Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Saan Ko Unang Narinig ang Pangalang Jehova

Kung Saan Ko Unang Narinig ang Pangalang Jehova

Kung Saan Ko Unang Narinig ang Pangalang Jehova

Ayon sa salaysay ni Pavol Kovár

Dahil sa sunud-sunod na pambobomba, nahirapan kaming makarating sa ginawa naming taguan. Habang tumitindi ang pambobomba at nayayanig ang aming pinagtataguan, isang kasamang bihag ang nanalangin nang malakas: “O Jehova, iligtas n’yo po kami! Alang-alang sa iyong banal na pangalan, iligtas po sana ninyo kami!”

NOON ay Enero 8, 1945, at isa akong bihag sa digmaan sa lunsod ng Linz sa Austria. Mga 250 kami sa aming pinagtataguan, at lahat naman kami ay nakaligtas sa pambobomba. Nang makalabas kami, nakita naming wasak ang buong paligid. Matindi ang naging epekto sa akin nang marinig ko ang taimtim na panalanging iyon, bagaman hindi ko nakilala kung sino ang bumigkas niyaon. Bago ko ikuwento kung paano ko nakilala si Jehova nang bandang huli, hayaan ninyong sabihin ko muna ang ilang bagay tungkol sa akin.

Ipinanganak ako noong Setyembre 28, 1921 sa isang bahay malapit sa nayon ng Krajné, sa kanlurang Slovakia, na bahagi pa noon ng Czechoslovakia. Debotong Protestante ang aking mga magulang. Binabasa ni Itay ang Bibliya tuwing Linggo ng umaga, at kami namang apat na magkakapatid pati na si Inay ay nakikinig sa kaniya. Gayunman, hindi ko natatandaang ginamit ni Itay ang pangalang Jehova. Simple lang ang buhay sa aming rehiyon pero kontento na kami anuman ang mayroon kami.

Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, takot na takot ang mga tao. Natatandaan pa kasi ng marami ang paghihirap nila dahil sa Digmaang Pandaigdig I, mga 20 taon na ang nakararaan. Noong 1942, tinawagan ako para maglingkod sa hukbo ng Slovakia. Bagaman opisyal na nakapanig ang Slovakia sa Alemanya, tinangka nilang isauli ang demokrasya noong Agosto 1944. Nang mabigo ito, isa ako sa libu-libong sundalo ng Slovakia na nabihag at inilipat sa mga teritoryong kontrolado ng mga Aleman. Napunta ako sa Gusen, isang maliit na kampong karatig ng kinatatakutang kampong piitan ng Mauthausen, na malapit sa Linz.

Bihag sa Digmaan

Pinagtrabaho kami sa pagawaan ng eroplano hindi kalayuan sa nayon ng Sankt Georgen an der Gusen. Nagtrabaho ako sa lagarian doon. Kaunti lamang ang aming pagkain, at lalo pa itong umunti noong Enero 1945, habang natatalo sa labanan ang hukbong Nazi. Ang tanging mainit na pagkaing natatanggap namin ay kaunting sopas. Dumarating tuwing umaga ang mga manggagawa mula sa kampo ng Mauthausen. Ang mahihinang bihag na hindi na kayang magtrabaho ay kadalasan nang binubugbog ng mga guwardiya hanggang sa mamatay. Pagkatapos, ang mga kasamahang bihag ang magkakarga ng mga bangkay sa sasakyan at magdadala sa krematoryo.

Sa kabila ng pagdurusa, umaasa kaming matatapos din ang digmaan. Noong Mayo 5, 1945, apat na buwan matapos ang pambobomba na binanggit ko sa simula, nagising ako sa isang matinding kaguluhan at tumakbo ako sa bakuran. Wala na ang mga guwardiya, nakahilera ang mga baril, at bukás ang mga pintuang-daan. Natatanaw namin ang kabilang kampo. Nagtatakbuhan ang mga nakalayang bihag na parang mga bubuyog na naglalabasan mula sa nasusunog na bahay-pukyutan. Nang makalaya sila, grabe ang ginawa nilang paghihiganti. Tandang-tanda ko pa ang nangyaring patayan.

Ang mga kapo, mga kapuwa bihag na nakipagtulungan sa mga guwardiya, ay pinagbubugbog ng mga bihag hanggang sa mamatay. Kadalasan nang mas malupit ang kapo kaysa sa mga guwardiyang Nazi. Nakita ko ang isang bihag na nambubugbog ng isang kapo hanggang sa mamatay at isinisigaw nito: “Pinatay niya ang tatay ko. Ligtas na sana kami, pero noong isang araw pinatay niya ang tatay ko!” Kinagabihan, nagkalat sa parang ang mga bangkay ng kapo at iba pang mga bihag​—daan-daan sila. Bago kami umalis, nilibot muna namin ang kampo para tingnan ang mga pambitay​—lalung-lalo na ang mga gas chamber​—at mga hurno.

Natuto Tungkol sa Tunay na Diyos

Nakauwi ako sa pagtatapos ng Mayo 1945. Noong panahong iyon, hindi lamang natutuhan ng aking mga magulang ang pangalan ng Diyos, ang pangalan na aking narinig sa aming pinagtataguan, kundi mga Saksi ni Jehova na sila. Di-nagtagal, nakilala ko si Oľga, isang babaing may takot sa Diyos, at nagpakasal kami pagkaraan ng isang taon. Ang kaniyang sigasig sa katotohanan sa Bibliya ang nagpakilos sa akin na patuloy na matuto tungkol kay Jehova. Sa isa sa aming huling mga asamblea bago ipagbawal ng bagong rehimeng Komunista ang aming gawaing pangangaral noong 1949, kami ni Oľga, kasama ang mga 50 iba pa, ay nagpabautismo sa Ilog Váh sa Piešťany. Nang maglaon, nagkaroon kami ng dalawang anak na babae, sina Oľga at Vlasta.

Si Ján Sebín, isang Saksi na tumulong para muling maorganisa ang gawaing pangangaral pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang siya naming madalas na bisita at kasama sa pangangaral. Sa kabila ng tumitinding pag-uusig ng mga Komunista, nagpatuloy pa rin kami sa pangangaral. Maingat kaming nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya, at di-nagtagal ay marami na kaming tinuturuan sa Bibliya. Nang umalis si Ján sa aming lugar, kaming mag-asawa ang nagpatuloy sa pagtuturo ng Bibliya. Nang maglaon, sa aming mga asamblea, kadalasan nang nakikita namin ang dati naming mga tinuruan kasama ang kanilang mga anak at apo. Kakaibang saya talaga iyon!

Pantanging Paglilingkod

Noong 1953, maraming Saksi na nangunguna sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral ang ikinulong. Kaya hinilingan akong tumulong sa pangangaral sa isang lugar na mga 150 kilometro mula sa aming bahay. Tuwing ikalawang linggo, pagkatapos ng aking sekular na trabaho sa hapon ng Sabado, sumasakay ako ng tren mula sa bayan ng Nové Mesto nad Váhom at naglalakbay patungong Martin, sa gitnang-hilaga ng Slovakia. Doon ay nagtuturo ako ng Bibliya sa mga tao hanggang sa kalaliman ng gabi at buong araw ng Linggo. Pagsapit nang Linggo ng gabi, sumasakay ako ng tren pabalik ng Nové Mesto. Kadalasan, maghahating-gabi na akong dumarating at palagi akong pinatutuloy ng matandang mag-asawa sa kanilang bahay hanggang sa kinaumagahan. Pagkatapos ay dumederetso ako sa sekular kong trabaho at sa aking pamilya, sa nayon ng Krajné, nang Lunes ng gabi. Sa mga dulong-sanlinggo na wala ako sa bahay, si Oľga ang nag-aalaga sa aming mga anak.

Noong 1956, naimbitahan akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, isang gawain ng pagdalaw sa mga kongregasyon sa aming lugar para tulungang pasulungin ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Yamang maraming naglalakbay na tagapangasiwa ang nakakulong na, nakita ko na kailangan kong tanggapin ang pananagutan. Tiwala kaming mag-asawa na tutulungan ni Jehova ang aming pamilya.

Ayon sa batas ng Komunista, lahat ng mamamayan ay dapat magtrabaho. Itinuturing ng pamahalaan na walang pakinabang ang mga walang trabaho at sila ay ikinukulong. Kaya nagpatuloy pa rin ako sa aking sekular na trabaho. Ang dalawang dulong-sanlinggo ng bawat buwan ay ginugugol ko sa bahay kasama ng aking pamilya, anupat magkakasama kami sa pagsamba at paggawa ng iba pang mga bagay; pero sa iba pang dalawang dulong-sanlinggo, dinadalaw ko naman ang isa sa anim na kalapít na mga kongregasyong nakaatas sa akin.

Paggawa ng Literatura sa Panahon ng Pagbabawal

Pananagutan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa na paglaanan ng literatura sa Bibliya ang bawat kongregasyong nakaatas sa kaniya. Noong una, ang mga magasin ay kinokopya lamang nang manu-mano o minamakinilya. Di-nagtagal, nakakuha na kami ng mga film negative ng The Watchtower at ipinadadala ang mga iyon sa mga kongregasyon. Kinokopya naman ang mga magasin sa mga photographic paper. Yamang nakakapagsuspetsa ang pagbili nang maramihan ng ganitong papel, kailangang maging maingat at malakas ang loob ng bibili nito.

Napakagaling ni Štefan Hučko sa gawaing ito, at talaga namang napakahusay ng mga paraan niya. Bilang halimbawa: Minsan, bumalik si Štefan sa isang tindahan sa lunsod na malayo sa kaniyang tinitirhan para bumili ng photographic paper pero wala naman pala siyang mabibili kaya nagpasiyang umuwi na lamang. Gayunman, nakita niya ang isang palakaibigang tindera na nangako sa kaniya noon na i-o-order siya ng papel. Lalapit na sana siya sa tindera, nang makita ni Štefan na pumasok sa tindahan ang isang pulis. Sa pagkakataon ding iyon, nakita rin ng tindera si Štefan at masayang napabulalas: “Sir! Tamang-tama, dumating na po ang order ninyong photographic paper.”

Mabilis na nakaisip ng sagot si Štefan: “Pasensiya ka na, baka kamukha ko lang ’yun. Isang negative film lang ang bibilhin ko.”

Pagbalik sa kaniyang sasakyan, hindi makaalis si Štefan nang hindi nabibili ang sinadya niyang papel. Kaya pagkatapos alisin ang kaniyang dyaket at sombrero at baguhin ang kaniyang hitsura, bumalik siya sa tindahan at dumeretso agad sa tindera. “Ako ’yung nandito noong nakaraang linggo,” ang paliwanag niya, “at nangako kang i-o-order mo ako ng papel. Dumating na ba?”

“Ay opo, dumating na,” ang sagot niya. “Alam n’yo, Sir, kanina lang may lalaki rito na kamukhang-kamukha n’yo. Nakapagtataka talaga​—parang kakambal n’yo!” Mabilis na kinuha ni Štefan ang maraming papel at umalis, na nagpapasalamat kay Jehova sa paglalaan nito.

Noong dekada ng 1980, sinimulan naming gumamit ng mga makinang pangmimyograp at maliliit na offset press para makagawa ng literatura sa Bibliya sa mga silong ng bahay o iba pang tagong mga lugar. Nang maglaon, ang bilang ng mga kopya ng bawat isyu ng aming mga magasin​—gayundin ang bilang ng mga libro at buklet​—ay umabot at sumobra pa nga sa bilang ng mga Saksi.

Mga Di-inaasahang Pagbisita

Isang araw noong dekada ng 1960, inutusan akong magreport sa departamento ng militar ng kompanyang pinagtrabahuhan ko. Tatlong lalaki na hindi nakauniporme ang nagtanong sa akin: “Gaano ka na katagal nakikipagkita sa mga Saksi ni Jehova? At kanino ka nakikipagkita?” Nang hindi ako magbigay ng mga detalye, sinabing ipatatawag na lang nila ako ulit. Iyon ang una kong pakikipagharap sa State Security, ang sekreta.

Di-nagtagal pagkatapos nito, pinuntahan ako sa trabaho at dinala ako sa istasyon ng pulis. Isang blangkong papel ang inilagay sa harapan ko, at sinabing isulat ko ang mga pangalan ng iba pang mga Saksi. Nang bumalik ang lalaki pagkalipas ng mga isang oras, wala pa ring sulat ang papel, at ipinaliwanag kong hindi ko puwedeng ibigay ang pangalan ninuman. Nang sumunod na linggo, ganoon na naman ang nangyari. Pero binugbog na ako, at nang pauwi na ako ay pinagsisipa ako hanggang sa pasilyo.

Isang taon din nila akong hindi pinuntahan pagkatapos noon. Pero nagpapunta ng isang lalaki ang pulis para bisitahin ako. Kapuwa ko siya bihag noon sa kampong piitan ng mga Nazi. Sinabi niya sa akin: “Kailangan naming baguhin ang pagtrato sa inyo. Kapag ikinulong namin ang isang Saksi, nagiging lima sila.” Gusto ng pamahalaan na makontrol sa paanuman ang aming gawain. Pero determinado akong huwag magbigay ng anumang impormasyon para hindi nila iyon magawa.

Sa loob ng maraming taon, isa ako sa mga pana-panahong humaharap sa sekreta. Kung minsan ay kinakaibigan nila kami pero sa ibang mga pagkakataon ay ipinapakulong nila ang isa sa amin. Laking pasasalamat ko na hindi ako kailanman nakulong, pero ang mga di-inaasahang pakikipagharap sa mga pulis ay tumagal hanggang 1989, ang taon nang bumagsak ang Komunismo sa Czechoslovakia.

Ilang linggo pagkatapos bumagsak ang Komunismo, isang miyembro ng State Security mula Bratislava na may mataas na ranggo ang dumalaw sa akin. Humingi siya ng paumanhin: “Kung sa akin lang, hindi naman talaga namin kayo gustong gambalain.” Pagkatapos ay naglabas siya ng dalawang bag ng de-latang prutas bilang regalo.

Si Jehova, Isang Matibay na Tore

Bagaman nasa ilalim ng pagbabawal ang unang 40 taon ko bilang Saksi ni Jehova, naging maligaya naman at kasiya-siya ang aking buhay. Ang mga dinanas namin noong mga panahong iyon ay lalo pang nagpalapít sa aming mga lingkod ni Jehova. Higit naming pinahalagahan ang nabuong mga pagkakaibigan at ang pagiging mapagkakatiwalaan ng isa’t isa.

Noong Marso 2003, labis kong ikinalungkot ang pagkamatay ng aking mahal na asawang si Oľga. Sa buong panahon ng aming pagsasama, siya ay naging tapat na kaibigan sa akin. Lagi kaming magkasama sa ministeryong Kristiyano. Sa ngayon, patuloy akong naglilingkod bilang isang Kristiyanong tagapangasiwa sa aming kongregasyon at naghahanap ng mga interesadong matuto tungkol sa Bibliya. Ang pangalang Jehova, na una kong narinig sa pinagtataguan namin noong Digmaang Pandaigdig II, ay naging isang matibay na tore para sa akin. a​—Kawikaan 18:10.

[Talababa]

a Namatay si Brother Pavol Kovár noong Hulyo 14, 2007, habang inihahanda ang artikulong ito. Siya ay 85 taóng gulang.

[Larawan sa pahina 12]

Noong kabilang pa ako sa hukbo ng Slovakia, 1942

[Larawan sa pahina 12]

Nang maglaon, ibinilanggo ako sa Gusen (makikita sa likuran)

[Credit Line]

© ČTK

[Larawan sa pahina 12]

Binabasa sa amin ni Itay ang Bibliya tuwing Linggo ng umaga

[Larawan sa pahina 13]

Sa araw ng aming kasal noong 1946

[Larawan sa pahina 15]

Kasama si Oľga bago siya mamatay