Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Lamang Basta Laruan

Hindi Lamang Basta Laruan

Hindi Lamang Basta Laruan

ANG mga Ehipsiyo ay gumagawa ng mga ito mula sa mga piraso ng tabla, ang mga Hapon naman ay mula sa tiniklop na papel, ang mga Aleman ay sa mga porselana, at ang mga Eskimo ay mula sa balat ng poka. Kinokolekta ito ng mga adulto. Gustung-gusto ito ng mga bata. Ano ang mga ito? Mga manika.

Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Noong unang panahon, karamihan sa mga manika ay ginagamit sa mahika o pagsamba, at hindi bilang mga laruan.” Ang maliliit na piraso ng kahoy na korteng sagwan ay pinipintahan ng mga sinaunang Ehipsiyo ng damit at nilalagyan ng buhok na mga abaloryong gawa sa putik. Inilalagay nila ang “mga manikang sagwan” na ito sa mga libingan ng kanilang mga patay sa paniniwalang pagsisilbihan ng mga manikang ito ang kanilang mga patay sa kabilang buhay. Para naman sa mga mapaghiganting tao sa West Indies, tinutusok nila ng karayom ang mga manika ng mga voodoo para saktan ang kanilang mga kaaway.

Sa maraming kultura, ang mga manika ay iniuugnay sa mga seremonya para magkaanak. Halimbawa, sa sinaunang Gresya, kapag malapit nang mag-asawa ang mga babae, iniiwan nila ang kanilang mga manika sa altar ni Artemis, ang diyosa ng pag-aanak. Sa ngayon, ang mga babaing kabilang sa tribo ng Ashanti sa Ghana, sa Aprika, ay naglalagay ng manika sa kanilang pamigkis sa pag-asang magiging magaganda ang kanilang mga anak. May mga batang babae naman sa Sirya na nagsasabit ng mga manika sa kanilang mga bintana para ipakitang puwede na silang mag-asawa.

Taun-taon tuwing Marso 3, ginagamit ang mga manika sa isang pagdiriwang sa Hapon na tinatawag na Hina Matsuri, o Kapistahan ng mga Manika. Kilala rin ito bilang kapistahan para sa mga batang babae, “mula sa iba’t ibang kostumbre,” ang sabi ng Japan​—An Illustrated Encyclopedia. “Ang isa ay ang ritwal ng mga Tsino sa paglilinis na ginaganap sa tabing-ilog tuwing ikatlong buwan ng lunar. Noong panahon ng Heian (794-1185), ipinatatawag ng mga tagapaglingkod ng maharlikang korte ang mga manghuhula sa ikatlong araw ng ikatlong buwan para linisin sila mula sa mga karumihan, anupat inililipat ito sa mga imaheng papel . . . , at itinatapon sa ilog o karagatan.”

Mga Manika Bilang Laruan

Noong panahon ng Edo sa Hapon (1603-1867), ang mga manikang sinadya para sa mga bata ay kinopya sa hitsura ng tunay na mga tao na may iba’t ibang kostiyum. Ang ibang klase naman ng mga manika ay pinakikilos ng mga kable, ispring, kalô, at mga enggranaheng kahoy. May manika pa nga na nakapagsisilbi ng isang tasang tsa sa bisita at babalik ito, dala ang tasang wala nang laman!

Sa mga lupain sa Kanluran bago ang ika-18 siglo, “ang mga bata noon ay di-gaya ng mga bata ngayon,” ang sabi ng isang ensayklopidiya. “Ang mga kabataan noon ay itinuturing na maliliit na adulto at inaasahang kikilos na parang mga adulto.” Ang mga manika noon ay ginagawa para sa matatanda at hindi lamang para sa mga bata. Pero noong ika-19 na siglo, nakita ang kahalagahan ng paglalaro bilang bahagi ng paglaki ng isang bata. Dahil dito, umunlad ang negosyo ng paggawa ng manika sa Europa.

Ang Austria ang nangunguna sa paggawa ng manika nang panahong iyon. Noon pa mang 1824, ang mga tagagawa ng manika sa Alemanya ay nakaimbento na ng isang aparato upang makapagsalita ng “mama” at “papa” ang kanilang mga manika. Pagkaraan, noong siglo ring iyon, nakagawa naman sila ng mga manikang naglalakad. Nakagawa pa nga ang isang Amerikanong imbentor na si Thomas Edison ng isang napakaliit na rekorder para kunwari’y nakapagsasalita ang ilang manika. Samantala, ang mga Pranses naman ay nakagawa ng manikang tinatawag na Bébé Gourmand na kunwari’y kumakain. Kilala rin ang mga Pranses sa kanilang sosyal na mga manika na ipinagbibili suot ang eleganteng kostiyum. Ang mga may ganitong manika ay puwede ring makabili ng mga aksesoryang gaya ng suklay, balabal na yari sa balahibo ng hayop, pamaypay, at mga laruang kasangkapan.

Lumakas nang husto ang paggawa ng mga manika noong ika-20 siglo. Noong dekada ng 1940, sila ay gumamit ng plastik para makagawa ng mga manikang mumurahin pero detalyado ang pagkakagawa. Pinakamabili ang plastik na manikang Barbie mula nang ilabas ito noong 1959. Mahigit isang bilyon na nito ang naipagbili, at noong taóng 1997 lamang, kumita ang manggagawa nito ng $1.8 bilyon (U.S.).

Mga Manikang Nagsisilbing Guro

Gumamit ng mga manikang kachina, na inukit mula sa ugat ng kaktus o pino, ang mga Indiang Pueblo ng timog-kanlurang Estados Unidos para ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga diyos ng kanilang tribo. Kapag may pantanging seremonya, nagbibihis at kumikilos na parang isa sa mga diyos ang isang miyembro ng tribo. Pagkatapos, binibigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng isang manikang ginaya sa diyos na ito para maging pamilyar sila rito.

Ang paglalaro ng manika ay “isang paraan upang mailabas ng isang bata ang kaniyang hinanakit, galit, at iba pang emosyon,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Nakatutulong ito sa mga bata para mapraktis nila ang mga papel na gusto nilang gawin paglaki nila.” Sa Kapistahan ng Araw ng mga Bata na ginaganap sa Hapon tuwing Mayo, may nakadispley na isang manikang lalaki na nakasuot ng kumpletong damit-pandigma ng isang tradisyonal na mandirigma. Ginagamit ang manikang ito bilang modelo para himukin ang mga batang lalaki na pangaraping maging​—ayon sa kanilang kultura​—malakas at iginagalang na mga miyembro ng lipunan.

Dahil sa sobrang napapamahal sa mga bata ang kanilang manika, nababahala ang matatalinong magulang sa maaaring maging impluwensiya ng mga manika sa paglaki ng kanilang anak. Halimbawa, may mga nagsasabi na baka makasamâ sa mga batang babae ang pisikal na hitsura ng ilang manika at ang walang-katapusang pagbabagu-bago ng mga damit nito. Isang kritiko ang nagsabi na ang gayong mga manika ay puwedeng magturo sa “mga batang babae na mas mahalaga ang hitsura at pananamit kaysa sa kanilang pagkatao.”

Gawa man sa tela, papel, kahoy, plastik, o iba pang materyales ang mga manika, isang bagay ang malinaw sa sinumang nakakita na ng mga batang naglalaro ng manika​—ito’y hindi lamang basta laruan. Ito’y kaibigan, kalaro, at katapatang-loob pa nga na kasa-kasama nila sa kanilang pagkabata.

[Kahon sa pahina 27]

Nagkainteres Ulit sa mga Lumang Manika

Popular na popular ang pangongolekta ng manika. Noong dekada ng 1970, lalo itong naging popular, kung kaya kumalat ito sa buong daigdig. May mga nangongolekta ng mga mumurahing manikang plastik na ilang dolyar lamang ang halaga at may nangongolekta naman ng mga mamahaling manika gaya ng mga gawa ng Kämmer & Reinhardt. Ang isa sa mga manikang ito na gawa sa Alemanya noong pasimula ng mga taóng 1900 ay ipinagbili sa isang subasta sa halagang $277,500 (U.S.)! Ang isa sa pinakamalaking koleksiyon​—na nasa Strong National Museum of Play sa lunsod ng Rochester, New York, E.U.A.​—ay naglalaman ng mga 12,000 manika.

[Kahon/​Larawan sa pahina 28]

Mga Manika​—Babala Para sa mga Magulang

Paano mapoprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pinsalang maaaring idulot ng ilang manika? Ganito ang malungkot na sinabi ng The Washington Post: “Gaya ng industriya ng tabako noon, karaniwan nang hindi inaamin ng mga industriya ng libangan at laruan na may pananagutan sila at wala silang planong baguhin ang mga bagay-bagay.” Kung gayon, maliwanag na ang mga magulang ang dapat bumalikat ng pananagutan.

Inuutusan ng Bibliya ang mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng magagandang tagubilin sa araw-araw. (Deuteronomio 6:6-9; Kawikaan 22:6) Paano kaya ito maibibigay para malutas ang posibleng masamang epekto ng ilang manika? Isang ina ang nagsabi na binasa niya sa kaniyang anak na babae ang tungkol sa mahinhing pananamit na binabanggit sa 1 Timoteo 2:9, at tinulungan niya ang kaniyang anak na pag-isipan ito. Ganito ang naging takbo ng kanilang pag-uusap:

Nanay: Ano ang tingin mo sa mga manikang ito, bata o dalaga?

Anak: Dalaga po.

Nanay: Bakit mo nasabi iyan?

Anak: Kasi po, parang sa dalaga ang katawan nila, at pandalaga rin po ang kanilang damit at sapatos.

Nanay: Tama ka. At sa nabasa natin kanina sa Bibliya, ganito ba ang dapat isuot ng mga Kristiyano?

Anak: Hindi po.

Nanay: Bakit hindi?

Anak: Kasi po, napakaiikli naman ng palda, . . . ang sasagwa ng blusa, . . . at hapit na hapit sa kanilang katawan.

Mangyari pa, kailangan ng pagsisikap para maituro sa iyong mga anak ang makadiyos na mga simulain para ganito ang kanilang maging sagot. Pero sulit na sulit ito! Maraming magulang ang nakinabang sa tulong na inilalaan ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova para tulungan ang mga magulang na maikintal sa kanilang mga anak ang makadiyos na mga simulain.

Hinihimok ka naming magkaroon ng isang kopya ng 256-na-pahinang aklat na ito na may mga larawan sa pamamagitan ng pagsulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1060 Manila. Sabihin mong interesado kang tumanggap ng isang kopya ng Matuto Mula sa Dakilang Guro.

[Larawan sa pahina 26]

Manikang Hapon na nagsisilbi ng tsa

[Larawan sa pahina 26]

Manikang Bru ng Pransiya

[Picture Credit Lines sa pahina 26]

Top: © SHOBEI Tamaya IX; middle: Courtesy, Strong National Museum of Play, Rochester, New York; bottom: © Christie’s Images Ltd