Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Dapat Magsabi Kung Alin ang Tunay na Relihiyon?

Sino ang Dapat Magsabi Kung Alin ang Tunay na Relihiyon?

Sino ang Dapat Magsabi Kung Alin ang Tunay na Relihiyon?

NILINAW ni Jesus na ang ilang paraan ng pagsamba ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Sinabi niya ang tungkol sa mga “bulaang propeta,” at inihalintulad ang mga ito sa isang punong nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga kung kaya “pinuputol [ito] at inihahagis sa apoy.” Sinabi rin niya: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit.”​—Mateo 7:15-22.

Sa katunayan, ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa ilan na mag-aangking sumusunod sa kaniya: “Ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:23) Bukod diyan, nang makipag-usap si Jesus sa mga relihiyosong lider noong panahon niya, ginamit niya ang mga salita ng Diyos sa apostatang Israel: “Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga utos ng mga tao.”​—Marcos 7:6, 7.

Maliwanag na hindi lahat ng pagsamba ay sinasang-ayunan ng Diyos o ng kaniyang Anak. Kaya hindi lahat ng pagsamba ay tunay na pagsamba. Nangangahulugan ba ito na iisang relihiyon lang ang nagtuturo ng katotohanan? Hindi kaya may mga relihiyong sinasang-ayunan ng Diyos at may ilan namang hindi? O baka naman may tinatanggap o may tinatanggihan ang Diyos na pagsamba ng mga indibiduwal mula sa iba’t ibang relihiyon anuman ang itinuturo nito?

Sa patnubay ng banal na espiritu, sumulat si apostol Pablo: “Ngayon ay pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato, at na huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi lubos kayong magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Nagpapayo rin ang Bibliya sa mga Kristiyano na magkaroon ng “magkakatulad na kaisipan at . . . magkakatulad na pag-ibig, na nabubuklod sa kaluluwa, na isinasaisip ang iisang kaisipan.”​—Filipos 2:2.

Kung may ganitong pagkakaisa, talaga ngang magkakaroon lang ng iisang relihiyon. Kaya naman, sinasabi ng Bibliya na may “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.”​—Efeso 4:4, 5.

Kung Ano ang Ipinakikita ng Bibliya

Ang nabanggit na konklusyon ay malinaw ngang itinuturo ng Bibliya. Sa pagsusuri sa Bibliya, makikita mo na nakitungo ang Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng isang paraan ng pagsamba. Noong sinaunang panahon, gumamit ang Diyos ng mga patriyarka, o mga ulo ng pamilya, bilang kaniyang mga kinatawan. Sina Noe, Abram (Abraham), Isaac, at Jacob ay ilan lamang sa mga kilalang patriyarka.​—Genesis 8:18-20; 12:1-3; 26:1-4; 28:10-15.

Ang mga inapo ni Jacob ay inalipin sa Ehipto. Pinagmalupitan sila roon ngunit patuloy silang dumami hanggang sa umabot nang ilang milyon. Pinalaya sila ng Diyos mula sa pagkaalipin anupat makahimala silang pinatawid sa Dagat na Pula. Pagkatapos ay inari niya sila bilang kaniyang bayan at binigyan niya sila ng mga batas sa pamamagitan ni Moises. Sila ang naging sinaunang bansang Israel, ang bayan ng Diyos.​—Exodo 14:21-28; 19:1-6; 20:1-17.

Kapansin-pansin na hindi sinang-ayunan ng Diyos ang paraan ng pagsamba ng mga bansang nakapalibot sa Israel. Sa katunayan, pinarusahan niya ang kaniyang bayan nang lumihis sila sa kaniyang mga batas at makiisa sa gayong paraan ng pagsamba.​—Levitico 18:21-30; Deuteronomio 18:9-12.

Kumusta naman ang mga tagaibang bansa na gustong sumamba sa tunay na Diyos? Kailangan muna nilang iwan ang dati nilang huwad na pagsamba at sumama sa Israel sa pagsamba sa Diyos na Jehova. Marami sa kanila ang sinang-ayunan ng Diyos at naging matapat na mga lingkod niya. Kabilang na rito ang mga babaing gaya nina Rahab na Canaanita at Ruth na Moabita; mga lalaking gaya nina Uria na Hiteo at Ebed-melec na Etiope; at mga grupo ng mga tao, gaya ng mga Gibeonita. Taimtim na nanalangin ang hari ng Israel na si Solomon para sa lahat ng mga tulad nilang sumama sa bayan ng Diyos sa tunay na pagsamba. a​—2 Cronica 6:32, 33.

Matapos Pumarito si Jesus sa Lupa

Di-nagtagal matapos isugo si Jesus sa lupa, itinatag ang tamang paraan ng pagsamba batay sa kaniyang mga turo, at lalong luminaw ang mga layunin ng Diyos. Nang maglaon, tinawag na mga “Kristiyano” ang mga tunay na mananamba. (Gawa 11:26) Kaya kailangang iwan ng mga Judio ang dati nilang paraan ng pagsamba kung nais nilang sang-ayunan sila ng Diyos. Hindi nila kailangang pumili sa dalawang paraan ng pagsamba o sumamba bilang indibiduwal. Gaya ng nakita natin sa Salita ng Diyos, nagkaisa ang mga tunay na mananamba sa “isang pananampalataya.”​—Efeso 4:4, 5.

Sa ngayon, parang hindi matanggap ng ilan ang ideya na nakikitungo ang Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng isang relihiyon lamang. Pero iyan ang itinuturo ng Bibliya. Noong sinaunang panahon, naunawaan ng maraming indibiduwal na dating sumasamba ayon sa sarili nilang paraan ang katotohanang iyan. Sumama sila sa mga tunay na mananamba ni Jehova, at ang kanilang mga pag-aalinlangan ay napalitan ng malaking pagpapala at kagalakan. Halimbawa, sinasabi sa Bibliya na tinanggap ng isang lalaking Etiope ang Kristiyanismo at nang siya’y mabautismuhan, “nagpatuloy itong humayo sa kaniyang lakad na nagsasaya.”​—Gawa 8:39.

Sa ngayon, sinumang tumatanggap at nagtataguyod ng tunay na relihiyon ay aani ng gayon ding mga pagpapala. Pero sa dami ng mga relihiyon, paano mo malalaman kung alin ang nag-iisang tunay na relihiyon?

[Talababa]

a Mababasa mo ang tungkol sa mga taong ito sa sumusunod na mga ulat ng Bibliya: Josue 2:1-7; 6:22-25; Ruth 1:4, 14-17; 2 Samuel 11:3-11; Jeremias 38:7-13; at Josue 9:3-9, 16-21.

[Larawan sa pahina 5]

Ano ang mangyayari sa isang relihiyong nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga?