Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Siyensiya at Diyos Sabik na sabik akong basahin ang seryeng “Matutulungan Ka ba ng Siyensiya na Masumpungan ang Diyos?” (Hunyo 22, 2004) Pinadalhan ko ng isang kopya ang aking bunsong kinakapatid na isang nuklear na pisiko. Tumpak ang mga artikulo tungkol sa panggigipit ng mga kasamahan sa siyentipikong pamayanan upang maging isang ateista. Naniniwala akong naging relihiyon na ang ateismo sa daigdig ng siyensiya dahil maling-mali ang impresyong ibinigay ng mga relihiyosong dogmatiko tungkol sa Bibliya. Maraming salamat sa pagtalakay ninyo sa ganitong mga paksa.

A. B., Estados Unidos

Isa na naman itong napakahusay na serye. Dahil sa napakagagandang larawan, lalo naming naintindihan ang apat na pangunahing pisikal na puwersa na nagiging dahilan upang umiral ang buhay sa ating lupa. At dahil sa inyong mga tanong sa mga relihiyonista, nalantad ang kanilang kahinaan pagdating sa integridad at kapakumbabaan. Pakisuyong tanggapin ninyo ang aking pasasalamat sa buong serye ng mga artikulo.

F. W., Estados Unidos

Concorde Ako po’y 16 na taóng gulang, at gusto ko po kayong pasalamatan sa artikulong “Ang Concorde sa Huling Paglipad Nito.” (Hunyo 22, 2004) Mula pa sa aking pagkabata, hangang-hanga na ako sa ‘lumilipad na mangangarerang’ ito. Kamangha-manghang makita ang mga bagay na nagagawa ng tao dahil sa talino at dunong na ibinigay ng Diyos sa kaniya.

T.D.C., Pransiya

Nakasakay na ako sa Concorde. Tuwang-tuwa ako habang pinagmamasdan ang “pagsikat” ng araw sa kanluran matapos kaming umalis sa London nang gabing iyon at lumapag pagkalipas lamang ng tatlong oras sa gitna ng matinding sikat ng araw nang hapon ding iyon sa New York!

R. M., Estados Unidos

Mapang-abusong Kasintahan Salamat po sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Mapipigil ang Aking Kasintahan sa Pagmamaltrato sa Akin?” (Hunyo 22, 2004) Minsan na akong nakipagrelasyon na naglagay sa akin sa pisikal at emosyonal na panganib. Takot na takot ako sa aking kasintahan, anupat lalo tuloy tumagal ang mapang-abusong relasyong iyon. Mabuti na lamang at naputol ko rin ang aming relasyon sa tulong ng aking mga magulang, Kristiyanong matatanda, at ng Diyos na Jehova. Makikinabang sa artikulong ito ang mga desperadong nangangailangan ng tulong.

J. A., Estados Unidos

Sana’y mapigilan ng artikulong ito ang sinuman na magpakasal sa isang lalaking nagmamaltrato sa kaniya. Sa simula pa lamang dapat nang tanggihan agad ang berbal, emosyonal, at pisikal na pang-aabuso! Natutuhan ko ang leksiyong ito sa masaklap na paraan.

T. G., Canada

Nagbagong Superbisor Sa loob ng limang taon, nagtrabaho ako sa isang mahinahon at maawaing lalaki. Ipinagbili ang kompanya, at isang panibagong superbisor ang inilagay. Naging puntirya ako ng kaniyang berbal na pang-aabuso. Panghihiya, pang-iinsulto, at mga kasinungalingan ang natatanggap ko araw-araw. Pighating-pighati ako at lumung-lumo. Saka ko naman natanggap ang isyu ng Mayo 8, 2004 na may seryeng “Biktima sa Trabaho​—Ano ang Magagawa Mo?” Nag-iwan ako ng isang kopya sa aking mesa sa lugar na kaniyang makikita at mababasa sakaling gustuhin niya. Binasa nga niya. Napakalaki ng ipinagbago ng kaniyang ugali mula noon. Hindi na niya ako nililigalig. Pinupuri pa nga niya ako sa aking trabaho. Para akong nabunutan ng tinik!

K.D.A., Côte d’Ivoire

Kalungkutan Napakaganda ng seryeng itinampok sa pabalat na “Mag-isa Ngunit Hindi Malungkot.” (Hunyo 8, 2004) Tuwang-tuwa ako lalo na sa mga mungkahing nakatala sa kahon sa pahina 7, “Kung Ano ang Magagawa Mo Tungkol sa Kalungkutan.” Nasubukan ko na ang marami sa mga mungkahing ito, at alam kong napakalaking pampatibay-loob ang maibibigay nito sa iba.

E. M., Estados Unidos