Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Misteryo ng mga Unggoy sa Batong-Bundok

Ang Misteryo ng mga Unggoy sa Batong-Bundok

Ang Misteryo ng mga Unggoy sa Batong-Bundok

KAPAG unggoy ang pinag-uusapan, baka rehiyon ng Tropiko ang pumapasok sa isip mo. Iilang uri lamang ng unggoy ang nabubuhay sa mga lugar na medyo malamig ang klima. Pero may isa o dalawang eksepsiyon.

Sa matayog na Kabundukan ng Atlas sa Hilagang Aprika, kung saan karaniwang umuulan ng niyebe kapag taglamig, may maliliit na grupo ng mga Barbary ape na pagala-gala sa kagubatan ng mga punong sedro at ensina. a Isang nakabukod na grupo ng mga unggoy ring iyon ang matatagpuan 300 kilometro pahilaga sa Rock of Gibraltar, na nasa dulong timog ng Europa.

Paano ipinaliliwanag ng mga naturalista ang misteryo ng mga unggoy sa Gibraltar? Sinasabi ng ilan na maraming unggoy noon sa iba pang bahagi ng Europa, at ang grupo ng mga unggoy sa Gibraltar ang tanging natitira sa mga iyon. Iniisip ng iba na ang mga mananakop na Arabo o Britano ang nagdala ng mga unggoy na ito sa Rock of Gibraltar. Ayon naman sa alamat, tinawid ng mga unggoy ang Kipot ng Gibraltar, sa pagitan ng Europa at Aprika, sa pamamagitan ng isang lagusan sa ilalim ng lupa na hindi na umiiral ngayon. Saanman sila nagmula, ang mga unggoy na iyon lamang ang malayang nagpapagala-gala ngayon sa kakahuyan sa Europa.

Ang mga Barbary ape ay naninirahan sa kakahuyan ng mga pino sa itaas na bahagi ng Rock of Gibraltar. Mga 100 na lamang ang bilang nila, pero sila ang “pinakasikat na residente sa peninsula,” ayon sa International Primate Protection League. b

Yamang pitong milyong turista ang pumapasyal sa Gibraltar taun-taon, sagana sa pagkain ang makukulit na unggoy. Bagaman sanáy silang kumain ng ligáw na mga halaman, natuto na rin silang manghingi​—at paminsan-minsan ay nagnanakaw pa nga​—ng pagkain sa mga turista. Pinaglalaanan din ng gobyerno ang mga ito ng prutas at gulay.

Bukod sa panginginain, 20 porsiyento ng kanilang oras sa maghapon ay ginugugol ng mga unggoy sa paglilinis ng kanilang balahibo at paghihingutuhan sa isa’t isa. Kapuwa lalaki at babaing unggoy ang nag-aalaga at nakikipaglaro sa mga batang unggoy. Dahil palagi silang magkakasama, hindi naiiwasan kung minsan ang away. Inaambaan at tinitilian ng matatandang unggoy ang mas batang mga unggoy para itaboy ang mga ito. Pero mayroon din silang kakaibang gawi​—ang pagngangalitngit ng mga ngipin na waring nagpapakalma sa kanila.

Misteryo pa rin kung paano nakarating ang maaamong unggoy na ito sa Gibraltar. Pero ang paninirahan nila rito ay dagdag na pang-akit ng batong-bundok na nasa bukana ng Dagat Mediteraneo. Hindi makukumpleto ang Gibraltar kung wala ang mga unggoy na ito.

[Mga talababa]

a Ang mga Barbary ape ay hindi mga bakulaw kundi mga unggoy na walang buntot.

b Ang kamag-anak nilang Japanese macaque, na nagsasama-sama sa maiinit na bukal sa Hapon kapag taglamig, ay dinarayo rin ng mga turista.