ANG BANTAYAN—EDISYON PARA SA PAG-AARAL

Patuloy na Umasa sa mga Espirituwal na Paglalaan ni Jehova

Tagalog
Patuloy na Umasa sa mga Espirituwal na Paglalaan ni Jehova
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/2026240/univ/art/2026240_univ_sqr_xl.jpg
w26 Enero p. 2-7

MARSO 2-8, 2026

AWIT BLG. 97 Kailangan ang Salita ng Diyos Para Mabuhay

Patuloy na Umasa sa mga Espirituwal na Paglalaan ni Jehova

Patuloy na Umasa sa mga Espirituwal na Paglalaan ni Jehova

TAUNANG TEKSTO PARA SA 2026: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”​—MAT. 5:3.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo patuloy na makikinabang sa espirituwal na pagkain, pananamit, at kanlungan na inilalaan ni Jehova.

1. Ano ang ilan sa mga kailangan natin? (Mateo 5:3)

 NILALANG tayo ni Jehova na may mga pangangailangan. Halimbawa, kailangan natin ng pagkain, damit, at tirahan para mabuhay. Kung mawawala ang kahit isa sa mga iyan, magiging mahirap ang buhay. Baka mamatay pa nga tayo. Pero hindi lang iyan ang kailangan natin. Nilalang din tayo ni Jehova na may pangangailangang makilala siya at magpagabay sa kaniya. (Basahin ang Mateo 5:3.) At kung gusto nating maging tunay na maligaya, dapat na alam nating may ganiyan tayong pangangailangan at dapat tayong umasa sa mga paglalaan ni Jehova.

2. Bakit masasabing gaya tayo ng isang pulubi?

2 Ang ekspresyong Griego na ginamit para sa “mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos” ay tumutukoy sa isang pulubi na humihingi ng tulong. Baka maisip natin ang isang taong namamalimos na marumi ang damit at walang makain. Nakabilad siya sa araw at giniginaw naman sa gabi. Iniiwasan siya ng mga tao dahil sa hitsura niya. Hinang-hina siya, at hindi siya masaya. Alam niyang kailangan niya ng tulong para bumuti ang sitwasyon niya. Parang ganiyan ang isang taong nakakaalam na kailangan niya ang Diyos. Dahil alam niyang kailangan niya ang gabay ng Diyos, sabik siyang makatanggap ng mga paglalaan Niya.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang tatlong katangiang ipinakita ng isang babaeng taga-Fenicia na humingi ng tulong kay Jesus. Iyan din ang mga katangiang dapat ipakita ng mga taong nakauunawa na kailangan nila ang Diyos. Pagkatapos, pag-uusapan natin ang halimbawa ng mga taong umasa sa gabay ni Jehova—sina apostol Pedro, apostol Pablo, at Haring David.

ISANG HALIMBAWA NG KAPAKUMBABAAN, PAGTITIYAGA, AT PANANAMPALATAYA

4. Ano ang hiniling ng isang babaeng taga-Fenicia kay Jesus?

4 Isang araw, may babaeng taga-Fenicia na lumapit kay Jesus dahil “sinasaniban [ang anak niyang babae] ng demonyo.” (Mat. 15:​21-28) Lumuhod at nagmakaawa pa nga ang babae kay Jesus na tulungan ang anak niya. Ano ang matututuhan natin sa paglapit niya kay Jesus? Pag-usapan natin ang ilan sa magagandang katangian na naipakita niya.

5. Anong mga katangian ang ipinakita ng babae, at ano ang ginawa ni Jesus dahil doon? (Tingnan din ang larawan.)

5 Nagpakita ng tunay na kapakumbabaan ang babaeng taga-Fenicia. Bakit natin nasabi iyan? Dahil hindi sumama ang loob niya sa isinagot ni Jesus sa kaniya. Ikinumpara siya ni Jesus sa isang maliit na aso na karaniwan nang inaalagaan ng mga Gentil sa loob ng bahay nila. Kung ikaw ang nasa sitwasyon ng babae, ano kaya ang magiging reaksiyon mo? Sasama ba ang loob mo at hindi ka na hihingi ng tulong kay Jesus? Hindi iyan ang ginawa ng babaeng taga-Fenicia dahil mapagpakumbaba siya. Naging matiyaga rin siya kasi hindi siya tumigil sa paghingi ng tulong. At nagawa niya iyan dahil sa pananampalataya niya kay Jesus. Nang makita ni Jesus ang matibay na pananampalataya ng babae, napakilos siyang tulungan ito. Kahit na kakasabi pa lang niya na isinugo siya “para lang sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel,” pinaalis niya ang masamang espiritu sa anak ng babaeng Gentil.

Nagpakita ng kapakumbabaan, pagtitiyaga, at pananampalataya ang babaeng taga-Fenicia na humingi ng tulong kay Jesus (Tingnan ang parapo 5)


6. Ano ang matututuhan natin sa babaeng taga-Fenicia?

6 Para patuloy tayong makatanggap ng gabay ni Jehova, kailangan natin ng mga katangiang ipinakita ng babaeng taga-Fenicia. Kailangan nating maging mapagpakumbaba at matiyaga sa paghingi ng tulong sa Diyos. Kailangan din natin ng matibay na pananampalataya kay Jesus at magtiwala sa mga inatasan niyang manguna. (Mat. 24:​45-47) Masayang-masaya si Jehova at si Jesus kapag nakikita nilang may ganiyan tayong mga katangian, at siguradong tutulungan nila tayo at gagabayan. (Ihambing ang Santiago 1:​5-7.) Pag-usapan naman natin ngayon kung paano tayo pinaglalaanan ni Jehova ng espirituwal na pagkain, pananamit, at kanlungan. Titingnan din natin kung paano natin matutularan sina Pedro, Pablo, at David para makinabang tayo sa mga paglalaang iyan.

MAKINABANG SA ESPIRITUWAL NA PAGKAIN GAYA NI PEDRO

7. Anong atas ang natanggap ni Pedro, pero ano pa rin ang kailangan niyang gawin? Ipaliwanag. (Hebreo 5:14–6:1)

7 Pag-isipan ang halimbawa ni Pedro. Isa siya sa mga Judio na unang nakakilala kay Jesus bilang Mesiyas. At naunawaan niya na ginagamit ni Jehova si Jesus para ituro sa mga tao ang tungkol sa buhay na walang hanggan. (Juan 6:​66-68) Bago umakyat sa langit si Jesus, sinabi niya kay Pedro: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:17) Ginampanan ni Pedro ang atas na iyan, at ginamit pa nga siya ni Jehova para sumulat ng dalawang liham na naging bahagi ng Bibliya. Pero kahit si Pedro mismo, kailangan din ng espirituwal na pagkain. Halimbawa, pinag-aralan niya ang mga liham na isinulat ni Pablo na naging bahagi rin ng Bibliya. Sinabi ni Pedro na “mahirap maintindihan” ang ilan sa mga isinulat ni Pablo. (2 Ped. 3:​15, 16) Pero pinag-aralan pa rin niya ang mga iyon. At nagtiwala siyang tutulungan siya ni Jehova na maintindihan ang “matigas na pagkain” na iyon at masunod iyon.​—Basahin ang Hebreo 5:14–6:1.

8. Ano ang ginawa ni Pedro nang makatanggap siya ng bagong tagubilin mula kay Jehova?

8 Dahil may pananampalataya si Pedro kay Jehova, sinunod niya ang mga tagubiling natanggap niya. Halimbawa, noong nasa lunsod ng Jope si Pedro, nakakita siya ng isang pangitain. Sinabi sa kaniya ng isang anghel na magkatay at kumain ng mga hayop na marumi ayon sa Kautusang Mosaiko. Siguradong nakakagulat iyan para sa isang Judiong gaya ni Pedro. Kaya noong una, nasabi niya: “Hindi ko kaya, Panginoon! Dahil kahit kailan, hindi pa ako kumain ng anumang marumi at ipinagbabawal.” Pero sinabi sa kaniya ng anghel: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” (Gawa 10:​9-15) Tinanggap ba ni Pedro ang pagbabagong iyan? Di-nagtagal pagkatapos nito, pumunta kay Pedro ang tatlong lalaking ipinadala ng Gentil na si Cornelio. Niyaya nila siyang sumama sa kanila para makausap si Cornelio. Kung hindi pa nakita ni Pedro ang pangitain, siguradong hindi siya papasok sa bahay ng isang Gentil. Para kasi sa mga Judio, marumi ang mga Gentil. (Gawa 10:​28, 29) Pero dahil sa pangitaing nakita niya, binago niya agad ang paraan ng pag-iisip niya at sinunod si Jehova. (Kaw. 4:18) Nangaral siya kay Cornelio at sa sambahayan nito. Dahil diyan, nanampalataya sila kay Jesus, tumanggap ng banal na espiritu, at nabautismuhan.​—Gawa 10:​44-48.

9. Paano tayo nakikinabang kapag patuloy tayong kumakain ng matigas na espirituwal na pagkain?

9 Gaya ni Pedro, dapat nating regular na palakasin ang sarili natin ng espirituwal na pagkain. Kasama diyan ang “gatas,” o mga pangunahing turo mula sa Bibliya. Pero huwag din nating kalimutang kumain ng matigas na pagkain, o mga katotohanang hindi madaling maunawaan. Kailangan ng panahon at pagsisikap para maunawaan ang mga bagay na iyan, pero sulit naman ito. Bakit? Kasi makikinabang tayo sa dalawang paraan: Una, mas makikilala natin si Jehova kaya mas lalalim ang pag-ibig at paggalang natin sa kaniya; at ikalawa, mas gugustuhin nating sabihin sa iba ang magagandang bagay tungkol sa kaniya. (Roma 11:33; Apoc. 4:11) May matututuhan pa tayo sa halimbawa ni Pedro: Kapag may pagbabago sa unawa natin, dapat nating tanggapin agad iyon at mag-adjust. Kailangan nating gawin iyan para patuloy tayong gabayan ni Jehova at makapaglingkod tayo nang tapat sa kaniya.

MAGSUOT NG ESPIRITUWAL NA PANANAMIT GAYA NI PABLO

10. Ano ang dapat nating gawin para makapagsuot tayo ng espirituwal na pananamit? (Colosas 3:​8-10)

10 Para mapasaya natin si Jehova, kailangan din nating magsuot ng espirituwal na pananamit. Paano natin magagawa iyan? Sinabi ni Pablo na dapat nating ‘hubarin ang lumang personalidad’ at ‘isuot ang bagong personalidad.’ (Basahin ang Colosas 3:​8-10.) Hindi laging madaling gawin iyan. Pag-isipan ang halimbawa ni Pablo. Bata pa lang siya, sinikap na niyang mapasaya ang Diyos. (Gal. 1:14; Fil. 3:​4, 5) Pero hindi niya talaga naiintindihan ang tamang paraan ng pagsamba. Dahil hindi niya alam ang katotohanan tungkol kay Jesus at mapagmataas siya, naging “walang galang” siya at nagkaroon ng masasamang ugali.​—1 Tim. 1:13.

11. Anong kahinaan ang kinailangang paglabanan ni Pablo? Ipaliwanag.

11 Bago naging Kristiyano si Pablo, mainitin ang ulo niya. Mababasa natin sa ulat ng Mga Gawa na sa sobrang galit niya sa mga alagad ni Jesus, gusto niya silang patayin. (Gawa 9:1) Noong naging Kristiyano na siya, siguradong sinikap niyang alisin ang ugaling ito. (Efe. 4:​22, 31) Pero nang magkaroon sila ni Bernabe ng di-pagkakasundo, nauwi iyon sa “mainitang pagtatalo.” (Gawa 15:​37-39) Lumabas ulit ang kahinaan ni Pablo, pero hindi siya sumuko. Patuloy niyang ‘binugbog ang katawan’ niya—pinaglabanan niya ang mga kahinaan niya—para mapasaya si Jehova.​—1 Cor. 9:27.

12. Ano ang nakatulong kay Pablo na mahubad ang lumang personalidad niya?

12 Paano nahubad ni Pablo ang lumang personalidad at naisuot ang bagong personalidad? Hindi siya umasa sa sarili niyang lakas. (Fil. 4:13) Gaya ni Pedro, umasa siya sa “lakas na ibinibigay ng Diyos.” (1 Ped. 4:11) Pero may mga panahon pa ring pinanghihinaan si Pablo dahil sa mga pagkakamali niya. Kapag nangyayari iyan, inaalala niya ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kaniya. Iyan ang nakatulong sa kaniya na hindi sumuko at patuloy na gumawa ng mga pagbabago.​—Roma 7:​21-25.

13. Paano natin matutularan si Pablo?

13 Matutularan natin si Pablo kung tatanggapin natin na kahit gaano na tayo katagal sa katotohanan, kailangan pa rin nating magsikap para maisuot ang espirituwal na pananamit. Ibig sabihin, patuloy nating huhubarin ang lumang personalidad natin at isusuot ang bagong personalidad. Posibleng lumabas pa rin ang mga kahinaan natin—halimbawa, baka hindi natin makontrol ang galit natin o makapagsalita tayo ng masakit sa iba. Pero huwag nating isipin na hindi na natin mapapasaya si Jehova. Patuloy pa rin nating pagsikapang baguhin ang paraan natin ng pag-iisip at pagkilos. (Roma 12:​1, 2; Efe. 4:24) At habang ginagawa natin iyan, dapat nating tandaan: Di-gaya ng literal na damit na puwede nating i-adjust para magkasya sa atin, tayo ang dapat mag-adjust para maisuot ang espirituwal na pananamit. Dapat nating patuloy na baguhin ang sarili natin para masunod ang mga kahilingan ni Jehova.

MANATILI SA ESPIRITUWAL NA KANLUNGAN GAYA NI DAVID

14-15. Paano naglalaan si Jehova ng espirituwal na proteksiyon sa bayan niya? (Awit 27:5) (Tingnan din ang larawan.)

14 Hindi lang espirituwal na pagkain at pananamit ang kailangan natin para maging tunay na maligaya. Kailangan din natin ang espirituwal na kanlungan mula kay Jehova. Paano iyan inilalaan sa atin ni Jehova, at ano ang kailangan nating gawin para patuloy niya tayong maprotektahan?

15 Kumbinsido si David na poprotektahan siya ni Jehova sa mahihirap na sitwasyon. (Basahin ang Awit 27:5.) Paano iyan ginagawa ni Jehova para sa bayan niya ngayon? Iniingatan niya tayo mula sa anumang puwedeng makasira sa kaugnayan natin sa kaniya. Nangangako siyang hindi magtatagumpay ang anumang sandatang gagawin para ipanlaban sa atin. (Awit 34:7; Isa. 54:17) Makapangyarihan si Satanas, ang mga demonyo niya, at ang mga umuusig sa atin. Pero mas makapangyarihan si Jehova. Kahit patayin nila tayo, bubuhayin niya tayong muli. (1 Cor. 15:​55-57; Apoc. 21:​3, 4) Tinutulungan din tayo ni Jehova na makayanan ang mga alalahanin para hindi tayo huminto sa paglilingkod sa kaniya. (Kaw. 12:25; Mat. 6:​27-29) Ginagamit din niya ang mga kapatid para patibayin tayo, pati na ang mga elder para pastulan tayo. (Isa. 32:​1, 2) At kapag dumadalo tayo sa mga pulong, naipapaalala sa atin ang mga puwede nating gawin para patuloy tayong maprotektahan ni Jehova.​—Heb. 10:​24, 25.

Dahil alam ng sister na kailangan niya ang Diyos, dumadalo siya sa pulong kasama ng mga kapatid (Tingnan ang parapo 14-15)


16. Paano pinrotektahan ni Jehova si David?

16 Kapag sumusunod si David sa gabay ni Jehova, naiiwasan niya ang kapahamakang nararanasan ng mga sadyang gumagawa ng kasalanan. (Ihambing ang Kawikaan 5:​1, 2.) Pero noong sinuway niya si Jehova, naranasan niya ang resulta ng maling desisyon niya—hindi siya pinrotektahan ni Jehova sa mga naging epekto nito. (2 Sam. 12:​9, 10) May mga panahong nagdusa rin si David kahit wala siyang ginawang mali. Paano iyan hinarap ni David? Sinabi niya sa panalangin ang lahat ng nararamdaman niya, at pinatibay siya ni Jehova. Tiniyak ni Jehova na mahal na mahal niya si David at na hinding-hindi niya ito pababayaan.​—Awit 23:​1-6.

17. Paano natin matutularan si David?

17 Matutularan natin si David kapag hinihingi natin ang gabay ni Jehova bago magdesisyon. Dapat nating tandaan na minsan, nakakaranas tayo ng pagdurusa dahil sa maling desisyon natin, at hindi dahil sa pinabayaan tayo ni Jehova. (Gal. 6:​7, 8) Paano naman kung makaranas tayo ng pagdurusa kahit wala tayong ginawang mali? Sabihin natin ang lahat ng nararamdaman natin kay Jehova. Siguradong papagaanin niya ang loob natin at ipaparamdam sa atin na mahal niya tayo.​—Fil. 4:​6, 7.

PATULOY NA UMASA SA GABAY NI JEHOVA

18. Ano ang iniisip ng marami sa ngayon, at ano ang dapat nating gawin para patuloy tayong gabayan ni Jehova? (Tingnan din ang mga larawan.)

18 “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” Iyan ang taunang teksto natin para sa 2026. Napakahalagang tandaan natin iyan. Bakit? Napapalibutan tayo ng mga tao na hindi naniniwalang kailangan nila ang Diyos o na sumasamba sa kaniya sa maling paraan. May iba naman na umaasa sa gabay ng tao. Hindi tunay na maligaya ang mga taong iyan. Kaya huwag natin silang tularan. Lagi tayong umasa sa espirituwal na pagkain na ibinibigay ni Jehova, patuloy nating isuot ang bagong personalidad, at manatili tayo sa espirituwal na kanlungang inilalaan niya.

Dapat nating patuloy na tanggapin ang espirituwal na pagkain, pananamit, at kanlungan na inilalaan ni Jehova (Tingnan ang parapo 18) a

AWIT BLG. 162 Kailangan Ko ang Diyos

a LARAWAN: Nag-aaral ng Bantayan ang sister na ipinakita sa naunang larawan para palakasin ang sarili niya, nagpapakita siya ng kabaitan na bahagi ng bagong personalidad niya, at tinatanggap niya ang tulong ng mga elder na nagpapatibay sa kaniya.