para sa kanilang ikabubuhay. Ginagawa nila ang isa sa pinakamapanganib na trabaho sa bansa.

Naghahanap ng pulot-pukyutan ang mga Mowali. Tuwing Abril at Mayo ng taon, sinusuong nila ang pabagu-bagong anyo ng lupa sa mga bakawan para maghanap ng bahay ng mga higanteng pukyutan. Malalaki ang mga pukyutang ito, na humahaba nang isa at kalahating pulgada. At mababagsik ang mga ito dahil kilala silang nakapapatay ng mga elepante!

Kaya ang mga naghahanap ng pulot-pukyutan ay nagdadala ng mga sulo na gawa sa pananim sa mga bakawan, na nagtataboy sa mga pukyutan dahil sa usok nito. Nag-iiwan ng bahagi ng bahay-pukyutan ang matatalinong naghahanap ng pulot-pukyutan para muling buuin ito ng mga pukyutan, at sa gayon ay tuloy ang kanilang pagkuha taun-taon.

Hindi lamang mga pukyutan ang nagsisilbing panganib sa mga naghahanap ng pulot-pukyutan. Panganib din ang mga buwaya at makamandag na mga ahas na nakatira rin sa mga bakawan. Nariyan din ang mga magnanakaw na maaaring tumambang sa mga naghahanap ng pulot-pukyutan kapag pauwi na ang mga ito dala ang pulot-pukyutan at pagkit. Bagaman panganib ang lahat ng iyan, pinakamapanganib ang tigreng Royal Bengal. Taun-taon, nasa pagitan ng 15 hanggang 20 naghahanap ng pulot-pukyutan ang napapatay ng mga hayop na ito.

[Credit Line]

Zafer Kizilkaya/Images & Stories

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang mga punong bakawan at mga bagong sibol nito ay tumutubo sa isang kapaligiran na hindi kaya ng ibang mga halaman

[Credit Lines]

Top right: Zach Holmes Photography/Photographers Direct; lower right: Martin Spragg Photography (www.spraggshots.com)/Photographers Direct