Ang Pangmalas ng Bibliya
Kailan Nagiging Makatuwiran ang Pagtatanggol sa Sarili?
BIGLA kang nagising dahil sa isang kalabog sa kalagitnaan ng gabi. Nakarinig ka ng mga yabag. May nakapasok sa inyong bahay. Kumakabog ang dibdib mo sa takot at hindi mo alam ang iyong gagawin.
Ito ay isang situwasyon na maaaring maranasan nating lahat. Nagaganap ang krimen—maging ang marahas na krimen—hindi lamang sa iilang bansa o malalaking lunsod. Dahil sa takot, maraming tao ang bumibili ng mga sandata o nag-aaral ng martial arts para protektahan ang kanilang sarili. Ang ilang pamahalaan ay may mga batas na nagbibigay ng karapatan sa mga sibilyan na gumamit ng dahas para ipagtanggol ang kanilang sarili. Pero ano ba ang sinasabi ng Bibliya? Makatuwiran nga ba para sa isang tao na gumamit ng dahas para ipagtanggol ang kaniyang sarili o ang kaniyang pamilya?
Kinapopootan ng Diyos ang Karahasan
Hinahatulan ng Bibliya ang karahasan at ang mga gumagawa nito. Ganito ang sinabi ng salmistang si David tungkol sa Diyos na Jehova: “Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Hinatulan ng Diyos ang ilang sinaunang bansa, pati na ang kaniyang sariling bayan, dahil sa kanilang karahasan at pagpatay. (Joel 3:19; Mikas 6:12; Nahum 3:1) Maging ang di-sinasadyang pagpatay dahil sa kapabayaan ay itinuturing na isang malubhang krimen sa ilalim ng Kautusang ibinigay sa mga Israelita.—Deuteronomio 22:8.
Hinihimok ng Bibliya ang mga indibiduwal na umiwas sa mga alitan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng kapayapaan araw-araw. Kadalasan nang nauuwi sa karahasan ang mainitang pagtatalo. Sinasabi ng Bibliya: “Kung saan walang kahoy ay namamatay Kawikaan 26:20) Sa pagiging kalmado, mapapawi ang galit at maiiwasan ang karahasan. Sumulat si apostol Pablo: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
ang apoy, at kung saan walang maninirang-puri ay natitigil ang pagtatalo.” (Kapag Nanganganib ang Iyong Buhay
Ang pagtataguyod ng kapayapaan ay hindi garantiya na hindi ka na makararanas ng marahas na pagsalakay. Sa buong kasaysayan, nagiging biktima ng mararahas na krimen ang mga tapat na mananamba ng Diyos. (Genesis 4:8; Job 1:14, 15, 17) Ano ang dapat gawin ng isang tao kapag sinalakay siya ng armadong magnanakaw? “Huwag mong labanan siya na balakyot,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:39) Sinabi pa niya: “Sa kaniya na kumukuha ng iyong panlabas na kasuutan ay huwag mong ipagkait maging ang pang-ilalim na kasuutan.” (Lucas 6:29) Hindi sinasang-ayunan ni Jesus ang paggamit ng mga sandata para ipagtanggol ang materyal na mga pag-aari. Kapag sinalakay ng armadong magnanakaw, ibibigay na lamang ng taong marunong ang kaniyang mga pag-aari. Walang alinlangang higit na mas mahalaga ang buhay kaysa sa mga pag-aari!
Sa kabilang banda, paano kung nanganganib na ang buhay ng isang indibiduwal? Makatutulong ang isang batas na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel para linawin ang puntong ito. Kapag ang isang magnanakaw ay nahuli sa araw at napatay, ang nakapatay ay mapaparatangan ng pagpatay. Maliwanag, ito’y dahil sa hindi hinahatulan ng parusang kamatayan ang pagnanakaw at puwedeng makilala kung sino ang magnanakaw upang maparusahan siya ayon sa batas. Gayunman, kung ang isang manloloob ay mapatay sa gabi, ang may-bahay ay mapapawalang-sala dahil mahirap para sa kaniya na makita kung ano ang ginagawa ng manloloob at matiyak ang intensiyon nito. Puwedeng ikatuwiran ng may-bahay na dahil nanganganib ang kaniyang pamilya, ipinagtanggol niya sila.—Exodo 22:2, 3.
Kung gayon, ipinahihiwatig ng Bibliya na maaaring ipagtanggol ng isang tao ang kaniyang sarili o ang kaniyang pamilya kung nanganganib ang kanilang buhay. Maaari siyang umilag, maaari niyang pigilan ang sumasalakay, o saktan pa man din ito para hindi na makapanlaban. Dapat na ang layunin mo sa paggawa nito ay upang pigilin ang isang tao sa pagiging agresibo o pigilan ito sa kaniyang pagsalakay. Sa ganitong kalagayan, kung masaktan nang malubha o mamatay pa nga ang sumasalakay, ang kaniyang kamatayan ay maituturing na aksidente at di-sinasadya.
Ang Pinakamainam na Proteksiyon
Malinaw na may mga situwasyon kung saan makatuwiran lamang na ipagtanggol ang sarili. May karapatan ang mga tao na protektahan ang kanilang sarili at ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa pagsalakay at pagpatay. Kung hindi na posibleng makaiwas, wala namang utos sa Bibliya na nagbabawal na ipagtanggol ang ating sarili kung makatuwiran naman. Gayunman, isang katalinuhan na gawin ang lahat ng ating makakaya para makaiwas sa mga situwasyong magdudulot ng karahasan.—Kawikaan 16:32.
Hinihimok tayo ng Bibliya na “hanapin . . . ang kapayapaan at itaguyod iyon” sa lahat ng pitak ng ating buhay. (1 Pedro 3:11) Ito ay isang praktikal na paraan na talagang makatutulong sa mapayapang pamumuhay.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Bakit tayo kailangang umiwas sa karahasan?—Awit 11:5.
◼ Ano ang matalino mong magagawa pagdating sa pagtatanggol ng materyal na mga pag-aari?—Kawikaan 16:32; Lucas 12:15.
◼ Anong saloobin hinggil sa alitan ang tutulong para makaiwas sa panganib?—Roma 12:18.
[Blurb sa pahina 11]
Ipinahihiwatig ng Bibliya na maaaring ipagtanggol ng isang tao ang kaniyang sarili o ang kaniyang pamilya kung nanganganib ang kanilang buhay