May Nagdisenyo ba Nito?
Masalimuot na Mata
◼ “Susun-suson at napakaayos.” Ganiyan inilarawan ni Propesor Luke Lee ng University of California, E.U.A. ang kabuuan ng masalimuot na mata ng maraming insekto.
Pag-isipan ito: Ang masalimuot na mata ng ilang insekto, gaya ng bubuyog at tutubi, ay binubuo ng maraming indibiduwal na lente na nakapokus sa iba’t ibang direksiyon o anggulo. Kapag pinagsama-sama ang mga imahe na nakikita ng bawat lente, nabubuo ang isang larawan na parang isang malaking moseyk. Ang katangiang ito ng mata ng insekto ang tumutulong para makita nito kahit ang bahagyang paggalaw.
Humahanap ng paraan ang mga siyentipiko upang makopya ang masalimuot na mata ng mga insekto para makagawa ng mga detektor na sensitibo sa mabibilis na galaw at ng pagkaninipis na mga kamera na makakakuha ng larawan sa iba’t ibang anggulo. Maraming mapaggagamitan ang mga ito. Halimbawa, maaari itong gamitin ng mga doktor para makita ang loob ng tiyan ng isang tao. Ang aparatong ito na gustong gawin ng mga siyentipiko ay napakaliit anupat puwede itong lulunin ng pasyente. Kapag nasa tiyan na ito, ang mga lente nito ay makakakuha ng larawan mula sa iba’t ibang anggulo na agad namang makikita ng mga doktor sa isang iskrin.
Isang pangkat ng mga bioengineer ang nakabuo na ng isang artipisyal na “mata,” na may mahigit 8,500 lente, at halos sinliit lamang ito ng ulo ng aspile. Pero walang sinabi ang teknolohiyang ito kung ihahambing sa masalimuot na mata ng mga insekto. Halimbawa, ang mga tutubi ay may mga 30,000 lente sa bawat mata!
Tanungin ang iyong sarili: ‘Nagkataon lang ba ang kahanga-hangang matang ito ng mga insekto, o may nagdisenyo nito?’
[Larawan sa pahina 26]
Pinalaking larawan ng isang seksiyon ng masalimuot na mata ng bubuyog
[Picture Credit Lines sa pahina 26]
Background: © Stephen Dalton/Photo Researchers, Inc.; close-up: © Raul Gonzalez Perez/Photo Researchers, Inc.