TALAMBUHAY
Naging Maligaya Ako sa Pagbibigay
EDAD 12 ako nang makita kong may mahalagang bagay pala akong maibibigay. Sa isang asamblea, tinanong ako ng isang brother kung gusto kong mangaral. “Opo,” ang sagot ko, kahit hindi ko pa iyon nasubukan. Nagpunta kami sa teritoryo, at binigyan niya ako ng ilang buklet tungkol sa Kaharian ng Diyos. “Dalawin natin ang mga tao sa kalsadang ito. Ikaw sa kabila,” ang sabi niya, “at ako naman dito.” Kabadong-kabado ako noon, pero hindi ko inaasahang maipapamahagi ko ang lahat ng buklet na dala ko. Talagang nagustuhan ng maraming indibiduwal ang naibigay ko sa kanila.
Ipinanganak ako noong 1923 sa Chatham, Kent, Inglatera, at lumaki ako sa mundong punô ng mga taong dismayado. Walang nagawa ang Malaking Digmaan para bumuti ang kalagayan sa daigdig. Dismayado rin ang mga magulang ko sa klerong Baptist na sariling kapakanan lang ang iniisip. Noong mga siyam na taóng gulang ako, nagsimulang pumunta ang nanay ko sa bulwagan ng International Bible Students Association, kung saan nagdaraos ng mga “klase,” o pagpupulong, ang mga Saksi ni Jehova. Isang sister doon ang nagtuturo sa aming mga bata ng mga aral mula sa Bibliya at sa aklat na The Harp of God. Gustong-gusto ko ang mga natututuhan ko.
NATUTO MULA SA MGA NAKATATANDANG BROTHER
Noong tin-edyer ako, gustong-gusto kong ibahagi sa mga tao ang pag-asa mula sa Salita ng Diyos. Kahit madalas akong magbahay-bahay nang mag-isa, natuto rin ako sa mga nakakasama ko sa pangangaral. Halimbawa, nang ako at isang nakatatandang brother ay nagbibisikleta papunta sa teritoryo, may nadaanan kaming klerigo at sinabi ko, “Ayun ang isang kambing.” Huminto ang brother at niyaya akong maupo muna sa isang tabi. Sinabi niya: “Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang humatol kung sino ang kambing? Maging masaya na lang tayo sa pagbabahagi ng mabuting balita at ipaubaya kay Jehova ang paghatol.” Marami akong natutuhan noon tungkol sa kaligayahan ng pagbibigay.—Mat. 25:31-33; Gawa 20:35.
Isa pang nakatatandang brother ang nagturo sa akin na para maging maligaya sa pagbibigay, minsan kailangan nating magbata at magtiyaga. Ayaw ng asawa niya sa mga Saksi ni Jehova. Isang araw, pagkatapos naming mangaral, niyaya niya ako sa bahay nila para magmeryenda. Galít na galít ang asawa niya sa kaniya dahil nangaral siya, kaya pinagbabato niya kami ng mga pakete ng tsaa. Pero sa halip na sawayin ng brother ang asawa niya, may-kabaitan niyang ibinalik ang mga tsaa sa lalagyan nito. Pagkaraan ng
ilang taon, dahil sa pagtitiyaga ng brother, nabautismuhan ang kaniyang asawa bilang Saksi ni Jehova.Sumidhi ang pagnanais kong ibahagi sa iba ang pag-asa sa hinaharap, at noong Marso 1940, nabautismuhan kami ng nanay ko sa Dover. Noong Setyembre 1939, nang 16 anyos ako, ang Britanya ay nagdeklara ng digmaan laban sa Alemanya. Noong Hunyo 1940, natanaw ko mula sa may pintuan namin ang libo-libong sundalong sakay ng mga lorry (trak). Sila ang mga nakaligtas sa Battle of Dunkirk. Kitang-kita ko sa mga mata nila ang kawalan ng pag-asa, at gustong-gusto kong sabihin sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Bago matapos ang taóng iyon, nagsimula na ang regular na pambobomba sa Britanya. Gabi-gabi, nakikita ko ang mga pangkat ng eroplanong pambomba ng mga Aleman. Parang sumisipol ang mga bomba, at maririnig mo ang pagbagsak ng mga ito, na lalo pang nakakatakot. Sa kinaumagahan, puro sirang bahay na lang ang nakikita namin. Lalong naging maliwanag sa akin na Kaharian lang talaga ang tanging pag-asa ko.
PASIMULA NG ISANG BUHAY NG PAGBIBIGAY
Noong 1941, sinimulan kong tahakin ang uri ng buhay na talagang nagpasaya sa akin. Nagtatrabaho ako noon sa Royal Dockyard sa Chatham bilang aprentis na gumagawa ng barko, isang trabahong pinapangarap ng marami at may magagandang benepisyo. Matagal nang alam ng mga lingkod ni Jehova na hindi dapat sumali sa digmaan ang mga Kristiyano. Pagsapit ng 1941, naunawaan namin na hindi kami dapat magtrabaho sa industriya ng mga armas. (Juan 18:36) Dahil ang dockyard ay pagawaan ng mga submarino, nagpasiya ako na panahon na para iwan ang trabaho ko at pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Ang una kong atas ay sa Cirencester, isang magandang bayan sa Cotswolds.
Nang mag-18 anyos ako, nabilanggo ako nang siyam na buwan dahil tumanggi akong maglingkod sa militar. Natakot ako nang pagbagsakan ako ng pinto sa una kong selda at maiwang mag-isa. Pero di-nagtagal, tinanong ako ng mga guwardiya at mga bilanggo kung bakit ako naroroon, at tuwang-tuwa kong ibinahagi sa kanila ang pananampalataya ko.
Nang makalaya ako, hinilingan akong sumama kay Leonard Smith * para mangaral sa iba’t ibang bayan sa lalawigan namin sa Kent. Pasimula noong 1944, mahigit sanlibong jet na walang piloto at may mga pampasabog ang bumagsak sa Kent. Sa himpapawid namin dumaraan ang mga eroplanong mula sa Europa, na sakop ng mga Nazi, patungong London. Doodlebug ang tawag sa lumilipad na mga bombang iyon. Kampanya iyon ng pananakot dahil kapag narinig mong huminto ang makina ng eroplano, na madalas naming maranasan, alam mong ilang segundo na lang, babagsak na at sasabog ang eroplano. Nagdaos kami ng pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilya na may limang miyembro. Kung minsan, umuupo kami sa ilalim ng mesang bakal na pinasadya para maging proteksiyon sakaling gumuho ang bahay. Nang maglaon, nabautismuhan ang buong pamilyang iyon.
PAGHAHATID NG MABUTING BALITA SA IBANG BANSA
Pagkatapos ng digmaan, nagpayunir ako nang dalawang taon sa timugang Ireland. Ibang-iba pala ang Ireland sa Inglatera. Nagtanong kami sa bahay-bahay ng matutuluyan, na sinasabing mga misyonero kami, at nag-alok kami ng mga magasin sa mga lansangan. Talagang “kakatwa” ang ginawa namin sa sarado Katolikong bansang iyon! Nang pagbantaan kami ng isang lalaki na sasaktan niya kami, nagreklamo kami sa isang pulis, pero sinabi nito, “Ano pa ba’ng inaasahan n’yo?” Hindi namin alam na napakalakas pala ng impluwensiya ng mga pari. Ipinapatanggal nila sa trabaho ang mga tumanggap ng mga aklat mula sa amin, at pinapaalis nila kami sa aming mga tinutuluyan.
Kapag lumilipat kami sa isang bagong lugar, nakita namin na mas mabuting mangaral malayo sa aming tuluyan, kung saan iba ang pari. Huli naming dinadalaw ang mga tao sa malapit. Sa Kilkenny, may inaaralan kaming isang binata, tatlong beses sa isang linggo, sa kabila ng banta ng mararahas na mang-uumog. Gustong-gusto kong magturo ng mga katotohanan sa Bibliya kaya nag-aplay ako sa Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay bilang misyonero.
Matapos ang limang-buwang pag-aaral sa New York, inatasan ang apat sa aming magkakaklase na maglingkod sa maliliit na isla ng Caribbean Sea. Nobyembre 1948 nang umalis kami sa New York City sakay ng isang 18-metrong bangkang may layag na tinatawag na Sibia. Noon lang ako maglalayag kaya talagang sabik na sabik ako. Kasama namin si Gust Maki, isang makaranasang kapitan ng barko. Tinuruan niya kami ng ilang bagay tungkol sa pagdaragat, gaya ng kung paano itataas at ibababa ang mga layag, kung paano maglalayag gamit ang kompas, at kung paano sasalungatin ang hangin. Napakahusay ni Gust kung kaya nakapaglayag kami sa loob ng 30 araw, na sinusuong ang mapanganib na mga bagyo hanggang sa makarating kami sa Bahamas.
“IPAHAYAG NINYO IYON SA MGA PULO”
Matapos mangaral nang ilang buwan sa maliliit na isla ng Bahamas, naglayag naman kami papunta sa Leeward Islands at Windward Islands, na nakapangalat nang mga 800 kilometro mula sa Virgin Islands na malapit sa Puerto Rico at umaabot hanggang sa Trinidad. Sa loob ng limang taon, pangunahin kaming nangaral sa mga liblib na isla kung saan walang mga Saksi. Kung minsan, ilang linggo kaming hindi makapagpadala o makatanggap ng mga sulat. Pero napakasaya namin dahil ipinahahayag namin ang salita ni Jehova sa mga pulo!—Jer. 31:10.
Kapag dumadaong kami sa isang baybayin, nagiging usap-usapan ito ng mga taganayon, at nagpupuntahan sa pantalan ang mga tao para tingnan kung sino kami. Ang ilan ay hindi pa nakakita ng bangkang may layag o ng taong puti. Ang mga tagaisla ay palakaibigan, relihiyoso, at maraming alam sa Bibliya. Madalas nila kaming bigyan ng sariwang isda, abokado, at mani. Kahit masikip ang bangka namin para sa pagtulog, pagluluto, at paglalaba, nakaraos naman kami.
Nagsasagwan kami patungong dalampasigan at maghapong bumibisita sa mga tagaroon. Sinasabi namin sa kanila na magkakaroon ng isang pahayag sa Bibliya. Sa gabi, patutunugin namin ang kampanilya ng bangka. Tuwang-tuwa kaming makita na
nagdaratingan ang mga tao. Parang mga bituin ang dala-dala nilang lampara habang bumababa sila sa dalisdis ng mga burol. Kung minsan, sandaang tao ang dumarating, at inaabot sila nang gabing-gabi sa pagtatanong. Mahilig silang kumanta, kaya gumawa kami ng mga kopya ng ilang awiting pang-Kaharian at ipinamigay sa kanila. Habang sinisikap naming apat na kantahin ang mga ito, sumasabay naman ang mga tao, at napakagandang pakinggan ang kanilang mga tinig. Napakasaya talaga ng mga panahong iyon!Pagkatapos naming magdaos ng pag-aaral sa Bibliya, sinasamahan kami ng ilan sa mga estudyante namin papunta sa susunod na pamilyang bibisitahin namin, at sumasali uli sila sa pag-aaral. Bagaman kailangan naming umalis matapos ang ilang-linggong pananatili sa isang lugar, madalas, pinakikisuyuan namin ang mga pinakainteresado na patuloy na turuan ang iba hanggang sa makabalik kami. Nakatutuwang makita na talagang sineryoso ng ilan ang kanilang atas.
Sa ngayon, marami sa mga islang iyon ang naging matataong tourist resort, pero noon, ang mga ito ay liblib na lugar lang na may mga lagoon, mabuhanging dalampasigan, at mga puno ng niyog. Kadalasan nang sa gabi kami naglalayag patungo sa kabilang isla. Kitang-kita namin ang mga dolphin na naglalaro sa tabi ng bangka namin, at ang maririnig mo lang ay ang sagitsit ng bangka namin sa tubig. Maaaninag sa kalmadong dagat ang liwanag ng buwan na tanaw hanggang sa malayo.
Matapos ang limang-taóng pangangaral sa mga isla, naglayag kami patungong Puerto Rico para ipagpalit ang Sibia sa isang bangkang de-motor. Pagdating namin, nakilala ko si Maxine Boyd, isang magandang misyonera, at nahulog ang loob ko sa kaniya. Masigasig siyang mángangarál ng mabuting balita mula pa sa pagkabata. Nang maglaon, naglingkod siya bilang misyonera sa Dominican Republic hanggang sa palayasin siya ng pamahalaang Katoliko sa bansang iyon noong 1950. Bilang tripulante, may permiso akong manatili sa Puerto Rico nang isang buwan lang. Di-magtatagal, maglalayag na ako papunta sa mga isla at mawawala nang ilang taon pa. Kaya sinabi ko sa sarili ko, ‘Ronald, kung talagang gusto mo ang dalagang ito, kailangan mong kumilos agad.’ Pagkalipas ng tatlong linggo, nag-propose ako sa kaniya, at pagkaraan ng anim na linggo, nagpakasal kami. Kami ni Maxine ay inatasan bilang misyonero sa Puerto Rico, kaya hindi na ako nakasakay pa sa bagong bangka.
Noong 1956, dumalaw kami sa mga kongregasyon sa gawaing pansirkito. Mahihirap lang ang mga kapatid, pero gustong-gusto namin silang dalawin. Halimbawa, sa nayon ng Potala Pastillo, dalawang pamilyang Saksi ang may maraming anak, at tinutugtugan ko sila ng plawta. Tinanong ko ang isa sa mga batang babae, si Hilda, kung gusto niyang sumama sa amin sa pangangaral. Sabi niya: “Gusto ko po, pero hindi puwede. Wala po kasi akong sapatos.” Binilhan namin siya, at sumama siya sa amin sa pangangaral. Pagkaraan ng maraming taon, nang bumisita kami ni Maxine sa Brooklyn Bethel noong 1972, isang sister na kagagradweyt lang sa Paaralang Gilead ang lumapit sa amin. Paalis na siya noon papunta sa kaniyang atas sa Ecuador, at sinabi niya: “Naaalala n’yo pa po ba ako? Ako po y’ong batang babae sa Pastillo na walang sapatos.” Si Hilda pala iyon! Napaiyak kami sa sobrang tuwa!
Noong 1960, inatasan kaming maglingkod sa sangay ng Puerto Rico, na nasa isang maliit na bahay na may dalawang palapag, sa Santurce, San Juan. Noong una, ako at si Lennart Johnson ang gumagawa ng halos lahat ng gawain. Siya at ang asawa niya ang unang mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic, at dumating sila sa Puerto Rico noong 1957. Nang maglaon, si Maxine ang nag-asikaso sa suskripsiyon ng mga magasin—mahigit sanlibo sa isang linggo. Gustong-gusto niya ang gawaing ito dahil naiisip niya ang lahat ng taong nakatatanggap ng espirituwal na pagkain.
Masayang-masaya ako sa paglilingkod sa Bethel dahil ito ay isang buhay ng pagbibigay. Pero may mga hamon din. Halimbawa, nadama ko ang bigat ng pananagutan sa unang internasyonal na asamblea sa Puerto Rico noong 1967. Si Nathan Knorr, na nangunguna noon sa mga Saksi ni Jehova, ay dumating sa Puerto Rico. Inakala niya na hindi ko naisaayos ang transportasyon ng mga dumadalaw na misyonero. Di-nagtagal, mariin niya akong pinayuhan tungkol sa pagiging organisado at sinabing nadismaya siya sa akin. Ayaw kong makipagtalo sa kaniya, pero pakiramdam ko, hinusgahan niya ako at nagdamdam ako. Pero nang makita uli namin ni Maxine si Brother Knorr, niyaya niya kami sa kuwarto niya at ipinagluto.
Mula sa Puerto Rico, madalas kaming dumadalaw sa pamilya ko sa Inglatera. Hindi tinanggap ni Tatay ang katotohanan nang tanggapin namin iyon ni Nanay. Pero kapag may dumadalaw na mga tagapagsalita mula sa Bethel, madalas silang patuluyin ni Nanay sa aming tahanan. Nakita ni Tatay na mapagpakumbaba ang mga tagapangasiwang ito at ibang-iba sila sa mga klerigong kinaiinisan niya noon. Sa wakas, noong 1962, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova.
Namatay ang aking minamahal na asawang si Maxine noong 2011. Talagang inaasam kong makita siya sa pagkabuhay-muli. Napakasarap isipin! Sa loob ng 58-taóng pagsasama namin ni Maxine, nakita namin ang paglago ng bayan ni Jehova sa Puerto Rico mula sa mga 650 Saksi tungo sa 26,000! Pagkatapos, noong 2013, ang sangay sa Puerto Rico ay isinama sa sangay sa United States, at inatasan akong maglingkod sa Wallkill, New York. Makalipas ang 60 taon sa isla, pakiramdam ko, isa na akong katutubong taga-Puerto Rico kagaya ng coquí, ang kilaláng maliit na palaka doon na kumakanta sa takipsilim ng ko-kee, ko-kee. Pero iba na ang sitwasyon ngayon.
“INIIBIG NG DIYOS ANG MASAYANG NAGBIBIGAY”
Narito pa rin ako sa Bethel at masayang naglilingkod sa Diyos. Mahigit 90 anyos na ako ngayon, at ang atas ko bilang espirituwal na pastol ay patibayin ang mga miyembro ng pamilyang Bethel. Sinabi sa akin na mahigit 600 na ang nakausap ko mula nang dumating ako sa Wallkill. Pinupuntahan ako ng ilan para ipakipag-usap ang kanilang personal na mga problema o problema ng kanilang pamilya. Ang iba naman ay humihingi ng payo para magtagumpay sa kanilang paglilingkod sa Bethel. At ang mga bagong kasal ay humihingi ng payo tungkol sa pag-aasawa. May mga naatasang bumalik sa larangan. Pinakikinggan ko ang lahat ng sinasabi nila, at kung angkop, madalas kong sabihin sa kanila: “‘Iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.’ Kaya maging masaya kayo sa inyong gawain. Para iyan kay Jehova.”—2 Cor. 9:7.
Nasa Bethel ka man o nasa ibang lugar, pareho lang ang sekreto ng pagiging masaya: Kailangan mong tandaan kung bakit mahalaga ang ginagawa mo. Ang lahat ng ginagawa namin sa Bethel ay sagradong paglilingkod. Nakatutulong ito sa “tapat at maingat na alipin” para makapaglaan ng espirituwal na pagkain sa pambuong-daigdig na kapatiran. (Mat. 24:45) Saanman tayo naglilingkod kay Jehova, may mga pagkakataon tayo para purihin siya. Masiyahan tayong gawin ang ipinagagawa niya sa atin, dahil “iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”
^ par. 13 Ang talambuhay ni Leonard Smith ay mababasa sa Ang Bantayan ng Abril 15, 2012.