“Nang Maging Gabi ang Umaga”
“Nang Maging Gabi ang Umaga”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BENIN
“PAMBIHIRA! Milyun-milyon ang Namangha sa Eklipse ng Araw.” Iyan ang ulo ng balita ng Daily Graphic sa Ghana isang araw matapos ang ganap na eklipse ng araw noong Marso 29, 2006. Unang nakita ang eklipse sa pinakasilangang bahagi ng Brazil. Pagkatapos, dumaan ang eklipse sa Atlantiko sa bilis na mga 1,600 kilometro kada oras, at narating nito ang mga bansa ng Ghana, Togo, at Benin nang mga 8:00 n.u. Ano kaya ang makikita ng mga taga-Kanlurang Aprika kapag naganap ang eklipse?
Ang huling ganap na eklipse sa Ghana ay nangyari noon pang 1947. Naalaala ni Theodore na 27 taóng gulang pa lamang noon: “Marami ang hindi pa nakakakita ng eklipse noong panahong iyon kaya hindi nila alam kung ano talaga ang nangyayari. Dahil diyan, sinabi ng mga tao na iyon ang araw ‘nang maging gabi ang umaga.’”
Kampanya Para Babalaan ang Publiko
Pinasimulan ng pamahalaan ang malawakang kampanya para babalaan ang mga tao tungkol sa mga panganib sa pagtitig sa araw habang nagaganap ang eklipse. Nakatatawag-pansing mga poster sa Togo ang nagbabala: “Ingatan ang iyong mga mata! Baka mabulag ka!”
Idiniin ng mga opisyal ng pamahalaan ang dalawang ligtas na paraan upang makita ang eklipse. Una, manatili sa loob ng bahay at manood na lamang sa telebisyon. Pangalawa, magsuot ng mga salaming may pantanging proteksiyon kung panonoorin ang eklipse sa labas ng bahay. Milyun-milyon ang tutok na tutok sa kanilang mga telebisyon at computer para panoorin ang kahanga-hangang kaganapang ito. Gayunpaman, hindi kailanman eksaktong maipapakita ng mga telebisyon at computer ang pananabik, pagkamausisa, at pagkakagulo ng mga tao bago at habang nagaganap ang eklipse. Gunigunihin nating naroroon tayo mismo nang maganap ang kahanga-hangang pangyayaring ito.
Tumitindi ang Pananabik
Parang isang pangkaraniwang umaga lamang sa Kanlurang Aprika ang araw na iyon—maganda ang sikat ng araw at maaliwalas ang kalangitan. Talaga nga kayang magaganap ang eklipse? Habang papalapit ang mismong oras ng eklipse, ang mga taong nasa labas ng kanilang bahay ay nagsuot ng mga salaming may pantanging proteksiyon at tumingin sa kalangitan. Ang iba ay tumawag sa kanilang mga cellphone upang makibalita sa kanilang mga kakilalang nasa ibang lugar.
Sa kalangitan, mahigit 350,000 kilometro mula sa mga tagamasid, unti-unting umusad ang buwan tungo sa eksaktong puwesto kung saan magaganap ang eklipse. Sa simula, hindi ito kapansin-pansin pero pagkatapos ng ilang sandali, natatakpan na ng buwan ang maliit na bahagi ng araw. Tumitindi ang pananabik habang dumarami ang nakakakita nito.
Noong una, walang nakitang pagbabago ang mga tao sa kanilang paligid. Ngunit habang patuloy na tumatakip ang buwan sa araw, unti-unting
naglaho ang asul na kalangitan. Lumamig ang paligid. Ang mga ilaw sa kalye at ilaw na panseguridad na awtomatikong sumisindi kapag gabi ay biglang umilaw habang dumidilim ang umaga. Nawala ang mga tao sa kalye at nagsara ang mga tindahan. Tumigil sa paghuni ang mga ibon, at nagsibalik ang ibang mga hayop sa kani-kanilang lungga para matulog. Pagkatapos ay tuluyan nang dumilim. Ganap na ang eklipse, at tumahimik ang kapaligiran.Di-malilimutang Ganap na Eklipse
Nagsimulang kumutitap ang mga bituin. Ang maringal na corona ng araw (panlabas na suson ng araw) ay naging parang maputing sinag sa palibot ng madilim na buwan. Ang makikinang na kislap ng liwanag, na tinatawag na Baily’s Beads, a ay kitang-kita sa buong paligid ng buwan habang sumisinag ang araw sa baku-bakong mga libis ng buwan. Tila isang singsing na brilyante ang matatanaw sa kalangitan. Makikita ang pula at kulay-rosas na sinag sa chromosphere (suson sa ilalim ng corona). “Ito na ang pinakamagandang tanawin na nakita ko kailanman—talagang kamangha-mangha,” ang sabi ng isang lalaki.
Tumagal nang mga tatlong minuto ang ganap na eklipse. Pagkatapos ay muli nang nakita ang araw. Maraming tao ang nagpalakpakan at napasigaw sa kagalakan. Lumiwanag ang kalangitan at naglaho ang mga bituin. Ang madilim na kapaligiran ay muling napalitan ng maaliwalas na umaga.
Ang buwan ay isang “tapat na saksi sa kalangitan.” Kaya maaaring makalkula daan-daang taon patiuna ang mga eklipse. (Awit 89:37) Para sa mga taga-Kanlurang Aprika, kinailangan nilang maghintay nang halos 60 taon para masaksihan ang ganap na eklipseng ito. Makikita ang susunod na eklipse sa Kanlurang Aprika sa taóng 2081. Marahil ay makakakita ka rin ng isang di-malilimutang eklipse sa inyong lugar nang mas maaga pa rito.
[Talababa]
a Ipinangalan ito sa Britanong astronomo na si Francis Baily, ang unang nagtala ng tanawing ito mula sa isang eklipse noong 1836.
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
Nagkaroon ba ng Eklipse Nang Mamatay si Jesus?
Sinasabi sa Marcos 15:33: “Nang maging ikaanim na oras na ay sumapit ang isang kadiliman sa buong lupain hanggang sa ikasiyam na oras.” Ang tatlong oras na kadilimang iyon mula katanghaliang tapat hanggang 3:00 n.h. ay makahimala. Hindi iyon maaaring maging eklipse ng araw. Una, dahil ang posibleng pinakamahabang eklipse ng araw saanmang partikular na lugar sa mundo ay tumatagal lamang nang mga pito at kalahating minuto. Ikalawa, namatay si Jesus sa ika-14 na araw ng buwang lunar ng Nisan. Ang unang araw ng Nisan ay nalalaman sa paglitaw ng bagong buwan, kung saan ang buwan ay nasa pagitan ng lupa at araw na maaaring maging sanhi ng isang eklipse. Kapag sumapit na ang ika-14 na araw ng Nisan, nangalahati na ang ikot ng buwan sa orbit nito. Sa gayon, ang nasa pagitan na ng araw at buwan ay ang lupa. Kaya sa halip na nakaharang sa araw, lubusang napaaaninag ng buwan ang liwanag mula sa araw. Ito ang dahilan kung bakit kitang-kita natin sa petsang ito ang kabilugan ng buwan, na tamang-tama naman sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus.
[Larawan]
Pumapatak lagi ang petsang Nisan 14 malapit sa kabilugan ng buwan o sa mismong kabilugan ng buwan
[Dayagram/Larawan sa pahina 28, 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dinaanan ng eklipse
●
⇧
●
⇧
●
⇧ APRIKA
BENIN ●
⇧
TOGO ●
⇧
GHANA ●
⇧
●
⇧
●
⇧
●
⇧
●
⇧
●
[Credit Line]
Mapa: Based on NASA/Visible Earth imagery
[Larawan sa pahina 28]
Ang ganap na eklipse noong Marso 29, 2006
[Larawan sa pahina 28]
Ginamit ng mga tao ang mga salaming may pantanging proteksiyon upang aktuwal na makita ang eklipse