MULA SA AMING ARCHIVE
Ang Sound Car na Kilalá ng Milyon-milyon
“Iisa lang ang sound car na ginagamit sa paglilingkod sa Panginoon sa Brazil, at kilalá iyon ng milyon-milyon, ang ‘Watch Tower sound car.’”—Nathaniel A. Yuille, noong 1938.
NOONG unang bahagi ng dekada ng 1930, hindi gaanong masulong ang gawaing pang-Kaharian sa Brazil. Pero noong 1935, sumulat ang mga payunir na sina Nathaniel at Maud Yuille kay Joseph F. Rutherford, na nangunguna noon sa gawaing pangangaral. Sinabi nila na gusto nilang magboluntaryo at handa silang pumunta kahit saan.
Si Nathaniel, na retiradong civil engineer, ay 62 anyos na noon. Service director siya ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa San Francisco, California, U.S.A. Inorganisa niya ang gawaing pangangaral doon at gumamit siya ng mga sound equipment sa paghahayag ng mabuting balita. Ang kaniyang karanasan at pagiging mapagsakripisyo ay malaking tulong sa bago niyang atas bilang lingkod ng sangay sa malawak na teritoryong iba-iba ang wika—ang Brazil.
Noong 1936, dumating sa Brazil sina Nathaniel at Maud, kasama ang isa pang payunir at interpreter na si Antonio P. Andrade. May dala-dala silang mahalagang kargamento—35 ponograpo at isang sound car. Ikalima ang Brazil sa mga bansang may pinakamalawak na kalupaan sa buong mundo, at mga 60 lang ang mamamahayag ng Kaharian doon! Pero ang mga bagong kagamitang iyon ay tutulong sa kanila na mapangaralan ang milyon-milyon sa loob lang ng ilang taon.
Isang buwan pagdating ng mag-asawang Yuille, isinaayos ng tanggapang pansangay ang unang service convention sa Brazil, na idinaos sa lunsod ng São Paulo. Lumilitaw na si Maud ang nagmaneho ng sound car at inianunsiyo nila ang pahayag pangmadla—110 ang dumalo! Napatibay ng kombensiyong iyon ang mga mamamahayag kung kaya napakilos sila na dagdagan ang panahon nila sa paglilingkod sa larangan. Natuto silang gumamit ng mga literatura at testimony card, pati na ng mga plaka ng
ponograpo sa Ingles, German, Hungarian, Polish, Spanish at, nang maglaon, sa Portuguese.Noong 1937, tatlong service convention pa ang idinaos—sa São Paulo, Rio de Janeiro, at sa Curitiba. Napasigla nito ang gawaing pag-eebanghelyo. Nagbahay-bahay ang mga kombensiyonista kasama ang sound car. Si José Maglovsky, na kabataan pa nang panahong iyon, ay sumulat: “Ilalagay namin ang aming mga publikasyon sa Bibliya sa isang puwesto, at habang ipinahahayag ng sound car ang isang isinaplakang mensahe, ang mga tao na nagsilabas sa kanilang mga tahanan upang alamin kung ano ang nangyayari ay kinakausap namin.”
Ginagawa ang bautismo sa mga ilog, habang may mga taong nagbibilad sa araw sa di-kalayuan. Napakasarap talagang mangaral ng mabuting balita gamit ang sound car! Dumadagundong mula sa mga amplifier ang boses ni Brother Rutherford na nagpapahayag tungkol sa bautismo. Pinalilibutan ng mga nag-uusyoso ang sound car, at pinakikinggan nila ang pahayag na ininterpret sa Portuguese. Pagkatapos, binabautismuhan ang mga kandidato habang tumutugtog ang mga awiting pang-Kaharian sa wikang Polish. Sinabayan ito ng mga kapatid na umaawit sa iba’t ibang wika. “Ipinaalaala nito ang nangyari noong Pentecostes kung paanong nakaunawa ang bawat isa sa kaniyang wika,” ang sabi ng 1938 Yearbook.
Pagkatapos ng mga kombensiyon, tuwing Linggo, umulan man o umaraw, pumupunta ang sound car para iparinig ang mga pahayag sa Bibliya sa mga parke, kabahayan, at mga pabrika sa sentro ng São Paulo at sa kalapít na mga bayan. Buwan-buwan, ginagamit ang sound car para mapaabutan ng mensahe ang 3,000 nakatira sa kolonya ng mga ketongin, na 97 kilometro sa hilagang-kanluran ng São Paulo. Nang maglaon, nagkaroon doon ng masulong na kongregasyon. Sa kabila ng kanilang malubhang karamdaman, ang mga mamamahayag na iyon ng Kaharian ay pinayagang bumisita sa isa pang kolonya ng mga ketongin para magbahagi ng mensahe ng Bibliya.
Bago magtapos ang 1938, dumating din sa wakas ang mga rekording sa wikang Portuguese. Noong Araw ng mga Patay, pumunta ang sound car sa mga sementeryo at pinatugtog ang mga plakang may paksang “Saan Naroroon ang mga Patay?,” “Jehova,” at “Kayamanan.” Mahigit 40,000 ang napaabutan!
Nagalit ang mga lider ng relihiyon sa matapang na paghahayag na ito ng katotohanan sa Bibliya, at madalas nilang gipitin ang mga awtoridad para patahimikin ang sound car. Ikinuwento ni Sister Yuille na minsan, sinulsulan ng lokal na pari ang mga tao na kuyugin ang sound car. Pero dumating ang alkalde at ang mga pulis at nakinig sa buong programa. Pag-alis ng alkalde, may dala na siyang literatura sa Bibliya. Walang kaguluhang nangyari nang araw na iyon. Sa kabila ng gayong pagsalansang, sinabi ng 1940 Yearbook tungkol sa Brazil na 1939 ang “pinakamagandang taon para paglingkuran ang Dakilang Teokrata at ihayag ang kaniyang pangalan.”
Malaking pagbabago sa pangangaral sa Brazil ang nagawa ng “Watch Tower sound car.” Dahil dito, milyon-milyon ang napaabutan ng mensahe ng Kaharian. Kahit naibenta na ang sikát na sound car na iyon noong 1941, napakaraming Saksi ni Jehova ang patuloy na naghahayag ng mabuting balita sa tapat-pusong mga tao sa malawak na teritoryo ng Brazil.—Mula sa aming archive sa Brazil.