ANG BANTAYAN—EDISYON PARA SA PAG-AARAL

Malalabanan Mo ang Negatibong Damdamin

Tagalog
Malalabanan Mo ang Negatibong Damdamin
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/2026241/univ/art/2026241_univ_sqr_xl.jpg
w26 Enero p. 8-13

MARSO 9-15, 2026

AWIT BLG. 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”

Malalabanan Mo ang Negatibong Damdamin

Malalabanan Mo ang Negatibong Damdamin

“Miserableng tao ako!”ROMA 7:24.

MATUTUTUHAN

Kung paano malalabanan ang negatibong kaisipan at damdamin.

1-2. Ano ang nararamdaman ni apostol Pablo kung minsan, at ano ang pagkakapareho natin sa kaniya? (Roma 7:​21-24)

 ANO ang naiisip mo kapag binabanggit si apostol Pablo? Baka naiisip mo ang isang matapang na misyonero, mahusay na guro, o manunulat sa Bibliya na maraming naisulat. Totoo ang lahat ng iyan. Pero gaya ng marami sa atin, may mga pagkakataon ding nakikipaglaban siya sa negatibong mga damdamin.

2 Basahin ang Roma 7:​21-24. Sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma, sinabi niya ang ilan sa mga nararamdaman niya na nararamdaman din ng marami sa atin. Isa siyang tapat na Kristiyano at gustong-gusto niyang sundin ang Diyos, pero dahil hindi siya perpekto, nahihirapan siya kung minsan na gawin iyon. Bukod diyan, binabagabag siya kung minsan ng mga nagawa niya noon at nasisiraan siya ng loob dahil sa isang partikular na problemang hindi mawala-wala.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Tingnan din ang “Karagdagang Paliwanag.”)

3 Kahit may negatibong mga damdamin a si Pablo, hindi niya hinayaang makontrol siya nito. Sa artikulong ito, sasagutin natin ang sumusunod na mga tanong: Bakit nararamdaman ni Pablo kung minsan na ‘miserable’ siya? Ano ang mga nakatulong sa kaniya para malabanan ang negatibong mga damdamin? At paano natin malalabanan ang negatibong mga damdamin?

DAHILAN NG NEGATIBONG MGA DAMDAMIN NI PABLO

4. Bakit may negatibong mga damdamin si Pablo?

4 Mga nagawa niya noon. Bago naging Kristiyano si Pablo, na kilalá noon bilang Saul, marami siyang nagawang masama. Halimbawa, pinaboran niya ang pagpatay sa tapat na si Esteban, at nanood pa nga siya habang pinagbababato ito. (Gawa 7:58; 8:1) Nanguna rin siya sa malupit na pag-uusig sa mga Kristiyano.​—Gawa 8:3; 26:​9-11.

5. Ano ang nararamdaman ni Pablo dahil sa mga nagawa niya noon?

5 Noong maging Kristiyano na si apostol Pablo, binabagabag pa rin siya kung minsan ng konsensiya niya. At posibleng sa paglipas ng panahon, lalo pa siyang nakokonsensiya dahil sa mga nagawa niya noon. Halimbawa, sa unang liham niya sa mga taga-Corinto noong mga 55 C.E., sinabi niya: “Hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.” (1 Cor. 15:9) Pagkalipas ng mga limang taon, sa liham naman niya sa mga taga-Efeso, sinabi niyang “mas mababa [siya] kaysa sa pinakamababa sa lahat ng banal.” (Efe. 3:8) At sa liham niya kay Timoteo, sinabi niyang dati siyang “mamumusong, mang-uusig, at walang galang.” (1 Tim. 1:13) Ano kaya ang nararamdaman ni Pablo kapag nakikita niya sa mga dinadalaw niyang kongregasyon ang mga dati niyang pinag-usig o ang kapamilya ng mga ito?

6. Ano pa ang isang dahilan kung bakit may negatibong damdamin si Pablo? (Tingnan din ang talababa.)

6 Isang tinik sa laman. May problema si Pablo na tinawag niyang “isang tinik sa laman.” (2 Cor. 12:7) Dahil tinawag niya itong “tinik,” lumilitaw na isa itong problemang talagang nagpapahirap sa kaniya. Hindi niya espesipikong sinabi kung ano ito, pero posible na isa itong sakit o iba pang problema. b

7. Ano ang epekto kay Pablo ng mga kahinaan niya? (Roma 7:​18, 19)

7 Mga kahinaan niya. Nakikipaglaban si Pablo sa mga kahinaan niya. (Basahin ang Roma 7:​18, 19.) Gusto niyang gawin ang tama, pero may mga pagkakataong hindi niya iyon nagagawa dahil hindi siya perpekto. Sinabi niyang nagsisikap siyang patuloy na makipaglaban sa mga kahinaan niya. (1 Cor. 9:27) Kaya siguradong lungkot na lungkot siya tuwing lumalabas ulit ang masasama niyang ugali!

ANG MGA NAKATULONG KAY PABLO PARA MALABANAN ANG NEGATIBONG MGA DAMDAMIN

8. Batay sa mga liham ni Pablo, ano ang mga ginawa niya para mapaglabanan ang mga kahinaan niya?

8 Sa mga liham ni Pablo, makikita natin na pinag-isipan niya kung paano niya malalabanan at ng mga kapuwa niya Kristiyano ang mga kahinaan nila sa tulong ng espiritu ng Diyos. (Roma 8:13; Gal. 5:​16, 17) Madalas banggitin ni Pablo ang masasamang ugali at maling mga pagnanasa na dapat paglabanan ng mga Kristiyano. (Gal. 5:​19-21, 26) Siguradong pinag-isipan ni Pablo ang sarili niyang mga kahinaan, naghanap siya ng mga payo sa Bibliya na makakatulong sa kaniya, at inisip niya kung paano iyon susundin. Kaya nang isulat ni Pablo ang mga payo niya, makakasigurado tayong siya muna ang unang sumunod sa mga iyon.

9-10. Ano ang mga nakatulong kay Pablo na malabanan ang negatibong mga damdamin? (Efeso 1:7) (Tingnan din ang larawan.)

9 Kahit nasisiraan ng loob si Pablo kung minsan, nakapanatili pa rin siyang positibo at masaya. Nakatulong sa kaniya ang magagandang balitang natatanggap niya tungkol sa ibang kongregasyon. (2 Cor. 7:​6, 7) Masaya rin siya dahil may mga kaibigan siyang tapat kay Jehova. (2 Tim. 1:4) Nakakapaglingkod si Pablo “nang may malinis na konsensiya” dahil alam niyang may mabuting kaugnayan siya kay Jehova. Nagpapasaya rin iyon sa kaniya. (2 Tim. 1:3) Kahit pa noong nakakulong siya sa Roma, pinasigla niya ang mga kapatid na “magsaya dahil sa Panginoon.” (Fil. 4:4) Kitang-kita sa sinabi ni Pablo na hindi siya nagpadaig sa negatibong mga kaisipan. Tuwing nagsisimula siyang magkaroon nito, maliwanag na inaalala niya ang mga bagay na nagpapasaya sa kaniya para maging positibo siya ulit.

10 Nakatulong din kay Pablo ang pantubos para malabanan ang negatibong mga damdamin. Itinuring niya itong personal na regalo sa kaniya ni Jehova. (Gal. 2:20; basahin ang Efeso 1:7.) Dahil dito, sigurado siya na pinatawad na siya ni Jehova at patuloy na papatawarin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Roma 7:​24, 25) Sa kabila ng mga nagawa niyang kasalanan noon, masaya pa ring ‘nakapaghandog si Pablo ng sagradong paglilingkod sa Diyos.’—Heb. 9:​12-14.

Kapag binabagabag si Pablo ng mga nagawa niya noon, nakakatulong sa kaniya ang pagbubulay-bulay sa pantubos (Tingnan ang parapo 9-10)


11. Bakit nakakapagpatibay ang halimbawa ni Pablo?

11 Gaya ni Pablo, baka nararamdaman din natin na lagi na lang nating kailangang makipaglaban sa mga kahinaan natin para hindi makapagpalungkot kay Jehova ang mga iniisip, sinasabi, at ginagawa natin. Baka masabi din natin, ‘Napakamiserable ko!’ Sinabi ni Eliza, c isang sister na nasa 20’s: “Napapatibay ako kapag naaalala ko si Pablo. Hindi lang pala ako ang nakakaramdam ng ganito. Ipinapaalala nito sa akin na alam ni Jehova ang pinagdadaanan ng mga lingkod niya.” Ano ang magagawa natin para gaya ni Pablo, magkaroon tayo ng malinis na konsensiya at maging masaya pa rin kahit may negatibong mga damdamin tayo?

KUNG PAANO NATIN MALALABANAN ANG NEGATIBONG MGA DAMDAMIN

12. Paano makakatulong ang pagkakaroon ng magandang espirituwal na rutin para malabanan natin ang negatibong mga damdamin?

12 Panatilihin ang magandang espirituwal na rutin. Kapag mayroon tayong magandang espirituwal na rutin, mas makakapagpokus tayo sa positibong mga bagay. Hindi ba mas nagiging masigla tayo at malusog kapag kumakain tayo ng masustansiya, regular na nag-eehersisyo, at natutulog nang sapat? Sa katulad na paraan, hindi ba sumisigla rin tayo kapag regular tayong nagbabasa ng Salita ng Diyos, nangangaral, at naghahanda, dumadalo, at nakikibahagi sa mga pulong? Napakalaking tulong ng mga ito para malabanan natin ang negatibong mga kaisipan.​—Roma 12:​11, 12.

13-14. Paano nakatulong sa ilang tapat na Kristiyano ang magandang espirituwal na rutin?

13 Tingnan ang nangyari kay John, na na-diagnose na may di-pangkaraniwang kanser sa edad na 39. Noong una, takot na takot siya. Naisip niya, ‘Ang bata-bata ko pa. Bakit ako nagkaroon ng ganitong sakit?’ Tatlong taóng gulang pa lang ang anak niya noon. Ano ang nakatulong kay John para malabanan ang negatibong mga damdamin? “Kahit sa mga panahong hinang-hina ako, tinitiyak kong regular pa rin naming magagawa ang espirituwal na rutin ng pamilya namin,” ang sabi niya. “Dumadalo pa rin kami sa lahat ng pulong at linggo-linggong nagmiministeryo at nagfa-family worship.” Sinabi pa ni John: “Sa simula, matatakot ka talaga at mag-aalala, pero palalakasin ka ni Jehova. Ipapadama niya sa iyong mahal ka niya. Ganiyan ang nangyari sa akin.”

14 Sinabi ni Eliza, na binanggit kanina: “Tuwing dadalo ako sa pulong at magpe-personal study, napapaalalahanan akong nakikinig sa akin si Jehova at talagang mahal niya ako. Dahil doon, sumasaya ako.” Sinabi naman ni Nolan, isang tagapangasiwa ng sirkito sa Africa, ang nakakatulong sa kanila ng asawa niyang si Diane: “Kahit nasisiraan kami ng loob, hindi namin pinapabayaan ang espirituwal na rutin namin. Nagiging masaya ulit kami sa tulong ni Jehova. Lagi naming iniisip na tutulungan niya kami at pagpapalain. Hindi namin alam kung paano, basta ang alam namin, gagawin niya iyon.”

15. Ano pa ang puwede nating gawin para malabanan ang negatibong mga damdamin? Magbigay ng ilustrasyon.

15 Kung hindi nawawala ang negatibong mga kaisipan natin, baka may iba pa tayong kailangang gawin. Halimbawa, kung laging sumasakit ang likod mo, puwedeng makatulong ang paglalakad araw-araw, pero baka hindi iyon sapat. Para malaman kung bakit sumasakit ang likod mo, baka kailangan mong mag-research at kumonsulta pa nga sa doktor. Sa katulad na paraan, para malabanan natin ang negatibong mga damdamin, baka kailangan din nating mag-research sa Bibliya at mga publikasyon natin at makipag-usap pa nga sa isang may-gulang na Kristiyano. Pag-isipan ang sumusunod na mga mungkahi.

16. Ano ang puwede mong gawin para malaman kung bakit ka nagkakaroon ng negatibong mga kaisipan? (Awit 139:​1-4, 23, 24)

16 Manalangin kay Jehova na tulungan kang makita kung ano ang kailangan mo. Alam ni Haring David na kilalang-kilala siya ni Jehova. Kaya hiniling niya kay Jehova na tulungan siyang malaman kung bakit siya ‘nababahala.’ (Basahin ang Awit 139:​1-4, 23, 24.) Puwede mo ring hilingin kay Jehova na tulungan kang malaman kung bakit nagkakaroon ka ng negatibong mga kaisipan at kung paano mo iyon malalabanan. Puwede mo ring pag-isipan, ‘Ano ba ang ipinag-aalala ko? May espesipikong bagay ba na nagiging dahilan para magsimula na naman akong mag-isip ng negatibo? Sa halip na alisin agad ang negatibong mga kaisipan, pinipili ko bang isip-isipin iyon?’

17. Anong mga paksa para sa personal study ang makakatulong para makapagpokus ka sa positibong mga bagay? (Tingnan din ang larawan.)

17 Humanap ng paksang partikular na makakatulong sa iyo. Paminsan-minsan, puwede mong pag-aralan ang isa sa mga katangian ni Jehova. Halimbawa, naging malaking tulong kay apostol Pablo ang pagbubulay-bulay sa pantubos at pagpapatawad ni Jehova. Gaya ni Pablo, puwede mo ring pag-aralan ang mga paksang makakapagpatibay sa iyo. Gamitin ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova, Watch Tower Publications Index, o iba pang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na available sa wika mo para pag-aralan ang mga paksang gaya ng awa, pagpapatawad, at tapat na pag-ibig ng Diyos. Kapag may nahanap kang mga artikulong makakatulong sa iyo, puwede mong ilista ang mga iyon. Ilagay ang listahang iyon sa lugar na madali mong makita, at kapag nagkakaroon ka ulit ng negatibong mga kaisipan, balikan ang mga iyon. Sikaping sundin ang mga nabasa mo.​—Fil. 4:8.

Pumili ng mga paksa para sa personal study na makakatulong sa iyong malabanan ang negatibong mga kaisipan (Tingnan ang parapo 17)


18. Anong mga study project ang nakatulong sa ilang Kristiyano?

18 Ginawang study project ni Eliza, na binanggit kanina, ang karakter sa Bibliya na si Job. Sinabi niya: “Para din akong si Job. Sunod-sunod din ang naging problema niya. Pero kahit hirap na hirap na siya, umasa pa rin siya kay Jehova—kahit pa nga hindi niya alam kung bakit nangyayari ang mga iyon sa kaniya.” (Job 42:​1-6) Sinabi din ni Diane, na binanggit kanina: “Ginawa naming study project ng asawa ko ang aklat na Maging Malapít kay Jehova. Ipinaalala nito sa amin na hinuhubog tayo ni Jehova gaya ng isang magpapalayok. Sa halip na magpokus sa mga pagkakamali namin, lagi naming tinatandaan na hinuhubog kami ngayon ni Jehova para maging mas mabuting tao. Dahil diyan, nagiging mas malapít kami sa kaniya.”​—Isa. 64:8.

MAGTIWALANG TUTULUNGAN KA NI JEHOVA AT GAGANTIMPALAAN SA HINAHARAP

19. Ano ang makatuwirang asahan natin?

19 Kahit na may maganda tayong espirituwal na rutin at angkop sa sitwasyon natin ang personal study natin, magkakaroon pa rin tayo ng negatibong mga kaisipan at damdamin paminsan-minsan. Baka maramdaman pa rin nating miserable tayo! Pero sa tulong ni Jehova, mababawasan ang negatibong mga damdaming iyon. At makakapagtiwala tayo na mangingibabaw pa rin sa atin ang pagiging masaya at positibo dahil kaibigan natin si Jehova at alam nating napapasaya natin siya.

20. Ano ang determinado mong gawin?

20 Maging determinado sana tayo na huwag magpakontrol sa negatibong mga damdamin, dahil man ito sa mga pagkakamali natin noon, mga problema, o mga kahinaan natin. Sa tulong ni Jehova, mapaglalabanan natin ang negatibong mga damdamin. (Awit 143:10) Makakapagtiwala tayo na sa hinaharap, mawawala na ito. Araw-araw, gigising tayo na wala nang anumang inaalala. At masaya tayong maglilingkod sa mapagmahal nating Diyos, si Jehova!

AWIT BLG. 34 Lumalakad Nang Tapat

a KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito, ang ekspresyong “negatibong mga damdamin” ay tumutukoy sa lungkot na nararamdaman natin paminsan-minsan at sa pabigla-biglang pagbabago ng emosyon. Hindi ito tumutukoy sa malubha o nagtatagal na depresyon, na nangangailangan na ng tulong ng mga doktor.

b Ipinapahiwatig sa mga liham ni Pablo na nagkaroon siya ng problema sa paningin, at posibleng dahil dito, nahirapan siyang magsulat at mangaral. (Gal. 4:15; 6:11) Posible ring tinutukoy ni Pablo ang stress na nararamdaman niya dahil sa mga huwad na guro. (2 Cor. 10:10; 11:​5, 13) Anuman ang tinutukoy niya, siguradong naging dahilan iyon ng negatibong mga damdamin niya.

c Binago ang ilang pangalan.