Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tingnan ang Pagkakaiba ng mga Tao

Tingnan ang Pagkakaiba ng mga Tao

“Tiyak na makikita [ninyo] ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot.”—MAL. 3:18.

AWIT: 127, 101

1, 2. Anong hamon ang napapaharap sa bayan ng Diyos ngayon? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.)

MARAMING doktor at nars ang nagtatrabaho sa gitna ng mga pasyenteng may sakit na nakahahawa. Inaalagaan nila ang mga maysakit dahil gusto nilang tulungan ang mga ito. Pero para magawa ito, kailangan nilang protektahan ang kanilang sarili para hindi sila mahawa sa sakit na sinisikap nilang gamutin. Sa katulad na paraan, marami sa atin ang namumuhay at nagtatrabaho kasama ng mga taong nahawahan ng mga saloobin at pag-uugaling salungat sa makadiyos na mga katangian. Nagiging hamon ito para sa atin.

2 Sa mga huling araw na ito, binabale-wala ng mga taong hindi umiibig sa Diyos ang kaniyang mga pamantayang moral. Inilalarawan ng ikalawang liham ni apostol Pablo kay Timoteo ang pag-uugali ng mga taong hiwalay sa Diyos—mga pag-uugaling lalong magiging litaw sa darating na mga araw. (Basahin ang 2 Timoteo 3:1-5, 13.) Baka magulat tayo sa paglaganap ng mga pag-uugaling iyon, pero puwede tayong maimpluwensiyahan ng paggawi at saloobin ng mga tao sa palibot natin. (Kaw. 13:20) Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano nagkakaiba ang mga pag-uugali ng mga tao sa mga huling araw na ito at ang mga katangian ng bayan ng Diyos. Makikita rin natin kung paano natin mapoprotektahan ang ating sarili para huwag mahawa sa masasamang ugaling ito habang tinutulungan natin ang iba sa espirituwal na paraan.

3. Kanino kumakapit ang talaan ng masasamang ugaling makikita sa 2 Timoteo 3:2-5?

3 “Sa mga huling araw,” ang isinulat ni Pablo, “ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Pagkatapos, nagtala siya ng 19 na masasamang ugali na makikita sa mga tao sa panahong ito. Ang talaang ito ay katulad ng talaang makikita sa Roma 1:29-31, bagaman ang talaan sa liham ni Pablo kay Timoteo ay gumagamit ng mga terminong wala sa ibang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinimulan ni Pablo ang kaniyang talaan sa mga salitang “ang mga tao ay magiging . . . ” Pero hindi lahat ng tao ay magpapakita ng ganitong pag-uugali. Ibang-iba ang mga katangiang ipinakikita ng mga Kristiyano.—Basahin ang Malakias 3:18.

ANG PANANAW NATIN SA SARILI

4. Paano mo ilalarawan ang mga mapagmalaki?

4 Matapos sabihing marami ang magiging maibigin sa kanilang sarili at sa salapi, sinabi rin ni Pablo na ang mga tao ay magiging mapagmapuri sa sarili, palalo, at mapagmalaki. Kadalasan, ipinahihiwatig ng mga katangiang ito na nadarama ng isa na nakahihigit siya sa iba dahil sa kaniyang mga abilidad, hitsura, yaman, o katayuan sa buhay. Gustong-gusto ng mga taong ito na sila ay hangaan at mahalin. Ganito ang isinulat ng isang iskolar tungkol sa taong nilamon na ng pride: “Sa kaniyang puso, mayroon siyang maliit na altar kung saan yumuyukod siya sa kaniyang sarili.” May mga nagsasabi pa nga na talagang kasuklam-suklam ang sobrang pride kung kaya kinaiinisan ito kahit ng mayayabang kapag nakikita nila ito sa iba.

5. Paano nadaig ng pagmamapuri kahit ang tapat na mga lingkod ni Jehova?

5 Talagang nasusuklam si Jehova sa pagmamapuri. Napopoot siya sa “matayog na mga mata.” (Kaw. 6:16, 17) Ang kapalaluan ay makahahadlang sa paglapit natin sa Diyos. (Awit 10:4) Ang katangiang ito ay pagkakakilanlan ng Diyablo. (1 Tim. 3:6) Nakalulungkot na kahit ang ilang tapat na lingkod ni Jehova ay nahawahan ng pagmamapuri. Halimbawa, si Uzias, isang hari ng Juda, ay naging tapat sa loob ng maraming taon. “Gayunman,” ang sabi ng Bibliya, “nang siya ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan, anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumasok sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso.” Nang maglaon, kahit si Haring Hezekias ay naging palalo nang sandaling panahon.—2 Cro. 26:16; 32:25, 26.

6. Ano sana ang puwedeng ipagmalaki ni David, pero bakit hindi niya ginawa iyon?

6 Ang ilan ay nagmamalaki dahil sa kanilang magandang hitsura, popularidad, husay sa musika, pisikal na lakas, o mataas na posisyon. Taglay ni David ang lahat ng ito; pero nanatili siyang mapagpakumbaba buong buhay niya. Matapos niyang patayin si Goliat at alukin siyang mapangasawa ng anak ni Haring Saul, sinabi ni David: “Sino ako at sino ang aking mga kaanak, ang pamilya ng aking ama, sa Israel, anupat magiging manugang ako ng hari?” (1 Sam. 18:18) Paano nakapanatiling mapagpakumbaba si David? Alam niya na ang mga katangian, abilidad, at pribilehiyong taglay niya ay resulta ng ‘pagpapakababa,’ o pagpapakumbaba, ng Diyos, para magbigay-pansin sa kaniya. (Awit 113:5-8) Naunawaan ni David na anumang mabuting bagay na mayroon siya ay tinanggap lang niya kay Jehova.—Ihambing ang 1 Corinto 4:7.

7. Ano ang tutulong sa atin na magpakita ng kapakumbabaan?

7 Gaya ni David, sinisikap din ng bayan ni Jehova sa ngayon na maging mapagpakumbaba. Namamangha tayo dahil si Jehova, ang pinakadakilang Persona sa uniberso, ay nagpapakita ng kapakumbabaan. (Awit 18:35) Sinusunod natin ang payong ito: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Col. 3:12) Alam din natin na ang pag-ibig ay “hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.” (1 Cor. 13:4) Kapag nakikita ng mga tao na mapagpakumbaba tayo, maaaring gustuhin din nilang makilala si Jehova. Kung paanong puwedeng mawagi ang mga asawang lalaki sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang asawang babae, maaari ding maakay sa Diyos ang iba dahil sa kapakumbabaan ng kaniyang mga lingkod.—1 Ped. 3:1.

ANG PAKIKITUNGO NATIN SA IBA

8. (a) Ano ang tingin ng ilan sa pagkamasuwayin sa mga magulang? (b) Ano ang iniuutos ng Bibliya na gawin ng mga bata?

8 Inilarawan ni Pablo kung paano makikitungo sa isa’t isa ang mga tao sa mga huling araw. Isinulat niya na ang mga anak ay magiging masuwayin sa mga magulang. Sa ngayon, maraming aklat, pelikula, at mga programa sa telebisyon ang nagpapakitang normal lang at katanggap-tanggap para sa mga bata na maging masuwayin sa mga magulang. Pero ang totoo, pinahihina nito ang pamilya—ang pangunahing yunit ng lipunan. Matagal nang alam ng mga tao ang katotohanang ito. Halimbawa, sa sinaunang Gresya, kapag sinaktan ng isa ang kaniyang mga magulang, mawawalan siya ng mga karapatang sibil; sa batas ng Roma, ang pananakit sa ama ay kasimbigat ng pagpaslang. Ang Hebreong Kasulatan at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay parehong nag-uutos sa mga anak na parangalan ang kanilang mga magulang.—Ex. 20:12; Efe. 6:1-3.

9. Ano ang makatutulong para maging masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang?

9 Para huwag mahawa ang mga anak sa pagkamasuwayin ng mga tao sa palibot nila, dapat nilang pag-isipan ang mabubuting bagay na ginawa ng kanilang mga magulang para sa kanila. Lalo silang magiging mapagpahalaga kung tatandaan nila na kahilingan ng Diyos, ang Ama nating lahat, na maging masunurin sila sa kanilang mga magulang. Kung magsasalita sila ng magagandang bagay tungkol sa kanilang mga magulang, matutulungan nila ang ibang kabataan na igalang din ang sarili nilang mga magulang. Siyempre pa, kung ang mga magulang ay walang likas na pagmamahal sa kanilang mga anak, mahihirapan ang mga anak na maging masunurin mula sa puso. Pero kapag nararamdaman ng bata na talagang mahal siya ng kaniyang mga magulang, mapakikilos siyang sumunod kahit nahihirapan siya. “Madalas, gusto kong makalusot,” ang sabi ni Austin, “pero gumagawa ang mga magulang ko ng makatuwirang mga patakaran, ipinapaliwanag ang dahilan kung bakit, at madalas silang nakikipag-usap sa akin. Nakatulong ito para maging masunurin ako. Kitang-kita ko na mahal nila ako, kaya naman gusto ko silang mapasaya.”

10, 11. (a) Anong masasamang ugali ang nagpapakitang walang pag-ibig ang mga tao para sa kanilang kapuwa? (b) Kanino dapat magpakita ng pag-ibig ang mga tunay na Kristiyano?

10 Itinala rin ni Pablo ang iba pang masasamang ugali na nagpapakitang walang pag-ibig ang mga tao para sa kanilang kapuwa. Kaya naman, kasunod ng “masuwayin sa mga magulang,” binanggit niya ang walang utang-na-loob, dahil ganito ang saloobin ng mga taong walang pagpapahalaga sa kabaitang ipinakikita sa kanila. Gayundin, ang mga tao ay magiging di-matapat. Sila ay hindi bukás sa anumang kasunduan, dahil ayaw nilang makipagpayapaan sa iba. Sila ay magiging mga mamumusong at mga mapagkanulo, na nagsasalita ng masasamang bagay tungkol sa ibang tao at pati na sa Diyos. Magkakaroon din ng mga maninirang-puri, na nagkakalat ng mga bagay na makasisira sa magandang reputasyon ng iba. *

11 Kabaligtaran ng mga tao sa ngayon, ang mga sumasamba kay Jehova ay tunay na nagmamahal sa kanilang kapuwa. Totoo iyan noon pa man. Sinabi ni Jesus na ang pag-ibig sa kapuwa, isang anyo ng a·gaʹpe, ang ikalawang pinakamahalagang utos sa Kautusang Mosaiko, pangalawa sa pag-ibig sa Diyos. (Mat. 22:38, 39) Sinabi rin ni Jesus na ang mga tunay na Kristiyano ay makikilala dahil sa pag-ibig nila sa isa’t isa. (Basahin ang Juan 13:34, 35.) Ang Kristiyanong pag-ibig na ito ay dapat ipakita kahit sa mga kaaway ng isa.—Mat. 5:43, 44.

12. Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga tao?

12 Ipinakita ni Jesus na mahal na mahal niya ang mga tao. Naglakbay siya sa iba’t ibang lunsod at itinuro sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Pinagaling niya ang mga bulag, pilay, ketongin, at mga bingi. Binuhay niyang muli ang mga patay. (Luc. 7:22) At kahit marami ang napopoot sa kaniya, ibinigay pa nga ni Jesus ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Perpektong masasalamin kay Jesus ang pag-ibig na ipinakikita ng kaniyang Ama. Bilang pagtulad kay Jesus, ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay nagpapakita ng makadiyos na pag-ibig sa kanilang kapuwa.

13. Paano maaaring mapalapít kay Jehova ang iba dahil sa pag-ibig na ipinakikita natin?

13 Kapag ipinakikita nating mahal natin ang iba, posibleng maakay rin sila sa ating makalangit na Ama. Halimbawa, isang lalaki sa Thailand ang naantig sa pag-ibig na nakita niya sa mga kapatid sa isang panrehiyong kombensiyon. Pagkauwi, nagpa-Bible study siya nang dalawang beses linggo-linggo. Nangaral siya sa lahat ng kamag-anak niya, at anim na buwan lang pagkatapos ng kombensiyon, ginampanan niya ang kaniyang unang bahagi sa Kingdom Hall na pagbabasa ng Bibliya. Nagpapakita rin ba tayo ng pag-ibig sa iba? Tanungin ang sarili: ‘Sinisikap ko bang tulungan ang iba sa aming pamilya, kongregasyon, at sa ministeryo? Sinisikap ko bang tularan ang pananaw ni Jehova sa kanila?’

MGA LOBO AT MGA KORDERO

14, 15. Anong makahayop na pag-uugali ang ipinakikita ng marami, pero paano nagbago ang ilan?

14 Sa mga huling araw na ito, may iba pang masasamang ugaling ipinakikita ang mga tao kung kaya dapat silang iwasan ng mga Kristiyano. Halimbawa, marami ang walang pag-ibig sa kabutihan, o ayon sa ibang salin, “namumuhi sa mabuti” o “kaaway ng mabuti.” Sila ay walang pagpipigil sa sarili at mabangis. Ang ilan ay magiging matigas ang ulo, o padalos-dalos at walang ingat.

15 Maraming may makahayop na pag-uugali noon ang nagbago na. Inihula ng Bibliya ang napakagandang pagbabagong ito. (Basahin ang Isaias 11:6, 7.) Doon, mababasa natin na ang mababangis na hayop, gaya ng mga lobo at leon, ay mamumuhay nang payapa kasama ng maaamong hayop, gaya ng mga kordero at guya. Pansinin na iiral ang mapayapang kalagayang ito dahil “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isa. 11:9) Dahil hindi naman puwedeng matuto ang mga hayop tungkol kay Jehova, tiyak na mga tao ang tinutukoy ng espirituwal na katuparan ng hulang ito.

Binabago ng mga simulain sa Bibliya ang buhay ng mga tao! (Tingnan ang parapo 16)

16. Paano tinulungan ng Bibliya ang mga tao na baguhin ang kanilang personalidad?

16 Marami ang dating mababangis na gaya ng lobo pero payapa nang namumuhay ngayon kasama ng iba. Mababasa ang karanasan ng ilan sa kanila sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay,” na makikita sa jw.org. Ang mga nakakilala at naglilingkod kay Jehova ay di-gaya ng mga may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito, na nagkukunwaring sumasamba sa Diyos pero pinasisinungalingan nila ito sa kanilang paggawi. Sa halip, ang dating mababangis na tao ay nagbihis na ng “bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efe. 4:23, 24) Habang natututo ang mga tao tungkol sa Diyos, nakikita nila na kailangan nilang sumunod sa kaniyang mga pamantayan. Kaya naman binabago nila ang kanilang mga paniniwala, saloobin, at paggawi. Hindi madaling gawin ang mga pagbabagong ito, pero tutulungan ng espiritu ng Diyos ang mga taimtim na nagnanais na gawin ang kaniyang kalooban.

“LAYUAN MO ANG MGA ITO”

17. Paano natin maiiwasang maimpluwensiyahan ng mga nagpapakita ng di-makadiyos na pag-uugali?

17 Lalong nagiging malinaw ang pagkakaiba ng mga naglilingkod sa Diyos at ng mga hindi naglilingkod sa kaniya. Tayong mga naglilingkod sa Diyos ay nag-iingat na huwag maimpluwensiyahan ng masasamang saloobin ng iba. Kaya naman, may-katalinuhan nating sinusunod ang payo na layuan ang mga taong nagpapakita ng pag-uugaling inilarawan sa 2 Timoteo 3:2-5. Siyempre pa, hindi natin lubusang maiiwasan ang mga taong ito. Kailangan nating magtrabaho, pumasok sa paaralan, o mamuhay kasama nila. Pero maiiwasan nating gayahin ang kanilang pag-iisip at pag-uugali kung patitibayin natin ang ating espirituwalidad sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pakikipagsamahan sa mga determinadong maglingkod kay Jehova.

18. Paano makatutulong sa iba ang ating pananalita at paggawi?

18 Pagsikapan din nating tulungan ang iba sa espirituwal na paraan. Maghanap ng mga pagkakataon para makapagpatotoo ka at hilingin kay Jehova na tulungan kang sabihin ang tamang bagay sa tamang panahon. Dapat tayong magpakilala bilang mga Saksi ni Jehova para ang mabuting paggawi natin ay magbigay-kapurihan sa Diyos at hindi sa atin. Tinuruan tayo ni Jehova na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:11-14) Kung gagawi tayo sa makadiyos na paraan, mapapansin ito ng iba, at baka sabihin pa nila: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.”—Zac. 8:23.

^ par. 10 Ang salitang Griego para sa “maninirang-puri” o “tagapag-akusa” ay di·aʹbo·los, isang terminong ginagamit sa Bibliya bilang titulo ni Satanas, ang ubod-samang naninirang-puri sa Diyos.