Maghanap ng Bagay na Higit Pa sa Ginto
Nakasumpong ka na ba ng ginto? Iilan lang ang nakagawa nito. Pero milyon-milyon ang nakatuklas ng bagay na higit pa sa ginto. Ano iyon? Ito ay ang karunungang mula sa Diyos, na hindi mabibili kahit ng “dalisay na ginto.”—Job 28:12, 15.
ANG mga taimtim na nag-aaral ng Bibliya ay katulad ng mga naghahanap ng ginto. Kailangan nilang magsikap at patuloy na magsaliksik sa Kasulatan para makasumpong ng napakahalagang karunungan. Ihambing natin ito sa tatlong paraan kung paano nasusumpungan ang ginto.
NAKAKITA KA NG ISANG BUTIL!
Isiping naglalakad ka sa tabing-ilog at nakakita ka ng parang maliit na bato na kumikinang sa sinag ng araw. Nang yumuko ka para tingnan ito, isa pala itong butil ng ginto. Ang mga butil ng ginto ay mas maliit kaysa sa ulo ng palito ng posporo at mas bihira kaysa sa brilyante. Kaya naman, naghanap-hanap ka pa kung may iba pang butil ng ginto.
Parang ganito rin ang naramdaman mo noong araw na kumatok sa pintuan ninyo ang isang lingkod ni Jehova para magbahagi ng mensahe ng pag-asa na nasa Bibliya. Siguro tandang-tanda mo pa ang sandaling iyon nang makita mo ang iyong unang butil ng espirituwal na ginto. Baka ito ay noong una mong makita sa Bibliya ang pangalan ng Diyos na Jehova. (Awit 83:18) O marahil nang matutuhan mo na puwede kang maging kaibigan ni Jehova. (Sant. 2:23) Alam mo agad na nakakita ka ng bagay na higit pa sa ginto! At sabik na sabik kang makakita ng higit pang espirituwal na butil.
NAKAKITA KA PA NG MAS MARAMI!
Minsan, ang maliliit na butil o piraso ng ginto ay naiipon sa mga batis at ilog. Sa pana-panahon, ang mga matiyagang naghahanap ng ginto roon ay maaaring makakita ng ilang kilo nito, na nagkakahalaga ng sampu-sampung libong dolyar.
Nang magsimula kang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, siguro pakiramdam mo, para kang naghahanap ng ginto habang sinasala ito. Malamang na ang pagbubulay-bulay mo sa mga talata ng Bibliya ay nakaragdag sa pondo mo ng kaalaman, na nagpayaman sa iyo sa espirituwal. Dahil sa mahahalagang katotohanang napulot mo, natutuhan mo kung paano ka mapapalapít kay Jehova at mananatili sa kaniyang pag-ibig, na umaasang makamit ang buhay na walang hanggan.—Sant. 4:8; Jud. 20, 21.
Tulad ng mga matiyagang naghahanap ng ginto, marahil ay masikap ka ring naghahanap ng mahahalagang espirituwal na kayamanan. Matapos Mat. 28:19, 20.
mong matutuhan ang pangunahing mga katotohanan sa Bibliya, malamang na naudyukan kang gawin ang mga hakbang tungo sa pag-aalay at bautismo.—PATULOY NA MAGHANAP!
Maaaring makita ang maliliit na piraso ng ginto sa mga batong igneous. Ang ilan sa mga batong ito ay naglalaman ng marami-raming ginto kung kaya minimina ang inambato at dinudurog para makuha ang ginto mula roon. Sa unang tingin, baka hindi mo mahalata ang ginto sa inambato. Bakit? Dahil ang mataas na uri ng inambato ay maaaring naglalaman lang ng mga 10 gramo ng ginto sa bawat tonelada ng bato! Pero para sa naghahanap ng ginto, sulit ang pagsisikap na minahin ito.
Mahalaga rin ang pagsisikap ng isa matapos niyang matutuhan ang “pang-unang doktrina tungkol sa Kristo.” (Heb. 6:1, 2) Kailangan mong magsikap para makakuha ng mga bagong punto at praktikal na aral mula sa iyong pag-aaral sa Bibliya. Kaya paano mo mapananatiling produktibo ang iyong personal na pag-aaral, kahit maraming taon mo nang pinag-aaralan ang Bibliya?
Panatilihin ang pananabik mong matuto. Bigyang-pansin ang mga detalye. Patuloy na magsikap, at makakakita ka ng mahahalagang butil ng karunungan at patnubay mula sa Kasulatan. (Roma 11:33) Para lumago ang iyong kaalaman, gamiting mabuti ang mga pantulong sa pagsasaliksik na available sa iyong wika. Matiyagang hanapin ang patnubay na kailangan mo at ang sagot sa mga tanong mo sa Bibliya. Tanungin ang iba kung anong mga teksto at artikulo ang nakatulong at nagpatibay sa kanila. Ibahagi ang magagandang puntong nadiskubre mo sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.
Siyempre pa, ang tunguhin mo ay hindi lang basta dumami ang nalalaman mo. Nagbabala si apostol Pablo: “Ang kaalaman ay nakapagpapalalo.” (1 Cor. 8:1) Kaya sikaping manatiling mapagpakumbaba at matibay sa pananampalataya. Tutulong ang regular na pampamilyang pagsamba at personal na pag-aaral ng Bibliya para makapamuhay ka ayon sa mga pamantayan ni Jehova at maudyukan kang tulungan ang iba. Higit sa lahat, magiging maligaya ka dahil nakahanap ka ng bagay na higit pa sa ginto.—Kaw. 3:13, 14.