MULA SA AMING ARCHIVE
“Ang mga Pinagkatiwalaan ng Gawain”
PAGKATAPOS ng ilang araw na mahangin at maulan, sumikat ang araw noong Lunes, Setyembre 1, 1919. Nang hapong iyon, wala pang 1,000 delegado ang dumating sa awditoryum na may kapasidad na 2,500 para sa pambukas na sesyon ng kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Kinagabihan, may 2,000 pang dumating sakay ng mga ferry, kotse, at espesyal na mga tren. Kinabukasan, napakarami nang tao kaya kinailangang idaos ang programa ng kombensiyon sa labas ng awditoryum sa ilalim ng naglalakihang puno.
Dahil tumatagos ang sikat ng araw, ang anino ng mga dahon ay nagmukhang lace sa suot ng mga brother. Nililipad-lipad naman ng banayad na hangin mula sa Lake Erie ang mga balahibo sa sombrero ng mga sister. “Dahil sa malaparkeng ganda ng paligid, na malayo sa ingay ng mundo, para na kaming nasa paraiso,” ang sabi ng isang brother.
Natalo ang ganda ng paligid dahil sa sayang mababakas sa mukha ng mga naroroon. “Lahat ay mukhang napakataimtim,” ang ulat ng isang lokal na pahayagan, “pero napakamasayahin nila.” Para sa mga Estudyante ng Bibliya, napakasayang magsama-sama matapos ang matitinding pagsubok ng nagdaang mga taon: pagsalansang noong panahon ng digmaan; pagkakabaha-bahagi sa mga kongregasyon; pagpapasara sa Brooklyn Bethel; pagkabilanggo ng marami alang-alang sa Kaharian, kasama na ang walong nangungunang brother na sinentensiyahan nang hanggang 20-taóng pagkabilanggo. *
Dahil sa panghihina ng loob, may mga Estudyante ng Bibliya na huminto sa pangangaral sa mahirap na panahong iyon. Ginawa naman ng karamihan ang makakaya nila para makapagpatuloy sa gawain sa kabila ng paghihigpit ng pamahalaan. Halimbawa, iniulat ng isang imbestigador na sa kabila ng mariing babala, ang mga Estudyante ng Bibliya na pinagtatanong niya ay nagsabing “patuloy [nilang] ipangangaral ang salita ng Diyos hanggang sa wakas.”
Sa panahong ito ng pagsubok, ang tapat na mga Estudyante ng Bibliya ay “naghihintay sa pag-akay ng Panginoon, . . . [at] laging nananalangin para sa patnubay ng Ama.” Ngayon ay magkakasama na silang muli sa masayang asambleang ito sa Cedar Point. Ipinahayag ng isang sister ang damdamin ng marami na nag-iisip kung paano “pag-iibayuhin ang kanilang gawain at mangangaral sa organisadong paraan.” Higit sa anupaman, gustong-gusto na nilang maglingkod!
“GA”—ISANG BAGONG PANTULONG!
Buong linggong naging palaisipan sa mga delegado ang mga letrang “GA” na nakaimprenta sa mga programa ng kombensiyon, welcome card, at mga karatula sa lugar ng kombensiyon. Sa wakas, noong Biyernes, “Co-Laborers’ Day,” inihayag ni Joseph F. Rutherford ang kahulugan nito sa 6,000 kombensiyonista. Ang “GA” pala ay nangangahulugang The Golden Age (Ang Ginintuang Panahon)—isang bagong magasin na gagamitin sa ministeryo. *
Tungkol sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano, sinabi ni Brother Rutherford: “Sa kabila ng mga pagsubok, dahil may pananampalataya sila, nakikita nila ang Ginintuang Panahon ng maluwalhating pamamahala ng Mesiyas. . . . Itinuturing nilang pangunahing tungkulin at pribilehiyo na ihayag sa buong mundo ang pagdating ng Ginintuang Panahon. Kasama ito sa kanilang bigay-Diyos na atas.”
Ang Golden Age, “Isang Babasahin ng Katotohanan, Pag-asa, at Pagtitiwala,” ay gagamitin sa bagong paraan ng paghahayag ng katotohanan—isang kampanya ng pag-aalok ng suskripsiyon sa bahay-bahay. Nang tanungin ang mga tagapakinig kung ilan ang gustong sumama sa kampanya, lahat ay nagtayuan. Pagkatapos, “taglay ang sigla at sigasig na makikita lang sa mga tagasunod sa yapak ni Jesus,” umawit sila: “Isugo mo ang iyong liwanag at katotohanan, O Panginoon.” “Hinding-hindi ko malilimutan na parang nayanig ang mga puno,” ang kuwento ni J. M. Norris.
Pagkatapos ng sesyon, ilang oras na pumila ang mga delegado para mapabilang sa unang mga subscriber ng magasin. Marami ang tulad ni Mabel Philbrick, na nagsabi: “Napakasayang malaman na mayroon na kami uling gawain na gagampanan!”
“ANG MGA PINAGKATIWALAAN NG GAWAIN”
Naghanda ang mga 7,000 Estudyante ng Bibliya. Nakasaad sa flier na Organization Method at buklet na To Whom the Work Is Entrusted (Ang mga Pinagkatiwalaan ng Gawain) ang mga detalye: Isang bagong Service Department sa punong-tanggapan ang mangangasiwa sa gawain. Dapat bumuo ang mga kongregasyon ng isang Service Committee at mag-atas ng isang direktor na magtatawid ng mga tagubilin. Ang mga teritoryo ay hahatiin sa mga seksiyon na tig-150 hanggang 200 bahay. Magdaraos ng Pulong sa Paglilingkod tuwing Huwebes ng gabi para mailahad ng mga kapatid ang mga karanasan nila sa kampanya at maisumite ang kanilang ulat sa paglilingkod.
“Pag-uwi namin, naging abala kaming lahat sa kampanya ng suskripsiyon,” ang sabi ni Herman Philbrick. Napakarami nilang natagpuang interesado. Naobserbahan ni Beulah Covey na “pagkatapos ng digmaan at matinding kalungkutan, para bang lahat ay nasasabik maging sa ideya ng isang ginintuang panahon,” kung kailan wala nang anumang problema at lahat ay magkakaroon ng mas magandang buhay. Isinulat naman ni Arthur Claus: “Nagulat ang buong kongregasyon sa dami ng kumuha ng mga suskripsiyon.” Sa loob lang ng dalawang buwan mula nang lumabas ang unang isyu nito, halos kalahating milyong sampol na kopya ng The Golden Age ang naipasakamay, at 50,000 na ang kumuha ng suskripsiyon nito.
Nang maglaon, sinabi ni A. H. Macmillan na unang pinasigla ng organisasyon ang mga kapatid sa buong daigdig na ipangaral ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng artikulong “Ebanghelyo ng Kaharian,” sa Hulyo 1, 1920, isyu ng The Watch Tower. Hinimok ng artikulong iyon ang lahat ng pinahirang Kristiyano na “magbigay ng patotoo sa buong mundo na malapit na ang kaharian ng langit.” Sa ngayon, ang mga kapatid na ito ni Kristo, “ang mga pinagkatiwalaan ng gawain,” ay may kasamang milyon-milyon na masigasig na nangangaral ng salita habang hinihintay ang ginintuang panahon ng Mesiyas.
^ par. 5 Tingnan ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, kab. 6, “Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918).”
^ par. 9 Pinalitan ang pangalan ng The Golden Age at ginawang Consolation noong 1937, at Awake! noong 1946.