Kung Kailan Biglang Bumaba ang Moral
Kung Kailan Biglang Bumaba ang Moral
KAILAN mo masasabing nagsimula ang biglang pagbaba ng moral? Sa panahon mo ba o marahil sa panahon ng nakatatanda mong mga kamag-anak o kaibigan? May nagsasabing ang Digmaang Pandaigdig I, na sumiklab noong 1914, ang naging dahilan ng walang-kaparis na pagbaba ng moral sa ating panahon. Ang propesor sa kasaysayan na si Robert Wohl ay sumulat
sa kaniyang aklat na The Generation of 1914: “Natanim na sa isip ng mga nakaligtas sa digmaan ang paniniwalang may isang daigdig na natapos at may isang nagsimula noong Agosto 1914.”“Saanman, ang mga pamantayan ng paggawi—na mababa na—ay tuluyan nang naglaho,” ang sabi ng istoryador na si Norman Cantor. “Kung parang mga hayop na kakatayin ang pagtrato ng mga pulitiko at heneral sa milyun-milyong sakop nila, ano pa kayang tuntunin ng relihiyon o etika ang makapagbabawal sa mga tao na huwag tratuhin ang isa’t isa na parang mga hayop? . . . Lubusan nang pinababa ng brutal na pamamaslang noong Unang Digmaang Pandaigdig [1914-18] ang halaga ng buhay ng tao.”
Sa kaniyang komprehensibong akda na The Outline of History, sinabi ng istoryador na Ingles na si H. G. Wells na nang yakapin ang teoriya ng ebolusyon, “talagang bumaba na ang moralidad ng tao.” Bakit? Iniisip ng ilan na ang tao ay isa lamang nakatataas na uri ng hayop. Si Wells, isang ebolusyonista, ay sumulat noong 1920: “Ang tao, sabi nila, ay isang hayop na namumuhay kasama ng kaniyang kauri at pangkat-pangkat na naninilang gaya ng isang uri ng mabangis na aso sa India . . . , kaya naman tanggap na nila na kung sino ang mas makapangyarihan, siya ang may karapatang manindak at manupil.”
Oo, gaya ng sinabi ni Cantor, napakalaki ng naging epekto ng unang digmaang pandaigdig sa pagkasira ng moralidad ng tao. Ipinaliwanag niya: “Isinisisi sa naunang henerasyon ang lahat ng pagkakamali—sa pulitika, sa pananamit, sa mga paggawi hinggil sa sekso.” Ang mga relihiyon, na sumira sa mga turong Kristiyano dahil sa pagyakap nila sa teoriya ng ebolusyon at panunulsol sa naglalabanang mga bansa, ay nagkaroon ng malaking epekto sa pagbaba ng moral. Sumulat ang Britanong Brigadyer Heneral na si Frank Crozier: “Ang mga Simbahang Kristiyano ang pinakamagaling na promotor sa pagbububo ng dugo na sinamantala naman natin.”
Winalang-Halaga ang mga Tuntunin sa Moralidad
Noong dekada ng 1920 pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang dating
mga pamantayan at pagbabawal sa moral ay binale-wala na at pinalitan na ng tuntuning kahit ano puwede. Nagkomento ang istoryador na si Frederick Lewis Allen: “Ang sumunod na sampung taon pagkatapos ng digmaan ay angkop na tawaging Dekada ng Masasamang Asal. . . . Nang maglaho ang dating daigdig, naglaho na rin ang mga pamantayang nagbigay ng kasaganaan at kabuluhan sa ating buhay, at mahirap nang bumuo ng panibagong pamantayang kahalili nito.”Ang Great Depression noong dekada ng 1930 ay nagsadlak sa maraming tao sa labis na kahirapan. Pero nang magtatapos na ang dekada, nagkaroon na naman ng isa pang mas mapangwasak na digmaan—ang Digmaang Pandaigdig II. Di-nagtagal, gumawa ang mga bansa ng kahindik-hindik na mga armas na pamuksa. Naisalba nga nito ang daigdig mula sa Depression ngunit isinadlak naman ito sa pagdurusa at takot na hindi kayang abutin ng isip ng tao. Nang matapos ang digmaan, daan-daang lunsod ang napinsala; dalawa sa Hapon ang nawasak dahil lamang sa tig-isang bomba atomikang inihulog dito! Milyun-milyon ang namatay sa nakapangingilabot na mga kampong piitan. Lahat-lahat, ang paglalabanang ito ay kumitil sa buhay ng mga 50 milyong lalaki, babae, at bata.
Sa panahon ng kakila-kilabot na Digmaang Pandaigdig II, sa halip na manghawakan sa tradisyonal na pamantayan ng kagandahang-asal, gumawa ang mga tao ng sarili nilang mga tuntunin sa paggawi. Sinabi ng aklat na Love, Sex and War—Changing Values, 1939-45: “Waring nawalan na ng pagpipigil sa sekso ang mga tao noong panahon ng digmaan, dahil ginawa na ring lisensiya ng mga sibilyan ang digmaan para maging imoral. . . . Di-nagtagal, sinira na ng kaguluhan ng digmaan ang moralidad ng tao, at nagmistulang maikli at walang halaga ang buhay ng mga sibilyan gaya ng buhay ng mga sundalo.”
Yamang palaging nasa bingit ng kamatayan ang buhay ng mga tao, hinangad nilang magkaroon ng karamay sa buhay kahit pansamantala lamang. Ipinagmatuwid ng isang Britanong asawang babae ang pagkunsinti sa imoral na gawain sa maliligalig na taóng iyon at nagsabi: “Hindi naman kami talaga imoral, may digmaan lamang kasi.” Umamin ang isang sundalong Amerikano, “Imoral kami sa tingin ng marami, pero mga bata pa kami at puwede kaming mamatay anumang oras.”
Nagdusa ang maraming nakaligtas sa digmaang iyon dahil sa malalagim na pangyayaring nasaksihan nila. Hanggang sa mga araw na ito, may ilan pa rin, pati na ang mga bata noon, na binabangungot ng nakalipas, anupat pakiramdam nila’y nangyayari na naman ito. Marami ang nawalan na ng pananampalataya at nawalan na rin ng tuntunin sa moral. Palibhasa’y wala nang galang sa anumang awtoridad na nagsasabi kung ano ang tama at mali, itinuring ng mga tao na lahat ng bagay ay may pasubali.
Bagong Pamantayan sa Paggawi
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, inilathala ang mga pag-aaral tungkol sa seksuwal na paggawi ng tao. Ang isa sa pag-aaral na ito sa Estados Unidos noong dekada ng 1940 ay ang Kinsey Report na may 800 pahina. Dahil dito, lantaran nang pinag-uusapan ng maraming tao ang tungkol sa sekso, na dati’y hindi nila karaniwang ginagawa. Bagaman sinasabing eksaherado ang mga istadistika sa ulat na iyon tungkol sa homoseksuwalidad at iba pang nakapandidiring paggawi sa sekso, isiniwalat ng pag-aaral ang mabilis na pagbaba ng moral pagkatapos ng digmaan.
May panahon din naman na sinikap mapanatili ang kagandahang-asal. Halimbawa, sinuri nila ang laman ng mga pelikula, programa sa radyo at telebisyon, at inalis ang anumang imoral na mga eksena. Subalit hindi ito nagtagal. Ipinaliwanag ni William Bennett, dating kalihim ng edukasyon sa Estados Unidos: “Pero pagsapit ng dekada ng 1960, tuluy-tuloy na bumulusok ang Amerika sa pagiging di-sibilisado.” At nakita rin ito sa maraming lupain. Bakit kaya bumilis ang pagbaba ng moral noong dekada ng 1960?
Nang dekada ring iyon, halos magkasabay na lumitaw ang kilusan para sa kalayaan ng kababaihan at ang malaking pagbabago sa saloobin sa moral na tinatawag na bagong moralidad. Lumabas din ang mabibisang pildoras na iniinom upang hindi magdalang-tao. Yamang wala na ang takot na magdalang-tao, naging palasak na ang “pakikipagrelasyon nang walang pananagutan sa isa’t isa.”
Kasabay nito, naging maluwag na ang mga pamamahayag, pelikula, at telebisyon sa kanilang mga tuntunin sa moral. Nang maglaon, sinabi ni Zbigniew Brzezinski, dating pinuno ng National Security Council ng Estados Unidos, tungkol sa mga tuntuning ipinalalabas sa TV: “Maliwanag na kinukunsinti nila ang pagpapalugod sa sarili, ipinakikita nilang normal lamang ang matinding karahasan at kalupitan, [at] naeengganyo nila ang mga tao na maging imoral.”
Pagsapit ng dekada ng 1970, nauso na ang mga betamax. Sa mismong bahay na nila napapanood ang malalaswang pelikula na hinding-hindi nila panonoorin sa mga sinehan. At ngayon, dahil sa Internet, kumalat na sa buong daigdig ang napakasasagwang pornograpya na makukuha ng sinumang may computer.
Nakatatakot ang mga resulta. “Noong nakalipas na sampung taon,” ang sabi kamakailan ng warden sa isang bilangguan sa Estados Unidos, “kapag may mga batang nabibilanggo noon, nakakausap ko sila tungkol sa kung ano ang tama at mali. Pero ang mga batang nabibilanggo ngayon ay walang kaide-ideya sa aking sinasabi.”
Nasaan ang Patnubay?
Hindi natin makikita sa mga relihiyon sa daigdig ang patnubay sa moral. Sa halip na itaguyod ang matuwid na mga simulain gaya ng ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod noong unang siglo, ang mga relihiyon ay nakisangkot sa daigdig at sa mga kasamaan nito. Nagtanong ang isang manunulat: “Aling bansa sa digmaan ang hindi nagsasabing kakampi nila ang Diyos?” Hinggil sa pagtataguyod ng mga pamantayang moral ng Diyos, ganito ang sinabi ng isang klerigo sa New York City noong nakalipas na mga taon: “Ang relihiyon ang tanging organisasyon sa daigdig na may pinakamababang pamantayan anupat mas madali pang makapasok dito kaysa makasakay sa bus.”
Maliwanag na kailangang-kailangan nang gumawa ng pagbabago upang malutas ang biglang pagbaba ng moral. Pero paano? Anong pagbabago ang kailangan? Sino ang makagagawa nito, at paano ito maisasagawa?
[Blurb sa pahina 5]
“Lubusan nang pinababa ng brutal na pamamaslang noong Unang Digmaang Pandaigdig [1914-18] ang halaga ng buhay ng tao”
[Larawan sa pahina 6, 7]
Kabi-kabila na ang masasamang uri ng libangan