Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ano’ng Nangyari sa Anak Ko?”

“Ano’ng Nangyari sa Anak Ko?”

“Ano’ng Nangyari sa Anak Ko?”

Gulat na gulat sina Scott at Sandra a nang pumasok sa salas ang kanilang 15-taóng-gulang na dalagita. Ang dating manilaw-nilaw na buhok nito ay napakapula na ngayon! Mas nakagugulat ang sumunod na pag-uusap.

“Sino’ng may sabi sa iyong magpakulay ka ng buhok?”

“Bakit, bawal ba?”

“Bakit hindi ka muna nagpaalam?”

“Tiyak namang hindi kayo papayag!”

GAYA ng mapatutunayan nina Scott at Sandra, ang pagiging tin-edyer ay isang magulong yugto ng panahon​—hindi lamang sa mga anak kundi pati sa mga magulang. Talagang nabibigla ang maraming tatay at nanay sa malalaking pagbabagong nagaganap sa kanilang tin-edyer na anak. “Basta bigla na lamang nagbago ang aming dalagita,” naaalaala pa ni Barbara, isang inang taga-Canada. “Inisip ko, ‘Ano’ng nangyari sa anak ko?’ Para bang may kumuha sa aking anak habang natutulog kami at pinalitan ng iba!”

Tiyak na hindi lamang si Barbara ang may ganitong karanasan. Tingnan natin ang sinabi sa Gumising! ng mga magulang mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

“Nang maging binatilyo ang aking anak, bigla na lamang sumobra ang kumpiyansa niya sa sarili at madalas niyang kuwestiyunin ang aming awtoridad.”​—Lia, Britanya.

“Masyadong nababahala ang aming mga anak na babae sa kanilang sarili, lalo na sa kanilang hitsura.”​—John, Ghana.

“Gusto ng aking binatilyo na siya na ang magdesisyon para sa kaniyang sarili. Ayaw niyang pinagsasabihan siya sa dapat niyang gawin.”​—Celine, Brazil.

“Ayaw nang magpayakap at magpahalik ng aming dalagita.”​—Andrew, Canada.

“Lalong naging agresibo ang aming mga binata. Sa halip na sumunod sa aming mga desisyon, dinidibate nila kami.”​—Steve, Australia.

“Itinatago ng aking dalagita ang kaniyang niloloob. Lagi siyang walang kibo at naiinis kapag tinatanong.”​—Joanne, Mexico.

“Nagiging malihim ang aming mga anak at ayaw nilang palagi silang pinakikialaman. Madalas na mas gusto pa nilang kasama ang kanilang mga kaibigan kaysa sa amin.”​—Daniel, Pilipinas.

Bilang magulang ng isang tin-edyer, baka nasasabi mo rin mismo ang ilan sa nabanggit na mga komento. Kung oo, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa sa iyong pagsisikap na unawain ang “estrangherong” ito na kasama mo, ang iyong tin-edyer na anak. Makatutulong ang Bibliya. Paano?

Karunungan at Pagkaunawa

Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng pagkaunawa.” (Kawikaan 4:5) Kailangan ang dalawang katangiang ito sa pakikitungo sa isang tin-edyer. Kailangan mo ng pagkaunawa upang makita hindi lamang ang paggawi kundi pati ang pinagdaraanan ng iyong anak. Kailangan mo rin ng karunungan upang mabisa mong matulungan ang iyong tin-edyer na maging responsableng adulto.

Huwag ninyong isipin na hindi na kayo kailangan ng inyong anak dahil sa lumalaking agwat ng ugnayan ninyo. Ang totoo, kailangan​—at gusto pa nga​—ng mga tin-edyer na karamay nila ang kanilang mga magulang sa magulong yugtong ito ng kanilang buhay. Paano makatutulong sa iyo ang karunungan at pagkaunawa sa paglalaan ng ganitong patnubay?

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan sa seryeng ito.