Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Ito Tinatawag na Big Island

Kung Bakit Ito Tinatawag na Big Island

Kung Bakit Ito Tinatawag na Big Island

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAWAII

ANO ang naiisip ng mga tao kapag nababanggit ang Hawaiian Islands? Marahil ay ang maputing buhangin sa dalampasigan, malinaw na tubig, banayad na galaw ng mga puno ng niyog, at kaayaayang pamamahinga sa berandang naiilawan ng mga sulo sa gabi. Idagdag mo pa ang Polynesian luau, isang piging na sagana sa sariwang pinya, poi (kakaning gábi), kilawing salmon at, siyempre pa, ang kalua pig (buong baboy na niluto sa tradisyonal na paraan ng mga taga-Hawaii), at halos kumpleto na ang ating paglalarawan sa Hawaiian Islands. Tiyak na wala ka nang hahanapin pa.

Ang totoo, hindi lamang iyan ang pananabikan sa isla ng Hawaii, na kilala bilang Big Island. Napakarami pang ibang bagay na kawili-wili sa islang ito! Una sa lahat, tinatawag na Big Island ang isla ng Hawaii dahil kung ilalagay mo rito ang lahat ng iba pang malalaking isla ng Hawaiian Islands​—ang Oahu, Maui, at Kauai​—kasyang-kasya ang mga ito sa Big Island! Ang kahanga-hangang islang ito ay may sukat na mahigit sa 10,432 kilometro kuwadrado at patuloy pa itong lumalaki. Pero pag-uusapan natin iyan mayamaya.

Lokasyon at Klima

Katamtaman ang klima sa Big Island yamang sa lahat ng isla ng Hawaiian Islands, ito ang nasa pinakatimog. Kapag araw, ang karaniwang temperatura sa mga baybaying pasyalan ng mga turista ay nasa mga 27 digri Celsius kung tag-init (Mayo hanggang Oktubre) at bumababa ng mga 21 digri Celsius kung taglamig (Nobyembre hanggang Abril), at kapag gabi naman, ang katamtamang temperatura ay umaabot sa 15 hanggang 18 digri Celsius. Karaniwan na, mas maaraw sa distrito ng Kona, na nasa bahagi ng isla na hindi gaanong mahangin, samantalang mas maulan naman sa lugar ng Hilo, na nasa mahanging bahagi ng isla.

Dahil sa magandang tropikal na klima at matabang lupa ng bulkan, maraming prutas at gulay rito. Sagana rito ang masasarap na mangga, papaya, litsiyas, at iba pang kakaibang prutas, pati na ang magagandang orkid at anthurium. Marami ring puno ng macadamia nut at halaman ng kape. Kilala sa buong mundo ang kape ng Kona. Nagdadagsaan sa islang ito ang mga nagbebenta ng kape mula sa iba’t ibang lugar para sa taunang Kona Coffee Festival upang makatikim at makabili ng kape ng Kona.

Iba-iba ang klima sa iba’t ibang lugar ng Big Island. Mayroon ditong maulang kagubatan, disyerto, at mga rehiyong nagyeyelo ang ilalim ng lupa. Matatagpuan sa silangan ang maulang kagubatan. Maraming kakaibang ibon ang nabubuhay roon, gayundin ang mga puno ng pakô at sari-saring uri ng ligaw na orkid. Humigit-kumulang 25 sentimetro ang taas ng tubig-ulan bawat taon sa distrito ng Kona-Kohala samantalang 250 sentimetro kada taon naman sa lugar ng Hilo.

Kilauea​—Aktibo Ngunit Tahimik na Bulkan

May limang kapansin-pansing bulkan sa isla​—ang Mauna Loa, Mauna Kea, Kilauea, Kohala, at Hualalai. Ang pangalang Kilauea ay literal na nangangahulugang “Malakas Bumuga.” Noong 1979, muling nagising ang Kilauea nang magkaroon ito ng malakas na pagsabog. Mula noong 1983, halos walang-patid ang pag-agos ng nagbabagang lava nito. Winasak nito ang tatlong bayan sa baybayin ngunit sa kabila naman nito, patuloy na nabubuo ang ekta-ektaryang lupain.

Kapag umagos ang lava sa karagatan, isang malakas na dagundong at sagitsit ang maririnig, at kasabay nito ay makikita ang makapal na usok at singaw, gayundin ang nabuong mga ulap at dalampasigang may maitim na buhanginan. Karaniwan nang ligtas na malalapitan ang Kilauea at madali rin itong puntahan.

Ang Mauna Kea, isang natutulog na bulkan na 4,205 metro ang taas, ay ang pinakamataas na bundok sa isla. Mas mataas lamang ito nang kaunti sa Mauna Loa na 4,169 na metro ang taas. Gayunman, kung susukatin ang Mauna Kea mula sa mismong paanan nito na nasa pinakasahig ng dagat, ito ang pinakamataas na bundok sa buong mundo sa sukat na mahigit 9,000 metro. Samantala, ang Mauna Loa naman ang pinakamalaking bundok sa buong mundo yamang ang laki nito ay mga 40,000 kilometro kubiko!

Iba’t Ibang Atraksiyon

Kapag taglamig, madalas na umuulan ng niyebe sa Mauna Kea kaya naangkop ang bansag ditong Puting Bundok. Nag-iiski sa bundok na ito ang ilan sa mga tagarito, pero mapanganib ito yamang mabato ang mga dalisdis ng bundok. Sa ngayon, 13 sa mga pinakamalakas na teleskopyo sa buong mundo, na pinangangasiwaan ng mga 11 bansa, ang nakapuwesto sa Mauna Kea Science Reserve na nasa taluktok ng bundok.

Maraming mapaglilibangan sa kahabaan ng baybayin ng Big Island. Kasiya-siyang gawin dito ang mga isport sa tubig dahil sa buong taon, hindi nagbabago ang kaayaayang temperatura ng hangin at dagat sa lugar na ito. Makikita rito ang kilalang mga baybaying may maputing buhangin, gayundin ang mahirap puntahang mga dalampasigang kadalasan nang mararating lamang sa pamamagitan ng paglalakad o ng mga four-wheel-drive na sasakyan.

Talagang pinagpala ang Big Island sa maraming bagay​—sa laki, lokasyon, klima, at heograpiya. Palakaibigan din at maasikaso ang mga tagaroon at malulugod silang ipadama sa iyo ang pagkamapagpatuloy ng mga taga-Hawaii.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NIHAU

KAUAI

OAHU

HONOLULU

MOLOKAI

MAUI

LANAI

KAHOOLAWE

HAWAII

Hilo

Kohala

Mauna Kea

Hualalai

Mauna Loa

Kilauea

[Larawan sa pahina 16, 17]

Makikita sa likuran ang Mauna Kea

[Picture Credit Line sa pahina 17]

U.S. Geological Survey/ Photo by T.J. Takahashi