Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Ano ang Masama sa Pagmumura?
“Ayokong mapaiba sa mga kaeskuwela ko. Kaya nga siguro natuto akong magmura.”—Melanie. a
“Para sa akin, hindi naman isyu ang pagmumura. Lagi ko itong naririnig—sa paaralan man o sa bahay.”—David.
BAKIT waring puwedeng magmura ang mga nakatatanda, pero ang mga bata, hindi? Lisensiya ba ang edad para magmura? Yamang napakarami namang tao ang nagmumura—at waring hindi naman isyu kung isang adulto ang magmura—makatuwirang itanong mo, “Ano ang masama sa pagmumura?”
Kung Paano Natututong Magmura ang Isang Tao
Talaga namang pangkaraniwan na sa mga tao ang pagmumura. Sa katunayan, may mga kabataang nagsasabi na kung pagmumultahin nila ang kanilang mga kaeskuwela tuwing magmumura ang mga ito, kikita sila nang malaki anupat hindi na nila kakailanganing magtrabaho at makapagreretiro na ang kanilang mga magulang. “Kapag nagkukuwentuhan kami ng mga kaeskuwela ko,” ang sabi ng 15-anyos na si Eve, “parang bawat salita nila ay may kasamang mura. Kung puro ganito ang naririnig mo sa maghapon, mapapagaya ka na rin.”
Gaya ni Eve, napaliligiran ka rin ba ng mga taong palamura? Nahawa ka na rin ba? b Kung oo, pag-isipan kung bakit ka nakapagmumura. Kapag nalaman mo kung bakit, magiging mas madali sa iyo na iwasan ang kinagawiang ito.
Para malaman mo kung bakit ka nakapagmumura, sagutin ang sumusunod na mga tanong.
Karaniwan na, bakit ka nakapagmumura?
□ Para ipakitang nagagalit ka o naiinis
□ Para magpapansin
□ Para di-mapaiba sa barkada
□ Para magsigà-sigàan
□ Para ipakita ang pagtutol mo sa mga may awtoridad
□ Iba pa ․․․․․․․․
Saan o kailan ka kadalasang nakapagmumura?
□ Sa paaralan
□ Sa trabaho
□ Sa e-mail, o text message
□ Kapag mag-isa ka
Ano ang idinadahilan mo kung bakit ka nagmumura?
□ Nagmumura ang mga kabarkada ko
□ Nagmumura ang mga magulang ko
□ Nagmumura ang mga titser ko
□ Lagi ko itong naririnig sa media
□ Walang masama rito—bukambibig lang ito
□ Nagmumura lang ako kapag hindi sensitibo ang mga kasama ko
□ Iba pa ․․․․․․․․
Bakit dapat iwasan ang kinagawiang ito? Masama ba talagang magmura? Isaalang-alang ang mga sumusunod.
Hindi lamang bukambibig ang mga ito. Sinabi ni Jesus: “Kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.” (Lucas 6:45, Magandang Balita Biblia) Pansinin na ang lumalabas sa bibig natin ay hindi lamang repleksiyon ng uri ng pagkataong gusto nating taglayin—ipinakikita nito kung ano ang talagang pagkatao natin. Sabihin na nating nagmumura ka dahil nahahawa ka lamang sa iba. Pero ang pagtulad sa kanila ay nagpapakitang ‘sumusunod ka sa karamihan’ at wala kang sariling paninindigan.—Exodo 23:2.
Hindi lamang iyan. Ganito ang sinabi ng eksperto sa wika na si James V. O’Connor: “Ang mga taong palamura ay karaniwan nang palaaway, mapamuna, mapaghinala, magagalitin, mahilig makipagtalo, at mareklamo.” Halimbawa, ang mga taong nagmumura kapag hindi nangyari ang inaasahan nila ay may mentalidad na dapat mangyari ang lahat ng bagay ayon sa gusto nila. Para bang sadyang hindi nila mapalampas ang mga pagkakamali. Sa kabilang panig, sinabi ni O’Connor na ang mga hindi nagmumura ay “karaniwan nang kalmado [at] hindi pumapatol sa nakaiinis na mga bagay na napapaharap sa kanila araw-araw.” Aling uri ng pagkatao ang gusto mong taglayin?
Nakasisira ng reputasyon ang pagmumura. Gaya ng maraming iba pang kabataan, malamang na gusto mong magmukhang maganda o guwapo sa paningin ng ibang tao. Gusto mong maging maganda ang impresyon ng iba sa iyo. Pero alam mo ba na ang mas tinitingnan ng mga tao ay ang sinasabi mo kaysa sa hitsura mo? Ang totoo, nakadepende sa paraan mo ng pagsasalita
◼ Kung sino ang magiging kaibigan mo.
◼ Kung matatanggap ka sa isang trabaho o hindi.
◼ Kung igagalang ka ng iba o hindi.
Totoo na kadalasang natatabunan ang unang impresyon sa atin ng mga tao kapag nagsalita na tayo. Sinabi ni O’Connor: “Wala kang kamalay-malay kung gaano na karaming pagkakataon para makipagkaibigan ang napalampas mo, o kung gaano na karaming tao ang napalayo ang loob sa iyo o bumaba ang tingin sa iyo dahil sa walang-pasintabi mong pagmumura.” Ang aral? Kung palamura ka, sinisira mo lamang ang reputasyon mo.
Ang pagmumura ay kawalang-galang sa Maylalang na nagkaloob sa iyo ng kakayahang magsalita. Sabihin nating nagregalo ka sa isang kaibigan ng polo o blusa. Tiyak na masasaktan ka kapag nakita mong ginawang pamunasan ng paa o tinapak-tapakan ng iyong kaibigan ang damit na iyon, hindi ba? Ganiyan din ang nadarama ng ating Maylalang kapag ginagamit natin sa di-wastong paraan ang kakayahang magsalita na ipinagkaloob niya. Hindi nga kataka-takang sinasabi sa Salita ng Diyos: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.”—Efeso 4:31.
Alam mo na ngayon na dapat iwasan ang pagmumura. Pero kung nakagawian mo na ito, ano ang dapat mong gawin?
Una: Kilalanin ang pangangailangang magbago. Malamang na hindi mo maiiwasan ang pagmumura hangga’t hindi mo naiintindihan kung bakit kapaki-pakinabang na iwasan ito. Alin sa mga binabanggit sa ibaba ang iniisip mong mahalagang dahilan para iwasan ang pagmumura?
□ Mapasaya ang Maylalang na nagkaloob ng kakayahang magsalita
□ Higit na igalang ng iba
□ Mapalawak ang aking bokabularyo
□ Maging mas mabuting tao
Ikalawa: Alamin kung bakit ka nakapagmumura. Sinabi ni Melanie: “Pakiramdam ko, sigà ako kapag nagmumura. Ayokong kinakayan-kayanan ako. Gusto kong sindakin ang mga tao gaya ng ginagawa ng lahat ng kaibigan ko.”
Kumusta ka naman? Mahalagang malaman mo kung bakit ka nakapagmumura para mapagtagumpayan mo ito. Halimbawa, kung nagmumura ka dahil ginagaya mo lang ang ginagawa ng karamihan, dapat kang magkaroon ng kumpiyansa sa iyong mabubuting katangian. Ang paninindigan sa alam mong tama ay mahalagang bahagi ng pagiging maygulang—at malaking tulong ito para maiwasan mo ang kinagawiang pagmumura.
Ikatlo: Umisip ng ibang mga paraan para masabi mo ang iyong niloloob. Hindi sapat na basta kagatin mo lamang ang iyong dila. Para maalis mo ang nakagawiang pagmumura, dapat kang magsuot ng “bagong personalidad.” (Efeso 4:22-24) Tutulong ito para magkaroon ka ng higit na pagpipigil at paggalang sa iyong sarili at sa iba.
Tutulong ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya para maisuot mo—at mapanatili—ang bagong personalidad.
Colosas 3:2: “Panatilihin ninyong nakatuon ang inyong mga pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas.”
Aral: Ituon ang iyong isip sa mga bagay na matuwid. Ang mga iniisip mo ay nakaiimpluwensiya sa lumalabas sa iyong bibig.
Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”
Aral: Puwede kang mahawa sa paraan ng pagsasalita ng iyong mga kasama.
Awit 19:14: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova.”
Aral: Nakikita ni Jehova kung paano natin ginagamit ang kakayahang magsalita na ipinagkaloob niya.
Kailangan mo pa ba ng tulong? Maaari mong gamitin ang tsart sa itaas para makita mo ang iyong pagsulong. Itala mo kung gaano ka kadalas nakapagmumura. Baka magulat ka kapag napansin mo kung gaano kabilis mong napasulong ang iyong bokabularyo!
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
b May makatuwirang dahilan ang mga Kristiyano na iwasan ang pagmumura sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig.” “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”—Efeso 4:29; Colosas 4:6.
PAG-ISIPAN
Kung palamura ako
◼ sino ang magiging kaibigan ko?
◼ matatanggap kaya ako sa trabaho?
◼ ano kaya ang magiging tingin sa akin ng iba?
[Chart sa pahina 21]
TINGNAN ANG IYONG PAGSULONG
Lunes Martes Miyerkules Huwebes Biyernes Sabado Linggo
Unang Linggo ․․․․․․ ․․․․․․․ ․․․․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․
Ikalawang Linggo ․․․․․․ ․․․․․․․ ․․․․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․
Ikatlong Linggo ․․․․․․ ․․․․․․․ ․․․․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․
Ikaapat na Linggo ․․․․․․ ․․․․․․․ ․․․․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․ ․․․․․․․․ ․․․․․․
[Larawan sa pahina 21]
Hindi mo tatapak-tapakan ang isang mahalagang regalo. Bakit mo gagamitin sa di-wastong paraan ang kakayahang magsalita na kaloob ng Maylalang?