Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ayon sa isang surbey sa Estados Unidos, “29 na porsiyento ng mga lalaki ang nagsabing 15 o higit pang mga babae ang kanilang nakatalik sa buong buhay nila kung ikukumpara sa 9% ng mga babae na nagsabing 15 o higit pang mga lalaki ang kanilang nakatalik sa buong buhay nila.”​—CENTERS FOR DISEASE CONTROL AND PREVENTION, E.U.A.

Sa Gresya, “62 porsiyento ng mga bata na wala pang 16 na taóng gulang ang umaming nakapag-download na sila ng mga pornograpikong larawan sa kanilang mga cellphone.”​—ELEFTHEROTYPIA, GRESYA.

Sa Britanya, 82 porsiyento ng mga taong sinurbey ang nagsabi na “ang relihiyon ay isang sanhi ng pagkakabaha-bahagi at alitan.”​—THE GUARDIAN, BRITANYA.

64 na Taon Nang Sumasakit ang Ulo

Sa wakas, natuklasan na ng isang babaing taga-Tsina ang dahilan ng “walang-tigil na pananakit ng kaniyang ulo” na nagpahirap sa kaniya sa loob ng mahigit 60 taon. Isang bala na tatlong sentimetro ang haba ang nakuha ng mga doktor sa ulo niya. Nasugatan sa ulo ang babae noong siya ay 13 anyos pa lamang, nang salakayin ng mga Hapones ang isang pamayanan sa Lalawigan ng Xinyi noong Setyembre 1943. Walang sinuman ang nag-akala na tinamaan pala siya ng bala sa ulo. Ayon sa Xinhua News Agency, nang sobrang dalas na ang pananakit ng kaniyang ulo, nagpatingin siya sa doktor at nakita sa X-ray ang bala. Ang babae, na ngayo’y 77 taóng gulang na, ay iniulat na “nasa maayos na kalagayan.”

Balyenang Mahaba ang Buhay

Noong 2007, nakahuli ang mga katutubo ng Alaska ng isang bowhead whale, isang uri ng balyena. May nakita sila ritong nakabaong tulis at mga piraso ng isang lumang sibat na ginagamit sa panghuhuli ng mga balyena. Ayon sa The Boston Globe, tinukoy ito na “mga bahagi ng isang sumasabog na sibat na gawa sa lunsod ng New Bedford [Massachusetts, E.U.A.] noong huling mga taon ng ika-19 na siglo.” Ang ganitong uri ng sibat ay matagal nang hindi ginagamit kung kaya ipinapalagay ng mga istoryador sa New Bedford Whaling Museum na ang balyenang ito ay sinibat noong “mga 1885 hanggang 1895.” Kung gayon, malamang na di-kukulangin sa 115 taóng gulang na ang balyena nang mamatay ito. Naglaan ang natuklasang sibat na ito, ayon sa Globe, ng “karagdagang ebidensiya para itaguyod ang matagal nang paniniwala na ang bowhead whale ay isa sa mga mamalya sa planeta na may pinakamahabang buhay, na umaabot nang 150 taon.”

Nahukay na Maulang Kagubatan

Nahukay ng mga heologo sa ilalim ng lupa ang isang napakalaking maulang kagubatan na binubuo ng sari-saring halamang hindi na umiiral. Ang ilan sa mga halamang ito ay may taas na mahigit 40 metro. Matatagpuan ang kakaibang kagubatang ito sa mga daanan ng minahan ng karbon sa Illinois, E.U.A. Naniniwala ang mga siyentipiko na ang kagubatang ito ay lumubog sa lupa nang magkaroon ng malakas na lindol. “Pambihira ito,” ang sabi ni Bill DiMichele, pinuno ng mga mananaliksik na nakatuklas sa kagubatan. “Sa paanuman, kaya naming ilarawan ang kagubatan na para bang umiiral pa ito.”

Paghuhukay ng mga Primera Klaseng Alak

Parami nang parami ang mga pumupunta sa Macedonia, isang dating republika ng Yugoslavia, “para maghukay ng mga primera klaseng alak na naiwan . . . ng magkaalyadong puwersa noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I,” ang sabi ng pahayagang Kathimerini​—English Edition. Karamihan ng mga bisita ay mula sa Pransiya. May dala silang mga mapa at naghuhukay sa abandonadong mga bodega ng militar. Ang mga alak na nakabaon doon ay di-kukulanging 90 taon na, at ayon sa pahayagan, “ang di-nasirang mga alak ay maaaring ipagbili . . . nang hanggang 2,000 euro (2,675 dolyar).” “Wala itong kasinsarap,” ang sabi ng mga tagaroon na nakahukay ng mga alak na ito.