Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangaral ng Mabuting Balita sa Malalayong Lupain

Pangangaral ng Mabuting Balita sa Malalayong Lupain

Pangangaral ng Mabuting Balita sa Malalayong Lupain

Ayon sa salaysay ni Helen Jones

Noong unang mga taon ng dekada ng 1970, naglalakad ako sa isang mataong pamilihan sa lunsod ng Bangalore, sa India. Walang anu-ano, sinuwag ako ng isang kalabaw at tumilapon ako. Dadambahin na sana ako nito nang iligtas ako ng isang babaing tagaroon. Paano ako napadpad sa India?

IPINANGANAK ako noong 1931 at lumaki sa magandang lunsod ng Vancouver, sa Canada. Disenteng tao ang aking mga magulang pero hindi sila nagsisimba. Ako naman ay sabik na sabik na matuto tungkol sa Diyos, kaya noong kabataan ko, dumadalo ako sa Sunday school at sa mga klase sa Bibliya kung bakasyon.

Noong 1950, nagpakasal kami ni Frank Schiller. Labinsiyam na taóng gulang ako noon, at si Frank naman ay may apat nang anak sa una niyang asawa. Pagkalipas ng dalawang taon, nagkaanak kami ng lalaki. Gusto naming mapabilang sa isang relihiyon; pero dahil diborsiyado si Frank, walang tumanggap sa amin. Nagalit si Frank kaya ayaw na niyang pag-usapan pa ang tungkol sa relihiyon.

Natuto ng Katotohanan sa Bibliya

Noong 1954, masayang ibinalita sa akin ni Kuya ang natutuhan niya sa Bibliya mula sa katrabaho niyang isang Saksi ni Jehova. Bagaman marami akong tanong at alam ko kung saan nagpupulong ang mga Saksi, hindi ako nagpunta roon dahil alam kong galít si Frank sa relihiyon. Pero di-nagtagal, dalawang Saksi ang dumalaw sa aming bahay. Gusto kong malaman kung ano ang itinuturo nila tungkol sa diborsiyo, at ipinakita naman nila sa akin ang sinasabi ng Bibliya na saligan ng diborsiyo. (Mateo 19:3-9) Tiniyak nila sa akin na kung regular akong mag-aaral ng Bibliya, masasagot ang mga katanungan ko.

Galit na galit si Frank at ayaw niya sa mga Saksi. Noong 1955, dumalo ako sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, at pag-uwi ko, agad kong ikinuwento kay Frank ang mga natutuhan ko sa Bibliya. “Kalokohan ’yan!” ang sigaw niya. “Sige, kapag napatunayan mo iyan sa Bibliya, sasamahan pa kita sa walang kakuwenta-kuwenta n’yong mga pulong!”

Iniabot ko sa kaniya ang Bibliya, at maingat naman niya itong kinuha, na nagpapakitang iginagalang niya ito. Hinanap namin ang mga tekstong isinulat ko, at hindi na ako gaanong nagsalita dahil maliwanag naman ang sinasabi ng Bibliya. Hindi na nakipagtalo si Frank at parang nag-isip siya nang malalim noong gabing iyon.

Nang maglaon, ipinaalaala ko sa kaniya na nangako siyang dadalo sa pulong. Atubili siyang sumagot, “Ah, eh, sige dadalo ako pero ngayon lang. Gusto ko lang makita ang ginagawa n’yo roon.” Ang pahayag mula sa Bibliya ay tungkol sa pagpapasakop ng mga babae sa kanilang asawa. (Efeso 5:22, 23, 33) Hangang-hanga siya sa kaniyang narinig. Nang panahon ding iyon, tinalakay sa Pag-aaral sa Bantayan ang artikulong “Masiyahan sa Paggawa.” Dahil masikap si Frank, gustung-gusto niya ang pinag-aralan. Mula noon, hindi na siya lumiban sa mga pulong. Di-nagtagal, naging masigasig si Frank sa pangangaral, at nakapagdaos naman ako ng pag-aaral sa Bibliya sa mga tao na sumulong hanggang sa mabautismuhan. Nang taon ding iyon, nabautismuhan kami ni Frank, pati si Inay at si Kuya.

Pananabik na Higit Pang Makapaglingkod

Sa aming pandistritong kombensiyon noong 1957 sa Seattle, sa Washington, E.U.A, may pahayag tungkol sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa tagapaghayag ng Kaharian. ‘O Diyos na Jehova, handa rin po akong maglingkod,’ ang panalangin ko. ‘Tulungan n’yo po sana kaming makapunta kung saan kami kailangan.’ Pero iniisip ni Frank ang kaniyang pananagutan na pakanin at pangalagaan ang aming pamilya.​—1 Timoteo 5:8.

Nang sumunod na taon, dumalo ang aming pamilya sa kombensiyon sa New York City na magkasabay na idinaos sa Yankee Stadium at Polo Grounds. Mahigit 253,000 ang dumalo sa tampok na pahayag! Naantig si Frank sa kaniyang nakita at narinig. Kaya nang makauwi kami, napagpasiyahan naming lumipat sa Kenya, Aprika, dahil marunong sila roong mag-Ingles at may magaganda ring paaralan na mapapasukan ng aming mga anak.

Noong 1959, ibinenta namin ang aming bahay, ikinarga sa sasakyan ang aming mga bagahe, at naglakbay patungong Montreal, Canada. Mula roon, nagbarko kami papuntang London, Inglatera, at mula sa Inglatera, lumipat kami ng ibang barko at naglayag sa Dagat Mediteraneo at Dagat na Pula hanggang sa Karagatang Indian. Sa wakas, dumaong kami sa Mombasa, Kenya, sa silangang baybayin ng Aprika. Kinabukasan, sumakay kami ng tren patungong Nairobi, ang kabiserang lunsod ng bansa.

Pinagpala Kami sa Aprika

Nang panahong iyon, ipinagbabawal ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa Kenya kaya naging maingat kami. May ilang mag-asawang dayuhan na naninirahan din sa Kenya, at pinahintulutan naman kaming mga dayuhan na manatili roon. Hanggang sampu lamang ang maaaring magpulong, kaya kaming mga dayuhan at ang aming mga anak ay kailangang lubos na makibahagi sa pulong.

Pagdating namin sa Kenya, agad kaming nakahanap ng matitirhan, at si Frank naman ay nakahanap din ng trabaho. Ang kauna-unahang babaing nakausap ko sa pagbabahay-bahay roon ay pumayag na mag-aral ng Bibliya. Nang maglaon, nagpayunir siya, gaya ng tawag sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nakapagdaos din ako ng pag-aaral sa Bibliya sa isang dalagitang Sikh na tinawag naming Goody. Nanatili siyang matatag sa kabila ng panggigipit ng kaniyang pamilya at ng pamayanang Sikh. Nang palayasin si Goody Lull sa kanilang tahanan, nakitira siya sa isang pamilyang Saksi. Inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova, nagpayunir, at nang maglaon ay nakapagtapos sa Gilead, isang paaralan para sa mga misyonero.

Nagkaroon ng ilang problema ang aming pamilya. Ang panganay naming anak na lalaki ay nagkasakit ng rheumatic fever. Habang kinukumpuni naman ni Frank ang isang kotse, nagliyab ang gasolina at nagtamo siya ng malubhang pinsala kung kaya nawalan siya ng trabaho. Pero nakahanap din naman siya ng mapapasukan sa Dar es Salaam, ang kabisera ng Tanganyika (ngayo’y Tanzania). Kaya ikinarga namin ang aming mga bagahe sa sasakyan at naglakbay kami nang mga 1,000 kilometro patungo roon. May isang maliit na kongregasyon noon sa Dar es Salaam, at malugod naman nila kaming tinanggap.

Bagaman ipinagbabawal noon ang pangangaral sa Tanzania, hindi naman ganoon kahigpit ang mga awtoridad. Noong 1963, dinalaw kami ni Milton Henschel, isang kinatawan mula sa pandaigdig na tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Sa isa sa kaniyang mga pahayag sa Karimjee Hall, ang pinakamagandang awditoryum sa bansa, may tumabi sa akin na isang matandang lalaki na mukhang pulubi. Binati ko siya at ipinahiram sa kaniya ang aking Bibliya at aklat-awitan. Nang matapos ang programa, inanyayahan ko siyang dumalong muli. Nang makaalis ang lalaki, naglapitan sa akin ang mga Saksing tagaroon.

“Alam mo ba kung sino ’yun?” ang tanong nila. “Siya ang meyor ng Dar es Salaam!” Bago nito, nagbanta siyang patitigilin niya ang asamblea. Lumilitaw na kaya siya nagpunta roon, inisip niyang hindi siya pakikitunguhan nang mabuti at iyon ang gagamitin niya laban sa amin. Pero hangang-hanga siya sa kabaitan at pag-aasikaso na ipinakita sa kaniya kaya hinayaan niyang maidaos ang asamblea nang walang aberya. Dinaluhan ito ng 274 katao, at 16 ang nabautismuhan!

Habang nasa Tanzania kami, nakamit ng bansa ang kasarinlan. Mula noon, mas kinukuha na sa trabaho ang mga tagaroon kaysa sa mga dayuhan kaya napilitang umalis ng bansa ang karamihan sa mga dayuhan. Pero dahil matiyaga si Frank, nakahanap siya ng trabaho bilang mekaniko na magmamantini sa mga makina ng tren. Kaya nakapanatili kami roon nang apat na taon pa. Nang matapos ang kontrata ni Frank, umuwi kami sa Canada at nanatili roon hanggang sa makapag-asawa nang lahat ang aming mga anak. Malalakas pa kami at gusto pa naming maglingkod sa ibang lugar.

Lumipat sa India

Noong 1970, ayon sa rekomendasyon ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Bombay (ngayo’y Mumbai), lumipat kami sa Bangalore, isang lunsod na may 1.6 milyon katao nang panahong iyon. Doon ako sinuwag ng kalabaw at muntik-muntikan nang mamatay. May isang kongregasyon doon para sa mga nagsasalita ng Ingles na binubuo noon ng 40 katao, at isang nakabukod na grupo para sa mga nagsasalita ng Tamil. Nakapagdaos si Frank ng pag-aaral sa Bibliya sa mga lalaki na naging Kristiyanong mga elder nang maglaon. May natulungan naman akong mga pamilya na naging mga lingkod ni Jehova.

Isang babae na nagngangalang Gloria ang nakatira sa lugar ng mahihirap. Nang una ko siyang mapuntahan, pinapasok niya ako sa kanilang bahay. Palibhasa’y wala silang muwebles, sa sahig kami naupo. Iniwanan ko siya ng isang sipi ng Ang Bantayan, at mula rito ay ginupit niya ang teksto sa Bibliya na Apocalipsis 4:11, saka niya ito ipinaskil sa dingding para makita niya araw-araw. Gandang-ganda siya sa binabanggit ng tekstong iyon: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova.” Pagkalipas ng isang taon, nabautismuhan siya.

Inanyayahan si Frank na magtrabaho nang isang taon sa sangay ng Bombay at mangasiwa sa itinatayong kauna-unahang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa India. Nagdagdag lamang sila ng isang palapag sa gusali ng sangay para gawing Assembly Hall. Mahigit 3,000 lamang noon ang mga Saksi sa buong India, at wala pang 10 ang naglilingkod sa sangay. Noong 1975, naubos ang aming pondo, kaya labag man sa kalooban namin, umalis kami at iniwan ang aming mga kaibigan doon na napamahal na sa amin.

Bumalik sa Aprika

Makalipas ang sampung taon, pensiyonado na si Frank. Kaya nagboluntaryo kami sa internasyonal na programa ng pagtatayo ng mga tanggapang pansangay. Nakatanggap kami ng liham na nag-aatas sa amin na tumulong sa proyekto ng pagtatayo sa Igieduma, Nigeria. Habang nasa Igieduma kami, nakapagdaos si Frank ng pag-aaral sa Bibliya sa isang lalaking nakatira sa karatig nayon. Sumulong ang lalaking ito at nang maglaon ay naging miyembro ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria.

Sumunod, nagpunta kami sa Zaire para tumulong sa pagtatayo ng sangay roon. Di-nagtagal, ipinagbawal ang pangangaral doon at kinumpiska ang aming pasaporte. Inatake sa puso si Frank habang nasa trabaho, pero nakapagpahinga naman siya noong panahon ng pagbabawal. Nang bandang huli, pinauwi ang lahat ng boluntaryo sa pagtatayo, at kami ay ipinadala sa kalapit na Liberia. Doon sa sangay sa Monrovia, hinilingan si Frank na kumpunihin ang genereytor. Nang mapasó ang aming visa noong 1986, napilitan kaming bumalik sa Canada.

Sa Ecuador

Hindi pa natatagalan, nabalitaan namin na ang aming matalik na kaibigang si Andy Kidd ay lumipat sa Ecuador at nasisiyahan sa pangangaral doon. Nag-iisang elder si Andy sa kanilang kongregasyon, kaya kadalasang siya lamang ang gumaganap sa halos lahat ng bahagi sa pulong. Inanyayahan niya kaming pumunta roon, at malugod naman kaming tinanggap ng sangay ng Ecuador noong 1988.

Nakahanap kami ng komportableng matitirhan; pero kailangan naming matutong magsalita ng Kastila, at 71 anyos na noon si Frank. Nang sumunod na dalawang taon, bagaman kaunti lamang ang alam naming salitang Kastila, nakatulong kami sa 12 katao na sumulong hanggang sa mabautismuhan. Hinilingan si Frank na tumulong sa proyekto ng pagtatayo sa sangay sa Ecuador. Nakapagdaos din siya ng pag-aaral sa Bibliya sa asawang lalaki ng isa sa mga unang Saksi sa Guayaquil. Ang lalaking ito, na naging salansang sa loob ng 46 na taon, ay naging kaibigan namin at kapananampalataya.

Napakalaking Kawalan

Nanirahan kami sa maliit na bayan ng Ancón, sa baybayin ng Karagatang Pasipiko at nakatulong kami roon sa pagtatayo ng bagong Kingdom Hall. Nakalulungkot, noong Nobyembre 4, 1998, pagkatapos bigkasin ni Frank ang huling pahayag sa Pulong sa Paglilingkod, inatake siya sa puso, at namatay siya nang gabing iyon. Hindi ako pinabayaan ng mga kapatid! Kinabukasan, inilibing si Frank sa sementeryo na nasa kabilang kalsada lamang ng Kingdom Hall. Hindi ko mailarawan ang kirot na aking nadama nang mamatay siya.

Umuwi ako sa Canada, ngayo’y nag-iisa, para asikasuhin ang ilang papeles at ilang bagay may kaugnayan sa aming pamilya. Sa aking pangungulila, hindi ako pinabayaan ni Jehova. Nakatanggap ako ng liham mula sa sangay sa Ecuador na nagsasabing maaari akong bumalik doon. Ganoon nga ang ginawa ko, at kumuha ako ng isang maliit na apartment malapit sa sangay. Nakatulong sa akin ang pagiging abala sa pangangaral at sa mga gawain sa sangay para makayanan ko ang kirot ng pagkawala ni Frank, pero nangungulila pa rin ako.

Patuloy sa Gawain

Nang maglaon, nakilala ko si Junior Jones na taga-Estados Unidos. Pumunta siya sa Ecuador para magpayunir noong 1997. Pareho ang aming mga tunguhin at kinahihiligan. Nagpakasal kami noong Oktubre 2000. Dahil may alam sa konstruksiyon si Junior, inanyayahan kami na tumulong sa ginagawang Assembly Hall sa Cuenca, isang lunsod sa Kabundukan ng Andes. Noong Abril 30, 2006, dumating mula sa New York si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, upang magbigay ng pahayag sa pag-aalay ng pasilidad na dinaluhan ng 6,554 katao.

Sino ang makapagsasabing susulong sa gayong kahanga-hangang paraan ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa malalayong lupain na gaya ng Aprika, India, at Timog Amerika? Wala pa rin kaming plano ni Junior na magretiro. Parang kahapon lamang ang mahigit 50 taon ko sa paglilingkod kay Jehova. At alam kong sa pagdating ng bagong sanlibutan, lilipas na parang kahapon lamang ang panahong ito na kinabubuhayan natin.​—Apocalipsis 21:3-5; 22:20.

[Mapa/​Larawan sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kung Saan Kami Naglingkod

CANADA → INGLATERA → KENYA → TANZANIA

CANADA → INDIA

CANADA → NIGERIA → CONGO, DEM. REP. (ZAIRE) → LIBERIA

CANADA → ECUADOR

[Iba pang mga lugar]

ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA

[Larawan]

Kasama si Frank sa India, papunta sa asamblea

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ang aking asawang si Junior Jones