Iisa Lang ba ang Tunay na Relihiyon?
Iisa Lang ba ang Tunay na Relihiyon?
Hindi nagugustuhan ng ilan ang tanong na iyan. Sa dami ng relihiyon sa buong daigdig, iniisip nila na makitid ang isip at mapagmataas ang sinumang nag-aangkin na ang kanilang relihiyon lamang ang nagtuturo ng katotohanan. Tiyak naman daw na may mapupulot ka ring maganda sa karamihan ng relihiyon, kung hindi man sa lahat. Ganiyan din ba ang iniisip mo?
SIYEMPRE pa, sa ilang pagkakataon, maaaring may katuwiran din naman ang ibang opinyon. Halimbawa, baka naniniwala ang isang tao na magiging mas malusog siya kung kakain siya ng ilang partikular na pagkain. Pero dapat ba niyang igiit sa lahat na kumain ng gayong pagkain, na para bang iyon na lamang ang tanging paraan para maging malusog? Isa ngang katalinuhan at kahinhinan sa kaniyang bahagi na tanggaping ang opinyon ng iba ay posible rin namang maging kasimbuti o baka mas mabuti pa nga kaysa sa kaniyang opinyon.
Ganiyan din ba pagdating sa relihiyon? Marami bang mapagpipilian na masasabing tama naman batay sa kinalakhan at pagkaunawa ng isang tao sa mga bagay-bagay? O may isang kalipunan ng relihiyosong paniniwala na totoo at kapit sa lahat ng tao? Pansinin natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. Pero tingnan muna natin kung posible nga bang malaman ang katotohanan. Kasi kung hindi, wala nang dahilan para hanapin pa ang iisang tunay na relihiyon.
Posible Bang Malaman ang Katotohanan Tungkol sa Relihiyon?
Nang malapit na siyang patayin, sinabi ni Jesu-Kristo sa nagtatanong na Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” Malaki ang posibilidad na nangungutya si Pilato nang sabihin niya: “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:37, 38) Sa kabilang dako naman, buong-tapang na nagsalita si Jesus tungkol sa katotohanan. Hindi niya pinag-alinlangan na umiiral ang katotohanan. Halimbawa, tingnan natin ang sumusunod na apat na kapahayagang sinabi ni Jesus sa iba’t ibang tao.
“Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.”—Juan 18:37.
“Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”—Juan 14:6.
“Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23, 24.
“Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:31, 32.
Yamang tinitiyak ni Jesus sa kaniyang mga pananalita na umiiral nga ang katotohanan at puwede itong matutuhan, hindi ba’t dapat lamang nating suriin kung mayroon ngang tunay na relihiyon at kung puwede itong masumpungan?
Talaga Bang May Ganap na Katotohanan?
Tiyak na sasang-ayon kang may ilang bagay na hindi mo mapag-aalinlanganan. Natitiyak mong umiiral ka at na ang mga bagay sa paligid mo ay totoo. Ang mga puno, bundok, ulap, araw, at buwan—ang pisikal na daigdig—ay hindi imahinasyon lamang. Sabihin pa, baka kumbinsihin ka ng ilan na maging ang pag-iral ng mga ito ay kuwestiyunable. Pero malamang na hindi ka sasang-ayon sa gayong di-kapani-paniwalang ideya.
Nariyan din ang mga batas ng kalikasan. Natitiyak mo rin na mayroon nga nito. Halimbawa, kung tatalon ka sa bangin, mahuhulog ka; kung hindi ka kakain, magugutom ka; at kung hindi ka kakain sa loob nang mahabang panahon, mamamatay ka. Hindi mo iisipin na ang gayong mga batas ng kalikasan ay totoo lamang sa ilan pero hindi sa iba. Totoo ito sa lahat ng tao.
Tinutukoy ng Bibliya ang isang katotohanang kapit sa lahat ng tao nang magtanong ito: “Makapagtutumpok ba ang isang tao ng apoy sa kaniyang dibdib at hindi rin masusunog ang kaniya mismong mga kasuutan?” Sabihin pa, nang isulat ang mga pananalitang ito, naniniwala ang lahat na masusunog ang damit kung ididikit ito sa apoy. Pero sa pagsasabi nito, ang nabanggit na kawikaang ito ng Bibliya ay may mas mahalagang puntong gustong palitawin, na “sinumang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa” ay mapapahamak.—Makatitiyak ba tayo na ganap na katotohanan ang mga pananalitang iyan? Hindi sasang-ayon ang ilan. Sinasabi nila na iba-iba ang pamantayang moral ng mga tao, at depende ang mga ito sa kanilang kinalakhan, paniniwala, at kalagayan. Pero tingnan natin ang ilan sa mga batas ng Diyos hinggil sa moral na mababasa sa Bibliya. Hindi ba’t totoo ito sa lahat ng tao?
Hinahatulan ng Bibliya ang pangangalunya. (1 Corinto 6:9, 10) Hindi naniniwala ang ilang tao na totoo ang turong ito ng Bibliya, at nangangalunya sila. Gayunman, sila rin ay kadalasan nang umaani ng mapapait na resulta nito, gaya ng pagkabagabag ng budhi, diborsiyo, at malalalim na sugat sa damdamin ng lahat ng nasasangkot.
Hinahatulan din ng Diyos ang paglalasing. (Kawikaan 23:20; Efeso 5:18) Ano ang nangyayari kapag ginagawa ito ng mga tao? Marami ang nasisesante, nagkakasakit, at nagkakawatak-watak ang kanilang pamilya na labis ding nasasaktan. (Kawikaan 23:29-35) Dinaranas ito maging ng mga hindi naniniwalang mali ang paglalasing. Masasabi bang depende sa paniniwala o pang-unawa ng bawat tao ang pagiging totoo ng mga batas na ito hinggil sa moral?
Bukod sa pagbibigay ng mga batas hinggil sa maling paggawi, may mga positibong bagay na ipinag-uutos ang Bibliya—gaya ng utos na ibigin ang iyong asawang babae, igalang ang iyong asawang lalaki, at gumawa ng mabuti sa iba. (Mateo 7:12; Efeso 5:33) Kapaki-pakinabang ang pagsunod sa mga utos na ito. Sa tingin mo ba’y kapit lamang sa ilang tao ang mga payong ito sa moral?
Sundin man o hindi ang mga batas ng Bibliya hinggil sa moral, nararanasan ng mga tao ang mga resulta nito. Pinatutunayan nito na ang nasabing mga batas ay hindi basta ibang opinyon lamang. Sa halip, ang mga ito ay mga katotohanan. Makikita sa mga ebidensiya na maganda ang ibinubunga kapag sinusunod ang mga batas ng Bibliya hinggil sa moral, pero masama naman ang resulta kapag hindi ito sinusunod.
Kaya pag-isipan ito: Kung kapit sa lahat ng tao ang mga batas ng Bibliya hinggil sa moral, ano naman ang masasabi mo hinggil sa mga pamantayan nito sa pagsamba? Kumusta ang itinuturo nito hinggil sa mangyayari sa atin kapag namatay tayo at sa ating pag-asang mabuhay nang walang-hanggan? Makatuwiran lamang na sabihing ang mga turong ito ng Bibliya ay mga katotohanan din na ibinigay sa lahat ng tao. Ang mga kapakinabangan ng pagsunod at ang kahihinatnan ng pagsuway ay hindi lamang kapit sa mga naniniwala rito.
Posibleng malaman ang katotohanan. Sinabi ni Jesus na ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay katotohanan. (Juan 17:17) Subalit parang imposible pa ring malaman ang katotohanan. Bakit? Dahil napakaraming iba’t ibang relihiyon ang nag-aangking itinuturo nila kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Aling relihiyon ang nagtuturo ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos? Masasabi ba nating iisang relihiyon lamang ang nagtuturo ng katotohanan? Hindi ba’t mayroon din namang katotohanan, o pailan-ilang katotohanan sa iba’t ibang relihiyon?
[Blurb sa pahina 4]
Paano nagkakaugnay ang resulta ng pagyakap sa apoy at ang pagsuway sa kautusan ng Diyos?