Ang Gaita—Mula Pa Noong Sinaunang Panahon
Ang Gaita—Mula Pa Noong Sinaunang Panahon
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
ANG gaita (bagpipe) ng Scottish Highland na kilala natin sa ngayon—na pinatutugtog sa Britanya, Canada, Estados Unidos, at iba pang mga bansang nagsasalita ng Ingles—ay halos 300 taóng gulang na. Gayunman, matatalunton natin ang pinagmulan ng instrumentong ito sa nagdaang libu-libong taon sa sinaunang lunsod ng Ur, ang lupang tinubuan ni Abraham, at gayundin sa sinaunang Ehipto. Natuklasan sa dalawang lugar na ito ang simpleng mga tipano (pipe) na yari sa tambo na itinuturing ng mga iskolar bilang ang tagapagpauna ng makabagong gaita. Subalit hindi alam kung kailan at sino ang nagdagdag ng bag.
Espesipikong binanggit sa aklat ng Daniel sa Bibliya, na isinulat mahigit na 500 taon bago isilang si Jesu-Kristo, ang anim na instrumento sa musika sa Babilonya. (Daniel 3:5, 10, 15) Kasali sa talaang ito ay ang salitang Aramaiko na sum·pon·yahʹ, na isinaling “gaita” sa maraming salin ng Bibliya.
Bagaman hindi natin matiyak kung ano ang hitsura ng sinaunang instrumentong ito sa Babilonya, malamang na ito’y nahahawig sa isa sa mga gaita na matatagpuan pa rin sa Silangan. Isinisiwalat ng mga ulat na ginamit sa Persia (Iran), India, at Tsina, ang iba’t ibang uri ng mga gaita, na ang ilan ay nananatili pa rin.
Sari-saring Uri sa Buong Daigdig
Ipinangako ng emperador ng Roma na si Nero, nang panahon ng kaniyang pamamahala noong unang siglo C.E., na kung mananatili siya sa kaniyang puwesto, “sunud-sunod [niyang patutugtugin] ang de-tubig na organo, plawta, at mga gaita,”
ang isinulat ng Romanong istoryador na si Suetonius. Halos 50 taon bago isilang si Nero noong 37 C.E., binanggit ng isang tula na iniukol sa makatang si Virgil ang tungkol sa “tipano, na humuhuni nang napakaganda.”Mula pa noong unang panahon, ang Alemanya, Espanya, Ireland, Italya, Poland, at Pransiya ay pawang may gaita, gaya sa mga bansa sa Balkan at Scandinavia. Paano napunta ang gaita sa Britanya? Sinasabi na noong mga 500 B.C.E., dinala ng nandarayuhang mga Celt ang gaita sa bansa at na ang maraming lalawigan sa Inglatera ay may sariling iba’t ibang uri ng gaita noong panahong iyon, gaya sa Scotland. Sinasabi pa nga ng The Oxford Companion to Music na “ang gaita ay mas popular sa Inglatera mga ilang siglo na maaga rito kaysa sa Scotland.”
Ang impanteriyang Romano ay may mga manunugtog ng gaita noon, subalit walang sinumang nakaaalam kung ang mga Romano nga ang nagdala ng gaita pagkatapos nilang makubkob ang British Isles noong 43 C.E., o basta pinaganda na lamang nila kung ano na ang naroroon.
Kung papasyal ka sa Scotland ngayon at magkaroon ka ng pagkakataong mapakinggan ang gaita ng Highland na umaalingawngaw sa makikipot na lambak, sasang-ayon ka na iyon ay isang karanasan na hindi basta malilimutan.
[Kahon/Larawan sa pahina 24, 25]
Ang libu-libong manunugtog ng gaita at tambol, na inilarawan bilang “ang pinakamalaking banda ng gaita,” ay nagparada sa bantog na Princes Street sa Edinburgh noong Agosto 2000 upang mangilak ng pera para sa pagkakawanggawa sa mga may kanser (gaya ng ipinakita sa itaas). Upang makasali sa mga manunugtog ng gaita na taga-Scotland, ang ibang manunugtog ay naglakbay hindi lamang mula sa Europa, Canada, at Estados Unidos kundi gayundin mula sa mga lugar na kasinlayo ng Hong Kong at isla ng Guam sa Pasipiko.
Ang gaita ng Scottish Highland ang pangunahing natitira sa pamilya ng mga gaita na inimbento sa Scotland. Kasali na rito ang mga gaita ng Scottish Lowland at ang maliliit na gaita ng Scotland. Ang gaita ng Northumbria ang natitira na lamang na instrumento ng Inglatera. Ang mayuming tunog nito ay parang nasa pagitan ng isang klarinete at isang oboe. Hindi tulad ng gaita ng Highland, ang bawat isa sa tatlong nabanggit na gaita ay may maliit na bulusan, na lumalaki at lumiliit sa pamamagitan ng galaw ng bisig ng manunugtog para punuin ng hangin ang bag, sa halip na sa pamamagitan ng hininga ng manunugtog na tuwirang inihihip dito.
Sa The Bagpipe—The History of a Musical Instrument, iniulat ng awtor na si Francis Collinson na noong 1746, ibinaba ng korte sa Inglatera ang ganitong hatol: “Ang isang rehimyento ng [Scottish] Highland ay hindi kailanman nagmamartsa nang walang manunugtog ng gaita,” at “sa gayon ang kaniyang gaita, sa mata ng batas, ay isang kasangkapan para sa digmaan.” Yamang walang angkan ang nakipagdigma kailanman nang walang manunugtog ng gaita, ito ang umakay sa pantanging pagkakakilanlan sa gaita ng Scottish Highland bilang ang tanging instrumento sa musika na “ipinagbawal” dahil sa pagiging sandatang pandigma nito.
[Credit Line]
Colin Dickson
[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]
Ang Gaita ng Scottish Highland
Ang blowstick: Ito ay may balbulang isahan ang daanan ng hangin sa dulo at nakakabit sa bag sa pamamagitan ng isang stock, isang hungkag na kahoy na socket na nakatali sa isang butas sa bag. Sa pamamagitan ng blowstick na ito, ang bag ay pinalalaki ng manunugtog at pagkatapos ay pinapapasok ang hangin sa chanter at mga drone sa pamamagitan ng pag-ipit sa bag
Mga tambo (reed): Ang pinakamahuhusay ay gawa sa tambo na Arundo donax, na itinatanim para sa ganitong gamit sa Pransiya, Italya, at Espanya
Ang chanter: Isang tipano sa musika na tinutugtog ang himig sa pamamagitan ng pitong butas para sa mga daliri at isang butas para sa hinlalaki na nasa bandang likuran. Lumalabas ang tunog sa pamamagitan ng dobleng tambo. Ang hangin sa gaita na chanter ay nagmumula sa isang bag na nakaipit sa bisig ng manunugtog
Ang bass drone: Katulad ng tenor drone subalit mas mababa ang tono ng dalawang oktaba kaysa sa chanter
Mga mounting: Ang karamihan nito ay yari sa garing, ngipin ng balyena, o buto, subalit ginagamit na rin ang plastik ngayon
Ang mga tenor drone: May dalawa nito. Ang bawat drone ay may isang tambo sa loob, at ginagawang magkatono ang mga ito, na mababa nang isang oktaba sa chanter
Ang bag: Ayon sa tradisyon, yari ito sa balat ng hayop, na karaniwang binalutan ng telang tartan
Mga kahoy: Noong sinaunang panahon ang lokal na mapupusyaw na kulay ng mga kahoy—malimit ay boxwood—ang ginagamit at kinukulayan ng itim. Nang maglaon, ang cocus o cocuswood (Brya ebenus), mabigat at matigas na kahoy na mula sa West Indies, ang naging paborito, subalit may iba pa, gaya ng African blackwood, isang uri ng halamang Dalbergia melanoxylon
[Mga larawan]
Tambo para sa chanter
Tambo para sa drone
[Larawan sa pahina 23]
Isang manunugtog ng gaita na kumpletong nakasuot ng damit ng taga-Highland
[Larawan sa pahina 24]
Ang chanter na pinagsasanayan: Dito natututo ang isang manunugtog, isang hiwalay na instrumento