TALAMBUHAY
Lahat ng Bagay ay Posible kay Jehova
“HINDI na magkakaroon ng kamatayan, at mabubuhay pa ngang muli ang mga patay.” Narinig iyan ng misis kong si Mairambubu sa isang babae habang nasa bus. Naging interesado siya rito. Nang huminto ang bus at bumaba ang mga pasahero, hinabol ng misis ko ang babae, si Apun Mambetsadykova, na isang Saksi ni Jehova. Mapanganib noon ang makipag-usap sa mga Saksi. Pero dahil sa mga natutuhan namin kay Apun, nagbago ang aming buhay.
NAGTATRABAHO BUONG ARAW
Isinilang ako noong 1937 sa isang kolkhoz, o bukid na pinangangasiwaan ng pamahalaan, malapit sa Tokmok, Kyrgyzstan. Ang pamilya namin ay mga Kyrgyz, at wikang Kyrgyz ang salita namin. Magbubukid ang mga magulang ko, at buong-araw silang nagtatrabaho sa kolkhoz. Sinusuplayan ng pagkain ang mga magsasaka, pero taunan ang sahod nila. Hiráp na hiráp si Inay sa pangangalaga sa amin ng nakababata kong kapatid na babae. Limang taon lang akong nag-aral sa paaralan, at nagtrabaho na ako sa kolkhoz.
Sa rehiyon namin, marami ang mahihirap, at talagang nakakapagod ang trabaho para lang makaraos. Noong kabataan ako, hindi ko masyadong pinag-iisipan ang tungkol sa layunin ng buhay o ang kinabukasan. Pero hindi ko inakalang babaguhin ng katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang layunin ang buhay ko. Napakaganda ng kuwento kung paano nakarating at lumaganap sa Kyrgyzstan ang mensaheng iyan. Nagsimula ito sa aking bayan sa hilagang Kyrgyzstan.
DINALA NG MGA DATING TAPON ANG KATOTOHANAN SA KYRGYZSTAN
Ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova ay nakarating sa Kyrgyzstan noong dekada ’50. Kinailangang daigin ng katotohanan ang isang popular na ideolohiya. Bakit? Dahil ang Kyrgyzstan ay bahagi noon ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Sa buong USSR, ang mga Saksi ni Jehova noon ay nananatiling neutral sa politika. (Juan 18:36) Kaya pinag-usig sila at itinuring na kaaway ng Komunistang estado. Pero walang ideolohiya na makapipigil sa Salita ng Diyos sa pag-abot sa puso ng mga tapat. Sa katunayan, isa sa pinakamahahalagang aral na natutuhan ko sa buhay ay na “lahat ng mga bagay ay posible” kay Jehova.—Mar. 10:27.
Dahil sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova, nakarating ang kanilang mensahe sa Kyrgyzstan. Paano? Kasama sa USSR ang rehiyon ng Siberia, kung saan sapilitang dinadala ang mga kaaway ng Estado. Nang mapalaya ang mga tapon, marami ang pumunta sa Kyrgyzstan. Dala ng ilan sa kanila ang katotohanan. Isa sa mga dating tapon ay si Emil Yantzen, na isinilang sa Kyrgyzstan noong 1919. Ipinadala si Emil sa isang labor camp at doon niya nakilala ang mga Saksi. Tinanggap niya ang katotohanan at nakabalik siya sa Kyrgyzstan noong 1956. Tumira siya malapit sa Sokuluk, sa aming kinalakhang rehiyon. Sa Sokuluk naitatag ang unang kongregasyon sa Kyrgyzstan noong 1958.
Pagkaraan ng isang taon, si Victor Vinter ay lumipat sa Sokuluk. Maraming pinagdaanang hirap ang tapat na brother na ito. Dalawang beses siyang sinentensiyahan ng tatlong-taóng pagkabilanggo dahil sa kaniyang neutralidad. Pagkatapos, nanatili pa siya nang 10 taon sa bilangguan, at 5 taon din siyang naging tapon. Pero hindi nakahadlang ang pag-uusig sa paglawak ng tunay na pagsamba.
PAPALAPIT NA ANG KATOTOHANAN SA AMING BAYAN
Noong 1963, mga 160 ang bilang ng mga Saksi sa Kyrgyzstan, at marami sa kanila ay galing sa Germany, Ukraine, at Russia. Isa sa kanila si Eduard Varter, isang tapon na nabautismuhan sa Germany noong 1924. Noong dekada ’40, ipinadala siya ng mga Nazi sa isang kampong piitan, at pagkaraan ng ilang taon, ipinatapon naman siya ng mga Komunistang nasa USSR. Noong 1961, ang tapat na brother na ito ay lumipat sa bayan ng Kant, na malapit sa aming bayan.
Nakatira din sa Kant si Elizabeth Fot, isang tapat na lingkod ni Jehova. Hanapbuhay niya ang pananahi. Mahusay siya kaya maraming propesyonal, gaya ng mga doktor at guro, na nagpapatahi sa kaniya. Isa sa mga suki niya ay si Aksamai Sultanalieva, na misis ng isang opisyal ng public prosecutor’s office. Kapag pinupuntahan niya si Elizabeth para magpatahi, maraming itinatanong si Aksamai tungkol sa kahulugan ng buhay at kalagayan ng mga patay. Sinasagot naman ni Elizabeth ang mga tanong niya gamit ang Bibliya. Dahil dito, si Aksamai ay naging isang masigasig na mángangarál ng mabuting balita.
Nang panahong iyon, si Nikolai Chimpoesh, na mula sa Moldova, ay nahirang na tagapangasiwa ng sirkito, at halos 30 taon siyang naglingkod sa gawaing ito. Bukod sa pagdalaw sa mga kongregasyon, inorganisa rin niya ang pagkopya at pamamahagi ng ating literatura. Siyempre, napansin ng mga awtoridad ang mga gawain niya. Kaya pinayuhan ni Eduard Varter si Nikolai: “Kapag tinanong ka ng mga awtoridad, prangkahan mong sabihin na galing ang literatura natin sa punong-tanggapan sa Brooklyn. Tingnan mo sa mata ang tauhan ng KGB. Wala kang dapat ikatakot.”—Mat. 10:19.
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, agad na ipinatawag si Nikolai sa punong-tanggapan ng KGB sa Kant. Ikinuwento niya ang nangyari: “Tinanong ako ng tauhan kung saan galing ang literatura natin. Sinabi ko sa kaniya na mula ito sa Brooklyn. Hindi niya alam ang isasagot niya. Kaya pinaalis na lang niya ako at hindi na ulit ipinatawag.” Nagpatuloy ang walang-takot na mga Saksi sa maingat na pagpapalaganap ng mabuting balita sa aming bayan sa hilagang Kyrgyzstan. Nang makarating sa aming pamilya ang katotohanan tungkol kay Jehova noong
dekada ’80, ang misis kong si Mairambubu ang unang nakarinig nito.TINANGGAP AGAD NG ASAWA KO ANG KATOTOHANAN
Si Mairambubu ay nagmula sa Naryn Region ng Kyrgyzstan. Isang araw noong Agosto 1974, dumalaw siya sa bahay ng kapatid kong babae, at doon ko siya unang nakita. Nagustuhan ko siya agad. Kaya nagpakasal kami nang araw ding iyon.
Noong Enero 1981, nagbibiyahe si Mairambubu sakay ng isang bus papunta sa palengke nang marinig niya ang pag-uusap na nabanggit sa simula. Gusto pa niyang makaalam ng tungkol doon kaya hiningi niya ang pangalan at adres ng babae. Nagpakilala naman ang babae, si Apun, pero nag-iingat ito dahil kahit noong dekada ’80, ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi. Kaya sa halip na ibigay sa asawa ko ang adres niya, kinuha ni Apun ang adres namin. Tuwang-tuwa ang asawa ko pagkauwi niya.
“Ang ganda ng mga narinig ko,” ang sabi ni Mairambubu. “Sabi ng isang babae, hindi na raw mamamatay ang mga tao. At kahit mababangis na hayop ay magiging maamo na.” Pero para sa akin, para lang itong kuwentong pambata. “Hintayin na lang natin siyang pumunta rito para mas maipaliwanag niya sa atin,” ang sabi ko.
Dinalaw kami ni Apun pagkaraan ng tatlong buwan. Nasundan pa iyon ng maraming pagdalaw, at nakilala namin ang ilan sa kauna-unahang mga Saksi na Kyrgyz. Itinuro sa amin ng mga sister na ito ang kamangha-manghang katotohanan tungkol kay Jehova at ang layunin niya para sa sangkatauhan. Tinuruan nila kami gamit ang aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso. * At dahil iisa lang ang kopya ng aklat na ito sa Tokmok, mano-mano namin itong kinopya.
Isa sa mga kauna-unahang bagay na natutuhan namin ay ang hula sa Genesis 3:15. Matutupad ang hulang ito sa pamamagitan ni Jesus bilang Mesiyanikong Hari ng Diyos. Kailangan itong marinig ng lahat ng tao! Kaya gustong-gusto naming makibahagi sa paghahayag nito. (Mat. 24:14) Di-nagtagal, unti-unting binago ng katotohanan mula sa Bibliya ang aming buhay.
PAGPUPULONG AT BAUTISMO SA KABILA NG PAGBABAWAL
Inanyayahan kami ng isang brother sa Tokmok sa isang kasalan. Agad naming napansin ng misis ko na ibang-iba ang paggawi ng mga Saksi. Walang alak doon, at napakaayos ng okasyon. Ibang-iba ito sa
mga kasalang nadaluhan na namin, kung saan kadalasan, ang mga bisita ay naglalasing, magugulo, at nagmumura.Dumalo rin kami sa ilang pagpupulong ng kongregasyon sa Tokmok, na ginaganap sa kagubatan, depende sa lagay ng panahon. Alam ng mga kapatid na minamatyagan sila ng mga pulis, kaya may mga brother na nagbabantay. Kapag taglamig, sa isang bahay kami nagpupulong. Ilang beses nang pumunta ang mga pulis sa bahay na iyon para alamin ang ginagawa namin. Kaya nang babautismuhan kami ni Mairambubu noong Hulyo 1982 sa Chüy River, kailangan kaming maging maingat. (Mat. 10:16) Dumating ang mga kapatid sa maliliit na grupo at nagtipon sa kagubatan. Umawit kami ng isang awiting pang-Kaharian at nakinig sa pahayag sa bautismo.
GINAMIT ANG PAGKAKATAON PARA PALAWAKIN ANG AMING MINISTERYO
Noong 1987, hinilingan ako ng isang brother na dalawin ang isang interesado na nakatira sa bayan ng Balykchy. Para makarating doon, kailangan naming bumiyahe nang apat na oras sa tren. Sa aming mga paglalakbay at pangangaral sa Balykchy, nakita namin ang napakaraming interesado roon. Magandang pagkakataon ito para palawakin ang aming ministeryo.
Madalas kaming maglakbay ni Mairambubu sa Balykchy sa mga dulo ng sanlinggo para maglingkod sa ministeryo at magdaos ng mga pulong. Napakaraming humihiling ng mga publikasyon natin. Kaya ang mga publikasyon galing sa Tokmok ay inilalagay namin sa mishok, isang sako na ginagamit sa paghahatid ng mga patatas. Pero kulang pa rin ang dalawang sako na punô ng literatura kada buwan. Kahit sa tren papunta o pabalik sa Balykchy, nakapagpapatotoo kami sa mga pasahero.
Noong 1995, isang kongregasyon ang nabuo sa Balykchy—walong taon pagkaraan ng unang pagdalaw namin sa bayang iyon. Nang mga taóng iyon, malaki ang nagagastos namin kapag naglalakbay mula Tokmok papuntang Balykchy. Limitado kami sa pinansiyal, kaya paano iyon naging posible? Isang brother ang regular na nagbibigay ng pera sa amin para mapunan ang gastusin namin. Alam ni Jehova ang pagnanais naming palawakin ang aming ministeryo, kaya binuksan niya “ang mga pintuan ng tubig sa langit” para pagpalain kami. (Mal. 3:10) Talagang lahat ng bagay ay posible kay Jehova!
ABALA PARA SA PAMILYA AT SA MINISTERYO
Noong 1992, nahirang ako bilang isang elder, ang unang elder na Kyrgyz sa bansa. Sa aming kongregasyon sa Tokmok, nabuksan ang mga bagong larangan ng paglilingkod. Maraming kabataang Kyrgyz, na nag-aaral sa mga educational institute, ang naging Bible study namin. Isa sa mga na-study namin ay naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Komite ng Sangay, at dalawa naman sa mga ito ay special pioneer. Sinikap din naming tulungan ang mga dumadalo sa pulong. Noong dekada ’90, Russian ang wikang ginagamit sa mga publikasyon at pagpupulong namin. Pero dumarami sa aming kongregasyon ang nagsasalita ng wikang Kyrgyz. Kaya nag-iinterpret ako para tulungan silang mas maunawaan ang katotohanan.
Naging abala rin kami ni Mairambubu sa pangangalaga sa aming mga anak. Isinasama namin sila sa pangangaral at pagpupulong. Nasisiyahan ang aming anak na babae na si Gulsayra, 12 anyos lang
noon, sa pakikipag-usap sa mga nagdaraan sa lansangan tungkol sa Bibliya. Gustong-gusto rin ng mga anak namin na magsaulo ng mga teksto. Dahil dito, ang aming mga anak, pati mga apo, ay lubusang nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon. Sa 9 na anak at 11 apo namin ngayon, 16 ang naglilingkod kay Jehova o dumadalo sa mga pulong kasama ng kanilang mga magulang.MGA KAMANGHA-MANGHANG PAGBABAGO
Tiyak na mamamangha ang mga brother at sister na nagbukas ng gawain ni Jehova sa aming lugar noong dekada ’50 sa mga pagbabagong naranasan namin. Halimbawa, mula noong dekada ’90, mas malaya na kaming mangaral ng mabuting balita at magtipon-tipon sa malalaking grupo.
Noong 1991, sa unang pagkakataon, nakadalo kami ng misis ko ng kombensiyon sa Alma-Ata, na kilalá ngayon bilang Almaty, sa Kazakhstan. At noong 1993, sa unang pagkakataon, nagsaayos ang mga kapatid sa Kyrgyzstan ng isang kombensiyon sa Spartak Stadium sa Bishkek. Isang linggong nilinis ng mga kapatid ang istadyum bago ang kombensiyon. Humanga ang direktor kaya hindi na niya kami pinagbayad sa paggamit ng pasilidad.
Noong 1994, natuwa kami nang maimprenta ang una sa ating mga publikasyon sa wikang Kyrgyz. Sa ngayon, ang literatura natin ay regular nang isinasalin sa wikang Kyrgyz ng isang translation team sa tanggapang pansangay sa Bishkek. At noong 1998, ang gawain ng mga Saksi ay legal nang kinilala sa Kyrgyzstan. Lumaki ang organisasyon, at ngayon, mahigit 5,000 na ang mamamahayag namin. Mayroon na kaming 83 kongregasyon at 25 grupo sa mga wikang Chinese, English, Kyrgyz, Russian, Russian Sign Language, Turkish, Uighur, at Uzbek. Kahit iba-iba ang pinagmulan ng mga brother at sister, naglilingkod sila kay Jehova nang may pagkakaisa. Dahil kay Jehova, naging posible ang lahat ng kamangha-manghang pagbabagong ito.
Binago rin ni Jehova ang buhay ko. Lumaki ako sa isang mahirap na pamilya at limang taon lang nag-aral. Pero ginamit ako ni Jehova para maglingkod bilang elder at para turuan ng katotohanan sa Bibliya ang mga tao na mas edukado kaysa sa akin. Oo, pinangyayari ni Jehova kahit ang pambihirang mga bagay. Pinakikilos ako ng sarili kong karanasan na patuloy na magpatotoo tungkol kay Jehova. Dahil kay Jehova, “posible ang lahat ng mga bagay.”—Mat. 19:26.
^ par. 21 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.