Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huminto muna ang mga payunir na sina George Rollston at Arthur Willis para tubigan ang radiator ng kanilang sasakyan.—Sa Northern Territory, noong 1933

MULA SA AMING ARCHIVE

“Walang Daang Malubak o Napakahaba”

“Walang Daang Malubak o Napakahaba”

NOONG Marso 26, 1937, kahit pagód na, dalawang lalaki ang nagbiyahe papuntang Sydney, Australia, sakay ng kanilang maalikabok na trak. Mula nang umalis sila rito isang taon na ang nakararaan, mahigit 19,300 kilometro na ang nilakbay nila sa mabako at malalayong rehiyon ng kontinente. Hindi sila manggagalugad o nakikipagsapalaran lang. Sina Arthur Willis at Bill Newlands ay dalawa lang sa masisigasig na payunir na pursigidong dalhin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa malawak na outback ng Australia.

Sa pagtatapos ng dekada ng 1920, mga baybaying lunsod at bayan o nakapalibot na mga lugar lang ang napangaralan ng iilang Estudyante ng Bibliya * sa Australia. Pero hindi pa sila nakagagawa sa outback, isang tigang na rehiyon sa kalagitnaan ng Australia at mahigit kalahati ng United States ang laki. Kaunti lang ang nakatira dito, pero alam ng mga kapatid na ang mga tagasunod ni Jesus ay dapat magpatotoo tungkol sa kaniya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa,” kasama na ang outback. (Gawa 1:8) Pero paano nila iyon magagawa? Nanampalataya sila na pagpapalain sila ni Jehova at determinado silang gawin ang buong makakaya nila.

INIHANDA NG MGA PAYUNIR ANG DAAN

Noong 1929, para makubrehan ang mga loobang rehiyon, ang mga kongregasyon sa Queensland at Western Australia ay gumawa ng mga motor van na kumpleto sa gamit. Mga payunir na may malalakas na pangangatawan ang gumamit sa mga sasakyang ito dahil makukumpuni nila ito kapag nasira, at kakayanin nila ang mahihirap na kalagayan. Pinuntahan ng mga payunir na ito ang maraming lugar na hindi pa kailanman napangangaralan.

Nagbibisikleta naman papunta sa outback ang mga payunir na walang pambili ng sasakyan. Halimbawa, noong 1932, ang 23-anyos na si Bennett Brickell ay naglakbay mula sa Rockhampton, Queensland, at nangaral nang limang buwan sa malayong kanlurang bahagi ng Queensland. Mabigat ang karga ng bisikleta niya—mga kumot, damit, pagkain, at maraming aklat. Nang bumigay na ang gulong ng kaniyang bisikleta, nagpatuloy pa rin siya, na nagtitiwala sa gabay ni Jehova. Itinulak niya ang kaniyang bisikleta nang 320 kilometro sa malalayong lugar kung saan may mga namatay dahil sa uhaw. Sa sumunod na 30 taon, naglakbay si Brother Brickell nang daan-daang libong kilometro sa buong Australia sakay ng bisikleta, motorsiklo, at kotse. Sinimulan niya ang gawaing pangangaral sa mga Aborigine (katutubo) at nakatulong siya para makapagtatag ng mga bagong kongregasyon, kaya nakilala siya at iginalang sa buong outback.

PAGHARAP SA MGA HAMON

Ang Australia ay isa sa may pinakamaliliit na populasyon sa mundo, at mas kaunti pa ang populasyon sa outback. Kaya naman nagpursigi ang bayan ni Jehova na hanapin ang mga indibiduwal sa malalayong bahagi ng Australia.

Ganiyan kapursigido ang mga payunir na sina Stuart Keltie at William Torrington. Noong 1933, tinawid nila ang Simpson Desert, isang malawak na sand dune, para mangaral sa bayan ng Alice Springs, sa gitna ng Australia. Nang masira ang kanilang maliit na sasakyan at kailangang iwan, si Brother Keltie—na may isang artipisyal na binting kahoy—ay nagpatuloy sa paglalakbay para mangaral sakay ng isang kamelyo! Nagbunga ang pagsisikap ng mga payunir nang makilala nila si Charles Bernhardt, isang manager ng hotel sa William Creek, na isang hintuan ng tren sa liblib na lugar. Nang maglaon, tinanggap ni Charles ang katotohanan, ibinenta ang kaniyang hotel, at mag-isang nagpayunir sa loob ng 15 taon sa pinakatigang at liblib na mga lugar sa Australia.

Naghahanda si Arthur Willis sa paglalakbay para mangaral sa malawak na outback ng Australia.—Sa Perth, Western Australia, noong 1936

Kinailangan ng mga unang payunir na iyon ang lakas ng loob at pagpupursigi sa harap ng mga hamon. Sina Arthur Willis at Bill Newlands, na binanggit sa simula, ay inabot nang dalawang linggo para lang makapaglakbay nang 32 kilometro. Dahil sa matinding pag-ulan, ang disyerto ay naging parang dagat ng putik! Kung minsan, dahil sa nakapapasong init, pawisán nilang itinutulak ang kanilang trak sa ibabaw ng mga bundok ng buhangin. Dumaraan din sila sa mababatong lambak at mabuhanging sahig ng ilog. Madalas masira ang kanilang trak, kaya ilang araw silang naglalakad o nagbibisikleta papunta sa pinakamalapit na bayan at doon nila hihintayin ang pagdating ng pamalit na mga piyesa, na inaabot nang ilang linggo. Sa kabila nito, positibo pa rin sila. Nang maglaon, nasabi ni Arthur Willis ang kagaya ng sinabi noon ng magasing The Golden Age: “Para sa Kaniyang mga saksi, walang daang malubak o napakahaba.”

Sinabi ng matagal nang payunir na si Charles Harris na lalo siyang napalapít kay Jehova dahil sa pagkabukod at paghihirap na naranasan niya sa outback. Sinabi rin niya: “Ang buhay ay mas mainam na tahakin nang kakaunti lamang ang dala-dalahan. Kung si Jesus ay handang matulog sa labas kapag kinakailangan, kung gayon ay dapat na maging maligaya tayo na gayundin ang gawin kung hinihiling ng atas sa atin.” At ganiyan ang ginawa ng maraming payunir. Salamat sa kanilang pagpapagal, naipalaganap ang mabuting balita sa lahat ng sulok ng Australia, at natulungan ang maraming indibiduwal na pumanig sa Kaharian ng Diyos.

^ par. 4 Noong 1931, sinimulang gamitin ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova.—Isa. 43:10.