MULA SA AMING ARCHIVE
Naipalaganap ng mga Pahayag Pangmadla ang Mabuting Balita sa Ireland
NOON ay Mayo 1910. Habang papalapit ang barko sa daungan sa Belfast, natatanaw ng maliit na grupo ng mga pasahero ang luntiang mga burol na nasisinagan ng bukang-liwayway. Para sa isang pasahero, si Charles T. Russell, ikalimang paglalakbay na niya ito papuntang Ireland. Kitang-kita ni Brother Russell ang dalawang napakalaking barko, ang Titanic at ang Olympic, na kasalukuyang ginagawa noon. * Nandoon sa may pantalan ang ilang Estudyante ng Bibliya na naghihintay sa pagdating niya.
Mga 20 taon bago nito, nagdesisyon si Brother Russell na maglakbay sa labas ng Amerika para maipalaganap ang mabuting balita sa buong mundo sa pinakaepektibong paraan. Ang una niyang pinuntahan ay ang Ireland, noong Hulyo 1891. Sakay ng barkong City of Chicago, pinagmamasdan niya ang paglubog ng araw habang papalapit sa baybayin ng Queenstown, at marahil ay naaalaala niya ang kuwento ng kaniyang mga magulang tungkol sa kanilang bayang pinagmulan. Habang binabaybay ni Brother Russell at ng mga kasamahan niya ang mga bayan at magagandang probinsiya, nakita nila na ang mga ito ay “bukiring hinog na at naghihintay na upang anihin.”
Pitong beses nakadalaw si Brother Russell sa Ireland. Dahil sa una niyang pagdalaw, naging interesadong makinig sa kaniya ang daan-daan, at kung minsan ay libo-libong tao, sa mga sumunod na pagdalaw niya. Sa kaniyang ikalawang paglalakbay noong Mayo 1903, ang mga pulong pangmadla sa Belfast at Dublin ay iniaanunsiyo na sa mga lokal na pahayagan. Ayon kay Russell, “ang mga tagapakinig ay matamang nakinig” sa paksang “Ang Sinumpaang Pangako.” Tungkol ito sa pananampalataya ni Abraham at sa mga pagpapalang tatamasahin ng sangkatauhan sa hinaharap.
Dahil sa magandang interes na ipinakita ng mga tao sa Ireland, binalikan ito ni Russell sa kaniyang ikatlong paglalakbay sa Europa. Isang umaga noong Abril 1908, habang pababa siya sa daungan ng Belfast, may limang brother na sumalubong sa kaniya. Kinagabihan, ang inianunsiyong pahayag pangmadla na “Ang Pagbagsak ng Imperyo ni Satanas” ay dinaluhan ng “mga 300 mapanuring tagapakinig.” May isang lalaking tumutol pero mataktika siyang sinagot gamit ang Kasulatan. Sa Dublin, sinikap ng mas determinadong salansang na si Mr. O’Connor, kalihim ng YMCA, na ibaling ang mahigit 1,000 tagapakinig laban sa mga Estudyante ng Bibliya. Ano kaya ang nangyari?
Balikan natin at isipin ang posibleng nangyari noon. Isang lalaki na interesado sa katotohanan sa Bibliya ang dumalo sa pahayag pangmadla na inianunsiyo sa The Irish Times. Halos hindi na siya makahanap ng upuan dahil punô na ang awditoryum. Matamang nakikinig ang lalaki sa tagapagsalita na balbas-sarado, may puting buhok, at nakasuot ng mahabang itim na amerikana. Habang nagpapahayag ang tagapagsalita, naglalakad-lakad ito sa entablado, ikinukumpas ang mga kamay nito, at
pinag-uugnay-ugnay ang mga teksto kung kaya naunawaan ng lalaki ang mga katotohanan sa Bibliya. Kahit walang sound equipment noon, ang boses ng tagapagsalita ay dinig na dinig sa buong bulwagan, kaya tutok na tutok ang mga tagapakinig sa isa’t-kalahating-oras na pahayag. Pagkatapos, sa tanong-at-sagot na sesyon, si Russell ay kinuwestiyon ni O’Connor at ng mga kasamahan nito pero naipagtanggol niya nang mahusay ang mensahe gamit ang Bibliya. Pumalakpak ang mga tagapakinig bilang pagsang-ayon kay Russell. Nang humupa na ang tensiyon, ang interesadong lalaki ay lumapit sa mga kapatid para matuto pa nang higit. Ayon sa mga nakasaksi, marami ang nakaalam ng katotohanan sa ganitong paraan.Umalis si Brother Russell sa New York noong Mayo 1909 sakay ng barkong Mauretania para sa kaniyang ikaapat na paglalakbay. Nagsama siya ng isang estenograpo, si Brother Huntsinger, para idikta rito ang mga artikulo sa Watch Tower sa panahon ng paglalakbay. Ang pahayag pangmadla ni Brother Russell sa Belfast ay dinaluhan ng 450 tagaroon. Pero kinailangang tumayo ng 100 sa kanila dahil wala nang maupuan.
Ang ikalimang paglalakbay, na binanggit sa simula, ay katulad din ng mga nauna. Pagkatapos ng pahayag pangmadla sa Dublin, isang kilaláng teologo na isinama ni O’Connor ang nakatanggap ng makakasulatang sagot sa kaniyang mga tanong, at nasiyahan dito ang mga tagapakinig. Kinabukasan, sumakay ang mga manlalakbay sa barkong panghatid-sulat papuntang Liverpool. Mula roon, sumakay naman sila sa bantog na barkong Lusitania papunta sa New York. *
Inianunsiyo rin ang mga pahayag pangmadla sa ikaanim at ikapitong paglalakbay ni Brother Russell noong 1911. Noong tagsibol, inorganisa ng 20 Estudyante ng Bibliya sa Belfast ang pahayag na “Kabilang-Buhay,” na dinaluhan ng 2,000 katao. Sa Dublin, nagsama muli si O’Connor ng isa pang ministro para magtanong. Pero binigyan ito ng makakasulatang mga sagot, na pinalakpakan ng mga tagapakinig. Noong taglagas ng taóng iyon, dumalaw naman si Russell sa ibang mga bayan, at marami rin ang dumalo. Muli, sinikap ni O’Connor, na ngayon ay may kasamang 100 lalaki, na guluhin ang pulong sa Dublin, pero si Russell ang sinuportahan ng mga tagapakinig.
Kahit na si Brother Russell ang pangunahing nagbibigay ng mga pahayag pangmadla noon, kinilala niya na ang gawaing ito ay hindi nakadepende sa tao, dahil “ito’y hindi gawain ng tao; gawain ito ng Diyos.” Ang mga inianunsiyong pahayag pangmadla noon—na tinatawag nating Pulong Pangmadla ngayon—ay nagbigay ng magagandang pagkakataon para ihayag ang mga katotohanan sa Kasulatan. Bilang resulta, ang mga pahayag pangmadla ay nakatulong para maipalaganap ang mabuting balita, at naitatag ang mga kongregasyon sa maraming lunsod sa buong Ireland.—Mula sa aming archive sa Britain.