May Nagdisenyo ba Nito?
Bentilasyon sa Punso ng Anay
◼ Ang mga punso ng anay ay tinatawag na kamangha-manghang gawa ng inhinyeriya, at totoo naman ito. Ang mga kahanga-hangang punsong ito, na gawa sa lupa at laway, ay umaabot nang anim na metro ang taas. Dahil sa init ng araw, nagiging sintigas ng kongkreto ang pader nito na 45 sentimetro ang kapal. May ilang punso na literal na naitatayo sa magdamag lamang.
Malapit sa gitna ng punso ang kinaroroonan ng reyna, na maaaring mangitlog ng libu-libo bawat araw. Ang mga itlog ay dinadala ng mga “manggagawang anay” na bulag at walang pakpak sa ginawa nilang espesyal na maliliit na kuwarto. Doon nila inaalagaan ang mga ito hanggang sa mapisa. Gayunman, ang pinakakamangha-mangha marahil sa punso ng anay ay ang sistema ng bentilasyon nito.
Pag-isipan ito: Dahil sa mga butas at lagusan, nananatiling tamang-tama ang temperatura sa loob ng punso—sa kabila ng pabagu-bagong temperatura sa labas. Halimbawa, nagbabago ang temperatura sa Zimbabwe, sa Aprika, mula 2 digri Celsius kung gabi hanggang mahigit 38 digri kung araw. Gayunman, nananatili sa 31 digri ang temperatura sa loob ng punso. Bakit?
Dahil sa mga butas ng bentilasyon na tamang-tama ang pagkakapuwesto sa gawing ibaba ng punso, pumapasok ang malamig na hangin samantalang itinutulak naman paitaas ang mainit na hangin. Ang mas malamig na hangin ay pumapasok sa butas sa ilalim ng punso at pagkatapos ay dumaraan sa mga lagusan at maliliit na kuwarto. Binubuksan at isinasara ng mga anay ang mga butas para kontrolin ang temperatura kung kinakailangan. Hindi dapat magbago ang temperatura para makapagpatubo ang mga anay ng fungus na pangunahin nilang pagkain.
Talagang kahanga-hanga ang punso ng anay anupat tinularan ng mga arkitekto ang disenyo nito sa pagtatayo ng isang gusaling pang-opisina sa Zimbabwe. Sampung porsiyento lamang ng kinakailangang enerhiya para sa mga gusaling kasinlaki nito ang nagagamit ng gusaling ito.
Ano sa palagay mo? Nagkataon lamang ba ang kakayahan ng mga anay na kontrolin ang temperatura sa loob ng kanilang punso? O katunayan ito na talagang may nagdisenyo?
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Top: Stockbyte/Getty Images; bottom: Scott Bauer/Agricultural Research Service, USDA