ARALING ARTIKULO 48
AWIT BLG. 129 Hindi Tayo Susuko
Makakatulong sa Iyo ang Aklat ng Job Kapag May Pinagdadaanan Ka
“Talagang hindi gumagawa ng masama ang Diyos.”—JOB 34:12.
MATUTUTUHAN
Kung bakit hinahayaan ng Diyos ang pagdurusa at kung paano tayo makakapagtiis ayon sa aklat ng Job.
1-2. Bakit magandang basahin ang aklat ng Job?
KAILAN mo huling nabasa ang aklat ng Job? Mga 3,500 taon na ang nakalipas mula nang isulat ito, pero para sa maraming tao, isa pa rin ito sa pinakamagagandang aklat na naisulat. Pinupuri ng mga tao ang manunulat nito dahil simple, maganda, at mapuwersa ang pagkakasulat sa aklat. Si Moises ang manunulat na iyon, pero ang totoong Awtor nito ay ang Diyos na Jehova.—2 Tim. 3:16.
2 Mahalagang bahagi ng Bibliya ang aklat ng Job. Bakit? Dahil makikita dito ang isang napakahalagang isyu sa buong uniberso—ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Itinuturo din dito ang magagandang katangian ni Jehova, gaya ng pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan. Halimbawa, 31 beses inilarawan si Jehova na “Makapangyarihan-sa-Lahat” sa aklat ng Job. Mas marami pa iyan kaysa sa pinagsama-samang paggamit ng titulong ito sa iba pang mga aklat ng Bibliya. Sinasagot din sa aklat ng Job ang maraming tanong natin sa buhay, kasama na ang tanong na madalas maisip ng marami: Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?
3. Paano tayo matutulungan ng aklat ng Job?
3 Kapag nakatayo tayo sa tuktok ng bundok, mas malawak ang makikita natin sa paligid. Parang ganiyan din kapag binasa natin ang aklat ng Job. Makikita natin ang tingin ni Jehova sa mga bagay-bagay kaya magiging mas malawak ang pananaw natin sa mga problema. Tingnan natin kung paano posibleng nakatulong sa mga Israelita ang kuwento ni Job at kung paano tayo matutulungan nito sa ngayon. Malalaman din natin kung paano natin magagamit ang ulat na ito para tulungan ang iba.
PINAHINTULUTAN NG DIYOS NA MAGDUSA SI JOB
4. Ano ang pagkakaiba ni Job at ng mga Israelita sa Ehipto?
4 Noong panahong inaalipin ang mga Israelita sa Ehipto, may lalaking nagngangalang Job na nakatira sa lupain ng Uz. Posibleng nasa silangan ito ng Lupang Pangako at nasa hilagang bahagi ng Arabia. Di-gaya ng mga Israelitang nagsimula nang sumamba sa mga idolo sa Ehipto, tapat na naglingkod si Job kay Jehova. (Jos. 24:14; Ezek. 20:8) Sinabi ni Jehova tungkol kay Job: “Wala siyang katulad sa lupa.” a (Job 1:8) Napakayaman ni Job, at siya ang pinakaprominente sa lahat ng taga-Silangan. (Job 1:3) Siguradong galit na galit si Satanas na makitang naglilingkod nang tapat sa Diyos ang isang taong kilalang-kilala at iginagalang ng marami!
5. Bakit pinahintulutan ni Jehova na magdusa si Job? (Job 1:20-22; 2:9, 10)
5 Sinabi ni Satanas na tatalikuran ni Job si Jehova kapag nakaranas ito ng pagdurusa. (Job 1:7-11; 2:2-5) Dahil sa akusasyon ni Satanas, nagkaroon ng mahahalagang isyu na kailangang masagot. Kaya kahit mahal na mahal ni Jehova si Job, hinayaan Niya si Satanas na patunayan ang sinabi niya. (Job 1:12-19; 2:6-8) Pinatay ni Satanas ang mga alagang hayop ni Job. Pagkatapos, pinatay rin niya ang 10 anak nito at binigyan ito ng makikirot na bukol mula ulo hanggang paa. Sa kabila nito, tapat pa rin si Job kay Jehova. (Basahin ang Job 1:20-22; 2:9, 10.) Paglipas ng panahon, pinagaling ni Jehova si Job, ibinalik ang kayamanan at reputasyon nito, at binigyan ng 10 pang anak. Dinagdagan din ni Jehova ng 140 taon ang buhay ni Job, kaya nakita pa niya ang apat na henerasyon ng mga inapo niya. (Job 42:10-13, 16) Paano posibleng nakatulong ang ulat na ito sa mga lingkod ni Jehova noon? At paano rin tayo matutulungan nito sa ngayon?
6. Kung alam ng mga Israelita kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, paano kaya iyon posibleng nakatulong sa kanila? (Tingnan din ang larawan.)
6 Kung paano posibleng nakinabang ang mga Israelita. Hindi naging madali ang buhay ng mga Israelita sa Ehipto. Halimbawa, matagal na naging alipin sina Josue at Caleb. Pagkatapos, 40 taon silang nagpagala-gala sa ilang dahil sinuway ng ibang mga Israelita si Jehova. Kung alam ng mga Israelita ang mga pinagdaanan ni Job, siguradong nakatulong iyon sa kanila at sa mga inapo nila kasi maiintindihan nila kung sino talaga ang dahilan ng pagdurusa. Maiintindihan din nila kung bakit iyon pinahihintulutan ni Jehova at kung gaano kahalaga sa kaniya ang katapatan ng mga tao.
Matagal na naging alipin sa Ehipto ang mga Israelita. Posibleng nakatulong sa kanila ang kuwento ni Job noong nakalaya na sila (Tingnan ang parapo 6)
7-8. Paano makakatulong sa atin ang aklat ng Job kapag may mahirap tayong pinagdadaanan? Magbigay ng karanasan.
7 Kung paano tayo makikinabang. Maraming tao sa ngayon ang nawalan na ng pananampalataya sa Diyos dahil hindi nila maintindihan kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao. Tingnan ang halimbawa ni Hazel b na taga-Rwanda. Noong bata pa siya, naniniwala siya sa Diyos. Pero maraming masasamang bagay na nangyari sa kaniya. Nagdiborsiyo ang mga magulang niya, kaya ama-amahan niya ang nagpalaki sa kaniya. At hindi maganda ang pagtrato nito sa kaniya. Noong teenager naman siya, na-rape siya. Pumunta siya sa mga pagtitipon ng relihiyon niya, pero hindi iyon nakatulong. Pagkatapos, sumulat si Hazel sa Diyos. Sinabi niya doon: “Nagdasal po ako sa inyo, sinikap kong gawin ang mabuti, pero masama ang iginanti n’yo sa akin. Iiwan ko na po kayo, at gagawin ko na kung ano’ng magpapasaya sa akin.” Talagang nalulungkot tayo na may mga taong gaya ni Hazel, na napaniwalang ang Diyos ang dahilan kung bakit sila nagdurusa!
8 Pero tayo, natutuhan natin sa aklat ng Job na hindi ang Diyos ang dahilan ng pagdurusa natin, kundi si Satanas! Natutuhan din natin na kapag nagdurusa ang isang tao, hindi natin dapat isipin na dahil iyon sa may nagawa siyang mali. Sinasabi ng Bibliya na puwedeng “[maapektuhan] ng panahon at di-inaasahang pangyayari” ang sinuman. (Ecles. 9:11; Job 4:1, 8) At natutuhan din natin na kapag nananatili tayong tapat kay Jehova kahit may pinagdadaanan tayo, nabibigyan natin siya ng pagkakataong patunayan na sinungaling si Satanas. (Job 2:3; Kaw. 27:11) Kaya nagpapasalamat tayo na alam na natin ang totoong dahilan ng pagdurusa natin at ng mga mahal natin sa buhay. Nalaman din iyan ni Hazel. Nakipag-aral siya sa mga Saksi ni Jehova at naintindihan niyang hindi Diyos ang dapat sisihin sa mga naranasan niya. Sinabi niya: “Nanalangin ulit ako sa Diyos at sinabi ko sa kaniya ang nararamdaman ko. Sinabi ko kay Jehova na no’ng sinabi ko na iiwan ko na siya, hindi ko naman talaga gustong gawin iyon. Hindi ko pa lang talaga siya kilala noon. Alam ko na ngayon na mahal ako ni Jehova. Masayang-masaya na ako ngayon.” Mabuti na lang, alam na natin kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Pag-usapan naman natin ngayon kung paano makakatulong ang halimbawa ni Job para makapagtiis tayo kapag may mga problema.
KUNG PAANO MAKAKATULONG ANG KUWENTO NI JOB PARA MAKAPAGTIIS TAYO
9. Paano mo ilalarawan si Job noong nakaupo siya sa abo? (Santiago 5:11)
9 Isipin si Job noong panahong nagdurusa siya. Mag-isa siyang nakaupo sa abo, punô ng bukol ang katawan niya, at hirap na hirap siya. Nangitim na ang balat niya at nagbabakbak dahil sa sakit niya. Napakapayat na rin niya at hinang-hina siya kaya wala na siyang masyadong magawa. Kinakayod na lang niya ang sarili niya gamit ang mga piraso ng basag na palayok habang iniinda ang sakit na nararamdaman niya. Baka maisip natin na parang nakaupo lang doon si Job at walang ginagawa. Pero ang totoo, tapat siyang nagtitiis at nagtitiwala kay Jehova. (Basahin ang Santiago 5:11.) Ano ang nakatulong kay Job na makapagtiis?
10. Ano ang nagpapakitang malapít si Job kay Jehova?
10 Sinabi ni Job kay Jehova ang nararamdaman niya. (Job 10:1, 2; 16:20) Halimbawa, mababasa natin sa kabanata 3 na nagreklamo si Job kay Jehova tungkol sa matitinding problemang naranasan niya. Akala pa nga niya, kay Jehova galing ang mga iyon. Pagkatapos, sa pakikipagdebate niya sa tatlong kasamahan niya, idiniin ni Job na tapat siya. At karamihan sa mga sagot niya, kay Jehova niya ipinaparating. Ipinapahiwatig ng mga sinabi ni Job na may panahong inisip niya na mas matuwid siya sa Diyos. (Job 10:1-3; 32:1, 2; 35:1, 2) Pero inamin din niya na sa kagustuhan niyang ipagtanggol ang sarili niya, naging “padalos-dalos [siya] sa pagsasalita.” (Job 6:3, 26) Sa kabanata 31, gusto ni Job na sabihin ng Diyos na walang dahilan para parusahan siya. (Job 31:35) Pero hindi tama na obligahin ni Job si Jehova na magpaliwanag sa kaniya kung bakit siya nagdurusa.
11. Ano ang ginawa ni Jehova pagkatapos idiin ni Job na tapat siya?
11 Naiintindihan natin ngayon na nasabi ni Job ang mga iyon dahil may malapít na kaugnayan siya kay Jehova at nagtitiwala siyang patas ang magiging hatol sa kaniya ni Jehova. Gamit ang isang buhawi, sinagot ni Jehova si Job, pero hindi niya ipinaliwanag ang dahilan ng pagdurusa nito. Hindi rin niya pinarusahan si Job sa mga sinabi nito o sa pagmamatuwid nito. Tinuruan niya ito gaya ng ginagawa ng isang ama sa anak niya. At talagang nakatulong iyon kay Job. Dahil doon, mapagpakumbabang inamin ni Job na hindi niya alam ang lahat, at pinagsisihan niya ang pagiging padalos-dalos niya. (Job 31:6; 40:4, 5; 42:1-6) Paano ito posibleng nakatulong sa mga lingkod ng Diyos noon, at paano ito makakatulong sa atin ngayon?
12. Paano posibleng nakatulong sa mga Israelita ang kuwento ni Job?
12 Kung paano posibleng nakinabang ang mga Israelita. May matututuhan ang mga Israelita sa nangyari kay Job. Tingnan ang halimbawa ni Moises. Hindi naging madali para sa kaniya na pangunahan ang bayan ng Israel. Maraming beses nilang sinuway si Jehova kaya nadismaya si Moises. Pero di-gaya ng mga Israelita na laging nagrereklamo laban kay Jehova, lumalapit si Moises kay Jehova para sabihin ang mga alalahanin niya. (Ex. 16:6-8; Bil. 11:10-14; 14:1-4, 11; 16:41, 49; 17:5) Baka nakatulong din kay Moises ang halimbawa ni Job noong ituwid siya ni Jehova. Nangyari iyan noong nagkakampo ang mga Israelita sa Kades, posibleng noong ika-40 taon nila ng pagpapagala-gala sa ilang. Nakapagsalita si Moises “nang padalos-dalos” at hindi niya naibigay ang kapurihan kay Jehova. (Awit 106:32, 33) Dahil diyan, hindi siya pinayagan ni Jehova na pumasok sa Lupang Pangako. (Deut. 32:50-52) Siguradong napakasakit nito para kay Moises. Pero nagpakumbaba siya at tinanggap ang disiplina mula kay Jehova. Posibleng nakatulong din ang kuwento ni Job sa mga Israelitang nabuhay pagkatapos ni Moises. Kung pinag-isipan nila ang kuwento, matututuhan nila na puwede nilang sabihin kay Jehova ang nararamdaman nila at dapat nilang iwasang ipagmatuwid ang sarili nila. Posibleng natutuhan din nilang maging mapagpakumbaba at tanggapin ang pagtutuwid ni Jehova.
13. Paano makakatulong sa atin ang kuwento ni Job na makapagtiis? (Hebreo 10:36)
13 Kung paano tayo makikinabang. Mas kailangan natin ngayon ng pagtitiis. (Basahin ang Hebreo 10:36.) Dahil sa kalagayan ng mundo, marami ang napapaharap sa mabibigat na problema. Halimbawa, may ilan sa atin na may sakit, nade-depress, may problema sa pamilya, o namatayan ng mahal sa buhay. At puwede pa ngang makadagdag sa problema natin ang sinasabi o ginagawa ng iba. (Kaw. 12:18) Pero natutuhan natin sa aklat ng Job na puwede nating sabihin kay Jehova ang talagang nararamdaman natin dahil nakikinig siya sa atin. (1 Juan 5:14) Hindi siya magagalit kahit na kung minsan, maging “padalos-dalos [tayo] sa pagsasalita” tulad ni Job. Bibigyan pa nga niya tayo ng lakas at karunungan para makapagtiis. (2 Cro. 16:9; Sant. 1:5) Kung kinakailangan, puwede niya rin tayong ituwid, gaya ng ginawa niya kay Job. Matutulungan tayo ng aklat ng Job kapag nakatanggap tayo ng payo o disiplina mula sa Bibliya, sa organisasyon ni Jehova, o sa may-gulang na mga kapatid. (Heb. 12:5-7) Gaya ni Job, makikinabang tayo sa pagtutuwid kung mapagpakumbaba nating tatanggapin iyon. (2 Cor. 13:11) Napakarami talagang aral na matututuhan kay Job! Tingnan naman natin ngayon kung paano natin magagamit ang ulat niya para tulungan ang iba.
GAMITIN ANG AKLAT NG JOB PARA TULUNGAN ANG IBA
14. Anong paraan ang puwede nating gamitin para ipaliwanag kung bakit tayo nagdurusa?
14 May nagtanong na ba sa iyo sa ministeryo kung bakit tayo nagdurusa? Ano ang sinabi mo sa kaniya? Baka nag-umpisa ka sa nangyari sa hardin ng Eden. Baka nabanggit mo na nagsinungaling si Satanas kina Adan at Eva kaya nagrebelde sila sa Diyos. (Gen. 3:1-6) Dahil doon, lumaganap na ang pagdurusa at kamatayan sa mundo. (Roma 5:12) Pagkatapos, baka ipinaliwanag mo na hinahayaan lang ng Diyos na lumipas ang sapat na panahon para mapatunayang sinungaling si Satanas. Puwede mong idagdag na ginagamit ng Diyos ang panahong iyon para maipangaral sa mga tao ang mabuting balita tungkol sa buhay na walang hanggan. (Apoc. 21:3, 4) Maganda ang paliwanag na iyan, at nakatulong na iyan sa marami.
15. Paano natin puwedeng gamitin ang aklat ng Job para ipaliwanag kung bakit tayo nagdurusa? (Tingnan din ang mga larawan.)
15 Puwede mo ring gamitin ang kuwento ni Job para magpaliwanag sa isang taong nagtatanong kung bakit tayo nagdurusa. Baka puwede mo muna siyang komendahan sa tanong niya. Pagkatapos, banggitin na naitanong na rin iyan ni Job, isang tapat na lalaking nakaranas ng matinding pagdurusa. Naisip pa nga niya na Diyos ang dahilan ng mga problema niya. (Job 7:17-21) Kapag nalaman niyang matagal na palang itinatanong ng iba ang tanong niya, baka magulat siya. Pagkatapos, puwede mong ipaliwanag na ayon sa ulat, ang pagdurusa ni Job ay hindi galing sa Diyos, kundi sa Diyablo. Ginawa iyan ng Diyablo dahil gusto niyang palabasin na naglilingkod lang sa Diyos ang mga tao dahil sa pakinabang. Puwede mo ring sabihin na kahit hindi sa Diyos galing ang pagdurusa ni Job, hinayaan niyang mangyari iyon dahil nagtitiwala siyang kayang patunayan ng tapat na mga tao na mali si Satanas. Pagkatapos, sabihin na pinagpala ng Diyos si Job dahil nanatili itong tapat. Gamit ang paliwanag na ito, mapapagaan natin ang loob ng iba dahil maiintindihan nilang hindi galing sa Diyos ang mga problema nila.
Paano mo magagamit ang aklat ng Job para tiyakin sa iba na “hindi gumagawa ng masama ang Diyos”? (Tingnan ang parapo 15)
16. Magkuwento ng karanasan na nagpapakitang makakatulong sa isang taong nagdurusa ang aklat ng Job.
16 Tingnan kung paano natulungan si Mario ng aklat ng Job. Isang araw noong 2021, nagte-telephone witnessing ang isang sister. Si Mario ang una niyang natawagan. Nag-share siya ng teksto sa Bibliya, at sinabi niya na nakikinig ang Diyos sa mga panalangin natin. Ipinaliwanag din niya na bibigyan tayo ng Diyos ng magandang kinabukasan at pag-asa. Nang tanungin niya si Mario kung ano ang masasabi nito, sinabi ni Mario na nagsusulat na siya ng suicide note noong tumawag ang sister. Sinabi pa niya, “Naniniwala ako sa Diyos, pero naisip ko nitong umaga kung pinabayaan niya na ba ako.” Nang tumawag ulit ang sister, napag-usapan nila ang mga pinagdaanan ni Job. Dahil doon, naisip ni Mario na kailangan niyang mabasa ang buong aklat ng Job. Kaya nagpadala sa kaniya ang sister ng link ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ano ang nangyari kay Mario? Masaya niyang tinanggap ang pag-aaral sa Bibliya para mas makilala ang Diyos na nagmamahal sa kaniya.
17. Bakit mo ipinagpapasalamat na kasama ang aklat ng Job sa Bibliya? (Job 34:12)
17 Makapangyarihan talaga ang Bibliya, at kaya nitong tulungan ang mga tao, kasama na ang mga nagdurusa. (Heb. 4:12) Nagpapasalamat tayo na isinama ni Jehova sa Bibliya ang kuwento ni Job. (Job 19:23, 24) Tinitiyak sa atin ng aklat ng Job na “talagang hindi gumagawa ng masama ang Diyos.” (Basahin ang Job 34:12.) Matututuhan din natin dito kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa at kung paano tayo makakapagtiis. Magagamit din natin ang kuwento ni Job para pagaanin ang loob ng mga nagdurusa. Sa susunod na artikulo, pag-uusapan naman natin kung paano tayo matutulungan ng aklat ng Job kapag nagbibigay ng payo.
AWIT BLG. 156 Nananampalataya Ako

