MARSO 23-29, 2026
AWIT BLG. 18 Salamat sa Pantubos
Paano Mo Ipapakita ang Pasasalamat Mo sa Pantubos?
“Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin.”—2 COR. 5:14.
MATUTUTUHAN
Kung paano nating lahat maipapakita na pinapahalagahan natin ang pantubos.
1-2. Ibinigay ni Jesus ang buhay niya para sa atin. Dapat tayong mapakilos nito na gawin ang ano, at bakit? (2 Corinto 5:14, 15) (Tingnan din ang larawan.)
KUNG naligtas ka mula sa mga guho ng isang bumagsak na building, ano ang mararamdaman mo? Siguradong makakaramdam ka ng malaking utang na loob sa nagligtas sa iyo. At dahil diyan, gugustuhin mong ipakita na nagpapasalamat ka sa kaniya at na hindi mo makakalimutan ang ginawa niya para sa iyo.
2 Gaya ng natalakay sa naunang artikulo, kailangan natin ng tulong para matakasan ang epekto ng minanang kasalanan. At si Jehova ang nagbigay ng ganiyang tulong sa atin. Ibinigay niya ang kaniyang Anak para (1) mapatawad ang mga kasalanan natin, (2) magkaroon tayo ng pag-asang maging perpekto, at (3) maipagkasundo tayo sa Diyos. Dahil diyan, may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan. Kitang-kita rin sa pantubos ang pag-ibig ni Jesus para sa atin—mahal na mahal na niya ang mga tao bago pa siya bumaba sa lupa. (Kaw. 8:30, 31) Sinabi ni apostol Pablo na “ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa [atin].” (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.) Ibig sabihin niyan, may dapat tayong gawin para maipakitang nagpapasalamat tayo sa kaniya at na hindi natin binabale-wala ang ginawa niya para sa atin.
Kung may nagligtas sa atin, siguradong gusto nating pasalamatan ang taong iyon. Mas lalo nating dapat pasalamatan si Jehova at si Jesus kasi iniligtas nila tayo mula sa kasalanan at kamatayan (Tingnan ang parapo 1-2)
3. Bakit posibleng magkakaiba ang paraan ng pagpapakita natin ng pasasalamat sa pantubos?
3 Paano ka mapapakilos ng ginawa ng Kristo para sa iyo? Posibleng iba ang gawin mo sa gagawin ng iba. Bakit? Pag-isipan ito: May tatlong taong papunta sa iisang lugar, pero magkakaiba sila ng panggagalingan. Siyempre, magkakaiba rin sila ng dadaanan. Ganiyan din pagdating sa pagpapakita natin ng pasasalamat sa pantubos. Nakadepende ang gagawin natin sa kalagayan natin ngayon. Tatalakayin natin sa artikulong ito kung paano makakapagpakita ng pasasalamat sa pantubos ang (1) mga nag-aaral pa lang ng Bibliya, (2) mga bautisadong Kristiyano, at (3) mga nawawalang tupa.
MGA NAG-AARAL PA LANG NG BIBLIYA
4. Ano ang tingin ni Jehova sa mga nag-aaral pa lang ng Bibliya?
4 Kung nag-aaral ka pa lang ng Bibliya, pag-isipan ito: Ang pag-aaral mo ng Bibliya ay patunay na kasama ka sa mga inilalapit ni Jehova sa kaniya. (Juan 6:44; Gawa 13:48) Si Jehova ang “tagasuri ng mga puso”—nakikita niya ang mga pagsisikap mong makilala siya at masayang-masaya siya sa mga pagbabagong ginagawa mo para sa kaniya. (Kaw. 17:3; 27:11) Dahil sa pantubos, puwede kang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya. (Roma 5:10, 11) Huwag bale-walain ang regalong iyan.
5. Paano masusunod ng mga nag-aaral pa lang ng Bibliya ang sinasabi sa Filipos 3:16?
5 Kung nag-aaral ka pa lang ng Bibliya, paano mo maipapakita na nagpapasalamat ka sa pantubos? Puwede mong sundin ang payo ni Pablo sa mga taga-Filipos: “Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.” (Fil. 3:16) Ganito ang pagkakasalin ng isa pang Bibliya sa tekstong iyan: “Dapat tayong magpatuloy sa daan na nilalakaran na natin ngayon.” Para masunod mo ang payong iyan, huwag mong hayaang may humadlang sa iyo habang naglalakad ka sa daang papunta sa buhay.—Mat. 7:14; Luc. 9:62.
6. Ano ang puwedeng gawin ng mga nag-aaral pa lang ng Bibliya kung nahihirapan silang gumawa ng mga pagbabago? (Deuteronomio 30:11-14) (Tingnan din ang larawan.)
6 Paano kung nahihirapan kang tanggapin ang isang turo sa Bibliya na bago mo lang nalaman? Mag-research tungkol doon, at ipanalangin kay Jehova na mas maintindihan mo iyon. (Awit 86:11) Kung nahihirapan ka pa ring tanggapin iyon, huwag ka na munang magpokus doon. Magpatuloy ka lang sa pag-aaral ng Bibliya. Paano naman kung nahihirapan kang ihinto ang isang gawaing hinahatulan ng Bibliya? Tandaan na hindi hihilingin ni Jehova ang isang bagay na imposible para sa mga di-perpektong tao. Kaya mong sundin ang mga pamantayan niya. (Basahin ang Deuteronomio 30:11-14.) At ipinapangako ni Jehova na tutulungan ka niya. (Isa. 41:10, 13; 1 Cor. 10:13) Kaya huwag sumuko. Imbes na magpokus sa mga hamon, isipin kung gaano mo pinapahalagahan ang lahat ng ibinibigay ni Jehova sa iyo—kasama na ang pantubos. Habang mas lumalalim ang pag-ibig mo kay Jehova, makikita mo na “ang mga utos niya ay hindi pabigat.”—1 Juan 5:3. a
Hindi hihilingin sa atin ni Jehova ang isang bagay na imposible. Tutulungan niya tayong sundin ang mga pamantayan niya (Tingnan ang parapo 6)
7. Ano ang puwedeng pag-isipan ng mga kabataang pinalaki sa katotohanan?
7 Paano kung isa kang kabataan sa pamilyang Saksi at nag-aaral ka pa lang ng Bibliya? Tandaan na ikaw ang pinakamahalagang bina-Bible study ng mga magulang mo. Sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8; 1 Cro. 28:9) Kapag gumagawa ka ng hakbang para mapalapit kay Jehova, lumalapit din siya sa iyo. At hindi iyan ginagawa ni Jehova dahil lang sa lumaki ka sa pamilyang Saksi. Interesado siya sa iyo kasi gusto ka niyang maging kaibigan. Paano naging posible na magkaroon ka ng ganiyang personal na kaugnayan kay Jehova? Naging posible iyan dahil sa pantubos, kaya huwag bale-walain ang regalong iyan. (Roma 5:1, 2) Sa mga linggo bago ang Memoryal, pag-isipan ang epekto sa iyo ng kamatayan ni Jesus. Pagkatapos, pag-isipan kung paano mo gagamitin ang buhay mo at kung anong mga goal ang puwede mong abutin para maipakitang nagpapasalamat ka kay Jehova. b
MGA BAUTISADONG KRISTIYANO
8. Paano na naipakita ng mga bautisadong Kristiyano na nananampalataya sila sa pantubos?
8 Kung isa ka nang bautisadong Kristiyano, siguradong naipakita mo nang nananampalataya ka sa pantubos sa maraming paraan. Halimbawa, sinikap mong mapalapit kay Jehova at gumawa ka ng mga pagbabago para mapasaya siya. Sinusunod mo ang utos ni Jesus na mangaral at gumawa ng mga alagad. Nag-alay ka kay Jehova at nagpabautismo. Baka nakaranas ka na rin ng pag-uusig dahil sa paninindigan mo sa tunay na pagsamba. (2 Tim. 3:12) Sa pagtitiis mo at pananatiling tapat, ipinapakita mong mahal mo si Jehova at nagpapasalamat ka sa pantubos.—Heb. 12:2, 3.
9. Saan dapat mag-ingat ang mga bautisadong Kristiyano?
9 Kahit bautisado na tayo, dapat tayong mag-ingat kasi baka unti-unting mawala ang pagpapahalaga natin sa pantubos. Pag-isipan ang nangyari sa mga Kristiyano noon sa Efeso. Kinomendahan sila ni Jesus dahil sa pananatili nilang tapat. Pero sinabi rin niya sa kanila: “Mayroon akong laban sa iyo; naiwala mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apoc. 2:3, 4) Makikita sa sinabi ni Jesus na posibleng maging rutin na lang ang pagsamba ng isang Kristiyano. Nananalangin siya, dumadalo sa mga pulong, at nangangaral dahil lang nasanay na siya sa mga iyon—hindi na niya iyon ginagawa dahil sa pag-ibig. Kung hindi na kasinlalim gaya ng dati ang pag-ibig mo kay Jehova, ano ang puwede mong gawin?
10. Paano mo masusunod ang payo ni Pablo kay Timoteo sa 1 Timoteo 4:13, 15?
10 Sinabi ni Pablo kay Timoteo na ‘pag-isipang mabuti’ ang mga gawain niya bilang Kristiyano at ‘magbuhos ng pansin’ sa mga iyon. (Basahin ang 1 Timoteo 4:13, 15.) Paano mo masusunod ang payong iyan? Maghanap ng mga paraan para matiyak na mula sa puso ang pagsamba mo kay Jehova at makapanatili kang masigasig. (Roma 12:11; tingnan ang study note na “Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu.”) Halimbawa, puwede kang maglaan ng mas maraming panahon sa paghahanda para mas makapagpokus ka sa mga pulong. Kapag nagpe-personal study ka naman, puwede kang maghanap ng tahimik na lugar para mas mapag-isipan mo ang pinag-aaralan mo. Gaya ng apoy na kailangan mong dagdagan ng panggatong para hindi mamatay, kailangan mong gumawa ng paraan para hindi mawala ang pagpapahalaga mo sa mga paglalaan ni Jehova, kasama na ang pantubos. Sa mga linggo bago ang Memoryal, puwede mo ring pag-isipan ang mga pagpapalang natatanggap natin bilang mga Saksi ni Jehova. Siguradong makakatulong iyan para mas mapahalagahan mo ang pantubos—ang dahilan kung bakit posible kang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova.
11-12. Kung may panahong nawawalan ka ng sigasig, ibig bang sabihin, wala na sa iyo ang banal na espiritu ni Jehova? Ipaliwanag. (Tingnan din ang larawan.)
11 Kung may panahong pakiramdam mo, hindi na gaya ng dati ang sigasig mo sa tunay na pagsamba, huwag masiraan ng loob. Huwag ding isipin na wala na sa iyo ang banal na espiritu ni Jehova. Tandaan ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa ministeryo niya: “Kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.” (1 Cor. 9:17) Ano ang ibig niyang sabihin?
12 May mga panahong nawawala ang kagustuhan ni Pablo na mangaral. Pero determinado pa rin siyang ipagpatuloy ang ministeryo niya kahit ganoon ang pakiramdam niya. Puwede mo siyang tularan. Maging determinadong gawin ang tama kahit sa panahong hindi ka ganadong gawin iyon. Hilingin kay Jehova ang “pagnanais at lakas para kumilos.” (Fil. 2:13) Huwag ihinto ang mga regular mong gawain sa espirituwal. Tutulong ang mga iyan para bumalik ang sigasig mo at lumalim ulit ang pag-ibig mo kay Jehova.
Huwag ihinto ang mga regular mong gawain sa espirituwal kahit sa panahong hindi ka ganadong gawin iyon (Tingnan ang parapo 11-12)
13. Paano natin patuloy na masusubok kung tayo ay “nasa pananampalataya”?
13 Sa pana-panahon, makakatulong kung susuriin natin ang sarili natin, gaya ng sinasabi sa 2 Corinto 13:5: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” Halimbawa, puwede nating tanungin ang sarili natin: ‘Inuuna ko ba sa buhay ko ang Kaharian?’ (Mat. 6:33) ‘Makikita ba sa mga libangan ko na kinapopootan ko ang masama?’ (Awit 97:10) ‘Tumutulong ba ako para magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon?’ (Efe. 4:2, 3) Magandang pagkakataon ang Memoryal para suriin ang sarili natin. Habang pinag-iisipan natin ang mga ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin, mapapakilos tayo nitong ipakita ang pasasalamat natin kay Jehova at tiyaking nabubuhay tayo para kay Jesus at hindi para sa sarili natin. c
MGA NAWAWALANG TUPA
14. Ano ang mga posibleng dahilan kung bakit napalayo sa kongregasyon ang ilang Kristiyano?
14 May ilang Kristiyano na huminto sa pakikisama sa kongregasyon makalipas ang ilang buwan, o maraming taon pa nga, ng tapat na paglilingkod. Bakit? May ilan na napabigatan ng “mga álalahanín sa buhay.” (Luc. 21:34) Natisod naman ang iba sa mga nasabi o nagawa ng isang kapatid. (Sant. 3:2) At may iba na nakagawa ng malubhang kasalanan at nag-aalangang humingi ng tulong. Kung napalayo ka sa kongregasyon, ano ang puwede mong gawin? Paano ka mapapakilos ng pagpapahalaga mo sa pantubos?
15. Paano ipinapakita ni Jehova na nagmamalasakit siya sa mga nawawalang tupa? (Ezekiel 34:11, 12, 16)
15 Puwede mong pag-isipan ang nararamdaman ni Jehova para sa mga nawawalang tupa. Hindi siya galit sa kanila at hindi niya sila nakakalimutan. Ang totoo, hinahanap niya sila. Pinapakain niya sila at tinutulungang makabalik sa kaniya. (Basahin ang Ezekiel 34:11, 12, 16.) Ginagawa rin ba iyan ni Jehova para sa iyo? Oo! Ang pagbabasa mo ng artikulong ito ay patunay na gusto mo pa ring pasayahin si Jehova. Nakita noon ni Jehova ang pagmamahal mo sa kaniya at inilapit ka sa katotohanan. Kaya makakasigurado kang inilalapit ka ulit ni Jehova sa kaniya dahil nakikita niya na mahal mo pa rin siya.
16. Ano ang makakatulong sa mga nawawalang tupa na makabalik kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
16 Pakisuyong pag-isipan ang pampatibay na ito mula sa brosyur na Manumbalik Ka kay Jehova: “Makakaasa kang tatanggapin ka ni Jehova kung manunumbalik ka sa kaniya. Tutulungan ka niyang harapin ang kabalisahan, limutin ang sama ng loob, at maging payapa ang isip at puso sa pagkakaroon ng malinis na konsensiya. Sa gayon, mapapakilos kang maglingkod ulit kay Jehova kasama ng iyong mga kapuwa mananamba.” Tandaan din na gustong-gusto kang tulungan ng mga elder. Para silang “taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan mula sa malakas na ulan.” (Isa. 32:2) Siguradong ipinagpapasalamat mo ang pantubos, kaya puwede mong pag-isipan, ‘Ano ang mga puwede kong gawin para maituwid ang mga bagay-bagay sa pagitan ko at ni Jehova?’ (Isa. 1:18; 1 Ped. 2:25) Halimbawa, baka puwede kang dumalo sa Kingdom Hall. Baka puwede kang lumapit sa isang elder at humingi ng tulong para makabalik kay Jehova. Puwede niyang pakisuyuan ang isang kapatid na i-Bible study ka nang ilang panahon. Siguradong pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mo na ipakita ang pasasalamat mo sa pantubos.
Puwede mong pag-isipan, ‘Ano ang mga puwede kong gawin para maituwid ang mga bagay-bagay sa pagitan ko at ni Jehova?’ (Tingnan ang parapo 16)
ANO ANG GAGAWIN MO?
17-18. Ano ang magandang gawin natin sa mga linggo bago ang Memoryal?
17 Sinabi ni Jesus na ibinigay ang pantubos “para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahil sa ginawa ni Jesus, maililigtas na tayo ni Jehova mula sa kasalanan at kamatayan. Kaya huwag nating bale-walain ang regalong iyan. (Roma 3:23, 24; 2 Cor. 6:1) Sa mga linggo bago ang Memoryal, pag-isipan nating mabuti ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus. Mapapakilos tayo niyan na ipakita ang pasasalamat natin.
18 Paano mo ipapakita ang pasasalamat mo sa pantubos? Posibleng iba ang gawin mo sa gagawin ng iba. Pero siguradong pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mo at ng milyon-milyong iba pa na “hindi na mabuhay para sa sarili nila, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli.”—2 Cor. 5:15.
AWIT BLG. 14 Purihin ang Bagong Hari ng Lupa
a Para patuloy kang sumulong habang nag-aaral ka ng Bibliya, gamitin ang kahon na “Subukan Ito” sa bawat aralin ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.
b Para patuloy kang sumulong, subukan ang mga binanggit sa artikulong “Mga Kabataan—‘Patuloy na Gumawa Ukol sa Inyong Sariling Kaligtasan’” sa Bantayan, isyu ng Disyembre 2017.
c Para mapanatili ang pagpapahalaga mo sa mga ginagawa ni Jehova, makakatulong ang artikulong “Ano ang Nagpapakilos sa Iyo Upang Maglingkod sa Diyos?” sa Bantayan, isyu ng Hunyo 15, 1995.

