Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ligtas ba ang Dugo na Nasuring Walang HIV?

Ligtas ba ang Dugo na Nasuring Walang HIV?

Ligtas ba ang Dugo na Nasuring Walang HIV?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NIGERIA

◼ BUMANGON ang tanong na ito sa Nigeria nang mapag-alamang nahawahan ng HIV ang isang sanggol na babae dahil sa pagsasalin ng dugo mula sa isang sikat na ospital doon.

Ayon sa direktor ng ospital, nasuring may jaundice si Eniola di-nagtagal matapos siyang ipanganak. Ipinasiya ng doktor na palitan ang dugo ni Eniola, kung kaya nagbigay ang tatay niya ng ilang yunit ng dugo. Pero nakitang hindi magkauri ang kanilang dugo, kaya galing sa nakaimbak na dugo sa ospital ang isinalin. Di-nagtagal, lumabas sa pagsusuri na positibo sa HIV ang sanggol bagaman negatibo sa HIV ang kaniyang mga magulang. Ayon sa ospital, “ang isinaling dugo sa sanggol ay sinuri at nakita namang negatibo sa HIV bago ito isalin sa sanggol.”

Kung gayon, paano nahawahan ng HIV ang sanggol? Inimbestigahan ng pamahalaan ng Nigeria ang kontrobersiyang ito at sinabing malamang na nahawahan ng HIV ang sanggol dahil sa isinaling dugo. Sinipi ng pahayagang Nigerian Tribune ang sinabi ng isang dalubhasa sa pag-aaral ng virus: “Sa panahon ng pagbibigay ng dugo, ang donor ay nasa tinatawag na window period ng pagkahawa sa HIV.”

Bagaman isang kaso lamang ito, ipinakikita nito na mayroon talagang panganib sa pagsasalin ng dugo. Para ipaliwanag kung ano ang window period ng HIV, ganito ang sinabi ng Centers for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos: “Lilipas pa ang ilang panahon bago makagawa ng sapat na antibody ang sistema ng imyunidad para malaman kung positibo ang isa sa HIV at ang haba ng panahong ito ay nagkakaiba-iba sa bawat indibiduwal. Ang panahong ito ay karaniwan nang tinatawag na ‘window period’. Sa karamihan ng mga tao, nakikita ang mga antibody sa pagitan ng 2 hanggang 8 linggo (25 araw sa katamtaman). Gayunman, may pagkakataong mas matagal makita ang mga antibody sa ilang indibiduwal. . . . Sa pinakapambihirang mga kaso, umaabot pa nga ito ng anim na buwan.”

Kaya kahit masuri pang walang HIV ang dugo, hindi ito garantiya na ligtas nga ito. Nagbababala ang San Francisco AIDS Foundation: “Kahit hindi nakikita sa pagsusuri ang HIV kapag nasa window period, makahahawa pa rin ito sa panahong iyon. Sa katunayan, kadalasan pa ngang mas nakahahawa sa panahong iyon ang mga indibiduwal (kara-karaka pagkatapos silang mahawahan ng HIV).”

Matagal nang sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos ng Bibliya na “patuloy na umiwas sa . . . dugo.” (Gawa 15:29) Ang proteksiyong ibinibigay nito sa kanila ay nagdiriin sa karunungan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Para matuto pa nang higit tungkol sa mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo, maaaring tingnan ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? a

[Talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.