MARSO 16-22, 2026
AWIT BLG. 20 Ibinigay Mo ang Iyong Mahal na Anak
Bakit Natin Kailangan ang Pantubos?
“Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan na umaakay sa akin sa kamatayang ito?”—ROMA 7:24.
MATUTUTUHAN
Kung paano tayo napapatawad, nagkakaroon ng pag-asang maging perpekto, at naipagkakasundo sa Diyos dahil sa pantubos.
1-2. Bakit kailangan natin ng magliligtas sa atin? (Roma 7:22-24) (Tingnan din ang larawan.)
PAG-ISIPAN ang eksenang ito. Bumagsak ang isang building, at na-trap sa mga guho nito ang isang lalaki. Buhay pa naman siya, pero hindi siya makakaalis doon nang walang tulong mula sa iba. Kaya ang magagawa lang niya, sumigaw para humingi ng tulong at umasang may magliligtas sa kaniya.
2 Parang ganiyan ang sitwasyon ng bawat isa sa atin ngayon. Bakit natin nasabi iyan? Nang suwayin ni Adan ang Maylalang, naging makasalanan siya. At nang magkaroon na siya ng mga anak, naipasa niya ang kalagayang iyan sa kanila. Dahil diyan, naging makasalanan ang lahat ng tao. Hindi natin matatakasan ang kalagayang iyan nang walang tulong mula sa iba. Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma, ipinaliwanag niya kung gaano kahirap ang sitwasyong iyan. (Basahin ang Roma 7:22-24.) Itinanong ni Pablo: “Sino ang magliligtas sa akin?” Bihag siya ng minanang kasalanan, na ang resulta ay kamatayan. (Roma 6:23) Ganiyang-ganiyan din ang kalagayan natin. At kailangan natin ng tulong para maligtas!
Gaya ng isang taong na-trap sa isang bumagsak na building, kailangan din natin ng tulong para makalaya mula sa minanang kasalanan (Tingnan ang parapo 1-2)
3. Ano ang naging posible dahil sa pantubos?
3 Kahit sinabi ni Pablo na mahirap ang kalagayan natin, may sinabi rin siya na puwedeng magbigay sa atin ng pag-asa. Pagkatapos niyang itanong kung sino ang magliligtas sa kaniya, sinabi niya: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:25) Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang haing pantubos ni Jesus. a Dahil sa pantubos, naging posible na (1) mapatawad ang mga kasalanan natin, (2) magkaroon tayo ng pag-asang maging perpekto, at (3) maipagkasundo tayo sa Maylalang. Habang tinatalakay natin ang mga iyan, mas mamahalin natin si Jehova, ang Diyos na “nagbibigay ng pag-asa.” (Roma 15:13) Mas mapapahalagahan din natin si Jesus, “na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo.”—Col. 1:14.
NAPAPATAWAD ANG MGA KASALANAN NATIN
4-5. Bakit kailangan nating lahat ang pantubos? (Eclesiastes 7:20)
4 Kailangan natin ang pantubos para mapatawad ang mga kasalanan natin. Nagkakamali tayong lahat sa mga sinasabi at ginagawa natin dahil hindi tayo perpekto. (Basahin ang Eclesiastes 7:20.) Malubha ang ilang kasalanan. Halimbawa, sa Kautusang Mosaiko, kamatayan ang parusa sa mga nakagawa ng pangangalunya at pagpatay. (Lev. 20:10; Bil. 35:30, 31) Siyempre, hindi naman ganiyan kalubha ang lahat ng kasalanan. Pero kasalanan pa rin ang mga iyon. Halimbawa, sinabi ng salmistang si David: “Mag-iingat ako sa mga hakbang ko para hindi ako magkasala dahil sa aking dila.” (Awit 39:1) Ipinapakita niyan na puwede tayong magkasala dahil sa mga sinasabi natin.—Sant. 3:2.
5 Pag-isipan ang mga sinabi at ginawa mo noon. May mga nasabi ka ba na naisip mong sana hindi mo na lang sinabi? May mga nagawa ka ba na pinagsisihan mo? Siguradong oo ang sagot mo sa dalawang tanong na iyan. Sinasabi ng Bibliya: “Kung sasabihin natin, ‘Wala tayong kasalanan,’ dinaraya natin ang sarili natin at wala sa atin ang katotohanan.”—1 Juan 1:8.
6-7. Ano ang basehan ni Jehova para patawarin ang mga kasalanan natin? (Tingnan din ang larawan.)
6 Ang pantubos ang basehan ni Jehova para patawarin ang mga kasalanan natin. (Efe. 1:7) Pero hindi ibig sabihin nito na bale-wala lang sa kaniya kung magkasala tayo. Ayaw niyang magkasala tayo. (Isa. 59:2) At dahil sa katarungan niya, kailangan ng basehan para mapatawad tayo.
7 Sa Kautusang Mosaiko, kailangang maghandog ng hayop ang mga Israelita para mapatawad ang mga kasalanan nila. (Lev. 4:27-31; 17:11) Ipinakita ng mga handog na iyon na kailangan ng mga tao ng mas dakilang handog—ang haing pantubos ni Jesus na magbibigay ng napakaraming pagpapala sa lahat. Dahil sa pantubos, may basehan na si Jehova para patawarin ang mga kasalanan natin. Naintindihan ni Pablo kung ano ang nagagawa ng pantubos, at makikita iyan sa isinulat niya sa mga Kristiyano sa Corinto. Pagkatapos niyang banggitin ang mga nagawa nilang kasalanan, sinabi niya: “Hinugasan na kayo at naging malinis; pinabanal na kayo; ipinahayag na kayong matuwid sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”—1 Cor. 6:9-11.
Ipinapakita ng mga handog na hayop noon na kailangan natin ang haing pantubos ni Jesus para mapatawad tayo sa mga kasalanan natin at makatanggap ng iba pang pagpapala (Tingnan ang parapo 6-7)
8. Ano ang puwede mong pag-isipan sa mga linggo bago ang Memoryal?
8 Bago ang Memoryal ngayong taon, pag-isipan ang epekto sa iyo ng pagpapatawad ni Jehova. Halimbawa, dahil sa pantubos, hindi mo na kailangang makonsensiya sa mga kasalanang pinagsisihan mo na. Nahihirapan ka bang tanggapin iyan? Baka naiisip mo, ‘Alam kong nagpapatawad si Jehova, pero hindi ko mapapatawad ang sarili ko.’ Kung ganiyan ang nararamdaman mo, tandaan ito: Si Jehova ang magpapatawad, at si Jesus naman ang binigyan niya ng awtoridad na humatol. Hindi binigyan ni Jehova ng karapatan ang sinuman na magpasiya kung papatawarin Niya ang isang tao o hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Kung lumalakad tayo sa liwanag gaya [ni Jehova] na nasa liwanag, . . . nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:6, 7) Isa iyan sa mga turo ng Bibliya kaya dapat tayong maniwala na totoo iyan. Dahil sa pantubos, may karapatan si Jehova na patawarin tayo, at sinasabi sa Bibliya na ‘handa siyang magpatawad.’—Awit 86:5.
MAY PAG-ASA TAYONG MAGING PERPEKTO
9. Bukod sa maling mga gawain, saan pa tumutukoy ang kasalanan? (Awit 51:5)
9 Sa Bibliya, hindi lang tumutukoy sa maling mga gawain ang kasalanan. Tumutukoy rin ito sa di-perpektong kalagayan na namana natin mula pa nang ipanganak tayo. (Basahin ang Awit 51:5.) Dahil sa kalagayang iyan, nakakapag-isip at nakakagawa tayo ng mali. Naapektuhan din nito ang katawan natin kaya nagkakasakit tayo, tumatanda, at namamatay. Iyan ang dahilan kung bakit puwedeng magkasakit at mamatay ang mga sanggol, na hindi pa nakakagawa ng kasalanan. Mabuti man o masama ang isang tao, magdurusa pa rin siya at mamamatay dahil namana niya ang pagiging di-perpekto ni Adan.
10. Paano naapektuhan sina Adan at Eva ng pagiging di-perpekto?
10 Paano nakaapekto kina Adan at Eva ang pagiging di-perpekto nila? May naramdaman silang di-magagandang pagbabago sa sarili nila. Pagkatapos nilang magkasala, nakonsensiya agad sila dahil sinuway nila ang “kautusan [na] nakasulat sa kanilang mga puso.” (Roma 2:15) Pakiramdam din nila, kailangan nilang takpan ang ilang bahagi ng katawan nila at magtago mula kay Jehova. (Gen. 3:7, 8) Mula noon, nakaramdam na sila ng pag-aalala at kahihiyan. At hindi na nila natakasan ang mga iyan hanggang kamatayan.—Gen. 3:16-19.
11. Paano tayo naaapektuhan ng pagiging di-perpekto?
11 Nararanasan din natin ang resulta ng pagiging di-perpekto na naranasan nina Adan at Eva. Dahil sa kalagayang iyan, nakakaramdam tayo ng sakit at paghihirap ng damdamin. At kahit sinisikap nating mapabuti ang sitwasyon natin, limitado lang ang magagawa natin. Bakit? Sinasabi ng Bibliya na tayo ay “ipinasailalim sa kawalang-saysay.” (Roma 8:20) Totoo iyan pagdating sa mga pagsisikap natin bilang indibidwal, pati na sa pagsisikap ng mga tao sa pangkalahatan. Halimbawa, gusto ng mga tao na pigilan ang pagkasira ng kalikasan, alisin ang kahirapan, pigilan ang krimen, at wakasan ang digmaan. Sa kabila ng mga pagsisikap nila, hindi pa rin nila masolusyunan ang mga problemang iyan. Pero kahit parang wala nang pag-asa ang sitwasyon natin, may pag-asa tayo dahil sa pantubos. Ano ang pag-asang iyon?
12. Anong pag-asa ang ibinibigay ng pantubos?
12 Dahil sa pantubos, “ang lahat ng nilalang ay [mapapalaya] mula sa pagkaalipin sa kabulukan.” (Roma 8:21) Ibig sabihin, kapag naging perpekto na tayo sa bagong sanlibutan, hindi na tayo magkakasakit o made-depress. Hindi na tayo makakaramdam ng pagkakonsensiya, pag-aalala, o kahihiyan. Paano naman ang mga problema sa ngayon gaya ng pagkasira ng kalikasan at mga digmaan? Masosolusyunan na natin ang mga iyan sa ilalim ng pamamahala ni Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan” at ang isa na tumubos sa atin.—Isa. 9:6, 7.
13. Ano pa ang puwede mong pag-isipan sa mga linggo bago ang Memoryal?
13 Isipin na lang kung gaano kaganda ang buhay kapag perpekto ka na. Nai-imagine mo ba na tuwing gigising ka, maganda ang pakiramdam mo? Hindi ka na rin mag-aalala kasi hindi ka na magugutom, magkakasakit, o mamamatay, pati na ang mga mahal mo sa buhay. Ngayon pa lang, mapapanatag ka na kasi nanghahawakan ka “sa pag-asang inilagay sa harap natin [na] nagsisilbing angkla ng buhay natin.” (Heb. 6:18, 19) Nakakatulong ang angkla para hindi tangayin ng alon ang isang bangka. Makakatulong din ang pag-asa para maging matatag ka at makayanan ang mga problemang nararanasan mo ngayon. Makakapagtiwala kang magbibigay si Jehova ng “gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.” (Heb. 11:6) Naging posible lang ang kapanatagan at pag-asang iyan dahil sa pantubos.
NAIPAGKAKASUNDO TAYO SA DIYOS
14. Ano ang epekto ng kasalanan sa kaugnayan natin kay Jehova, at bakit?
14 Mula nang magkasala sina Adan at Eva, napalayo na sa Diyos ang mga tao. Sinasabi pa nga ng Bibliya na may “pakikipag-away sa Diyos” ang sangkatauhan. (Roma 8:7, 8; Col. 1:21) Bakit? Dahil perpekto si Jehova at hindi niya puwedeng bale-walain ang kasalanan. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Napakadalisay ng iyong mga mata para tumingin sa masasamang bagay, at hindi mo matitiis ang kasamaan.” (Hab. 1:13) Nasira ang kaugnayan ng tao sa Diyos dahil sa kasalanan. At imposible tayong magkaroon ng kaugnayan sa kaniya kung hindi tayo maipagkakasundo sa kaniya. Pero dahil sa pantubos, posible na tayong maipagkasundo kay Jehova.
15. Paano naging pampalubag-loob ang pantubos, at ano ang resulta nito?
15 Sinasabi sa Bibliya na si Jesus ay “pampalubag-loob na handog para sa mga kasalanan natin.” (1 Juan 2:2) Paano naging pampalubag-loob kay Jehova ang pantubos? Hindi naman gumaan ang loob ni Jehova nang mamatay ang Anak niya. Ang ibig sabihin lang nito, dahil sa pantubos, maaalis na ang “pakikipag-away sa Diyos” ng mga tao at may basehan na si Jehova para ibalik ang kaugnayan natin sa kaniya. (Roma 3:23-26) Puwede pa nga niyang ituring na matuwid ang mga lingkod niyang nanatiling tapat sa kaniya kahit noong hindi pa naihahandog ang pantubos. (Gen. 15:1, 6) Bakit? Dahil sigurado si Jehova na maibibigay ito ni Jesus. (Isa. 46:10) Naging posible na maipagkasundo sa Diyos ang mga tao dahil sa pantubos.
16. Ano pa ang puwede mong pag-isipan sa mga linggo bago ang Memoryal? (Tingnan din ang larawan.)
16 Pag-isipan kung gaano kaganda ang buhay mo ngayon dahil naipagkasundo ka na kay Jehova. Halimbawa, baka tinatawag mo na si Jehova na “Ama,” gaya ng itinuro ni Jesus. (Mat. 6:9) Baka tinatawag mo rin siyang “Kaibigan.” Kapag tinatawag natin si Jehova na “Ama” o “Kaibigan,” dapat nating gawin iyon nang may matinding paggalang at kapakumbabaan. Bakit? Kasi hindi tayo perpekto, at imposible tayong magkaroon ng kaugnayan sa kaniya kung wala ang pantubos. Sa pamamagitan ni Jesus, “ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay . . . ; naging posible ito dahil sa dugo na ibinuhos [ni Jesus] sa pahirapang tulos.” (Col. 1:19, 20) Kaya kahit hindi tayo perpekto ngayon, puwede pa rin tayong maging malapit kay Jehova.
Naging posible lang na magkaroon ng magandang kaugnayan kay Jehova ang mga tao dahil sa kamatayan ni Jesus (Tingnan ang parapo 16)
IPINAPAKITA NG PANTUBOS NA NAPAKAMAAWAIN NI JEHOVA
17. Paano pinapatunayan ng pantubos na napakamaawain ni Jehova? (Efeso 2:4, 5)
17 Ipinapakita ng pantubos ang “saganang awa” ni Jehova kasi “binuhay niya tayo . . . kahit patay tayo dahil sa mga kasalanan natin.” (Basahin ang Efeso 2:4, 5.) Alam ng mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan” na bihag sila ng minanang kasalanan at kailangan nilang maligtas, kaya humihingi sila ng tulong. (Gawa 13:48) Ano ang ginagawa ni Jehova para sa kanila? Tinitiyak niya na maririnig nila ang mabuting balita ng Kaharian para makilala nila siya at ang Anak niya, si Jesus. (Juan 17:3) Maling-mali si Satanas kung iniisip niyang nahadlangan niya ang layunin ni Jehova nang magkasala sina Adan at Eva!
18. Ano ang dapat nating tandaan habang pinag-iisipan ang pantubos?
18 Napakahalagang pag-isipan ang mga pagpapalang naging posible dahil sa pantubos. Alam nating inilaan iyan ni Jehova para sa kaligtasan natin. Pero dapat nating tandaan ang pinakadahilan kung bakit niya ibinigay ang pantubos—para masagot ang akusasyong ibinangon ni Satanas sa hardin ng Eden. (Gen. 3:1-5, 15) Ginamit ni Jehova ang pantubos para mapabanal ang pangalan niya at mapatunayang hindi totoo ang mga sinabi ni Satanas tungkol sa kaniya. Ipinakita rin niya na siya ang Diyos ng pag-ibig dahil iniligtas niya tayo sa kasalanan at kamatayan. At dahil sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova, binibigyan niya tayo ng pagkakataong tulungan siya na masagot ang akusasyon ni Satanas, kahit hindi tayo perpekto. (Kaw. 27:11) Paano mo maipapakita na pinapahalagahan mo ang pantubos? Sasagutin natin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT BLG. 19 Ang Hapunan ng Panginoon
a KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pantubos ay ang halagang ibinabayad para mapalaya ang isa mula sa pagkabihag. Naging pantubos ang kamatayan ni Jesus dahil napapalaya nito ang masunuring mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.

