Kilala Mo Ba si Jehova Gaya Nina Noe, Daniel, at Job?
“Ang mga taong nakahilig sa kasamaan ay hindi nakauunawa ng kahatulan, ngunit yaong mga humahanap kay Jehova ay nakauunawa ng lahat ng bagay.”—KAW. 28:5.
1-3. (a) Ano ang tutulong sa atin na makapanatiling tapat sa Diyos sa mga huling araw na ito? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
HABANG papatapos ang mga huling araw, “sumisibol ang mga balakyot na gaya ng pananim.” (Awit 92:7) Kaya hindi kataka-taka na binabale-wala ng marami ang mga pamantayang moral ng Diyos. Paano tayo magiging “mga sanggol . . . tungkol sa kasamaan” pero “hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa”?—1 Cor. 14:20.
2 Makikita natin ang sagot sa ating temang teksto: “Yaong mga humahanap kay Jehova ay nakauunawa ng lahat ng bagay”—ibig sabihin, lahat ng bagay na kailangan para mapalugdan siya. (Kaw. 28:5) Katulad ito ng sinasabi sa Kawikaan 2:7, 9, na “para sa mga matuwid ay mag-iimbak [si Jehova] ng praktikal na karunungan.” Dahil dito, “mauunawaan [nila] ang katuwiran at ang kahatulan at ang katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.”
3 Nagkaroon sina Noe, Daniel, at Job ng karunungang iyan. (Ezek. 14:14) Gayon din ang bayan ng Diyos ngayon. Kumusta ka naman? ‘Nauunawaan mo ba ang lahat ng bagay’ na kailangan para mapalugdan si Jehova? Ang susi ay ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa kaniya. Kaya naman, talakayin natin (1) kung paano nakilala nina Noe, Daniel, at Job ang Diyos, (2) kung paano ito nakatulong sa kanila, at (3) kung paano tayo magkakaroon ng pananampalatayang katulad ng sa kanila.
LUMAKAD SI NOE KASAMA NG DIYOS SA ISANG NAPAKASAMANG SANLIBUTAN
4. Paano nakilala ni Noe si Jehova? At paano nakatulong sa kaniya ang tumpak na kaalaman?
4 Kung paano nakilala ni Noe si Jehova. Mula sa pasimula ng kasaysayan ng tao, may tatlong pangunahing paraan para matuto tungkol sa Diyos: ang pagmamasid sa mga nilikha niya, mula sa ibang taong may takot sa Diyos, at ang pagpapala ng pamumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan at simulain ng Diyos. (Isa. 48:18) Sa pagmamasid sa sangnilalang, makikita ni Noe ang maraming ebidensiya ng pag-iral ng Diyos at ng kaniyang di-nakikitang mga katangian, gaya ng “kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Kaya naman, hindi lang basta naniwala si Noe sa Diyos; nagkaroon din siya ng matibay na pananampalataya sa kaniya.
5. Paano nalaman ni Noe ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan?
5 Ayon sa Bibliya, “ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” (Roma 10:17) Kanino narinig ni Noe ang tungkol kay Jehova? Tiyak na mula sa kaniyang mga kamag-anak. Kasama rito ang ama niyang si Lamec, isang taong may pananampalataya na isinilang noong nabubuhay pa si Adan. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) Kasama rin dito ang lolo niyang si Matusalem at ang kaniyang lolo sa talampakan na si Jared, na namatay 366 na taon pagkasilang ni Noe. * (Luc. 3:36, 37) Marahil natutuhan ni Noe mula sa mga lalaking ito, at sa kanilang mga asawa, ang tungkol sa pasimula ng sangkatauhan, ang layunin ng Diyos na punuin ng matuwid na pamilya ng tao ang lupa, at ang paghihimagsik sa Eden—na ang masasamang resulta ay nakita mismo ni Noe. (Gen. 1:28; 3:16-19, 24) Tiyak na naantig ang puso ni Noe sa natutuhan niya kung kaya naglingkod siya sa Diyos.—Gen. 6:9.
6, 7. Paano pinatibay ng pag-asa ang pananampalataya ni Noe?
6 Tumitibay ang pananampalataya dahil sa pag-asa. Isip-isipin ang nadama ni Noe nang malaman niya na ang pangalan niya—malamang na nangangahulugang “Kapahingahan; Kaaliwan”—ay nagpapahiwatig ng pag-asa! (Gen. 5:29) Sa patnubay ni Jehova, sinabi ni Lamec: “Ang isang ito [si Noe] ay magdadala sa atin ng kaaliwan . . . sa kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.” Umasa si Noe sa Diyos. Gaya nina Abel at Enoc, naniwala siya sa “binhi” na dudurog sa ulo ng serpiyente.—Gen. 3:15.
7 Kahit hindi lubusang nauunawaan ni Noe ang pangako ng Diyos na nakaulat sa Genesis 3:15, kumbinsido siya na may dala itong pag-asa sa hinaharap. Ang pangakong iyon sa Eden ay kaayon din ng mensaheng ipinahayag ni Enoc, na humula rin tungkol sa hatol ng Diyos sa masasama. (Jud. 14, 15) Tiyak na ang mensahe ni Enoc, na lubusang matutupad sa Armagedon, ay nagpatibay sa pananampalataya at pag-asa ni Noe!
8. Sa anong mga paraan naging proteksiyon kay Noe ang tumpak na kaalaman sa Diyos?
8 Kung paano nakatulong kay Noe ang tumpak na kaalaman sa Diyos. Dahil sa tumpak na kaalaman, nagkaroon si Noe ng pananampalataya at makadiyos na karunungan, na nagsilbing proteksiyon sa kaniya, lalo na sa panganib sa espirituwal. Halimbawa, dahil si Noe ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos,” hindi siya lumakad, o nakisama, sa mga di-makadiyos. Hindi siya nagpadaya sa mga demonyong nagkatawang-tao, na hinangaan ng mga tao—at baka sinamba pa nga—dahil sa kanilang pambihirang lakas. (Gen. 6:1-4, 9) Alam din ni Noe na mga tao ang sinabihang magpalaanakin at punuin ang lupa. (Gen. 1:27, 28) Kaya tiyak na alam niyang mali at hindi likas ang pagsasama ng mga babae at ng mga espiritung nagkatawang-tao. At napatunayang totoo iyan nang magkaanak ang mga ito ng di-normal na mga supling. Kaya naman sinabi ng Diyos kay Noe na magpapasapit Siya ng baha sa lupa. Dahil nanampalataya si Noe sa babalang iyon, nagtayo siya ng arka, kung kaya naligtas ang kaniyang pamilya.—Heb. 11:7.
9, 10. Paano natin matutularan ang pananampalataya ni Noe?
9 Kung paano tayo magkakaroon ng pananampalatayang katulad ng kay Noe. Ang susi ay pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos, dibdibin ang ating natututuhan, at hayaang hubugin tayo at patnubayan ng kaalamang iyon. (1 Ped. 1:13-15) Sa gayon, ang pananampalataya at makadiyos na karunungan ay magsisilbing proteksiyon natin laban sa tusong mga pakana ni Satanas at sa masamang impluwensiya ng sanlibutan. (2 Cor. 2:11) Dahil sa impluwensiyang iyan, marami ang mahilig sa karahasan at imoralidad, at nakapokus sa mga pagnanasa ng laman. (1 Juan 2:15, 16) Kung mahina ang pananampalataya natin, baka bale-walain natin ang ebidensiya na malapit na ang dakilang araw ng Diyos. Nang ihambing ni Jesus ang panahon natin sa panahon ni Noe, idiniin niya, hindi ang karahasan o imoralidad, kundi ang panganib ng pagwawalang-bahala sa Diyos.—Basahin ang Mateo 24:36-39.
10 Tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa pamumuhay ko na talagang kilala ko si Jehova? Pinakikilos ba ako ng pananampalataya ko na mamuhay ayon sa matuwid na pamantayan ng Diyos at ituro din ito sa iba?’ Makita sana sa mga sagot mo na ‘lumalakad kang kasama ng tunay na Diyos’ gaya ni Noe.
NAGPAKITA SI DANIEL NG MAKADIYOS NA KARUNUNGAN SA PAGANONG BABILONYA
11. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng makadiyos na debosyon ni Daniel tungkol sa kaniyang mga magulang? (b) Anong mga katangian ni Daniel ang gusto mong tularan?
11 Kung paano nakilala ni Daniel si Jehova. Maliwanag na si Daniel ay tinuruan ng kaniyang mga magulang na ibigin si Jehova at ang Kaniyang Salita. Hindi kumupas ang pag-ibig na iyon sa buong buhay ni Daniel. Kahit noong matanda na siya, binabasa at pinag-aaralan pa rin niya ang Kasulatan. (Dan. 9:1, 2) Malalim din ang kaalaman ni Daniel tungkol sa mga ginawa ng Diyos para sa bansang Israel. Makikita ito sa kaniyang taimtim at mapagpakumbabang panalangin na nakaulat sa Daniel 9:3-19. Bakit hindi mo subukang basahin at bulay-bulayin iyon? Pagkatapos, bigyang-pansin kung ano ang matututuhan mo kay Daniel.
12-14. (a) Sa anong mga paraan nagpakita si Daniel ng makadiyos na karunungan? (b) Paano pinagpala si Daniel dahil sa kaniyang lakas ng loob at pagkamatapat sa Diyos?
12 Kung paano nakatulong kay Daniel ang tumpak na kaalaman sa Diyos. Hindi madali para sa isang tapat na Judio na maglingkod sa Diyos habang nasa paganong Babilonya. Halimbawa, sinabi ni Jehova sa mga Judio: “Hanapin ninyo ang kapayapaan ng lunsod na doon ay pinayaon ko kayo sa pagkatapon.” (Jer. 29:7) Pero kasabay nito, kahilingan din niya na magpakita sila ng bukod-tanging debosyon sa kaniya. (Ex. 34:14) Ano ang nakatulong kay Daniel na sundin ang dalawang utos na ito? Dahil sa makadiyos na karunungan, naunawaan niya na may limitasyon ang pagpapasakop sa sekular na mga awtoridad. Itinuro din ni Jesus ang simulaing ito nang maglaon.—Luc. 20:25.
13 Halimbawa, pansinin ang ginawa ni Daniel nang ipagbawal ng batas ang pananalangin sa alinmang diyos o tao maliban sa hari sa loob ng 30 araw. (Basahin ang Daniel 6:7-10.) Puwede sanang magdahilan si Daniel, ‘Tatlumpung araw lang naman!’ Pero hindi niya hinayaang makahadlang ang utos ng hari sa pagsamba niya sa Diyos. Puwede rin naman sana siyang manalangin sa isang pribadong lugar para hindi siya makita. Pero alam niya na maraming tao ang nakaaalam ng kaugalian niya sa pananalangin araw-araw. Kaya kahit manganib ang buhay niya, iniwasan ni Daniel na magmukhang ikinokompromiso niya ang pagsamba niya sa Diyos.
14 Pinagpala ni Jehova ang lakas-loob at matapat na paninindigan ni Daniel. Makahimala niyang iniligtas si Daniel mula sa mababangis na leon. Sa katunayan, naging matinding patotoo ito para kay Jehova at nabalitaan hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng Imperyo ng Medo-Persia!—Dan. 6:25-27.
15. Paano tayo magkakaroon ng pananampalatayang katulad ng kay Daniel?
15 Kung paano tayo magkakaroon ng pananampalatayang katulad ng kay Daniel. Hindi lang basta pagbabasa ng Salita ng Diyos ang susi sa matibay na pananampalataya. Kailangan din nating ‘makuha ang diwa nito.’ (Mat. 13:23) Gusto nating malaman kung ano ang iniisip at nadarama ni Jehova sa mga bagay-bagay, pati na ang mga simulain sa Bibliya. Kaya kailangan nating bulay-bulayin ang binabasa natin. Mahalaga rin ang regular at taimtim na pananalangin, lalo na kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok o problema. Kung mananalangin tayo nang may pananampalataya para sa karunungan at lakas, ibibigay sa atin ni Jehova ang mga ito.—Sant. 1:5.
SINUNOD NI JOB ANG MGA SIMULAIN NG DIYOS—MABUTI MAN O MASAMA ANG KALAGAYAN
16, 17. Paano nagkaroon si Job ng tumpak na kaalaman sa Diyos?
16 Kung paano nakilala ni Job si Jehova. Hindi Israelita si Job. Pero malayong kamag-anak niya sina Abraham, Isaac, at Jacob, at itinuro sa kanila ni Jehova ang tungkol sa Kaniya at sa layunin Niya para sa sangkatauhan. Sa paano man, nalaman ni Job ang marami sa mahahalagang katotohanang iyon. (Job 23:12) “Nakarinig ako ng tungkol sa iyo,” ang sabi niya. (Job 42:5) Sinabi rin ni Jehova na nagsalita si Job ng katotohanan tungkol sa Kaniya.—Job 42:7, 8.
17 Nakita rin ni Job ang marami sa mga katangian ng Diyos sa mga bagay na nilikha Niya. (Job 12:7-9, 13) Ginamit ni Elihu at ng Diyos na Jehova ang mga nilalang para ituro kay Job ang pagiging hamak ng tao kumpara sa kadakilaan ng Diyos. (Job 37:14; 38:1-4) Tumagos sa puso ni Job ang mga sinabi ni Jehova, kaya mapagpakumbaba niyang inamin sa Diyos: “Napag-alaman ko na kaya mong gawin ang lahat ng bagay, at walang kaisipan ang hindi mo magagawa. . . . Ako ay nagsisisi sa alabok at abo.”—Job 42:2, 6.
18, 19. Sa anong mga paraan ipinakita ni Job na talagang kilala niya si Jehova?
Job 6:14) Hindi niya inisip na nakahihigit siya sa iba. Sa halip, nagpakita siya ng malasakit sa lahat, mayaman man o mahirap. “Hindi ba ang Isa na lumikha sa akin sa tiyan ang lumikha sa [kanila]?” ang sabi niya. (Job 31:13-22) Kahit mayaman at makapangyarihan si Job, hindi lumaki ang ulo niya at hindi niya hinamak ang kaniyang kapuwa. Ibang-iba nga siya sa mayayaman at makapangyarihan sa mundo ngayon!
18 Kung paano nakatulong kay Job ang tumpak na kaalaman sa Diyos. Malalim ang kaunawaan ni Job sa mga simulain ng Diyos. Talagang kilala niya si Jehova, at kumilos siya ayon sa kaalamang iyon. Halimbawa, alam ni Job na hindi niya puwedeng sabihing mahal niya ang Diyos kung hindi naman siya mabait sa kaniyang kapuwa. (19 Tinanggihan din ni Job ang lahat ng uri ng idolatriya, kahit sa puso niya. Kung makikibahagi siya sa huwad na pagsamba at magpopokus sa materyal na kayamanan, para na rin niyang ikinaila “ang tunay na Diyos sa itaas.” (Basahin ang Job 31:24-28.) Para sa kaniya, ang pag-aasawa ay isang sagradong bigkis sa pagitan ng isang lalaki at babae. Nakipagtipan pa nga siya sa kaniyang mga mata na huwag tumingin sa isang dalaga sa imoral na paraan. (Job 31:1) Kahanga-hanga iyan dahil nabuhay siya sa panahong pinahihintulutan ng Diyos ang poligamya. Kaya puwede sanang kumuha si Job ng pangalawang asawa kung gusto niya. * Pero maliwanag na ginawa niyang parisan ang pag-aasawang pinasimulan ng Diyos sa Eden, at ikinapit niya ang halimbawang iyon. (Gen. 2:18, 24) Pagkaraan ng mga 1,600 taon, itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagapakinig ang matuwid na mga simulaing iyon tungkol sa sekso at pag-aasawa.—Mat. 5:28; 19:4, 5.
20. Paano makatutulong ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayan para makapili tayo ng mabubuting kaibigan at paglilibang?
20 Kung paano tayo magkakaroon ng pananampalatayang katulad ng kay Job. Muli, ang susi ay ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman kay Jehova at pagpapagabay sa kaalamang iyon sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Halimbawa, sinabi ng salmistang si David na “ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan” ni Jehova. Nagbabala rin siya na huwag tayong makisama sa “mga taong bulaan.” (Basahin ang Awit 11:5; 26:4.) Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga tekstong iyan tungkol sa pag-iisip ng Diyos? Paano ito dapat makaapekto sa iyong mga priyoridad, paggamit ng Internet, at pagpili ng mga kaibigan at paglilibang? Makikita sa iyong mga sagot kung gaano mo kakilala si Jehova. Para huwag tayong mabahiran ng masalimuot at masamang sanlibutang ito, dapat nating sanayin ang ating “mga kakayahan sa pang-unawa” para makilala natin hindi lang kung ano ang tama at mali, kundi pati ang marunong at di-marunong.—Heb. 5:14; Efe. 5:15.
21. Paano natin ‘mauunawaan ang lahat’ ng kailangan natin para mapalugdan ang ating makalangit na Ama?
21 Dahil hinanap nina Noe, Daniel, at Job si Jehova nang kanilang buong puso, hinayaan niyang masumpungan nila siya. Tinulungan niya silang ‘maunawaan ang lahat’ ng kailangan nila para mapalugdan siya. Kaya naman naging halimbawa sila ng katuwiran, at naging matagumpay. (Awit 1:1-3) Kaya tanungin ang sarili, ‘Kilala ko ba si Jehova gaya nina Noe, Daniel, at Job?’ Ang totoo, dahil sa tumitinding espirituwal na liwanag, puwede mo siyang makilala nang higit kaysa sa kanila! (Kaw. 4:18) Kaya pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos. Bulay-bulayin ito. At hilingin ang banal na espiritu sa pamamagitan ng panalangin. Mas magiging malapít ka sa iyong makalangit na Ama. Kung gayon, kikilos ka nang may kaunawaan at karunungan sa di-makadiyos na sanlibutang ito.—Kaw. 2:4-7.
^ par. 5 Si Enoc, na lolo sa tuhod ni Noe, ay “patuloy [ring] lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Pero “kinuha siya ng Diyos” mga 69 na taon bago isilang si Noe.—Gen. 5:23, 24.