ARALING ARTIKULO 49
AWIT BLG. 44 Panalangin ng Nanghihina
Makakatulong sa Iyo ang Aklat ng Job Kapag Magpapayo Ka
“Ngayon, Job, pakisuyong makinig ka sa akin.”—JOB 33:1.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang matututuhan natin sa aklat ng Job para maging epektibo ang payo natin.
1-2. Anong hamon ang napaharap sa tatlong kasamahan ni Job, pati na kay Elihu?
MABILIS na kumalat ang balita sa mga taga-Silangan. Nawala ang lahat ng pag-aari ni Job, isang taong kilalang-kilala dahil napakayaman niya. Nang malaman ng tatlong kasamahan ni Job—sina Elipaz, Bildad, at Zopar—ang nangyari sa kaniya, naglakbay sila sa Uz para aliwin siya. Pagdating nila doon, gulat na gulat sila sa nakita nila.
2 Pag-isipan ang eksena. Nawala ang lahat kay Job. Wala na ang lahat ng tupa, baka, kamelyo, at asno niya. Namatay ang halos lahat ng tagapaglingkod niya. Gumuho rin ang bahay kung nasaan ang mga anak ni Job kaya namatay silang lahat. At hindi lang iyon. Hirap na hirap din si Job dahil punong-puno ang katawan niya ng makikirot na bukol. Kitang-kita ng tatlong kasamahan ni Job ang matinding paghihirap niya habang nakaupo siya sa abo. Dahil doon, pitong araw silang hindi nagsalita. (Job 2:12, 13) Dumating din ang mas batang si Elihu at umupo malapit sa kanila. Nang magsalita na si Job, isinumpa niya ang araw na ipinanganak siya at sinabing gusto na niyang mamatay. (Job 3:1-3, 11) Talagang kailangan ni Job ng tulong! Pero ano kaya ang puwedeng sabihin ng mga kasamahan niya para tulungan siya? Paano kaya nila iyon sasabihin? Makikita sa mga gagawin nila kung talagang nagmamalasakit sila kay Job.
3. Ano ang tatalakayin natin?
3 Ipinasulat ni Jehova kay Moises ang mga sinabi at ginawa ng tatlong kasamahan ni Job at ni Elihu. Lumilitaw na ang ilan sa mga nasabi ni Elipaz ay dahil sa impluwensiya ng isang masamang espiritu. Pero galing naman kay Jehova ang mga sinabi ni Elihu. (Job 4:12-16; 33:24, 25) Kaya kahit makikita sa aklat ng Job ang ilan sa pinakamagagandang payo, makikita rin dito ang ilan sa pinakamasasamang payo. Dahil diyan, malaking tulong sa atin ang aklat ng Job kapag may papayuhan tayo. Una, tingnan natin ang di-magandang halimbawa ng tatlong kasamahan ni Job. Pagkatapos, pag-usapan naman natin ang magandang halimbawa ni Elihu. Sa dalawang halimbawang ito, malalaman natin kung paano posibleng nakinabang ang mga Israelita noon at kung paano tayo makikinabang ngayon.
KUNG PAANO NAGPAYO ANG TATLONG KASAMAHAN NI JOB
4. Bakit hindi napatibay si Job ng tatlo niyang kasamahan? (Tingnan din ang larawan.)
4 Sinasabi ng Bibliya na nang mabalitaan ng tatlong kasamahan ni Job ang nangyari sa kaniya, pinuntahan nila siya “para damayan at aliwin.” (Job 2:11) Pero hindi nila nagawa iyan. Bakit? Bumanggit tayo ng tatlong dahilan. Una, hindi muna nila pinakinggan si Job at sinubukang intindihin. Halimbawa, inisip agad nila na pinaparusahan si Job dahil may nagawa siyang kasalanan. a (Job 4:7; 11:14) Ikalawa, marami silang sinabi na parang magandang pakinggan pero hindi naman talaga nakatulong kay Job. (Job 13:12) Nakakasakit din ang mga sinabi nila. Halimbawa, dalawang beses sinabi ni Bildad kay Job na masyado siyang maraming sinasabi. (Job 8:2; 18:2) At itinulad ni Zopar si Job sa isang “taong mangmang.” (Job 11:12, tlb.) Ikatlo, kahit posibleng hindi nila pinagtaasan ng boses si Job, ipinapakita ng mga sinabi nila at paraan ng pagsasalita na mababa ang tingin nila sa kaniya. Sarkastiko rin sila at mapagbintang. (Job 15:7-11) Malinaw, mas gustong patunayan ng mga lalaking ito na mali si Job kaysa patibayin o aliwin siya.
Kapag nagpapayo sa isang tao, iwasang magsalita na para bang mababa ang tingin mo sa kaniya. Tandaan na nandoon ka para tulungan siya (Tingnan ang parapo 4)
5. Ano ang resulta ng payong ibinigay ng tatlong kasamahan ni Job?
5 Hindi naging maganda ang resulta ng payo ng tatlong kasamahan ni Job. Talagang nasaktan si Job sa mga sinabi nila. (Job 19:2) Maiintindihan din natin kung bakit naramdaman niya na kailangan niyang ipagtanggol ang sarili niya. At sa kagustuhan niyang patunayang matuwid siya, naging padalos-dalos siya sa pagsasalita. (Job 6:3, 26) Hindi kaayon ng kaisipan ni Jehova ang mga sinabi ng mga kasamahan ni Job. At hindi sila nagpakita ng awa sa kaniya. Dahil diyan, nagamit sila ni Satanas para pahinain ang loob ni Job. (Job 2:4, 6) Ano ang posibleng natutuhan ng mga Israelita noon sa ulat na ito, at paano ito makakatulong sa atin ngayon?
6. Ano ang posibleng natutuhan ng matatandang lalaki ng Israel mula sa di-magandang halimbawa ng tatlong kasamahan ni Job?
6 Kung paano posibleng nakinabang ang mga Israelita. Nang maitatag ang bansang Israel, nag-atas si Jehova ng matatandang lalaki para maging hukom ng bayan at tulungan silang sundin ang mga batas niya. (Deut. 1:15-18; 27:1) Pero bago magpayo ang matatandang lalaking ito o magbigay ng hatol, kailangan muna nilang makinig nang mabuti. (2 Cro. 19:6) Kailangan din nilang magtanong at iwasang isipin agad na alam na nila ang lahat ng impormasyon. (Deut. 19:18) Dapat din nilang iwasang magsalita nang masakit sa mga humihingi ng tulong sa kanila. Bakit? Kasi kung ipapakita nilang naiinis sila, baka mapigilan ang kausap nila na magsabi ng niloloob niya. (Ex. 22:22-24) Iyan ang ilan sa mga posibleng natutuhan ng matatandang lalaki ng Israel mula sa kuwento ni Job.
7. Sino pa sa mga Israelita ang puwedeng magpayo, at paano sila posibleng nakinabang sa ulat ni Job? (Kawikaan 27:9)
7 Hindi lang ang matatandang lalaki ng Israel ang puwedeng magbigay ng payo. Lahat ng Israelita—kabataan man o may-edad, lalaki o babae—puwedeng magbigay ng payo sa isang kaibigan para mapalapit ito kay Jehova o para ituwid ito kung may nagawa itong mali. (Awit 141:5) Iyan ang gagawin ng isang tunay na kaibigan. (Basahin ang Kawikaan 27:9.) Posibleng nakatulong sa mga Israelita ang di-magandang halimbawa ng tatlong kasamahan ni Job para malaman kung ano ang hindi dapat sabihin at gawin kapag nagpapayo.
8. Ano ang mga dapat nating iwasan kapag nagbibigay ng payo? (Tingnan din ang mga larawan.)
8 Kung paano tayo makikinabang. Bilang mga Kristiyano, gusto nating tulungan ang mga kapatid kapag may pinagdadaanan sila. Pero dapat nating iwasan ang mga ginawa ng tatlong kasamahan ni Job. Una, iwasan nating gumawa agad ng konklusyon at magpayo kapag hindi pa natin alam ang lahat ng impormasyon. Ikalawa, hindi tayo dapat magpayo base sa sarili nating opinyon, gaya ng madalas na ginawa ni Elipaz. (Job 4:8; 5:3, 27) Nakabatay dapat sa Bibliya ang mga ipapayo natin. Ikatlo, iwasan nating magsalita nang nakakasakit. Totoo naman ang ilan sa mga sinabi ni Elipaz at ng mga kasama niya. Sinipi pa nga ng isang manunulat ng Bibliya ang isa sa mga iyon. (Ihambing ang Job 5:13 sa 1 Corinto 3:19.) Pero hindi totoo ang karamihan sa mga sinabi nila tungkol sa Diyos at sinaktan din nila si Job. Kaya para kay Jehova, hindi sila nagsabi ng katotohanan. (Job 42:7, 8) Ano ang aral para sa atin? Kapag magpapayo tayo, hindi natin dapat palabasin na mahirap pasayahin si Jehova o iparamdam sa mga kapatid na hindi niya sila mahal. Talakayin naman natin ngayon ang halimbawa ni Elihu.
Kapag magpapayo, (1) alamin muna ang lahat ng impormasyon, (2) gamitin ang Bibliya, at (3) maging mabait sa pagsasalita (Tingnan ang parapo 8)
KUNG PAANO NAGPAYO SI ELIHU
9. Bakit kailangan pa rin ni Job ng tulong pagkatapos magsalita ng mga kasamahan niya, at paano siya tinulungan ni Jehova?
9 Napakahaba ng pagtatalo ni Job at ng tatlong kasamahan niya. Sa dami ng nasabi nila, umabot ng 28 kabanata sa Bibliya ang pag-uusap nila. At karamihan sa mga iyon, nasabi nila dahil sa inis o galit. Kaya hindi na tayo magtataka kung bakit naghihirap pa rin ang kalooban ni Job! Kailangan pa rin niya ng pampatibay at pagtutuwid. Paano tinulungan ni Jehova si Job? Ginamit niya si Elihu para payuhan ito. Bakit hindi agad nagsalita si Elihu? Ipinaliwanag niya: “Bata ako at kayo ay matatanda na. Kaya bilang paggalang ay nagpigil ako.” (Job 32:6, 7) Tulad natin, alam ni Elihu na dahil mas marami nang naranasan ang mga may-edad, madalas na may alam sila na hindi alam ng mga mas bata. Pero pagkatapos makinig kay Job at sa tatlong kasamahan nito, hindi na kaya ni Elihu na manatiling tahimik. Sinabi niya: “Hindi lang edad ang nagpaparunong sa tao, at hindi lang ang matatanda ang nakauunawa ng tama.” (Job 32:9) Ano ang kasunod na sinabi ni Elihu, at paano niya iyon sinabi?
10. Ano ang ginawa ni Elihu bago siya nagpayo kay Job? (Job 33:6, 7)
10 Bago nagpayo si Elihu, may ginawa muna siya para mas madaling matanggap ni Job ang payo niya. Una, kinontrol muna niya ang emosyon niya. Alam nating ginawa niya iyan, kasi kahit sinabi sa Bibliya na nagalit siya noong una, hindi siya nagsalita nang masama kay Job. (Job 32:2-5) Ang totoo, kinausap niya ito bilang isang tunay na kaibigan. Halimbawa, sinabi niya kay Job: “Ako ay gaya mo rin sa harap ng tunay na Diyos.” (Basahin ang Job 33:6, 7.) Isa pa, ipinakita ni Elihu na nakinig siyang mabuti kay Job. Inulit pa nga niya ang ilan sa mahahalagang punto na sinabi nito. (Job 32:11; 33:8-11) At ilang beses niyang ginawa iyan habang pinapayuhan si Job.—Job 34:5, 6, 9; 35:1-4.
11. Paano pinayuhan ni Elihu si Job? (Job 33:1)
11 Nagpayo si Elihu sa paraang nagbibigay ng dignidad sa tapat na lalaking si Job. Halimbawa, ginamit ni Elihu ang pangalan ni Job; lumilitaw na hindi iyan ginawa ng tatlong lalaking nauna sa kaniya. (Basahin ang Job 33:1.) Malamang na naalala rin ni Elihu na noong nagtatalo si Job at ang mga kasamahan nito, gustong-gusto niyang magsalita. Dahil diyan, binigyan niya si Job ng pagkakataong magsalita habang pinapayuhan niya ito. (Job 32:4; 33:32) Binabalaan din niya si Job na mapanganib na ang ilan sa mga pangangatuwiran nito, at ipinaalala niya ang mga katangian ni Jehova gaya ng karunungan, kapangyarihan, katarungan, at tapat na pag-ibig. (Job 36:18, 21-26; 37:23, 24) Dahil sa magandang payo ni Elihu, siguradong naging handa si Job na tumanggap ng higit pang pagtuturo—ngayon naman, mula kay Jehova. (Job 38:1-3) Paano posibleng nakatulong ang halimbawa ni Elihu sa mga Israelita noon, at paano ito makakatulong sa atin ngayon?
12. Paano ginamit ni Jehova ang mga propeta para tulungan ang bayan niya, at paano posibleng nakinabang ang mga Israelita sa halimbawa ni Elihu?
12 Kung paano posibleng nakinabang ang mga Israelita. Maraming beses na gumamit si Jehova ng mga propeta para ipaalam ang kalooban niya sa mga Israelita. Halimbawa, noong panahon ng mga Hukom, ginamit ni Jehova ang propetisang si Debora para gabayan ang bayan Niya; parang naging isang ina si Debora sa Israel. (Huk. 4:4-7; 5:7) Ginamit din ni Jehova si Samuel mula noong bata pa ito para turuan ang mga Israelita. (1 Sam. 3:19, 20) At noong panahon naman ng mga hari, halos sunod-sunod ang mga propetang ipinadala ni Jehova para patibayin ang bayan niya at ituwid ang mga napapalayo sa dalisay na pagsamba. (2 Sam. 12:1-4; Gawa 3:24) Posibleng nakatulong ang halimbawa ni Elihu sa mga tapat na lalaki at babae para malaman kung ano ang dapat sabihin at gawin kapag nagpapayo.
13. Paano natin mapapatibay ang mga kapatid?
13 Kung paano tayo makikinabang. Gaya ng mga propeta noon, sinasabi natin sa iba ang tungkol kay Jehova. Natutularan din natin ang mga propeta kapag pinapatibay natin ang mga kapatid sa mga sinasabi natin. (1 Cor. 14:3) Makakatulong sa atin ang halimbawa ni Elihu kapag ginagawa natin ang mga iyan. Mahalaga para sa mga elder na laging “magsalita nang may pang-aaliw” sa mga kapatid, kahit na hindi kalmado ang mga ito o nagiging “padalos-dalos . . . sa pagsasalita.”—1 Tes. 5:14, tlb.; Job 6:3.
14-15. Ilarawan kung paano matutularan ng isang elder si Elihu kapag nagpapayo.
14 Isipin ang sitwasyong ito. Nalaman ng isang elder na nade-depress ang isang sister sa kongregasyon nila. Kaya nagpasama siya sa isang brother para dalawin ito at patibayin. Nang dumalaw na sila, sinabi ng sister na kahit dumadalo siya sa pulong at nakikibahagi sa pangangaral, hindi siya masaya. Ano ang gagawin ng elder?
15 Una, aalamin niya kung bakit ganoon ang nararamdaman ng sister. Para magawa iyan, kailangan niyang makinig nang mabuti. Naiisip ba ng sister na hindi siya karapat-dapat sa pag-ibig ni Jehova? Nanghihina ba siya dahil sa “mga álalahanín sa buhay”? (Luc. 21:34) Ikalawa, sisikapin ng elder na magbigay ng komendasyon. Halimbawa, puwedeng pasalamatan ng elder ang sister dahil dumadalo pa rin siya at nangangaral kahit nade-depress siya. At ikatlo, kapag naintindihan na ng elder ang sitwasyon at kung bakit nalulungkot ang sister, gagamitin ng elder ang Bibliya para makumbinsi siya na mahal siya ni Jehova.—Gal. 2:20.
PATULOY NA MAKINABANG SA AKLAT NG JOB
16. Paano tayo patuloy na makikinabang sa aklat ng Job?
16 Napakarami nating natutuhan sa aklat ng Job! Gaya ng nalaman natin sa naunang artikulo, itinuturo ng ulat na ito kung bakit pinahihintulutan ni Jehova ang pagdurusa at kung ano ang puwede nating gawin para makapagtiis. At natalakay naman natin ngayon na lahat tayo, puwedeng maging epektibo sa pagpapayo kung iiwasan natin ang mga ginawa ng tatlong kasamahan ni Job at kung tutularan natin ang magandang halimbawa ni Elihu. Kaya kung may kailangan kang payuhan sa susunod, puwede mong balikan ang mga aral sa aklat ng Job. At kung matagal na rin mula nang mabasa mo ang napakagandang aklat na ito, puwede mo bang gawing goal na basahin ito ulit? Siguradong marami ka pang makikitang magagandang aral mula sa aklat ng Job.
AWIT BLG. 125 “Maligaya ang mga Maawain”
a Lumilitaw na isang masamang espiritu ang kumumbinsi kay Elipaz na walang taong matuwid para kay Jehova, kaya imposible Siyang mapasaya ng mga tao. Pinaniwalaan ni Elipaz ang maling kaisipang ito, kaya ilang beses niya itong sinabi kay Job.—Job 4:17; 15:15, 16; 22:2.

