Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Siberian Tiger—Mauubos Na Nga Kaya Ito?

Ang Siberian Tiger—Mauubos Na Nga Kaya Ito?

Ang Siberian Tiger​—Mauubos Na Nga Kaya Ito?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA RUSSIA

Isang maaliwalas na araw ng taglamig noon sa malayong silangan ng Russia, isang napakalaking tigre ang tumatakbo sa kumikinang na niyebe, habang tinutugis ng isang helikopter. Nang sumungaw sa helikopter ang asintadong mamamaril na may hawak na riple, umakyat ang tigre sa isang punungkahoy at umungol na parang lalaban. Nagpaputok ang lalaki. Lumapag ang helikopter, at ang mga nakasakay rito ay maingat na lumapit sa lupaypay na hayop.

ILEGAL na mga mangangaso ba ang mga lalaking ito? Hindi, sila’y mga mananaliksik na gumagamit ng mga pampatulog. Gusto nilang pag-aralan ang isa sa pinakananganganib maubos na mga hayop, ang mailap na Siberian tiger. a

Isang Kahanga-hangang Nilalang

Ang mga Siberian tiger ay nakikita noon sa Korea, hilagang Tsina, Mongolia, at hanggang sa kanluran sa Lawa ng Baikal sa Russia. Pero sa nakalipas na siglo, nangaunti na ang mga ito. Nakikita na lamang sila sa liblib na kabundukan sa gawing hilaga ng Vladivostok, Russia, sa Dagat ng Hapon.

Nagkakakilala ang mga tigre dahil sa kanilang amoy, at ito ang ginagamit ng mga lalaking tigre kapag naghahanap sila ng mga babaing tigre sa panahon ng pagpaparami. Sa isang panganganak, dalawa o tatlong tigre ang isinisilang, at ang mga ito’y malilikot at hindi pa nakakakita. Pero di-gaya ng mga kuting, ang mga Siberian tiger ay hindi kailanman ngumingiyaw. Marahan silang umuungol habang sinisipsip ang gatas ng kanilang ina sa loob ng lima o anim na buwan at pagkatapos ay kumakain na sila ng karne. Sa umpisa, kasa-kasama sila ng kanilang ina sa paghahanap ng makakain dahil hindi pa nila kaya ang gawaing ito hanggang sa 18 buwan na sila. Ang mga batang tigre ay kasa-kasama ng kanilang ina hanggang dalawang taon. Pagkatapos ay bumubukod na sila at naghahanap na ng sariling teritoryo.

Sa kagubatan, lumalaki nang husto ang mga tigreng ito. Ang mga lalaki ay tumitimbang nang mga 270 kilo at humahaba nang mahigit 3 metro, kasama na ang buntot. Nakatatagal ang mga tigre sa maginaw at mayelong mga taglamig. Nababalot ng makapal na balahibo ang kanilang katawan, at ang malalaking paa nila ay may balahibong nagsisilbing sapatos na pantapak nila sa niyebe.

Ang mga Siberian tiger ay may maiitim na guhit sa kanilang kulay-kahel na balahibo. Ang mga guhit na ito, na iba’t iba sa bawat tigre, ang nagiging pagkakakilanlan sa kanila kung paanong nakikilala ang mga tao sa mga guhit ng kanilang daliri. Sa kagubatan, kapag hindi gumagalaw ang mga tigre, hindi sila madaling makita dahil sa kanilang mga marka at kulay. Pero kapag lumabas ang tigre sa mga lugar na walang mga punungkahoy kung taglamig, kitang-kita ito habang naglalakad sa niyebe. Natatawag tuloy ang pansin ng tanging maninila ng tigre, ang tao.

Nanganganib Nang Malipol

Para mabuhay, ang Siberian tiger ay dapat makapatay ng malalaking hayop, gaya ng usa, elk, at mga baboy-ramo. Pero bihira na lamang ang mga hayop na ito sa mga iláng ng silangang Siberia. Ang kagubatan na 1,000 kilometro kuwadrado ang lawak ay makapaglalaan ng pagkain sa apat o limang tigre lamang. Kaya para mabuhay ang mga Siberian tiger sa iláng, dapat silang magkaroon ng sapat na teritoryo.

Sa loob ng maraming taon, naging napakagandang teritoryo para sa malalaking tigreng ito ang malawak at halos di-napapasok na mga kagubatan sa Siberia. Bihirang pumunta roon ang mga tao na tanging kalaban ng mga tigre. Pero nitong nakalipas na mga panahon, hinawan ng mga kompanya sa pagtotroso mula sa ibang mga bansa ang kalakhang bahagi ng kagubatang ito.

Habang nauubos ang mga punungkahoy, nauubos din ang mga usa, elk, at mga baboy-ramo, pati na ang mga Siberian tiger. Para mapigil ang pagkaubos ng mga ito, gumawa ang gobyerno ng Russia ng malalaking reserbasyon para sa mga hayop, gaya ng Sikhote Alin Nature Reserve. Pero kapag lumalabas ang mga tigre sa mga lugar na ito, nakikita sila ng mga mangangasong nagnenegosyo ng mga kakaibang subenir. Napakamahal ng mga ngipin, kuko, buto, at balat ng malalaki nang tigre pati na ng mga bata pang tigre.

Iligtas ang mga Tigre

Ang lahat ng paraan ay ginagawa para hindi maubos ang mga Siberian tiger, at ang mga mamamayan doon ang nangunguna sa paggawa nito. Dahil dito, nadagdagan nang kaunti ang mga Siberian tiger. Ayon sa sensus na ginawa noong 2005, nasa 430 hanggang 540 ang nabubuhay na tigre sa Siberia.

Sa kabilang dako naman, ang nakakulong na mga Siberian tiger ay mabilis na nakapagpaparami. Mahigit nang 500 Siberian tiger ang nasa mga zoo sa buong daigdig. Bakit kaya hindi pakawalan ang ilan sa mga ito para madagdagan ang mga tigre sa iláng? Nag-aalinlangan ang mga siyentipiko na gawin ito. “Walang dahilan para pakawalan ang hayop sa iláng,” ang sabi ng isang mananaliksik, “maliban na lamang kung matitiyak ang kaligtasan nito.”

Lahat ng nabubuhay na bagay, pati na ang malalaking tigre, ay katibayan ng karunungan at kapangyarihan ng Diyos, at itinuturing niya ang mga ito na karapat-dapat sa kaniyang atensiyon at pangangalaga. (Awit 104:10, 11, 21, 22) Maraming tao ang lubos na nagpapahalaga sa mga gawa ng Maylalang at nagtitiwala silang darating ang panahon na hindi na manganganib malipol ang mga Siberian tiger.

[Talababa]

a Kung minsan, ang Siberian tiger ay tinatawag na Amur tiger, dahil karaniwan nang makikita ang mga hayop na ito sa Ilog Amur sa gawing ibaba ng malayong silangan ng Russia.

[Kahon/​Larawan sa pahina 16, 17]

ANG PINAKAMALAKING TIGRE

Ang liger, anak ng leon at babaing tigre, ay mas malaki kaysa sa Siberian tiger. Humahaba ang mga ito nang hanggang mahigit 3 metro at tumitimbang nang mahigit 500 kilo. Ang liger ay pinararami sa mga zoo at bihirang makakita nito sa iláng kung mayroon man.

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Top: © photodisc/age fotostock; bottom: Hobbs, courtesy Sierra Safari Zoo, Reno, NV